AIDS—Isang Krisis sa mga Tinedyer
AIDS—Isang Krisis sa mga Tinedyer
ANG epidemya ng AIDS ay walang kinikilalang edad o agwat sa pagitan ng salinlahi. Pinatutunayan ng mga ulat sa buong daigdig na “Ang AIDS Ay Kumakalat sa mga Tin-Edyer, Isang Kausuhan na Ikinatatakot ng mga Eksperto,” gaya ng sabi ng titulo ng isang artikulo tungkol sa AIDS sa New York Times. Ang dami ng mga tinedyer na nahawaan ng AIDS “ang magiging susunod na krisis,” sabi ni Dr. Gary R. Strokash, direktor ng medisina sa mga adolesente sa isang kilalang sentro ng medisina sa Chicago. “Ito’y nakatatakot at ito’y magiging mapangwasak,” aniya. “Walang alinlangan,” panangis ni Dr. Charles Wibbelsman, pinuno ng klinika ng mga tinedyer sa Kaiser Permanente Medical Center sa San Francisco, “ang epidemya ng AIDS ng 1990s, kung walang bakuna, ay daranasin ng . . . mga tinedyer.” Nagsasalita tungkol sa mga tinedyer na nahawaan ng AIDS, ang obserbasyon ng kilalang guro tungkol sa AIDS sa Lungsod ng New York ay: “Inaakala namin na ito’y isang emergency crisis na kalagayan.”
Inilagay ng The Toronto Star ng Canada, sa paulong-balita ang nakatatakot na hinaharap habang ang AIDS ay kumakalat sa mga tinedyer. “Sa kasalukuyan, ito’y masahol pa sa inaakala ng sinuman,” sabi ng isang doktor. “Sa palagay ko ito’y isang kakila-kilabot na problema na hindi natin kayang pangasiwaan. Malalaman natin kung gaano ito kasama sa bandang huli.” Ang payak na pangungusap ng doktor ay nagiging nagkakaisang opinyon ng mga opisyal ng kalusugan at mga lider ng gobyerno sa buong daigdig habang kumakalat ang salot ng AIDS.
Hanggang kamakailan, hindi itinuon ng mga eksperto sa AIDS ang kanilang pansin sa mga tinedyer bilang lubhang nanganganib na mahawa ng HIV (human immunodeficiency virus), na siyang sanhi ng AIDS. “Pinag-uusapan natin ang isang bagay na isang taon lamang ang nakalilipas ay isa lamang teoretikal na posibilidad,” sabi ng isang doktor sa Lungsod ng New York. Gayunman, “ang mga doktor na walang ginagamot ni isa mang tinedyer na pasyenteng nahawaan ng AIDS isang taon lamang ang nakalipas ay mayroon na ngayong isang dosena o mahigit pang pasyenteng may AIDS,” ulat ng The New York Times.
Inaakala ng mga mananaliksik na bagaman ang makukuhang impormasyon tungkol sa mga tinedyer na nahawaan ng virus ng AIDS ay nakatatakot, ito ay ganggakalingkingan lamang, yamang ang mga sintomas ay kadalasang hindi lumilitaw hanggang sa katamtamang pito hanggang sampung taon pagkatapos mahawaan. Kaya yaong mga nahawaan ng HIV sa kanilang maagang taon ng pagkatinedyer ay maaaring hindi magkaroon ng mga sintomas ng ganap na AIDS hanggang sa dakong huli ng pagkatinedyer o maagang 20’s.
Halimbawa, sa isang pag-aaral kamakailan sa lahat ng mga ipinanganak sa estado sapol noong
1987, nasumpungan ng New York State Health Department na 1 sa 1,000 sanggol na isinilang sa mga 15-anyos ay may mga antibody sa virus ng AIDS, nagpapahiwatig na ang ina ng sanggol ay nahawaan ng AIDS. Nakatatakot, isinisiwalat ng pag-aaral ding iyon na 1 sa 100 sanggol na isinilang sa mga 19-anyos ay may mga antibody sa virus ng AIDS. Ipinakikita pa ng isa pang pag-aaral ng CDC (Centers for Disease Control ng E.U.) na 20 porsiyento ng mga lalaking Amerikano at 25 porsiyento ng mga babaing Amerikana na narikonosi na may AIDS ay nasa mga edad 20. Iniuulat ng pag-aaral ng CDC na sa karamihan ng mga kaso, ang sakit ay nakuha noong sila’y tinedyer.Gayunman, bakit bihira, kung mayroon man, ng mga sanggol na isinisilang na may virus ng AIDS ang nakakaabot sa pagiging tinedyer? Ang mga dahilan ay lubos na mapangwasak!
Ang mga mananaliksik at mga doktor ay agad na nagpapatotoo na ang mga tinedyer ngayon ay “lubhang aktibo sa sekso, gaya ng ipinakikita ng dami ng mga sakit na ikinakalat ng pagsisiping sa gitna nila,” ulat ng The New York Times. Ang Center for Population Options ay nag-uulat na sa bawat taon 1 sa 6 na mga tinedyer ang nagkakaroon ng isang sakit na ikinakalat ng pagsisiping at na 1 sa bawat 6 na lubhang aktibo sa seksong mga babaing nag-aaral sa high-school ay nagkaroon ng hindi kukulanging apat na iba’t ibang katalik.
“Sa kabila ng masidhing pagpapayo na ‘ tumanggi,’ naiwawala ng karaniwang tinedyer na Amerikano ang pagkabirhen nito sa gulang na 16,” ulat ng U.S.News & World Report. “Yamang iilang tinedyer ang nasubok, hindi nalalaman ng karamihan niyaong nahawaan na dala-dala nila ang virus na HIV,” sabi ng magasin. Mayroon man o walang pagkahandalapak sa sekso na nasasangkot sa paggamit ng cocaine na crack, sila man ay mga naglayas o hindi, “Ang mga tinedyer na Amerikano ang pinakamadaling biktima ng AIDS,” sulat ng isang eksperto sa AIDS. “Nararanasan na nila ang 2.5 milyong kaso ng mga sakit na ikinakalat ng pagsisiping sa bawat taon.” Ganito ang obserbasyon ni Dr. Gary Noble ng CDC: “Alam namin na dahil sa kanilang seksuwal na paggawi sila ay lubhang nanganganib na mahawa.”
Nakadaragdag pa sa mabilis na dumaraming bilang ng mga pinagmumulan ng virus ng AIDS ang mga batang lansangan, ang ilan ay hindi pa tinedyer, ang marami ay naglayas sa mga magulang na nag-aabuso ng mga bata. Kasama rito ang biglang pagdami sa bilang niyaong bumaling sa paggamit ng cocaine na crack. Ang marami ay bumaling sa pagpapatutot upang suportahan ang kanilang bisyo o upang may matulugan. Sa Timog Amerika, halimbawa, “ang mga batang babae na kasimbata ng siyam at 10 taóng gulang ay nagtatrabaho bilang mga patutot, kung minsan ay upang may makain,” sabi ng isang tagapayo ng mga bata na taga-Brazil. “Marami ang walang gaanong nalalaman tungkol sa AIDS o sa sekso. May nakilala akong mga batang babae na nagbuntis at akala nila ‘nakuha nila ito,’ na parang sipon,” aniya.
Si Dr. Philip Pizzo, isang dalubhasa sa AIDS at puno ng pediatrics sa National Cancer Institute, ay nagsabi na ang dami ng nahawaan ng HIV sa mga tinedyer na naglayas ay nagbabadya ng masama sa epidemya ng AIDS. “May mahigit na isang milyong mga naglayas na ginagawang hanapbuhay ang sekso. Walang alinlangan, marami sa kanila ang muling mapapasama sa lipunan.”
Kataka-taka ba na ang epidemya ng AIDS ay biglang dumami sa gitna ng mga tinedyer sa buong daigdig? Ito ba ay nasa hindi maihintong landasin? Magiging gayon mientras nagpapatuloy ang pagwawalang-bahala at pagkakampante niyaong mga nahawaan ng virus ng AIDS at niyaong hindi makatanggi sa pagsisiping bago ang kasal. Isaalang-alang, halimbawa, ang ulat na ito buhat sa The Sunday Star ng Johannesburg, Timog Aprika. Sa isang surbey na isinagawa kamakailan sa 1,142 mga pasyente sa klinika na may mga sakit na ikinakalat ng pagsisiping, 70 porsiyento ng mga tinanggap sa klinika ay may 3 hanggang 80 seksuwal na katalik sa isang buwan. Ang iba ay aktibo pa at hinahawaan ang iba.
Nakalulungkot nga, maraming tinedyer ang hindi gaanong nababahala na magkaroon ng AIDS. Sa kanila ang bawat araw ay isang pakikipagbaka upang mabuhay—napakaraming paraan upang mamatay sa lansangan—anupa’t hindi nila maituon ang kanilang pansin sa isang bagay na maaaring papatay sa kanila mga ilang taon mula ngayon. Samantala isang lunas ang tiyak na masusumpungan, palagay nila, upang iligtas sila. “Ang mga tinedyer ang pangunahing halimbawa ng
isang pangkat na hindi tumitingin sa hinaharap mga 10 taon mula ngayon,” sabi ng isang eskperto sa AIDS.Mayroon ding nakapangangambang maling ideya sa gitna ng marami na ang kanilang mga katalik ay hindi nagsisinungaling sa kanila kapag sinasabi nilang sila ay walang virus ng AIDS. Kadalasan hindi ganito ang kalagayan. Kahit na sa adelantadong yugto ng sakit, maraming biktima ang sadyang nanghahawa sa iba dala ng galit o paghihiganti.
Hindi rin dapat kaligtaan yaong nahawaan ng virus sa pamamagitan ng nahawaang mga hiringgilya na ginagamit sa pagtuturok ng droga—isang pinagmumulan ng AIDS na puminsala na ng mga biktima nito. At, katapus-tapusan, nariyan ang laging-presenteng banta na magkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Maraming walang malay na mga biktima ang namatay na mula sa sakit na ito, at ang iba ay mamamatay pa mula sa dugong nahawaan ng HIV. Ikinatatakot ng maraming doktor at narses na maduro ang kanilang mga sarili ng mga hiringgilyang nahawaan ng virus ng AIDS, na maaaring bumago ng kanilang buhay. Kataka-taka ba na ng AIDS ay sinasabing ang krisis ng dekada ’90 at lampas pa?