Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Munting Higante

Isang Munting Higante

Isang Munting Higante

ANG araw ay isang higante sa ating sistema solar. Napakalaki nito anupa’t 1,300,000 lupa ang magkakasiya rito. Subalit kung ihahambing ang araw sa ilang superhiganteng mga bituin sa ating galaksi, ito nga ay magtitinging munti.

Halimbawa, gunigunihing ilagay ang iba’t ibang superhiganteng mga bituin sa kinaroroonan ng ating araw. May ilan na pagkalaki-laki anupa’t sasakmalin nito ang buong orbita ng lupa. Tayo ay mapapasok sa bituin! Ang bituing tinatawag na Betelgeuse ay aabot halos sa Jupiter. At kung ang bituing Mu Cephei ay nasa lugar ng araw, sasakmalin nito ang Saturn​—bagaman ang Saturn ay napakalayo anupa’t ang Voyager 2 ay nangailangan ng apat na taon bago makarating doon buhat sa Lupa, naglalakbay ng mga 20 ulit ng bilis ng nagtutumuling bala.

Ang ating galaksi, ang Milky Way, ay tinatawag na isang higanteng spiral na galaksi. Humigit-kumulang gayon nga. Ang lawak ng napakalaking nagniningning na spiral ng mahigit na 100,000,000,000 bituin, na maringal na umiinog sa kaitiman ng kalawakan, ay nakalilito sa isip ng tao. Kung tayo’y makatatayo sa isang dulo ng ating galaksi at magpapadala ng isang sinag ng liwanag sa kabilang dulo, kukuha ng mahigit na 100,000 taon upang matawid ng liwanag na iyon ang galaksi kahit na ang sinag ng liwanag ay maglalakbay sa nakasisindak na bilis: 300,000 kilometro sa bawat segundo. Sa ibang salita, ang Milky Way ay may diyametro na 100,000 light-years.

Gayunman, ang ating kalapit na spiral na galaksi, ang Andromeda, ay mahigit na doble ang laki sa galaksi natin at maaaring naglalaman ng mga 600,000,000,000 bituin. Isa pa, natuklasan ng mga astronomo ang isang pagkalaki-laking galaksi na pinanganlan nilang Markarian 348. Ito ay 13 beses na mas malaki sa diyametro kaysa ating galaksi na Milky Way, sumusukat ng halos 1,300,000 light-years sa diyametro!

Kahit na ang dambuhalang Markarian 348 ay magtitinging maliit kung ihahambing sa galaksing natuklasan kamakailan sa gitna ng isang kumpol ng mga galaksi na tinatawag na Abell 2029. Ang mga siyentipiko ay naniniwala na ito ang pinakamalaking galaksi na kailanma’y nakita nila. Ito ay mahigit na 60 beses ang laki sa ating sariling galaksi. Ito ay mga 6,000,000 light-years sa diyametro at tahanan ng nakalilito-sa-isipang 100,000,000,000,000 bituin. Sang-ayon sa isang report sa The New York Times, ito rin ay isa sa pinakamaningning na galaksi na kailanma’y nakita. At ito’y hindi magulong produkto ng ala-suwerteng puwersa. “Ito’y isang organisadong pangkat ng liwanag at enerhiya,” sabi rito ng isa sa mga nakatuklas nito. “Ito’y isang napakalaki, organisadong galaksi.”

Hindi nga maunawaan ng ating utak ang kalakihan ng kalipunang ito ng mga bituin o ang pagkalawak-lawak na distansiyang nasasangkot. Kaya, ano pa ang mapanlikha, nag-oorganisang puwersa sa likuran ng lahat ng ito? “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan.” (Isaias 40:26) Kung ang nilikha ay kasindak-sindak, gaano pa kayang higit na kasindak-sindak ang Maylikha!

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Kuha ng U.S. Naval Observatory