Bakit Dapat Magbago?
Bakit Dapat Magbago?
IILAN sa atin ang aamin na tayo’y may pangunahing kahinaan. Anong pagkatotoo nga ng mga salita mula sa makatang taga-Scotland na si Robert Burns: “Oh kung may Kapangyarihan sanang magkaloob sa atin ng kakayahang makita ang ating mga sarili gaya ng pagkakita sa atin ng iba”! Oo, madali nating makita ang mga kamalian ng iba at baka madali rin tayong magpayo upang ipakita sa kanila kung paano susulong. Subalit anumang mungkahi na kailangan natin mismo upang baguhin ang ating gawi ay maaaring makasugat ng ating damdamin. Makasakit kaya ito sa iyong damdamin?
Huminto tayo sandali at gunigunihin ang isang sakdal na daigdig kung saan ang lahat ay malinis, malusog, maligaya, at tapat; kung saan kahit na yaong nasa kapangyarihan ay mabait at makonsiderasyon, interesado sa paggawa ng mabuti para sa iba; kung saan walang kasakiman, at walang nagsasamantala sa kaniyang kapuwa; kung saan ang mga bata ay masunurin sa magiliw, nagmamalasakit na mga magulang; kung saan walang mga bugso ng damdamin—walang karahasan, walang krimen, walang imoralidad; kung saan ang mga tao’y nagtitiwala at kaibig-ibig; kung saan ang buhay ay maaaring tamasahin na may diwa ng katiwasayan at kabutihan.
Nakikita mo ba ang iyong sarili na nababagay sa isang daigdig na gaya niyan, kung ang gayong ulirang daigdig ay maaaring umiral? Bueno, ang mabuting balita mula sa Bibliya ay na ang gayong daigdig ay malapit nang dumating sa lupang ito. Kaya ang mahalagang tanong ngayon ay: Mayroon ka bang mga pag-uugali na hahadlang sa iyo sa gayong huwarang pamayanan? Sa iyong palagay, gaano kahirap ang sikaping maging kuwalipikado para sa buhay sa gayong paraiso?—Isaias 65:17-25; 2 Pedro 3:13.
Kahit na ngayon, bago pa dumating ang bagong sanlibutang iyon, maaari mo bang pasulungin ang iyong buhay kung babaguhin mo ang iyong gawi at saloobin? Kung gayon, bakit hindi ka magbago? Posibleng gawin iyon. Tandaan, espisipikong mga impluwensiya ang humubog at umugit sa iyong gawi, kaya sa pagkakaroon ng higit na pangangasiwa at interes, posibleng hubugin mong muli ang iyong gawi ngayon.
Gayunman, maaari ka pa ring tumutol: ‘Subalit talaga bang maaari akong magbago? Sinikap ko na noon, maraming beses, at ako’y nabigo. Talagang gayon ako, at wala na akong magagawa rito! ’
Isaalang-alang si Pablo, isang apostol ni Jesu-Kristo. (Roma 7:18-21) Si Pablo ay nagbago mula sa pagiging isang marahas, matuwid-sa-sariling tagasalansang ng mga Kristiyano at naging isang Kristiyano mismo. Siya’y nagbago sapagkat nais niyang magbago. Hindi siya sumuko dahil sa mga hadlang o genetikong mga impluwensiya. Hindi siya naniniwala na ang kaniyang dating pagkatao ay hindi maaaring baguhin. Nangailangan ng malaking pagsisikap sa kaniyang bahagi. Subalit siya ay tumanggap ng maraming tulong.—Galacia 1:13-16.
Saan galing ang tulong na ito?