Mula sa mga Panga—Ang Dakilang Impostor
Mula sa mga Panga—Ang Dakilang Impostor
AKALA ni Larry siya’y nasisiraan ng bait. Sa loob ng pitong buwan siya’y nakaririnig ng malakas na ugong at higing. Nagpunta siya sa isang internist at gayundin sa isang espesyalista sa tainga. Hindi nila matuklasan ang sanhi ng kaniyang problema.
Si Robert ay gumugol ng mahigit na $3,000 (U.S.) sa paghahangad niyang gamutin ang kaniyang matinding pananakit ng ulo. “Nagpunta ako sa mga espesyalista, sa mga ospital sa lahat ng dako . . . napasailalim ako ng lahat ng pagsubok,” aniya. Inireseta ng mga doktor ang mga gamot upang pawiin ang kirot at pakalmahin ang mga kalamnan, subalit ang pananakit ng ulo ay nagpatuloy.
Sa loob ng mga ilang taon si Pauline ay pinahihirapan ng paulit-ulit na sakit ng ngipin. Wala namang masumpungang diperensiya sa kaniyang ngipin ang kaniyang dentista at sinabihan siyang patingin sa isang doktor. Pinabalik siya ng doktor sa dentista, na binunot ang isang ngipin. Hawak-hawak ng plais ang ngipin sa liwanag, sabi ng dentista: “Ito ay matibay na ngipin.” Nang mawala na ang bisa ng anestisya, bumalik na naman ang kirot.
Bagaman ang kanilang mga sintomas ay nagkakaiba, ang tatlong taong ito ay may iisang karamdaman. Isa ito na apektado ang mahigit na sampung milyong tao sa Estados Unidos lamang. Sapagkat nagagaya nito ang maraming iba’t ibang karamdaman, ito’y binansagang “ang Dakilang Impostor.” Hindi nalalaman ng marami sa biktima nito na mayroon sila nito. Karamihan sa kanila ay hindi kailanman nabalitaan ang tungkol dito.
Ang sakit ay tinatawag na TMJ (temporomandibular joint) syndrome. a Karagdagan pa sa mga problemang nabanggit sa itaas, ang TMJ syndrome ay maaari ring pagmulan ng masakit na mga kalamnan sa panga, kirot sa mukha, sumasakit na leeg at mga balikat, sakit sa mata, sakit sa sinus, pagkahilo, at pagkabingi pa nga. Dahil sa iba’t ibang sintomas na ito, ang mga karamdamang TMJ ay kadalasang maling naririkonosi o hindi pa nga naririkonosi. Bunga nito, maraming tao ang nagpapalipat-lipat sa mga doktor, mga espesyalista, hindi makasumpong ng lunas sa kanilang sakit. Sa kabiguan, ang iba ay bumabaling sa mga saykayatris, samantalang ang iba ay umiinom ng drogang pumapawi ng kirot. Subalit mas makabubuting makipagkita sa isang dentistang may kabatiran tungkol dito. Maaari siyang magdulot ng ginhawa—ginhawa na kadalasa’y walang sakit at permanente.
Ang Impostor ay Nahayag
Isaalang-alang ang kalikasan ng kalagayan. Ang temporomandibular joints (bawat isa sa atin ay may dalawa nito) ay naghuhugpong sa ibabang panga, o mandible, sa bungo. Ang mga hugpong na ito ay nagpapangyari sa atin ng ikilos ang ating panga nang pataas at pababa, palabas at papasok, at pagilid pa nga. Ang mga ito’y nagtatrabaho kapag tayo’y nagsasalita, ngumunguya, humihikab, lumulunok, o ngumingiti. Ang temporomandibular joints ay gumagawang kasama ng isang masalimuot at magkakaugnay na sistema ng mga litid, buto, kalamnan, nerbiyos, at mga daluyan ng dugo. Sa karamihan ng mga tao ang lahat ng ito ay sama-samang nagtatrabaho nang magkakasuwato at walang problema.
Gayunman, kung ang panga ay mawala sa pagkakatimbang, ang resulta ay napakasakit na kirot.
Ang kalagayan ay maihahalintulad sa pagpilit sa isang 180 centimetrong lalaki na tumayo sa isang silid na 175 centimetro lamang ang taas. Maaari siyang manatiling nakasalagmak nang sandali nang hindi nahihirapan, subalit sa paglipas ng panahon ang kirot ay unti-unting tumitindi. Sa gayunding paraan, kapag hindi mapanatili ng panga ang wastong posisyon nito, dapat itong patuloy na alalayan ng mga kalamnan. Ang resulta ay katulad ng nararanasan ng isang matangkad na tao sa ilalim ng mababang kisame—kirot.Binabanggit ng American Equilibration Society na kapag ang mga temporomandibular joint ay hindi magkahanay, maaari itong gumawa ng “pinakamatinding uri ng pisikal na kaigtingan sapagkat ang katawan ay hindi makasumpong ng ginhawa.” Di-tulad ng nasaktang bisig, na maaaring ipahinga, ang mga kasukasuan sa panga at ang nauugnay na mga kalamnan ay aktibo sa lahat ng panahon, araw at gabi.
Nagkokomento tungkol sa kahihinatnan ng gayong patuloy na kaigtingan sa partikular na mga hugpong at kalamnan na ito, ang dentista sa New York na si Harold Gelb, isang awtoridad sa mga suliranin sa TMJ, ay sumulat: “Pinangyayari ng kaigtingan ang dati nang maigting na mga kalamnan sa ulo, leeg, at mga balikat na mamulikat. Ang sirkulasyon [ng dugo] sa mga kalamnang ito ay matatakdaan dahil sa kanilang kaigtingan, at kung saan pinakamahina ang sirkulasyon, ang metabolikong mga dumi ay matitipon at magkakaroon ng mga trigger point sa loob ng himaymay. Maaaring ituro ng mga trigger point ang kirot saanman sa katawan; ang kirot sa balikat ay maaaring pagmulan ng matinding sakit sa tabi ng ulo, ginagaya ang mga migraine. . . . Sapagkat ang karamihan ng kaigtingan na dala ng di-timbang na panga ay nakasentro sa palibot ng himaymay ng ulo, leeg, at mga balikat, karamihan ng mga sintomas ay nagaganap sa dakong iyon.”
Ano ang Sanhi ng Sakit na TMJ?
Subalit papaano ba nawawala sa pagkakatimbang ang mga kasukasuang ito? Kung minsan ito ay bunga ng hampas sa ulo, leeg, at panga. Maaari ring ito’y dahilan sa hindi wastong pagnguya o paglunok. Gayunman, ang pinakakaraniwang dahilan ay malocclusion, isang kalagayan kung saan ang itaas at ibabang ngipin ay hindi nagtatama nang wasto ang kagat.
Kadalasan ang hindi pagkakatimbang ng temporomandibular joint ay pinalalala pa ng nakapipinsalang kaugalian sa bibig, gaya ng pagngangalit ng ngipin, pagkagat ng kuwako, pagkagat ng mga lapis o pluma. O ang hindi pagkakatimbang ay maaari pang palalain ng hindi mahusay na pagtayo, gaya baga kapag ikaw ay nakatalungko sa desk o laging nakapangalumbaba.
Ipinaliliwanag ng American Dental Association na kapag ang mga kalamnan at kasukauan sa panga ay hindi magkasamang nagtatrabaho nang wasto, ang resulta ay karaniwang pamumulikat ng kalamnan. Ang pulikat sa kalamnan ay nagdadala ng kirot, sakit, at pinsala sa himaymay. Hindi magtatagal ang mga kasukasuan at kalamnan mismo ay mapipinsala, at ang kanilang kakayahang gumawa nang wasto ay nahahadlangan pa. Ito’y humahantong sa higit pang pulikat, higit na kirot, at higit na pinsala.
Kung Ano ang Magagawa Mo
Paano ba mapahihinto ang TMJ? Kung minsan ang paglalagay ng mainit-init na tubig sa mukha ay nakagiginhawa. Ang ilang gamot ay maaari ring makatulong sa ilang kaso, subalit mabuti lamang ito sa panandaliang terapi. Ang pagkasumpong ng permanenteng lunas ay karaniwang nagsasangkot ng pagtutuwid sa masasamang ugali na nagpapaigting sa temporomandibular joints at sa kasama nitong mga litid, kalamnan, nerbiyos, at iba pa. Maaari rin nitong isangkot ang muling pagpupuwesto sa panga.
Isang partikular na nakapipinsalang ugali ay ang pagtitiim o pagngangalit ng ngipin. Natural lang, ang ngipin ng isang tao ay dapat na bahagyang nakahiwalay maliban na lamang kapag ngumunguya o lumulunok. Gayunman, halos 40 porsiyento ng mga pinahihirapan ng TMJ ay ugaling nagtitiim ng kanilang ngipin kung kailan ang mga ito’y dapat na magkahiwalay, lalo na sa gabi samantalang natutulog. Karaniwan, ang ugaling ito
na pagtitiim ng ngipin ay isang reaksiyon sa emosyonal na kaigtingan o sa mga ngiping hindi lapat ang kagat.Kaya, ano ang maaaring gawin tungkol sa pagngangalit ng ngipin? Naihinto ng ilan ang ugaling ito sa pamamagitan ng pagbabawas o pag-aalis sa emosyonal na kaigtingan na nagpapangyari nito. Ang iba ay natulungan ng mga dentista sa pamamagitan ng paglalagay sa ngipin ng bite plate (occlusal splint), na lumalaban sa nakapipinsalang epekto ng pagngangalit ng ngipin. Karaniwang ginagamit sa gabi, ang plastik na aparatong ito ay humahadlang sa ngipin na hindi wastong maglapat. Kadalasan, ang pagsusuot ng aparatong ito ay nagdudulot ng kagyat na ginhawa.
May iba pang bagay na magagawa mo upang bawasan ang kaigtingan sa mga panga. Iwasang mangalumbaba. Huwag tumalungko sa iyong desk, at huwag isabit ang telepono sa iyong balikat sa pamamagitan ng iyong baba. Gumawa ng mga kilos ng panga na relaks at kontrolado. At huwag ngatngatin ang mga pluma o lapis.
Kung Ano ang Magagawa ng Iyong Dentista
Kung ikaw ay pinahihirapan na ng kirot dahil sa TMJ, malamang na kakailanganin mo ang paggagamot ng isang dentista. Yamang ang posisyon ng ngipin kapag ang bibig ay nakatikom ay tumitiyak sa posisyon ng panga, maaaring ipasiya ng dentista na baguhin ang paraan ng paglalapat ng ngipin. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapasta sa ilang ngipin at marahil sa pagbuo sa iba—isang proseso na tinatawag na equilibration. Pinangyayari nito ang panga na mag-anyo sa wasto at komportableng posisyon. Ang equilibration ay nangangailangan ng panahon at kasanayan sa bahagi ng dentista, subalit ito ay karaniwang walang sakit sa pasyente.
Ang resulta ay karaniwang kamangha-mangha. Si Robert, na binanggit sa simula, ay naayos ang kagat ng kaniyang ngipin sa ganitong paraan. “Walang anu-ano para bang nagkaroon ako ng bagong ngipin sa bibig ko,” sabi niya. “At higit sa lahat, wala na ang mga sakit ng ulo.” Mayroon pang bumulalas: “Para bang ako’y may bagong bibig!”
Gayunman, sa kabila ng tagumpay sa paggamot sa mga may TMJ syndrome, hindi pa rin ito lubusang maunawaan. Ano, halimbawa, ang talagang dahilan ng mga sintomas? At bakit ang ilan na may grabeng hindi pagkakatimbang ng panga ay hindi man lamang nahihirapan samantalang ang iba naman na may bahagya lamang di-pagkakatimbang ay nakadarama ng matinding kirot? Isang salik ba ang personalidad? Isa pa, paano eksaktong naililipat ang kirot mula sa isang bahagi ng katawan tungo sa ibang bahagi ng katawan?
Ang mga sagot sa mga tanong na ito at sa iba pa ay sinasaliksik at pinagtatalunan pa ng mga doktor sa dentistri. Gayunman, may Isa na lubusang nakauunawa sa lahat ng gawain at kasalimuotan ng katawan ng tao. Ang Isang ito ay nangakong wawakasan ang lahat ng di-kasakdalan na nagdadala ng sakit at paghihirap sa sangkatauhan.—Apocalipsis 21:4.
Samantala, kung pinaghihinalaan mong ikaw ay may TMJ syndrome, bakit hindi makipagkita sa isang dentista na nakababatid tungkol sa dakilang impostor? Baka makatulong siya sa iyo.
[Talababa]
a Ito rin ay tinatawag na “TMJ dysfunction.”
[Kahon sa pahina 22]
Hindi ba Lapat ang Iyong Panga?
Kung ang sagot mo sa sumusunod na tanong ay oo, baka nga hindi lapat ang iyong panga.
1. Ilagay ang iyong mga daliri sa gilid ng iyong mukha sa harapan ng bawat tainga, kung saan mararamdaman mo ang iyong temporomandibular joints. Ngayon buksan mo at isara ang iyong bibig nang ilang ulit. Napapansin mo ba ang pagtunog, o paglagutok sa mga kasukasuan?
2. Pagkatapos marahang ilagay ang dulo ng mga daliri sa bawat tainga, idiin ito patungo sa harap ng tainga. Minsan pa, buksan at isara ang iyong bibig. Dapat mong madama ang buto ng iyong panga na tumutulak sa iyong mga daliri. Mas malakas ba ang tulak sa isang panig kaysa isa? Masakit ba kung ginagawa mo ito?
3. Ikaw ba’y nahihirapang ibuka ang iyong bibig kung minsan, o nakadarama ka ba ng sakit kapag ibinubuka mo nang maluwang ang iyong bibig?
4. May nararamdaman ka bang sakit sa iyong panga o mukha o sa palibot ng tainga?
5. Nakadarama ka ba ng kirot kapag ikaw ay ngumunguya o humihikab?
6. Nagtitiim o nagngangalit ka ba ng iyong ngipin kapag ika’y natutulog? (Malalaman mong ginagawa mo ito kapag ikaw ay nakaramdam ng masakit o pagod na mga panga paggising mo.)
7. Ang iyo bang mga panga ay nadidikit anupa’t hindi mo maibuka o maisara ang iyong bibig?