AIDS—Ang Kalunus-lunos na Pinsala Nito sa mga Bata
AIDS—Ang Kalunus-lunos na Pinsala Nito sa mga Bata
NAKITA mo ba ang kanilang mga larawan? Narinig o nabasa mo ba ang kanilang mga kuwento? Kung gayon, nakasindak ba ito sa iyo? Mapipigil mo ba ang mga luha o ang kalungkutang nadarama mo? Nababagbag ba ang iyong puso sa kanila? Naririnig mo pa rin ba ang tahimik na daíng niyaong naghihingalo na hindi napapansin? Kahit na ngayon, mabubura mo ba ang kaawa-awang mga tanawin ng namamatay na mga sanggol—dalawa, tatlo, at apat sa isang kama? Karamihan sa kanila ay pinabayaan. Ang kanilang paghihirap at kamatayan ay dahil sa kakila-kilabot na sakit na ito na ngayo’y lumalaganap sa daigdig—ang AIDS!
Ang mga ulat at buháy na mga larawan na inihatid sa telebisyon mula sa isang bansa sa Europa noong Pebrero 1990 ay nakasindak sa sampu-sampung angaw na mga manonood. Sa buong daigdig, nababasa ng milyun-milyon pa ang malungkot na pangyayari sa mga pahayagan at mga magasin. Ang magasing Time ay nag-uulat: “Ang tanawin ay nakaduduwal at nakatatakot. Sa bawat kuna ay nakahiga ang mga sanggol at mga bata na parang matatanda, ang kanilang balat ay kulubot, ang kanilang buto’t balat na mga mukha ay kakikitaan ng palatandaan ng nalalapit na kamatayan.” “Masahol pa ito sa anumang bagay na nakita ko,” panangis ng isang doktor. “Maliwanag, ito ay isang epidemya na naililipat sa pamamagitan ng medikal na pagkilos.”
Papaano nangyari ito? Di-gaya ng karamihan ng mga sanggol na isinilang na may virus ng AIDS mula sa mga inang nahawaan-ng-AIDS, sa pagsilang ang mga batang ito ay hindi positibo sa HIV. Ang kalunus-lunos na bagay na ito ay nangyari pagkasilang kapag ang mga sanggol na mahina o ipinanganak nang wala sa panahon ay sinalinan ng dugo sa paniniwalang palalakasin nito ang mahihinang sanggol—isang gawain na malaon nang pinasisinungalingan ng medikal na propesyon. “Ang isang nagkaloob ng dugo na positibo sa HIV ay maaaring makahawa sa 10, 12 o higit pang mga bata,” sabi ng isang doktor.
“Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng AIDS,” sabi ni Dr. Jacques Lebas, presidente ng base-sa-Paris na mapagkawanggawang organisasyon ng mga Doktor sa Daigdig, “nakakaharap namin ang suliranin ng AIDS sa gitna ng mga bata. Ito ay isang epidemya.”
Halimbawa, noong Setyembre 1990, sa unang pagkakataon, inilabas ng WHO (World Health Organization) ang nakagugulat na katibayan na nagsisiwalat ng pandaigdig na epidemya ng AIDS sa mga bata. Iniulat ng WHO na ang virus na sanhi ng Acquired Immune Deficiency Syndrome ay malamang na makaapekto sa sampung milyong mga bata sa taóng 2000. “Ang karamihan sa mga ito ay magkakaroon ng AIDS at mamamatay sa taóng 2000,” sabi ni Dr. Michael Merson, direktor ng pangglobong programa ng organisasyon tungkol sa AIDS. Sa huling yugto ng 1990, sangkatlo ng 1.2 milyong tinatayang kaso ng ganap na AIDS ay inaakalang nangyari sa mga bata na wala pang limang taóng gulang.
Kataka-taka ba na ang paglaganap ng salot ng AIDS ay tinatawag na pandemic? Sa pagtatapos ng 1992, halos apat na milyong sanggol ang isisilang sa mga inang nahawaan ng HIV. Apat sa limang mga bata na ipinanganak na may virus ay magkakaroon ng AIDS sa kanilang ikalimang birthday. Minsang magkaroon sila ng AIDS, karaniwan nang sila’y mamamatay sa loob ng isa o dalawang taon, sabi ni Dr. Merson sa isang news conference sa Geneva.
Hinuhulaan ng mga eksperto na magkakaroon ng 150,000 kaso ng AIDS sa mga babaing Aprikano lamang sa 1992 at isang karagdagang 130,000 kaso sa mga batang Aprikano. Sa Estados Unidos, hanggang 20,000 sanggol sa kasalukuyang panahon ay maaaring ipinanganak sa mga babaing nahawaan ng HIV, ulat ng WHO. Iniulat ng Evening Post ng Wellington, New Zealand, sa edisyon nito
ng Hulyo 12, 1989, na tinatayang 140,000 mga kabataan sa Brazil ang may virus ng AIDS. “Subalit ikinatatakot ng mga aktibista na ang pagtantiyang ito ay maaaring mababa,” ulat ng pahayagan. “Ako ay naniniwala na ang pangkat na ito, kung hindi bibigyan ng pantanging paggamot, ay magiging isang bomba atomika na nakawala sa lungsod,” sabi ng medikal na direktor ng National Foundation for the Welfare of Minors. “Isa itong napakaselang na problema,” panangis ng isang sikologong taga-Brazil.Lumalago ang Problema
Mayroon bang hindi maaantig sa problema ng walang malay na mga biktimang ito na pinahihirapan ng nakamamatay na salot na ito? Isaalang-alang halimbawa, ang ulat na ito: “Hindi kukulangin sa 50 bata ang pinaslang sa sentral Aprika—ang ilan ay pinaslang ng kanila mismong mga magulang—dahil sila ay may AIDS, sang-ayon sa Red Cross ng Norway.” Ang iba pang mga batang Aprikano na may AIDS ay pinalalayas sa kanilang mga tahanan ng mga pamilyang wala nang pag-asang burahin ang anumang kaugnayan sa isang sakit na nagdadala ng dungis sa pangalan na masahol pa sa ketong, ulat ng Sunday Star, isang pahayagan sa Johannesburg, Timog Aprika. “Sa ibang lugar ang mga biktima ng AIDS at ang kanilang mga pamilya ay hinahadlangan sa mga dakong pinagkukunan ng tubig at sa mga simbahan,” sabi ng pahayagan.
Hindi ka maaaring maging kampante sa karagdagang nakatatakot na mga estadistika. Ipinakikita ng mga report buhat sa buong daigdig na ang malaganap na AIDS ay tuwirang sanhi ng isa pang malungkot na pangyayari. Angaw-angaw na mga bata na hindi pa nahahawaan ng virus ng AIDS ay magiging mga ulila sa 1990’s. Bakit? Ang kanilang mga magulang ay mamamatay dahil sa AIDS. Tinataya ng WHO na magkakaroon ng limang milyong mga ulila dahil sa AIDS sa buong daigdig sa 1992. “Ito’y isang delubyo na nagsisimula nang mangyari. At malibang mayroon tayong pangitain na magplano para sa pangangalaga sa mga ulila, magbubukas tayo ng malalaking bahay ampunan,” sabi ng isang eksperto sa pangangalaga sa mga bata.
“Ang kirot ay halos hindi maunawaan,” sabi ng isang caseworker, inilalarawan ang isang pamilya sa New York. “Ang ina ay may virus ng AIDS, ang ama ay nahawaan, ang sanggol ay may sakit na AIDS, ang mga magulang at ang sanggol ay mamamatay, at iiwan nila ang isang 10-anyos na batang lalaki na walang pamilya.”
At, sa wakas, narito ang malungkot na obserbasyon ni Dr. Ernest Drucker ng Albert Einstein College of Medicine sa New York. “Pagkaraan ng kamatayan ng isang magulang, kadalasang nasusumpungan ng mga bata ang kanilang mga sarili sa labanan sa kung sino ang mangangalaga sa kanila, palipat-lipat mula sa isang miyembro ng pamilya tungo sa isa samantalang sinisikap nilang tanggapin at makayanan ang kanilang pangungulila at ang dungis sa pangalan dahil sa AIDS.”
Ang AIDS ay mabilis na nagiging isa sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga bata at nakababatang mga adulto. Ito ang ikasiyam na nangungunang sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga bata mula isa hanggang apat na taóng gulang, at ang ikapitong nangungunang sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga tinedyer at mga nakababatang adulto na wala pang 25 anyos. Sa maagang 1990’s, ang AIDS ay maaaring maging isa sa nangungunang limang sanhi ng kamatayan, ulat ng The AIDS/HIV Record, Setyembre 1989. Gayunman, ipinakikita ng mga ulat ang pambuong daigdig na pagkakampante sa gitna ng maraming potensiyal na mga biktima ng nakatatakot na sakit na ito. Isaalang-alang ang ilang nakagugulat na mga katotohanan sa susunod na artikulo.