Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Dumarami ang Namamatay sa AIDS sa Daigdig
Noong unang tatlong buwan ng taóng ito, ang pambuong daigdig na bilang ng mga kaso ng nakamamatay na sakit na AIDS ay 345,533 sa 162 mga bansa, ulat ng WHO (World Health Organization). Ito’y kumakatawan ng 9.8 porsiyentong pagsulong kung ihahambing sa nakaraang tatlong buwan. Yamang karaniwan sa mga bansa na iulat ang mas mababang bilang ng mga kaso ng AIDS, naniniwala ang WHO na ang tunay na kabuuang bilang ng mga kaso sa unang tatlong buwan ng taóng ito ay halos 1.3 milyon.
Relihiyon sa Amerika
Nasumpungan ng isang surbey tungkol sa relihiyosong kaugnayan sa Estados Unidos na 86.5 porsiyento ng populasyon, o 214 milyon katao, ang nag-aangking mga Kristiyano. Kataka-taka para sa isang moderno, mayamang bansa, di-karaniwang 90 porsiyento ang nagsasabi na sila ay relihiyoso. “Kung ang surbey na iyon ay isinagawa sa Kanlurang Europa, ang tirahan ng mga ninuno ng maraming Amerikano, ito ay mga sangkatlo o mas mababa pa,” sabi ni Dr. Martin Marty, isang iskolar sa relihiyon sa University of Chicago. Ang mga tagasunod sa pananampalatayang Romano Katoliko ang nangunguna na may 26 na porsiyento ng mga Amerikano, sinusundan ng mga Baptist, Methodista, at mga Lutherano, ayon sa pagkakasunud-sunod. Ang pinakamarami sa di-Kristiyanong pananampalataya ay ang mga Judio, binubuo ng 1.8 porsiyento ng populasyon; ang mga Muslim naman ay bumubuo ng kalahati ng 1 porsiyento.
“Mas Marahas na Italya”
Ang impormasyon tungkol sa krimen sa Italya ay natipon na para sa 1990, at sang-ayon sa pahayagang Italyano na Corriere della Sera, ito’y “napakalinaw. At ito’y nagbibigay ng dahilan upang mangamba.” Ang krimen ay tumaas ng 21.8 porsiyento kaysa nakaraang taon. Noong 1990, batay sa mga bilang na ibinigay ng institusyon ng mga estadistika sa Italya na ISTAT, 2,501,640 krimen ang iniulat sa mga awtoridad ng hukuman. Kaya, sa katamtaman, 6,854 na krimen ang isinasagawa araw-araw, na ang pagnanakaw ay dumarami sa nakatatakot na bilis. Ang anumang pagbuti ay waring di-tiyak, yamang 24,817 mga minor de edad ang iniulat na nagsagawa ng krimen noong 1990, isang 17.9 porsiyentong pagsulong kung ihahambing sa 1989. Isang “mas marahas na Italya” ang pumapasok sa 1990’s, sabi ng pahayagang La Repubblica.
Pangangalaga sa mga Dambuhala ng Aprika
Ipinahayag kamakailan ng isang pangkat ng mga dalubhasang Aleman na ang populasyon ng mga elepante sa Aprika ay dumami sa unang pagkakataon sa isang dekada, ulat ng The Star, isang pahayagan sa Timog Aprika. Tinataya ng pangkat na mayroon ngayong 609,000 elepante sa Aprika. Iyan ay wala pang kalahati ng bilang ng buháy na elepante noong 1979, ngunit naniniwala ang pangkat na ang pag-unti ng bilang ng mga elepante ay naihinto na. Pinapupurihan nila ang malaganap na pagbabawal sa garing, na umakay sa pagbagsak ng presyo ng garing at sa pagbagsak ng negosyo. Samantala, isinasagawa rin ang apurahang mga pagsisikap upang pangalagaan ang mga rhinoceros sa Aprika. Sa Namibia, inaalis ng mga conservationist ang mga sungay ng rhino upang walang dahilan ang mga ilegal na mangangaso na patayin ang mga hayop. Gayunman, ayon sa The Star, hinuhulaan ng conservationist ng Swaziland na si Ted Reilly na ang hakbang na ito ay hindi uubra. Nakita niya ang ilegal na mga mangangaso na pinapatay kahit ang mga batang rhino dahil sa kanilang munting mga sungay.
Satanikong mga Kulto sa Hungary
Ang pagsamba kay Satanas ay naging napakalaganap sa mga kabataan sa Hungary anupa’t ito’y nakasindak sa bansa. “Natuklasan ng mga imbestigasyon sa ritwalistikong mga pagpatay ang daan-daang kaso ng mga kabataang natuksong mag-usyoso sa satanismo pagkatapos basahin ang bagong mabibiling mga magasin tungkol sa sining na itim,” ulat ng The European, isang lingguhang magasin na lathala sa London. Isang halimbawa ng ritwal na pagpatay ay kinasangkutan ng isang 17-anyos na lalaki na sinaksak ang kaniyang 13-anyos na kapatid na babae, pagkatapos ay pinagputul-putol ang kaniyang katawan at ikinalat ang kaniyang mga sangkap ng katawan sa palibot ng silid. Hindi kataka-taka na si Bela Csepe, kinatawan ng Christian Democratic People’s Party, ay nanawagan na ipagbawal ang pag-aanunsiyo ng mga literatura, pelikula, at mga video na horror.
Great Barrier Reef—Hindi Napakatanda
Ang pinakamalaking batuhang korales sa daigdig—ang Great Barrier Reef—ay maaaring hindi kasintanda na gaya ng dating inaakala. Ang napakalawak na sistema ng mga batuhang korales na umaabot ng mga 2,000 kilometro sa kahabaan ng hilagang-silangan ng baybayin ng Australia ay tinatayang mga 20 milyong taóng gulang. Gayunman, ang mga heologong nag-aaral sa batuhan ay nakabutas kamakailan sa batuhan ng korales. Ang kanilang mga tuklas ay nag-udyok sa mga siyentipiko na muling suriin ang katanungan tungkol sa edad ng batuhan, na ngayo’y inaakala nilang sa pagitan lamang ng 500 libo at isang milyong taon. Ang Terre Sauvage, isang magasing Pranses, ay nagsasabi na ang tuklas ay malamang na pagmulan ng kaguluhan sa siyentipikong pamayanan sapagkat wari bang ito’y salungat sa tradisyunal na teoriya ng ebolusyon na ang iba’t ibang anyo ng buhay ay unti-unting lumitaw mahigit nang milyun-milyong taon. Ang katibayan buhat sa batuhan ay waring nagpapahiwatig na ang buhay ay lumitaw sa kung ano ang inilalarawan ng
Terre Sauvage na “isang dambuhalang genetikong pagsabog.”Plastik na Kagubatan
“Kung nagtanim tayo ng artipisyal na mga kagubatan, sa loob ng sampung taon ang mga disyerto ay maaaring sakahin,” sabi ng imbentor na si Antonio Ibáñez Alba. Sa kabila ng bagay na ito’y malamang na hindi mangyari, ang ideya ay tinanggap ng ilang bansa sa Hilagang Aprika, ulat ng pahayagan sa Madrid na Diario 16. Ang plano ay ang milyun-milyong punungkahoy na plastik na tutularan ang likas na papel ng kagubatan sa pagsilo sa kalumigmig sa hangin sa gabi at saka pagpapakawala sa kaumiduhan sa araw. Sa yugto ng sampung taon, ang artipisyal na mga punungkahoy na ito ayon sa teoriya ay makapagpapasigla ng sapat ng pag-ulan upang pangyarihin ang natural na punungkahoy na humalili sa gawaing ito. Ano ba ang hitsura ng polyurethane na mga punungkahoy? “Yamang ang disenyo ng Kalikasan ang pinakamagaling, ito’y kahawig ng mga punong palma, ang tamang anyo upang masilo ang hamog at gawing madali ang pagsingaw,” paliwanag ng nagdisenyo nito. Ang bentaha nito? Hindi ito nangangailangan ng patubig at malamang na hindi puputulin para ipanggatong.
Paalam mga Osong Kayumanggi?
Ang pahayagan ng Paris na Le Figaro ay nag-uulat na maaaring maiwala ng Pransiya ang huling populasyon nito ng mga osong kayumanggi sa malapit na hinaharap. Ang osong kayumanggi ng Europa, na ang tirahan ay mula sa British Isles hanggang sa Espanya, ay halos naglaho sa kanlurang Europa. Sa opisyal na paraan, ang mga osong ito ay isang protektadong uri ng oso sa Pransiya mula noong 1962. Subalit ikinatatakot ng mga environmentalist na ang ilegal na pangangaso, paglason, at ang kawalan ng likas na tirahan ng oso sa Bundok Pyreness sa pagitan ng Pransiya at Espanya ay nakabawas sa bilang ng nabubuhay na mga oso sa mga sampu—napakakaunti upang panatilihin ang uri. Ipinanangis ang kabiguan ng mga pagsisikap na iligtas ang mga oso, ang environmentalist na si Georges Érome ay nagsabi: “Ipinakikita nito ang ating ganap na kawalang-kaya sa pangangasiwa sa kapaligiran. Gayunman, ngayon ay natatalos natin na ang kapaligiran ang mismong buhay.”
Payapang Pag-iral na Magkasama
Sa isang labanan sa pagitan ng mga uwak at ng mga tao, ang mga uwak ay nanalo—sa paano man sa Lungsod ng Ota, Hapón. Sa loob ng mga ilang taon ginamit ng mga uwak ang itinapong mga pirasong kawad na bakal at tanso upang gumawa ng pugad sa mga tore na naghahatid ng kuryente. Bale wala sa mga uwak na ang kanilang metal ng mga pugad ay maaaring pagmulan ng pagkawala ng kuryente. Naiinis na sa laging pag-aalis sa mga pugad na iyon, ang Tokyo Electric Power Company sa wakas ay nagpasiya sa halip na tulungan ang mga uwak sa paggawa nila ng pugad. Ang Asahi Evening News ng Tokyo ay nag-uulat na sa unang taon ng bagong patakaran ng kompaniya, daan-daang mga tulad-basket na mga pugad ang ikinabit sa mga toreng naghahatid ng kuryente sa paraan na maaaring iwasan ang mga problema sa kuryente. Ang mga uwak ay para bang nasisiyahan sa bagong mga basket. Ngayon, sa wakas, ang mga uwak at ang kompaniya ng kuryente sa Ota ay payapang namumuhay na magkasama.
Pinahinto ng Simbahan ang Sama-samang Misa
Sa pamamagitan ng utos na inilabas ng Kongregasyon para sa Klero noong Pebrero 22, 1991, at inilathala sa pahayagan sa Vaticano na L’Osservatore Romano, sinikap ng Vaticano na ihinto ang tinatawag na “pamilihan ng tinipong mga Misa.” Ano ba ang “sama-sama” o “tinipong mga Misa”? Pinapayagan ng Iglesya Katolika ang isang pari na tumanggap ng mga donasyon na salapi, ani, o mga paninda sa pagdaraos ng isang Misa para sa isang espisipikong “hangarin,” o layon, gaya ng misa sa patay. Gayunman, ayon sa isang bagong gawain, hindi nalalaman ng mga nagkaloob, ang ibang mga pari ay tumatanggap din ng mga donasyon mula sa iba pang mga tapat subalit nagdaraos lamang ng isang “sama-sama” o “tinipon” na Misa para sa lahat ng hiniling na “mga hangarin.” Ayon sa utos, mula ngayon ang gawaing ito ay hindi na ipahihintulot, malibang pumayag ang mga nagkaloob. Sabi ng utos, ang pasiyang ito ay ginawa dahil sa “kahit ang pinakamaliit na pakinabang o simoniya (ang pagbili o pagbibili ng mga sagradong bagay) ay pagmumulan ng iskandalo.”
‘Daanan’ sa Opisina
Ang mga dumadalaw sa Lungsod ng Osaka, Hapón, ay nagugulat na makita ang isang expressway na dumaraan sa isang hugis-silindrong gusali at lumalabas sa kabilang dulo. “Ang daanan ay hindi tumatama sa gusali anupa’t walang madaramang pagyanig. Maglalagay rin kami ng isang pader upang takpan ang haywey nang hindi madistorbo ang mga nag-oopisina ng ingay at usok,” ayon sa Mainichi Daily News. Ang pangunahing dahilan sa konstruksiyong ito ay na ang lupa ay nagkakahalaga ng 75,000 dolyar sa bawat metro kudrado, at sa paglalagay ng nakataas na expressway sa ikalima hanggang ikapitong palapag ng 16-na-palapag na gusali, ang Hanshin Corporation ay nakapagtitipid ng halos 12,000,000 dolyar. Ito ang una sa tatlong mga haywey na daraan sa mga gusali na nakatalang itayo sa Osaka, at ito ay nakatakdang buksan sa susunod na taon.
Sino ang Nagpapasiya?
Malaon nang alam ng mga tagapag-anunsiyo kung paano aakitin ang mga bata upang magawa nilang bumili ang mga magulang. Iniuulat ng Le Figaro Magazine na isinisiwalat ng isang surbey na isinagawa ng Children’s Institute ng Pransiya na “ang opinyon ng isang bata ay tiyak sa sumusunod na kategorya: pagkain (70%), pagpaplano ng bakasyon (51%), kalinisan at kosmetiks (43%), mga gamit sa bahay (40%), TV-hi-fi (33%), at kotse (30%).” Subalit ganito ang payak na paalaala na ibinigay ng isang ehekutibo sa isang malaking ahensiya ng pag-aanunsiyo: “Hindi dapat payagan ng mga adulto ang kanilang mga anak na magpuno sa kanila.”