Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pagtanggap ng Pagpuna Kanina lamang ay tumanggap ako ng pagpuna sa isang proyekto na ginagawa ko sa loob ng ilang linggo. Bagaman ang pagpuna ay kapaki-pakinabang, ang aking superbisor ay mabagsik. Balisang-balisa ako. Pag-uwi ko ng bahay, binasa ko ang artikulong “Naiinis Ka bang Tumanggap ng Pagpuna?” (Pebrero 8, 1991) Hindi na kailangan pang sabihin, binago nito ang aking pangmalas.

D. B., Estados Unidos

Ang artikulo ay totoong nakatutulong. Palibhasa ako’y napuna kamakailan lamang, ako’y nanlumo at nadaig ng kawalan ng pag-asa. Gayunman, sa paulit-ulit na pagbabasa ng artikulo, natulungan akong mapagtagumpayan ko ang aking problema.

N. O., Hapón

Pag-inom at Pagmamaneho Lubha akong naantig ng mga artikulo tungkol sa “Pag-inom at Pagmamaneho​—Isang Nakamamatay na Kombinasyon.” (Pebrero 8, 1991) Ang aking siyam-na-buwang-gulang na kapatid na babae ay nasawi sa isang aksidente ng kotse mga 31 taon na ang nakalipas. Nagdadalamhati pa rin ako sa kaniya. Isang lasing na tsuper ang bumangga sa aming kotse. Nakikita ko pa rin ang aking inang punô ng dugo at ang aking munting kapatid na babae na patay na bumagsak sa kaniyang upuan. Ako’y naliligayahang magkaroon ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli, subalit taimtim kong inaasahan na ang artikulo ay magpapangyari sa ilan na muling isaalang-alang kung sila ba ay dapat uminom at magmaneho.

K. N., Estados Unidos

Ako po’y 16-anyos. Ang artikulong “Hinaharap ng mga Biktima ang mga Maysala” ay naglalaman ng makabagbag-damdaming mga karanasan at nagpaluha sa akin. Natitiyak kong ang artikulong ito ay tutulong sa maraming kabataang gaya ko na isaisip ang iba at huwag maging walang ingat sa paggamit ng alkohol.

R. H., Alemanya

Pangangalaga sa mga May Edad Ang artikulo tungkol sa “Pangangalaga sa mga May Edad​—Isang Lumalagong Problema” (Marso 22, 1991) ay nagbigay sa akin ng malaking pampatibay-loob. Ang aking 86-anyos na ama ay pinahihirapan ngayon ng Alzheimer’s disease, at nais kong alagaan siya sa bahay sa halip na ilagay siya sa isang ospital. Habang lumalala ang kaniyang kalagayan, ang mga problema at hirap ng isipan sa pangangalaga sa kaniya ay sumidhi. Narating ko ang punto ng ganap na kawalang pag-asa! Ngunit pagkatapos ay nabasa ko ang inyong mga artikulo. Lubhang naaliw, ako’y napaluha. Maraming-marami pang mga problema at mahihirap na panahon sa unahan, subalit ang aking pasiya na alagaan ang aking tatay hanggang sa wakas ay tumanggap ng malaking pampasigla.

T. H., Hapón

Lungsod ng Mexico Nasumpungan kong ang artikulong “Lungsod ng Mexico​—Isang Lumalaking Dambuhala?” (Enero 8, 1991) ay mali. Sinasabi ninyong ang pagkakaroon ng isang malaking pamilya ay isang kultural na pamana. Gayunman, ang palatandaang ito ay nangyayari lamang sa ilang bahagi ng bansa​—hindi sa Lungsod ng Mexico.

S. C., Mexico

Ikinalulungkot namin kung ang artikulo ay nagpangyari ng ilang di pagkakaunawaan. Gayunman, ang pangungusap ay ginawa bilang pagtukoy sa Mexico sa kabuuan, hindi lamang sa Lungsod ng Mexico.​—ED.

Mga Nightclub Bilang isang instruktor sa musika at sayaw, ako’y nabagabag ng inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masasabi Tungkol sa mga Nightclub?” (Pebrero 8, 1991) Wala namang masama sa musika at sayaw. Subalit binanggit ng inyong artikulo na ang musika at sayaw ay ginagamit upang akitin ang mga tao sa maling paggawi. Hindi ako sang-ayon. Isasara lamang ng inyong artikulo ang isip ng mga tao sa sining.

B. M., Estados Unidos

Hindi namin hinahatulan ang lahat ng anyo ng musika o sayaw. Gayumpaman, ang masamang musika at mahalay na pagsasayaw ay gumanap ng bahagi sa pagligaw sa bayan ng Diyos noong panahon ng Bibliya. (Ihambing ang Exodo 32:6, 17-19.) Angkop kung gayon na babalaan ang mga kabataan tungkol sa ilang kalabisan na ginagawa sa ngayon.​—ED.