“Ang Pinakadakilang Regalo”
“Ang Pinakadakilang Regalo”
ANG mga magulang na ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa upang palakihin ang kanilang mga anak na maging desente, masunurin-sa-batas, at may takot sa Diyos ay tuwang-tuwa kapag ang kanilang mga mumunting anak ay nagpapahayag ng pagpapahalaga sa kanilang mga pagsisikap. Totoo ito lalo na sa “mga huling araw” na ito kung saan ang isang tanda ng panahon ay ang malaganap na ‘pagsuway sa mga magulang.’—2 Timoteo 3:1, 2.
Si Nancy, isang 15-anyos na mag-aaral sa high school, ay pinalaki ng mga magulang na mga Saksi ni Jehova. Isang araw ang kaniyang guro sa English ay nagbigay sa klase ng isang asainment na sumulat tungkol sa pinakadakilang regalo na kailanma’y tinanggap nila. Ang sumusunod ang sanaysay na ibinigay ni Nancy sa kaniyang guro, sa ilalim ng pamagat na “Ang Pinakadakilang Regalo”:
“Maraming uri ng regalo at mga nagkakaloob. May mga regalo ng pag-ibig, kaibigan, at mga talino. Gayundin, may mga regalong ayaw mo, tulad ng poot at karalitaan. May iba’t ibang uri ng nagbibigay. Yaong masakim na nagbibigay at yaong nagbibigay sapagkat gusto nilang magbigay. Ang pinakamagandang regalong natanggap ko ay ang regalong ibinigay sa akin ng tatay ko, ang regalo ng kaalaman tungkol sa Diyos.
“Ang regalong ito ay lalagi magpakailanman, hindi gaya ng ibang regalo na itatapon kapag ang mga ito ay sira na. Ang mga bagay na natutuhan ko ay magbibigay sa akin ng inspirasyon sa buong buhay ko at makaiimpluwensiya sa lahat ng gagawin ko. Sa pag-aaral tungkol sa Diyos ng Bibliya, nakilala ko siya nang personal, gaya ng isang kaibigan na hinahangaan at iginagalang.
“Hanggang sa kamatayan ng tatay ko nitong taóng ito, ako ay umaasa sa aking tatay kapag ako’y nangangailangan ng patnubay. Gayundin ang iba. Kadalasa’y hindi ko nakikita ang tatay ko pagkagaling niya sa trabaho sapagkat siya’y abala sa pagdalaw at pagbibigay ng suporta sa mga nasa ospital. Ngayon ay natalos ko kung paanong napakamapagbigay siya ng kaniyang panahon sa iba. Bagaman wala na siya ngayon upang bigyan ako ng alalay at patnubay na kailangan ko, ako’y umaasa sa aking makalangit na Ama sa mga bagay na kailangang ko sa buong buhay ko.
“Lubos kong pinahahalagahan ang regalong ito, at pinasasalamatan ko ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng isang malakas at tapat na ama. Ang kaniyang halimbawa ay magkakaroon ng walang-hanggang epekto sa akin. Harinawa, maipakita ko ang aking pagpapahalaga habang ako’y nagkakaedad at sundin ang halimbawa na ipinakita sa akin ng aking tatay.
“Ang kaalaman tungkol sa Diyos ang aking pinakamahalagang regalo ngayon at magpakailanman, at pinasasalamatan ko ang aking mga magulang sa pagbibigay sa akin ng regalong ito. Ang kanilang dakilang halimbawa ng katapatan ay laging mananatili sa akin.”
Ang sanaysay na ito ay pinahalagahan ng guro, na nagsabing ito ay labis na nakaantig sa kaniyang damdamin, at binasa niya ito sa klase. Minarkahan niya ang papel ng dalawang A-plus, isa para sa nilalaman, at isa pa para sa balarila at pagbabantas.
Pinahalagahan din ng nanay ni Nancy ang sanaysay. Sabi niya: “Labis itong nakasiya sa akin. Palibhasa’y hindi mo nalalaman kung ano talaga ang nadarama ng iyong mga anak sa lahat ng panahon, nakatulong ito sa akin na maunawaan na si Nancy ay sumusulong at tinatanggap na niya ang mga bagay may kaugnayan sa kamatayan ng kaniyang ama.”