Mga Ibong Nandarayuhan Mag-ingat: Lumihis sa Europa!
Mga Ibong Nandarayuhan Mag-ingat: Lumihis sa Europa!
“LUGOD na lugod, may pagmamalaking iniharap ng weyter ang pangunahing putahe. Sa isang pinggan, katabi ng mainit na cornmeal, ay tatlong maliliit, maiitim na tukáng nakaturo paitaas sa kaawa-awang kumakain. Ang inihaw na katawan ng mga ibon ay inalisan ng balahibo subalit hindi inalisan ng laman-loob. Ang kanilang sunog na mga pakpak at payat na mga hita ay parang mga insekto. Kumikinang ito sa mabangong langis ng olibo.”
Gayon ang pambungad ng isang artikulo sa The Wall Street Journal, noong nakaraang taon. Ito’y isang espesyal, mamahaling putahe na inihahain sa isang restauran sa Italya. Ang kumakain ay kadalasang isinusubo ang buong ibon, nginunguya lahat pati buto. Kaya nga lamang sa pagkakataong ito ay hindi gayon ang nangyari. Sa halip, inuusisa ni Piergiorgio Candela, isang opisyal ng samahan na nangangalaga-sa-ibon sa Italya, ang tatlong maliliit na ibon, sinisikap na kilalanin ang uri ng ibon. Siya’y naghinuha: “Ang mga ibong ito ay hindi legal.” Sa isang raid na iyon, nasumpungan niya ang 1,400 ibong robin sa kusina na naalisan na ng balahibo.
Ang artikulo ay nagpapatuloy: “May ilang uri ng ibon na maaaring legal na patayin at ipagbili; ang karamihan ay hindi maaari. Anuman ang mangyari. Taun-taon, 50 milyong iniingatang ibong robin, ruwisenyor at iba pang mga ibong umaawit ay inihahain sa mga restaurang Italyano. . . . Lahat-lahat, ang pangangaso at paninila ay pumapatay ng mga 15% ng mga ibong nandarayuhan sa dako ng Mediteraneo. Sa Espanya, pinapahiran ng mga magbubukid sa Catalonia ng pandikit ang mga sanga upang madikit ang mga ibon, bago iburo ang mga ito. Malapit sa Bergamo, sa Italya, binubulag naman ng mga maninila ang mga ibong umaawit upang gawin itong magandang-umawit na mga alagang hayop sa bahay. At sa Malta, 10% ng 300,000 maninirahan ang walang-habas na namamaril, nagkukulong at nagpepreserba ng apat na milyong maiilap na ibon taun-taon.”
Ang nandarayuhang mga ibong umaawit ay wala nang dahilan upang umawit ngayon. Sa ilang rehiyon halos hindi na marinig ang huni nila.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
G. C. Kelley photo