Paghadlang sa Sunog sa Bahay
Paghadlang sa Sunog sa Bahay
AYON sa kumalat na balita, nasipa ng baka ni Gng. Patrick O’Leary ang gasera sa kamalig at diyan nagsimula ang malaking sunog sa Chicago noong 1871. Ang halaga ng napinsalang ari-arian at buhay ay napakalaki. Ayon sa isang pinagmumulan ng balita, ang sunog ay nag-iwan ng 100,000 na mga walang tirahan, nagwasak ng mahigit 17,400 mga gusali, at sumawi ng 250 katao.
Ngayon, pagkalipas ng 120 taon, ang makabagong teknolohiya sa pagpatay ng sunog ay nakatulong upang hadlangan ang maraming malalaking sunog. Gayunman, ang mga nasusunog na bahay ay patuloy na nagiging isang mapanganib na banta. Ang NFPA (National Fire Protection Association) ay nagsasabing sa Estados Unidos, halos limang libo katao ang nasawi sa mga sunog sa bahay sa isang taon. Gaya ng naitala sa The Vancouver Sun, ang NFPA ay nagbigay ng ilang payak na mga pahiwatig upang tulungang huwag magsimula ang sunog sa bahay. Sa pinakabuod, ang mga ito ay:
◻ Huwag ipahintulot ang paninigarilyo sa loob ng bahay. Ang mga aksidente dahil sa walang ingat na mga maninigarilyo ay patuloy na nangungunang sanhi ng kamatayan mula sa mga sunog sa bahay.
◻ Huwag iwan ang mga portable heater na umaandar nang walang tao o samantalang ikaw ay natutulog.
◻ Huwag kargahan nang labis ang kuryente o kaya’y gumamit ng mahimulmol na mga kordon. Gamitin lamang ang tama ang laki na mga piyus.
◻ Panatilihing malinis ang mga pugon at tsiminea. Inspeksiyunin ito taun-taon.
◻ Tingnan ang mga smoke detector nang palagian, at palitan ang mga batirya ng mga smoke detector sa bawat taon. Tiyakin na nakikilala ng lahat sa pamilya ang tunog ng alarma ng smoke detector.
◻ Tingnan na nalalaman ng lahat sa pamilya ang daan sa pagtakas kung may sunog, at panatilihing walang sagabal ang mga labasan.