Ang Kapangyarihan ng Katotohanan na Baguhin ang Buhay
Ang Kapangyarihan ng Katotohanan na Baguhin ang Buhay
“Isang magnanakaw, na pinalaya nang maaga, ay nagsagawa ng 500 pagnanakaw sa loob ng pitong buwan. Isang manggagahasa, na pinalaya apat na taon bago matapos ang taning sa kaniya na sampung-taon, ay humalay at pumatay ng isang babae. Isang mamamatay-tao na nakalayang may pasubali (parole) ay nanloob sa dalawang bahay at pumatay ng tatlo katao.”—Reader’s Digest, Nobyembre 1990.
“Halos 63 porsiyento ng mga bilanggo na pinalaya buhat sa bilangguan ng estado ay dinakip dahil sa malubhang krimen sa loob ng tatlong taon, sabi ng Kagawaran ng Katarungan sa isang pag-aaral na inilabas ngayon.”—The New York Times, Abril 3, 1989.
“Ang layunin ng bilangguan bilang isang dako kung saan ang mga kriminal ay maaaring baguhin ay hindi totoo. Ang mga bilangguan ay pinagsamang ‘mga bodega’ at ‘paaralan para sa krimen.’”—Sunday Star ng Toronto, Marso 20, 1988.
Ang mga warden sa Rikers Island, isang piitan sa Lungsod ng New York, ay nagsasabi: “Pumapasok dito ang isang bata, disinuebe anyos, siya ang bantay sa isang nakawan. Paglabas niya rito, hindi na siya magiging bantay. Sa susunod na pagkakataon, siya na ang tagabaril.”—Magasing New York, Abril 23, 1990.
“Ang mga pintuan ng bilangguan ay higit na naging parang umiikot na pinto: halos dalawang-katlo ng lahat ng bilanggo ay muling naaresto sa loob ng tatlong taon ng kanilang paglaya.”—Magasing Time, Mayo 29, 1989.
WALANG isa man sa nabanggit ang bago sa atin. Dati na itong kuwento: Ang mga bilangguan ay hindi nagpapanibagong-buhay. Ang katotohanan ay bumabago ng buhay. Isang halimbawa: si Ron Pryor.
Sinisimulan ni Ron ang bawat araw sa pagbabasa ng isang teksto mula sa Bibliya na kasama ng kaniyang pamilya. Ang kaniyang pag-aasawa ay mapayapa at maibigin. Ang tahanan ay maayos at malinis. Ang dalawa niyang anak na lalaki ay magagaling na estudyante—walang droga, walang alak, walang problema. Ngayon sila’y nagsasarili na at nakikibahagi sa mga gawaing Kristiyano. Si Ron at ang kaniyang asawa, si Arlynn, ay abalang nagsasagawa ng boluntaryong gawain sa kanilang pamayanan bilang mga Kristiyano. Ginagamit ang kanilang buhay sa paglilingkod sa iba.
Subalit, noong 1970, si Ron Pryor ay nasa bilangguan
at naghihintay ng paglilitis sa salang pagpatay. Siya ay nasumpungang maysala, nahatulan, at ibinilanggo sa isang bilangguan ng estado. Ito ang hantungan ng isang matagal na panahong karera bilang kriminal na paulit-ulit na nagdala sa kaniya sa bilangguan. Ngunit hayaan mong si Ron ang maglahad ng kaniyang kuwento.“Ang unang ‘pagkabilanggo’ na natatandaan ko ay ang pagkatali sa isang sampayan. Nang ako ay tatlo o apat na taóng gulang, napakalaki ng hilig kong maglayas. Ako’y gagala, mawawala, madadampot ng pulis at ibabalik sa bahay. Sa wakas, sinabi sa akin ng nanay ko na kung hindi ako titigil, tatawagan niya ang isang ampunan at ipadadampot ako at ipakukulong. Naupo ako sa bakuran na umiiyak, hinihintay ang pagdating nila. Hindi sila dumating. Sa halip, itinali ako ni nanay sa sampayan.
“Habang ako’y lumalaki, lagi na lamang akong napapasangkot sa gulo, at ang karahasan ang naging sagot ko sa bawat problema. Ako’y nalilito, bigo, nadarama kong ako’y inaayawan. Wala akong pagkadama ng tama at mali. Hinahayaan ko ang aking damdamin, hindi ang aking budhi, na maging patnubay ko. Sa paaralan ako’y pumapasa mula sa isang baitang tungo sa susunod sapagkat ang mga guro ay nagagalak na mawala ako sa kanilang klase. Ako’y huminto sa ikapitong baitang at naglayas. Napasama ako sa masasamang kasama, at totoo sa babala ng Kasulatan, inakay ako nito sa mas malaking gulo.—1 Corinto 15:33.
“Hindi nagtagal ang mga paaralan sa pagbabago (reform schools) ang humalili sa tali sa sampayan. Hindi ako binago nito. Lalayas ako’t muling mahuhuli. Tumatakas mula sa isang paaralan sa Virginia, ninakaw ko ang isang trak na pickup at ako’y nadakip. Humaharap sa isang hukom na nagngangalang Jenkins sa salang pagnanakaw ng awto, natuklasan ko na trak ni Hukom Jenkins ang ninakaw ko! Ako’y 16 lamang, subalit ako’y ipinahayag na hindi na maiwawasto at ako’y nilitis bilang isang adulto. Ako’y ikinulong sa loob ng dalawang taon.
“Pagkalabas ko sa bilangguan at nasa aking edad 20’s, bumili ako ng isang motorsiklo. Nabighani ako sa kapangyarihang dulot nito sa akin, ngunit hindi sapat iyan. Sumali ako sa Pagans—isang gang ng motorsiklo na laging gumagala at naghahanap ng gulo, laging naghahanap ng away. Dito ako umangkop.
“Nang maglaon, ako’y naging tsuper ng trak at naghahatid ng mga paninda mula sa Florida. Hindi na ako aktibo sa pakikisama sa Pagans, subalit pagdating ko sa Virginia sa partikular na panahong ito, noong 1969, nakita ko ang dati kong mga kaibigang Pagan. Nagkasayahan kami—nag-inuman ng alak, nagpakalango sa droga. Nagkaroon ng kaunting gulo, tumindi, at sa kasunod na labu-labo na ginatungan ng alak at droga, nabaril ko at napatay ang isang tao. Karagdagang bunga ng masasamang kasama! Nang maglaon, tinanong ako ng dalawang detektib, at ipinagtapat ko ang nagawa kong pagpatay. Ito’y noong 1970.
“Ako’y nasa bilangguan na naghihintay ng paglilitis at isa pa ring rebeldeng basag-ulero. Halimbawa, isang umaga isang trustee o bilanggong pinagkakatiwalaan ng pananagutan ang dumating na may dalang kape. Karaniwang bibigyan ka nila ng karagdagang kape sa dakong huli. Noong umagang iyon, iniabot ko ang isa ko pang tasa para sa karagdagang kape, subalit ang sabi niya, ‘Wala nang dagdag.’ Nahinuha ko na naipasiya niyang ibigay ito sa iba. Kaya ang sabi ko, ‘Kulang ka pala ng kape ngayong umaga, ha? ’ Sabi niya, ‘Oo.’ ‘Bueno, kunin mo na itong sa akin.’ Ibinuhos ko ito sa mukha niya. Nagwakas ako sa bartolina.
“Kaya’t paikut-ikot ako sa dos medya por tres metrong seldang iyon na walang bintana. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nag-isip akong talaga. Napakaraming katanungang bumangon sa isip ko. ‘Bakit ba lagi na lamang magulo ang buhay ko? Bakit ba ako laging labas-masok sa bilangguan? Bakit ba ako nasa seldang ito? Bakit ba ako nabubuhay? Bakit? Bakit? Bakit?’ Lagi na lamang bakit subalit walang mga kasagutan. Saka ko nasabi sa sarili ko: ‘Hanggang dito na lamang ako. Wala na akong mapupuntahan. Maliban—maliban na may Diyos—isang Diyos na nakakakita sa akin, nalalaman na ako’y umiiral, nakauunawa sa akin—na tiyak na hindi ko nauunawaan! Diyos ko, kung talagang umiiral ka, kung may kabatiran ka tungkol sa akin, kung may magagawa
ako—sabihin mo sa akin, anumang bagay!’“May Bibliya roon na kasama ko. Naisip ko, ‘Pasimula na iyan.’ Sinimulan kong basahin. Hindi ko matandaan ang binasa ko. Natatandaan ko lamang na binasa ito, wala akong naintindihan. Sa loob ng isang linggo balik na naman ako sa isang bloke ng selda. Ang isang selda ay bukas, walang laman ang dalawang kama. Ipinasok nila ako, at pagkalipas ng dalawang araw inilagay nila ang isa pang preso na kasama ko. Nagbabasa ako ng Bibliya nang panahong iyon, nakikipagpunyagi rito. Nakita niya akong nagbabasa at nagtanong: ‘Nais mo bang maunawaan ang Bibliya?’ ‘Oo!’ ‘Ikukuha kita ng isang aklat na tutulong sa iyo.’ Nakipag-alam siya sa isa sa mga Saksi ni Jehova—dati sila’y nakipag-aral sa kaniya—at di-nagtagal ibinigay niya sa akin ang isang aklat na pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Iyan ay noong Hulyo 1970.
“Nagsimula akong magbasa, at binasa ko ito mula sa simula hanggang sa dulo. Hindi ko naunawaan ang lahat, subalit may katuwiran ito. Nang dumating ang mga Saksi ni Jehova at inaralan ako, lahat ng katanungan na itinatanong ko noong ako’y nabartolina ay nasagot. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nagkaroon ako ng unawa sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Mientras mas marami akong kinakain sa espirituwal na pagkaing ito, lalo akong nagiging gaya niyaong ‘sa kagagamit ng kanilang pang-unawa ay nasasanay na makilala ang tama at mali.’ (Hebreo 5:14) Ang aking budhi ay kumikilos, nabubuhay!
“Ang biglang pagkakaroon ng katotohanan ng Bibliya ay isang tunay na malaking pagbabago sa aking kaisipan. Nabasa ko ang aklat sa loob ng 24 oras. Sa magdamag ako’y nagbago. Disidido akong ipakita sa mga kasama kong bilanggo ang mga katotohanang natututuhan ko. Akala ko ang lahat ay masasabik dito na gaya ko. Hindi sila nasasabik. Dati ako ang problema ng iba pang bilanggo; ngayon ako ay lalo pang kinaiinisan—na walang sinuman ang nag-aakalang posibleng mangyari! Subalit habang patuloy na dumadalaw ang mga Saksi sa piitan upang makipag-aral sa akin, ako’y naging mas mataktika sa aking pangangaral.
“Gumawa ako ng maraming pagbabago, at sa loob ng dalawang buwan ako’y naging isang trustee. Hinahayaan pa nga nila akong lumabas, na hindi mo aakalain dahil sa aking nakaraang rekord at kung bakit ako naroroon. Ang mga simulaing natututuhan ko sa Bibliya ay nagkakabisa. Ang mga tubig ng katotohanan buhat sa Salita ng Diyos ang naglilinis, gaya ng ginawa nito noong kaarawan ng mga apostol. Ang kapangyarihan nitong baguhin ang buhay ay ipinakikita sa 1 Corinto 6:9-11, gaya ng sumusunod:
“ ‘Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyang ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis.’
“Sa wakas, ako’y nilitis. Ako’y hinatulan ng 20 taon dahil sa salang pagpatay. Noong 1971, ako’y ibinilanggo na mahigpit na naguguwardiyahan. Doon ko ipinagpatuloy ang aking pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi. Ang aking paggawi ay lubhang nagbago. Hindi nagtagal sa bagong bilangguang ito, ginawa nila akong isang trustee at binigyan ako ng mga bakasyon. Sa isa sa mga bakasyong ito, tinanong ko ang Saksi na tinutuluyan ko: ‘Ano ba ang humahadlang sa akin upang ako’y mabautismuhan?’ Inalam niya sa lokal na kongregasyon at ang sagot ay: ‘Wala.’ Noong 1973, sa takip-silim, ako’y nabautismuhan sa isang inuman ng tubig ng mga baka sa kalapit na bukid. Ako’y nanalangin bago ako lumusong sa tubig,
yamang gayon ang ginawa ni Jesus bago siya ilubog sa Ilog ng Jordan ni Juan Bautista.“Pagkatapos niyan, ang aking espirituwal na pagsulong ay mabilis. Ako’y sumali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro na idinaraos sa lokal na kongregasyon—mangyari pa, hindi ako personal na nakadadalo. Tumatanggap ako ng mga atas sa paaralan at itini-tape ko ang aking mga pahayag, at pinatutugtog naman ito upang mapakinggan sa kongregasyon. Ipadadala naman ng tagapayo ng paaralan ang payo upang tulungan akong sumulong. Mayroon kaming lingguhang mga pulong sa bilangguan kung saan ang iba pang bilanggo ay malugod na tinatanggap sa pagdalo.
“Samantala ako’y nagdaragdag ng maraming kasulatan sa aking kaalaman ng Bibliya. Ito’y parang mga tuntungang-bato na umaakay sa akin upang makaahon sa nakalilitong kalagayan sa moral na pinamuhayan ko sa kalakhang bahagi ng aking buhay, hanggang mapahalagahan ko ang pagbabagong binabanggit ni apostol Pablo sa Colosas 3:9, 10: ‘Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.’
“Noong 1978 ang ikatlong paglilitis sa harap ng parole board ay malapit na. Dalawang beses na akong tinanggihan dahil sa malubhang krimen na nagawa ko. Sa pagkakataong ito ang lupon ay tumanggap ng 300 sulat buhat sa mga Saksi at sa iba pa na nagpapatunay sa mga pagbabagong ginawa ko.
“Palibhasa’y malaki ang tsansa kong mapalaya, pinag-isipan ko ang posibilidad na mag-asawa. Si Arlynn, isang biyuda na may dalawang anak, ay isang Saksi na sumusulat sa akin samantalang ako’y nasa piitan. Dinalaw niya ako kasama ng dalawa niyang anak na lalaki. Ako’y umibig sa kaniya at siya naman sa akin. Ako’y napalaya noong Pebrero 1, 1978. Kami’y ikinasal noong Pebrero 25, 1978. Ngayon, pagkalipas ng 13 taon, kami ay maligaya pa ring nagsasama bilang mag-asawa. Isa sa aming anak na lalaki ay may asawa na at aktibo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang isa naman ay buong-panahong nagtatrabaho sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.
“Ang aking mga panalangin ay sinagot. Ako’y nagpapasalamat sa mga kapatid na lalaki at babae na tumulong nang husto sa akin. Utang ko ang lahat ng aking kaligayahan sa maligayang Diyos, si Jehova.—1 Timoteo 1:11.
“Gayunman, nakadarama pa rin ako ng mataos na pagsisisi sa aking mga kasalanan noon. Nililingon ko na may pagkamuhi ang aking dating masamang paggawi. Maraming ulit akong nanalangin kay Jehova na patawarin ako, at nadarama kong pinatawad niya ako. Inaasahan ko rin na mapatawad ako ng mga taong nagawan ko ng mali noon. At ako’y umaasa lalo na na bubuhayin muli ni Jehova ang taong aking napatay at nang siya’y magkaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupang Paraiso ng Diyos. Iyan ang magpapangyaring maging lubos ang aking kagalakan!”
Kung ano ang hindi nagawa ng mga harang ng bilangguan at ng bartolina, ay nagawa ng katotohanan ng Bibliya. Pinangyari nitong hubarin ni Ron Pryor ang dating kriminal na pagkatao at magbihis siya ng isang bagong pagkataong Kristiyano. Bakit? Sapagkat “ang salita ng Diyos ay buháy at may kapangyarihan,” pati na ang kapangyarihang baguhin ang buhay.—Hebreo 4:12.
[Blurb sa pahina 11]
Trak ni Hukom Jenkins ang nanakaw ko!
[Blurb sa pahina 12]
Naroon ang isang Bibliya sa bartolina. Sinimulan kong basahin ito
[Blurb sa pahina 12]
Hinatulan nila ako ng 20 taon sa salang pagpatay
[Larawan sa pahina 13]
Si Ron Pryor at ang kaniyang asawa, si Arlynn, ngayon