Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

AIDS—Kung ano ang Dapat Malaman ng mga Magulang at ng mga Anak

AIDS—Kung ano ang Dapat Malaman ng mga Magulang at ng mga Anak

AIDS​—Kung ano ang Dapat Malaman ng mga Magulang at ng mga Anak

NAKALULUNGKOT sabihin na para sa maraming mga biktimang tinedyer na nagkaroon ng AIDS, ang kanilang mga problema ay kadalasang pinalulubha pa ng di-timbang na kaisipan ng maraming adulto na walang gaanong nalalaman tungkol sa AIDS. Sa maraming kaso ay binigyan ng mga magulang ng maling ideya ang isipan ng kanilang sariling mga anak laban doon sa may sakit na AIDS. Kahit na pagkatapos masabi ng mga doktor na walang panganib, ayaw tanggapin ng mga superintindente at mga prinsipal ng paaralan ang mga estudyanteng nahawaan ng virus ng AIDS. Kaya ang paglilihim ang naging sawikain ng maraming magulang na may mga anak na nahawaan ng HIV. Natatakot sila, sa ilang kaso ay may mabuting dahilan, na ang kanilang mga anak ay layuan, pagmalupitan, o masahol pa.

Halimbawa, isang ina na may anak na babaing may virus ng AIDS ang takot na takot na guluhin siya ng kaniyang mga kapitbahay anupa’t hindi niya pinaglalaro ang kaniyang anak sa kanilang mga anak. “Ayaw mong malaman ng mga taong nakatira sa paligid mo na ang iyong anak ay may AIDS, sapagkat ang mga tao ay gumagawa ng kakatwang mga bagay.” Ayon sa mga ulat, hindi ito pagpapakalabis. Ang mga magulang ay nilayuan ng kanilang matalik na mga kaibigan at mga kapitbahay. Ang mga kaibigan ay umiiwas sa kalye sa halip na kilalanin ang kanilang pagkanaroroon o batiin sila. Ang dungis sa pangalan na dala ng AIDS ay napakatindi anupa’t nilayasan ng mga parokyano ang mga restauran, nanlalait kapag pumasok ang isang pamilya na may isang anak na may AIDS. Ang mga ama ay nawalan ng kanilang trabaho. Ang iba ay tumanggap ng mga panakot na bomba. Ang iba pa nga ay sinunog ang kanilang mga bahay.

Ang mga batang may AIDS ay naging mga biktima ng malulupit na biro ng mga kaklase. Isa sa gayong biktima ng AIDS, na nagkaroon ng sakit sa pamamagitan ng isang pagsasalin ng dugo, ay paulit-ulit na pinararatangan ng mga kaklase ng pagiging homosekso. Sila’y manunuya: “Alam namin kung paano mo talagang nakuha ang AIDS.” Ang pamilya ay nilayuan ng mga miyembro ng kanilang relihiyon. Dumating ang masasakit na mga sulat mula sa mga taong walang lagda. Mga bunton ng basura ay inihagis sa kanilang damuhan. May bumaril pa nga sa kanilang harap na bintana.

“Isa itong sekretong bagay,” sabi ng isang ina ng isang batang nahawaan ng AIDS, “at iyan ang gumagawa ritong napakalungkot.” Ganito pa ang sabi ng The New York Times: “Karamihan ng 1,736 na mga batang Amerikano na wala pang 13 anyos na narikonosing may AIDS ay ibinukod dahil sa kanilang sakit, sapilitang itinago ang kanilang kalagayan mula sa malulusog na kaibigan at mga kaklase na maaaring layuan sila.” At, sa wakas, narito ang obserbasyon mula sa The Toronto Star: “Kahit na pagkamatay ng kabataan, natatakot pa rin ang maraming pamilya na isiwalat ang katotohanan, na nakadaragdag pa sa kirot at pagkabukod na kasama ng pagkamatay ng sinumang bata.”

Kung Ano ang Dapat Mong Malaman

Dapat kilalanin na ang AIDS ay walang sinasanto. Maaaring magkaroon nito ang mayaman, ang mahirap, ang bata, ang batang-bata, at ang matanda. Sa ilang bansa, may mahina at pahapyaw na kaalaman tungkol sa AIDS sa gitna ng mga kabataan. Karamihan ng mga tao ay “walang ideya kung gaano kalaki ang panganib ng AIDS sa mga tinedyer,” sabi ng isang eksperto sa AIDS sa Lungsod ng New York.

Halimbawa, isinisiwalat ng isang pag-aaral sa mga kabataan sa isang malaking lungsod sa Amerika na 30 porsiyento niyaong mga nasurbey ay naniniwala na ang AIDS ay maaaring gumaling kung gagamutin agad. Wala pang nasumpungang gamot para sa AIDS. Hindi nalalaman ng sangkatlo ng mga kabataan na ang isa ay hindi magkakaroon ng AIDS sa paghipo lamang sa isa na may sakit o sa paggamit ng kaniyang suklay. Nasumpungan ng isa pang surbey sa 860 mga tinedyer, edad 16 hanggang 19, sa ibang bahagi ng Estados Unidos na 22 porsiyento ang hindi nakaaalam na ang virus ng AIDS ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng semen at na 29 porsiyento ay walang kabatiran na ito’y maaaring ilipat sa pamamagitan ng mga lumalabas sa ari ng babae.

Sa buong panahon ng inkubasyon gayundin sa panahon kapag ang AIDS ay lumitaw na, ang mga biktima ay nakakahawa at maaaring ilipat ang virus ng AIDS sa iba. Gayunman, hindi ito maililipat sa pamamagitan ng pakikipagkamay o pagyapos sa isang biktima ng AIDS, yamang ang virus ay madaling namamatay sa labas ng katawan. Sa gayunding paraan, ang virus ay hindi maaaring mabuhay sa mga upuan sa palikuran, isang takot na ipinangangamba ng ilan. Ikinatatakot ba ng mga prinsipal at mga superintendente ng paaralan na ang mga estudyanteng walang AIDS ay maaaring mahawa sa pag-inom sa isang paunten ng tubig na kagagamit lamang ng isang biktima ng AIDS? Ang mga eksperto ay nagsasabi na ang mga pangambang ito ay walang batayan yamang ang mga virus ay hindi makapapasok sa daluyan ng dugo ng taong walang virus.

Ang mga doktor ay kadalasang tinatanong tungkol sa panganib ng pagpapabutas sa mga tainga, yamang ginagamit ang karayom. Inaamin ng mga eksperto na kung ang ginamit ay nahawaang kagamitan, maaari itong pagmulan ng virus ng AIDS. At kumusta naman ang paghalik? “Kung ikaw ay halikan sa bibig ng isa na may AIDS o isa na may virus ng HIV, at ikaw ay may sugat o singaw sa iyong mga labi o sa iyong bibig, malamang na magkaroon ka, ngunit mas malamang na hindi,” sabi ng isang eksperto. Gayunman, posible.

Ang tanging paraan na malalaman mo kung ikaw ay nahawa, kahit na pagkatapos na waring lumitaw ang kahina-hinalang mga sintomas, ay sa pamamagitan ng masusing pagsusuri ng doktor at ng isang pagsubok sa dugo.

At, katapus-tapusan, kung ikaw ay isang bata, magtapat sa iyong mga magulang. Kapag binigo ka ng lahat, sila ang daramay sa iyo at magbibigay sa iyo ng kaaliwan at tulong na kakailanganin mo. Magpakatalino at tanggihan ang droga at pagsisiping bago ang kasal. Maaari nitong iligtas ang iyong buhay. Inaamin ng maraming kabataan na nagkaroon ng virus ng AIDS sa pamamagitan ng sekso o nahawaang mga hiringgilya na sila ay naimpluwensiyahan ng masasamang kasama. Tunay, ang mga salita ni Pablo ay may masidhing kahulugan sa kanila ngayon. “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali”​—at sa ilang kaso, maaari itong mangahulugan ng iyong buhay.​—1 Corinto 15:33.