Ang Labanan sa mga Latian ng Ireland
Ang Labanan sa mga Latian ng Ireland
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ireland
“KUNG walang gagawin, at gawing madali, ang walang katulad na bahagi ng nabubuhay na pamana ng daigdig ay maaaring mawala magpakailanman.” Gayon ang sabi ng Britanong manunulat na si Dr. David Bellamy. Anong pamana ang nasa isip niya? Ang mga latian, o peat lands ng Ireland.—Bellamy’s Ireland—The Wild Boglands.
Hindi minamalas ng lahat sa Ireland ang mga latian bilang isang pamana. Noon, sabi ng manunulat na si Michael Viney, “ang latian ay kasingkahulugan ng kahirapan at ng pinakadukhang pamumuhay.” Ngayon, ayon sa IPCC (Irish Peatland Conservation Council), marami ang may palagay na ang lahat ng mga latian ay dapat “hukayin, alisan ng tubig at baguhin tungo sa isang tuyo at mas ‘kapaki-pakinabang na lupa.’” Yamang ang paghuhukay at pag-aalis ng tubig sa latian ay gumagawa ng mahalagang gatong at nag-iiwan ng matabang lupa sa pagsasaka, bakit nababahala ang mga conservationist (nagtataguyod sa pangangalaga ng likas na yaman)? Sapagkat minamalas nila ang mga latian bilang “walang katulad na mga ekosistema ng latian.”
Dalawang pangunahing uri ng latian ang nanganganib. Ang isa ay tinatawag na raised bog, at ang isa naman ay, blanket bog. Ang blanket bogs, ayon kay Dr. David Bellamy, “ang bumabalot sa basang kanluran [at sa iba pang basa, bulubunduking dako] ng nabubuhay na blangket, na ang katulad nito ay hindi mo makikita saanman sa mundo.” Ano nga ba ang dalawang uring ito ng latian? Ito ba ay higit pa kaysa tahimik, mapanlinlang na mga dakong huhukayin upang kumuha ng gatong sa taglamig? Dapat ba itong maglaho na lahat?
Ang Raised Bogs at Blanket Bogs
Ang mga latian ay pagkalawak-lawak na bunton ng peat na natatakpan ng pananim na binubuo ng mga lumot, mababang mga palumpon, pananim sa latian, at mga bulaklak. Sabi nila, ang mga raised bog ay nagsimulang lumago libu-libong taon na sa mga lugar na gaya ng mababaw na mga lawa. Ang pananim ay namatay at lumubog sa ilalim, kung saan ito ay unti-unting nabulok at naging peat. Ang mga tambak na ito ng nabubulok na mga halaman ay nagpatung-patong, susun-suson, hanggang sa wakas natabunan nito ang lawa. Ang ilang mga tambak ay umabot ng 12 metro ang lalim.
Nilatagan ng mga lumot ang latian na umahon mula sa mga lawa at naging parang mga espongha, pinananatili ang ibabaw ng latian na tigmak ng tubig. Malalaking bunton ng mga latian na natatakpan ng lumot ang naglitawan at gumawa ng kahanga-hangang hugis-simboryong raised bogs. “Sa katunayan ang bobida ng isang raised bog,” sabi ni David Bellamy, “ay isang dambuhalang patak ng tubig na tinitipon ng isang molde ng patay, bahagyang bulok na labí ng mga halaman, na pinananatiling buo ng isang nabubuhay na takip ng peat.”
Sa kabilang dako naman, ang mga blanket bog ay hindi nangangailangan ng mga lawa upang lumago. Kinukuha nila ang lahat ng tubig na kailangan nila mula sa walang-tigil na patak ng ulan sa matubig na mga dako ng bansa—mga lugar kung saan umuulan ng hindi kukulangin 235 araw sa isang taon at gumagawa ng mahigit na 120 centimetro sukat ng pag-ulan sa isang taon. Sabi ni David Bellamy na ang blanket bog, na maaaring maging 6 na metro ang lalim, ay isang dambuhala, “hindi mabisang tambak ng nabubulok na organikong mga bagay . . . na tigmak ng tubig.”
Sa gayon, ang ilalim ng latian ay binubuo ng mga suson ng pananim sa iba’t ibang yugto ng pagkabulok. Malapit sa tuktok, makikita mong malinaw ang mga labí ng patay na halaman na kulay kayumangging peat. Sa ilalim ang mga ito ay nabulok at mas maitim ang kulay, mas malapot na peat na parang masilya.
Ito’y maaaring magtinging malungkot at hindi kawili-wili. Subalit ang mga latian, bukod sa pagiging malawak na mga tambakan ng gatong, ay may natatanging kagandahan. Inilalarawan ni Michael Viney ang blanket bog sa kanluran ng Ireland na bumabalot sa palibot ng mga bundok na parang malaking kulay kayumangging alpombra na nakabalot sa tuhod ng isang matandang lalaki. Sabi pa niya: “Kung mamasdan mo nang malapitan ang alpombra, makikita mong ito ay hinabing mamahaling materyales—malapelus na itim at luntiang mga lumot, magagandang kulay ginto at rosas na mga lichen, napalalamutian ng abuhing-berdeng puntas.”—The IPCC Guide to Irish Peatlands.
Ito ang kahanga-hangang latian na nais ingatan ng mga conservationist. Ang latian ang tirahan ng laksa-laksang mga hayop, gaya ng mga palaka, bubuli, liyebre, ibon, at sarisaring insekto. Tinutustusan nito ang sarisaring halaman; ang malaganap na bulak sa latian, water lily, pitcher plants, pipewort, wintergreen, bog asphodel, at marami pang iba. Ang bilog-dahong sundew ay isang hindi inaasahang maninirahan sa mga latian. Kumakain ng karne, sinisilo nito ang mga insekto sa malagkit nitong mga dahon at dahan-dahang tinutunaw ito.
Paghukay sa Peat
Kung ikaw ay mamamasyal sakay ng kotse o, maglalakad sa alinmang dating mga daang latian ng Ireland sa tagsibol o sa tag-araw, makikita mo pa rin ang mga lalaki at mga babae na naghuhukay ng peat, o damuhan, gaya ng tawag nila rito. Ginagamit pa rin nila ang tradisyunal na pala, isang pantanging nakitid-talim na pala na kadalasang may ekstrang pantabas na gilid na 90° ang anggulo sa talim upang maputol nito ang isang piraso ng damuhan sa isang hiwa. Ikinakalat ng mga manghuhukay ang mga pirasong ito upang matuyo sa araw sa tag-araw at saka titipunin ito para panggatong sa taglamig. Ang mabangong samyo ng nasusunog na peat ay nakadaragdag sa kasiyahan ng
pagpapainit sa apoy sa isang malamig na gabi sa taglamig.Kapag ang mga lalaki ay naghuhukay ng peat sa ganitong paraan, sila ay parang mga langgam na sumasalakay sa isang pagkalaki-laking tindahan ng pagkain. Gayunman, kahit na ang paghuhukay na iyon, kung idaragdag sa mga planong pag-alis ng tubig sa lupain, ay unti-unting bumago sa mga latian sa nakalipas na libu-libong taon. At, isang tunay na banta sa pag-iral ng mga latian ay dumating nitong nakalipas na 40 taon. Iyan ay nang hukayin at kayurin ng malalakas na makina ng Bord na Móna (Ang Irish Peat Board) ang peat mula sa mga latian sa nakatatakot na bilis.
Hindi madali ang pag-aalis ng peat nang maramihan. Ang basal na latian ay 95 porsiyento tubig, at ito’y nangangailangan ng hindi kukulanging limang taon ng patuloy na pag-aalis ng tubig bago ligtas na makapaghukay ang mga makina sa latian.
Minsang mahukay ang peat, hindi sila nag-iiwan ng ilang. Ang mga awtoridad ay nagpapagal upang gawin kapaki-pakinabang at produktibong lupa ang hinukay na mga latian. Gayunman, nangangahulugan pa rin ito na ang mga latian mismo ay nanganganib malipol. Sa Ireland, wala pang 5 porsiyento ng raised bogs na may ilang uri ng potensiyal na reserbang-yaman ang natitira. Hindi na ito isang kaso ng mga langgam na sumasalakay sa isang tindahan ng pagkain. Ngayon ang buong tindahan ay inaalisan ng laman at ang gusali ay ginigiba.
Makaliligtas ba Ito?
Alam ng mga conservationist na hindi makatotohanan na ipagbawal ang paghuhukay ng peat. Ang paggamit sa gayong makukuhang pinagmumulan ng enerhiya ay makatuwiran. Ngunit, tinatanong nila, ang pagpapaunlad ba ay dapat mangahulugan ng paglipol? Si Catherine O’Connell ng IPCC ay nagtatanong: “Gusto ba nating mangyari sa ating mga latian ang nangyari sa Dodo?”
Panahon ang magsasabi.
[Kahon sa pahina 16]
Higit Pa sa Peat ang Iniingatan ng Latian ng Ireland
Mga bangkay ng taong nalunod sa mga latian o ritwal na pinatay mga dantaon na ang nakalipas ang nahukay sa latian ang kamangha-manghang naingatan. Dati-rati’y itinatago ng mga tagalalawigan ang mantikilya sa latian na parang sinaunang palamigan. Madalas na nasusumpungan ng mga tagaputol ng damuhan ang mga sisidlang kahoy na naglalaman ng mantikilya na nakabaon sa peat at hindi nahukay. Magagandang ginto, pilak, at tansong gawang-kamay na mga palamuti ay nahukay sa mga taguang dako sa mga latian, kung saan ang mga ito’y inilagay upang huwag makuha ng nandarambong na mga Viking.
[Kahon sa pahina 17]
Ang mga Latian ay Maaaring Maging Mapanganib
“Ang mga latian ay maaaring maging mapanganib na mga dako; huwag na huwag pupunta roon nang mag-isa,” ang babala ng ilan. Ang mga latian ay masalimuot na dako, punô ng bambang, sapa, at mga lawa ng tubig. Maaaring magkaroon ng lumulutang na mga latian sa ibabaw ng malalalim na lawa kapag nagkakaroon ng isang latag ng peat sa ibabaw ng lawa. Ito’y yumayanig kapag nilalakaran at maaaring mahulog doon ang mga tao at mga hayop.
“Ang mga bahagi ng peat sa mga dalisdis ay maaaring maputol mula sa malaking blanket bog at dumausos pababa na itinutulak ang mga punungkahoy at sinisira ang mga bahay na gaya ng umaagos na lava ng bulkan na sinisira ang lahat ng madaanan nito.”
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Itaas pakanan:
Damuhang nakatalaksan sa Connemara, Ireland
Basal na latian—tahimik at mapanlinlang
Kumakain ng karne, bilog-dahong sundew
Ligtas na kanlungan para sa pugad ng curlew
[Credit Line]
Dr. R. F. Hammond, Teagasc, Ireland (itaas at kanang itaas)
[Credit Line]
Dutch Foundation for Conservation of Irish Bogs