Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
“Narcolepsy” Tatlumpung taon na ang nakalipas ako ay narikonosi na may sakit na narcolepsy. Sa buong buhay ko ay naranasan ko ang mga problema dahil sa pagkakatulog sa maling sandali. Sapagkat ako’y nakakatulog sa mga pulong Kristiyano, ang iba ay naghinuha na wala akong gaanong pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Kaya nga, salamat sa inyong mahusay na artikulo (Abril 8, 1991) tungkol sa di karaniwang sakit ng ito ng pagkatulog.
R. N., Alemanya
Igalang ang mga May Edad Salamat sa inyong mga artikulo tungkol sa “Iginagalang Mo ba ang mga May Edad?” (Marso 22, 1991) Pagkaraan ng 40 taon ng matapat na paglilingkod sa Diyos, ang aking ina ay nangailangan ng buong-panahong pangangalaga dahil sa sakit na Alzheimer’s disease. Ang kalendaryong gawa ng Samahang Watch Tower ay isang malaking tulong, yamang isinusulat ng maraming bumibisita sa kaniya ang kanilang pangalan sa petsa ng kanilang pagdalaw. Sa gayo’y naipagugunita ko sa kaniya na hindi lamang ako ang dumadalaw sa kaniya, yamang mahigit na kalahati ng mga petsa ay punô ng mga pangalan! Gayundin, siya ay tumanggap ng mahusay na pangangalaga mula sa mga tauhan sa nursing-home sapagkat alam nila na marami ang interesado sa kaniyang kapakanan. Salamat sa inyong pagkabahala sa amin.
W. J. H., Estados Unidos
Ang aking ina, na lumpo mula sa baywang pababa, ay wala nang kontrol sa mga gawain ng kaniyang katawan. Tuwing umaga ay kailangang paliguan namin siya at palitan ang mga sapin sa kama. Kailangan siyang bihisan at pakanin, at madalas na siya’y nangangailangan ng medikal na paggagamot. Ang aking mister at mga anak ay isang tunay na alalay, subalit ang mas malaking bahagi ng pananagutan ay nakaatang sa akin. May mga panahong ako’y nasisiraan ng loob, at ang espiritu ng pagkakait-sa-sarili ay kailangan sa tuwina. Kaya nga isang malaking kagalakan na mabasa ang inyong mga artikulo. Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso.
L. D., Italya
Huwaran Para sa mga Kapatid Ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magiging Huwaran sa Aking Nakababatang mga Kapatid na Lalaki at Babae?” ay nakaapekto sa akin nang husto. (Abril 8, 1991) Bilang panganay sa tatlong anak, masasabi ko na sana’y nabasa ko ang artikulong iyon noong aking kabataan. Ako ngayon ay may dalawang anak at ako’y naaaliw na sila’y magkakaroon ng mabuting payo na iyon upang sundin.
L. K., Alemanya
Pag-aalaga ng Bata Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magiging Mahusay na Tagapag-alaga ng Bata?” (Marso 8, 1991) Tinanggap ko ito sa koreo samantalang inaalagaan ko ang aking anim-na-taóng-gulang na kapatid na lalaki. Habang binabasa ko ito, sinabi ko sa kaniya na pulutin niya ang mga laruan niya. Pagkatapos ay narating ko ang parapo kung saan sinasabi nito na ang pagbibigay ng gantimpala sa mabuting gawi ay mas mabisa kaysa mga banta. Sinubukan ko ito, at ito’y nagkabisa! Pinahahalagahan ko rin ang bahaging nagsasabing hindi mabuting tawagin ang isang bata na tanga o gago. Tinatawag ko siyang tanga, at ngayon natanto ko na ito’y katangahan sa bahagi ko.
A. L., Estados Unidos
Asbestos Bilang isang sinanay na Asbestos Project Worker, nais kong sabihin kung gaano ako nasiyahan sa timbang na artikulong “Ang Kuwento ng Asbestos.” (Marso 22, 1991) Bilang bahagi ng aking pagsasanay, nakarinig ako ng mga lektyur mula sa mga espesyalista sa kanser. Pinatunayan ng isang doktor na ang iyong tsansang lubhang maapektuhan ng asbestos ay mas malaki kung ikaw ay naninigarilyo. Gaya ng dati, ang inyong mga artikulo ay wasto at malamán.
J. M., Estados Unidos
Lupus Ipinadala sa akin ng tiyo ko ang artikulo na may kuwento ni Robin Kanstul na “Kung Paano Ako Namumuhay na May Sakit na Lupus.” (Mayo 8, 1991) Binasa ko ang buong magasin at nasiyahan ako rito. Ako man ay may sakit na lupus, at kailanman ay hindi sinabi sa akin ng mga doktor ang kalahati ng nabasa ko sa artikulo. Salamat, Robin Kanstul, sa pagsasaysay mo. Salamat, Gumising!, sa paglalathala ng kaniyang kuwento. Ngayon ay nalalaman ko na hindi ako nag-iisa, at natututuhan kong pagtagumpayan ito.
R. B., Estados Unidos