Magbasa Upang Palawakin ang Iyong Kaalaman
Magbasa Upang Palawakin ang Iyong Kaalaman
IKAW ba’y nagnais nang maglakbay sa malalayong lugar; makakilala ng mga tao ng iba’t ibang kultura; makita at galugarin ang mga kababalaghan ng kalikasan gaya ng kasindak-sindak na mga talón ng tubig, mariringal na kabundukan, at ang mahiwagang mga kagubatan; at matuto tungkol sa di-kilalang mga ibon, hayop, at halaman? O nais mo bang sumisid sa ilalim ng karagatan; pumailanglang sa kalawakan; sumilip sa mikroskopikong daigdig; pag-aralan ang mga kababalaghan ng utak, ng mata, at ng puso; o saksihan ang himala ng pagsilang? Marahil ibalik pa nga ang panahon at saliksikin ang nakalipas sa pamamagitan ng kasaysayan at arkeolohiya?
Ang lahat ng kapana-panabik na abenturang ito ay bukás sa iyo sa pamamagitan ng inilimbag na pahina. Hindi mo na kailangan pang umalis ng iyong bahay, mararanasan mo ang lahat ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat at iba pang publikasyon na kamalig ng kaalaman sa bawat larangan. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas.” (Eclesiastes 12:12) Ang mahusay na pagbabasa ay magpapangyari sa iyo na humalaw mula sa kamalig na ito.
Isang Hadlang na Sulit Pagtagumpayan
Nakalulungkot sabihin, sa buong daigdig mahigit na 800 milyon katao na mahigit 15 anyos ang hindi marunong bumasa’t sumulat. Tinatakdaan nito ang kanilang kakayahang matuto at makipagtalastasan. Sinusugpo nito ang kanilang kakayahang mag-isip at ginagawa sila nitong umasa sa iba na nakababasa, sa gayo’y nanganganib silang abusuhin o samantalahin.
Kahit na ang pangunahing gawain sa araw-araw ay maaaring maging patibong sa mga hindi marunong bumasa’t sumulat. Halimbawa, ang pagbibiyahe ay nakalilito kung ang isa ay hindi makabasa ng mga tanda sa kalye at mga direksiyon sa mga terminal ng bus, istasyon ng tren, at paliparan. Naaasiwa ka rin at nahihiyang hilingin ang isa na basahin at isulat ang personal na mga liham at mga dokumento o kahit na ang pagsagot sa simpleng mga porma. Isinasapanganib ng mga inang hindi makabasa ng mga tagubilin tungkol sa pagkain o medisina ang pagbibigay sa kanilang mga anak ng mga bagay na maaaring makapinsala sa kanila.
Maliwanag, ang iliterasya ay isang napakalaking hadlang. Gayunman, sa kaunting tulong, ito ay maaaring mapagtagumpayan. Ang kalagayan ay katulad niyaong kay Marthe. Sa edad na 70 siya ay nabulag ng mahigit na 20 taon at naaalaala na lamang niya kung ano ang hitsura ng daigdig ng liwanag at kulay. Pagkatapos siya’y inopera ng isang seruhano. Binuksan nitong muli ang kaniyang kamangha-manghang daigdig ng paningin—at ang mga kasiyahan ng pagbabasa. At nariyan din si Kalu, na ngayo’y 70 na. Bilang isang binata, siya ay “bulag” sa nailimbag na pahina—hindi siya makabasa. Subalit siya’y nagpatala sa isang klase na nagtuturong bumasa’t sumulat. Siya ngayon ay nakababasa at nakasusulat sa tatlong wika.
May ilang taong gaya ni Marthe, subalit may libu-libong gaya ni Kalu na napagtagumpayan ang kanilang hadlang sa pamamagitan ng pag-aaral bumasa. Mangyari pa, hindi ito nangyayari sa magdamag. Nangangailangan ng panahon at pagsisikap at, higit sa lahat, ng maraming pampalakas-loob at tulong. Maaari ka bang tumulong? Ang mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa ay nagdaraos ng mga klase na nagtuturong bumasa’t sumulat gaya niyaong isa na nakatulong kay Kalu, at ito’y nakatulong sa mataas na bilang ng mga marunung bumasa’t sumulat sa gitna ng mga Saksi. Sa Nigeria, halimbawa, ang dami ng mga marunong bumasa’t sumulat sa mga Saksi ni Jehova ay mahigit na doble kaysa mga mamamayan sa pangkalahatan.
Maging Mas Mahusay na Mambabasa
Marahil marunong kang bumasa’t sumulat. Subalit gaano ka kahusay bumasa? Baka hirap kang
magbasa at umuurong, yaon ay, ugali mong huminto sa kalagitnaan ng isang linya o pangungusap at saka bumabalik upang basahin itong muli. O marahil mali ang bigkas mo sa mga salita o nahihirapan kang unawain ito. Mapagtatagumpayan ba ang mga problemang ito?Naiuugnay ng 13-anyos na si Beatrice ang mga salita sa mga ideya ngunit nahihirapan siyang bigkasin ang mga ito. Babasahin niya ang “person” na “somebody” o ang “building” na “house.” May nagturo sa kaniya tungkol sa palatinigan ng mga salita—kung paanong ang pagsasama ng mga tunog ng mga patinig sa mga katinig ay gumagawa ng iba pang mga tunog—at kung papaano bibigkasin ang mga salita nang pantig-pantig. Pinasigla rin niya si Beatrice na basahin Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya habang nakikinig sa isang recording nito. a Ang pag-unawa niya sa mga salita at sa kanilang bigkas ay sumulong, at siya ngayon ay nakasusumpong ng mas malaking kasiyahan sa pagbabasa.
Marahil kailangan mo ring pasulungin ang iyong palatinigan. Yamang binabasa mo ang artikulong ito, alam mo na kung ano ang mga pantig. Gamitin mo ang kaalamang
ito sa mga pagsasanay sa pagbigkas. Pumili ng isang salita, hatiin mo ito sa mga pantig, at bigkasin ang bawat pantig. (Halimbawa: pa-na-nam-pa-la-ta-ya). Pagkatapos pagsamahin mong muli ang salita at bigkasin ito nang buo. Subukin mo ito sa iba pang salita, at saka sikaping basahin ito nang hindi binubukod ang bawat pantig. Matutong kilalanin ang buong mga salita nang hindi pisikal na binibigkas ito.Ang magagaling na mambabasa ay hindi bumabasa ng salita por salita. Nakikita nila ang buong mga parirala at inuunawa nila ang mga salita sa mga grupo ng kaisipan o kompletong mga ideya. Kaya sa halip na huminto at tingnan ang bawat salita, sikaping tingnan ang ilang salita sa bawat tingin ng mata, at ang bawat tingin ay dapat na di sinasadyang paghinto ng mata, isang sulyap. Sa pamamagitan ng pagsasanay ay magagawa mo ito. Subalit bantayan ang anumang hilig na umurong. Ang pagbalik upang muling basahin ang mga bahagi ng pangungusap ay puputol sa daloy ng kaisipan at makasasagabal sa iyong pag-unawa. Kaya sanayin mong magbasa nang tuluy-tuloy.
Kahit na kung nakakabasa ka nang matatas, may iba pang salik na nasasangkot sa pagiging isang mahusay na mambabasa. Pag-unawa, kakayahang maalaala, at mayamang bokabularyo—lahat ng ito ay kapaki-pakinabang na mga tunguhing pagsikapang maabot. Ang kalakip na mga kahon ay nagbibigay ng ilang himaton sa kung paano makakamit ito. Bakit hindi mo suriin kung ano ang iyong nagagawa sa paggamit ng mga mungkahi?
Piliin ang Tamang Babasahin
Taglay ang pinagbuting kakayahan sa pagbasa, isang daigdig ng kaalaman—isang kayamanan ng impormasyon sa nalimbag na pahina—ang mabubuksan sa iyo. Mangyari pa, maaari mong matutuhan ang ilan sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng TV at mga videotape, ngunit pinasisigla at pinasusulong ng pagbabasa ang iyong proseso ng pag-iisip, ang iyong imahinasyon, at ang iyong kakayahang ipahayag ang iyong sarili. Binibigyan ka nito ng mga salita at mga larawan sa isipan na tatandaan, ipakikipag-usap, at matalinong isusulat tungkol sa maraming paksa, ginagawa kang mas kawili-wiling tao na magandang makasama.
Gayunman, sa dami ng paksang susuriin, saan ka magsisimula? Ang talata ng Bibliya na nagsasabing, “Sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas,” ay nagsasabi ring, “Ang pagtatalaga sa mga ito ay kapaguran ng katawan.” (Eclesiastes 12:12) Hindi maaaring basahin ang lahat—at hindi lahat ay mabuti at totoo. Kaya maging mapamili. Basahin mo ang materyal na huhubog sa iyong pagkatao sa ikabubuti at na tutulong sa iyo sa trabaho, sa paaralan, o sa pangangalaga ng mga pananagutan mo sa pamilya. Maaari mong palawakin nang husto ang iyong kaalaman sa pagbabasa ng internasyonal na mga publikasyon na gaya ng Gumising! Sa ilang pahina lamang, maaari kang masiyahan sa impormasyong tinipon buhat sa buong daigdig.
Ang pagiging mapili ang gagawa sa iyong pagbabasa na makabuluhan at magdudulot sa iyo ng praktikal, intelektuwal, at espirituwal na mga pakinabang. Kaya pumiling mainam, at samantalahin ang panahon upang magbasa sa bahay, sa mga break period mo sa trabaho, samantalang naghihintay, samantalang naglalakbay, at sa iba pang mga pagkakataon. Magbasa—at palalawakin nito ang iyong kaalaman.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 27]
Kung Paano Pasusulungin ang Pag-unawa
● Aktibong mag-isip samantalang nagbabasa, nagtatanong at naghihinuha.
● Ingatan sa isipan ang paksa ng artikulo at ng anumang subtitulo.
● Sikaping unawain kung paano nauugnay ang bawat parapo sa pangunahing paksa.
● Iugnay ang materyal sa kung ano ang nalalaman mo.
● Ikapit ang materyal sa iyong buhay at mga karanasan.
Dagdagan ang Iyong Bokabularyo
● Markahan ang di pamilyar na mga salita samantalang ikaw ay nagbabasa.
● Pansinin kung paanong ang mga salitang iyon ay ginagamit sa konteksto.
● Tingnan sa diksiyunaryo ang kahulugan ng salita habang ikaw ay nagbabasa.
● Pag-aralang bigkasin nang wasto ang mga salita.
● Gamitin ang bagong mga salita sa pakikipag-usap sa iba.