Pagtatanggal sa Trabaho—Ang Masamang Panaginip ng mga Empleado
Pagtatanggal sa Trabaho—Ang Masamang Panaginip ng mga Empleado
“Para akong pinagsakluban ng langit at ng lupa. Ako’y nagulantang.”—Manedyer ng sistema ng komunikasyon sa isang kompaniya, 44 anyos.
“Isa itong matinding dagok sa iyong pagtitiwala-sa-sarili. Para ka tuloy walang halaga.”—Hepe ng pamunuan sa pananalapi, 38 anyos.
“Anong uri ng ekonomiya ang nagawa natin na isinasakripisyo ang mga tao sa kanilang kalakasan?”—Ehekutibo sa pananamit, 47 anyos.
ANONG magkatulad na karanasan ng mga taong ito? Naranasan ng bawat isa sa kanila ang traumatikong karanasan na matanggal sa trabaho.
Tingnan mo uli ang mga edad ng mga manggagawang iyon. Sila’y hindi mga bagito, kaya malamang na inaakala nila na medyo matatag na ang trabaho nila. At gaya ng masasabi ng marami sila ay nasa tugatog ng kanilang mga taon sa pagtatrabaho. Subalit ang wakas ng kanilang pagtatrabaho ay mabilis at hindi inaasahan. “Sinabi nila sa akin na alisin ko ang lahat ng bagay sa aking mesa at magbalut-balot na ako ng aking mga gamit,” sabi ng manedyer sa sistema ng komunikasyon sa isang kompaniya na nabanggit sa itaas. “Ako’y pinaalis, basta gayon na lamang. Tapos.”
Ano ang Nangyari?
Ang kawalang-katiyakan ng ekonomiya ay hindi bago. Sa maraming bansa, laging may mga panahon ng kaugnay na kasaganaan na sinusundan ng mga resesyon (isang kalagayan sa ekonomiya na ang pambansang kita ay lumiliit dahil sa kakulangan ng kabuuang demand) o matinding pagbaba ng pambansang produksiyon na tinatawag na depresyon. At ang mga paghina ng ekonomiya na nararanasan sa buong daigdig, kahit na bago ang digmaan sa Gulpo sa Persia, ay nagpapakita kung gaano kabuway ang mga ekonomiya pagkatapos ng mga taon ng kaugnay na kasaganaan. Natatanto ng maraming tao, ang ilan ay sa unang pagkakataon, na hindi nila maaaring ipagwalang-bahala ang kanilang mga trabaho at mga kita.
Ang epekto ng paghina ng ekonomiya sa mga manggagawa ay nakalilito. Ang mga kompaniya ay napipilitang magbawas hangga’t maaari ng mga gastusin, kadalasa’y nagbubunga ng malawakang pagtatanggal sa trabaho. Kahit sa mas mayaman, industrialisadong mga miyembrong estado ng Organization for Economic Cooperation and Development, noong minsan isang kabuuang 25 milyon katao ang walang trabaho.
“Halos araw-araw ako’y nakatatanggap ng tawag sa telepono mula sa mga kaibigan sa malalaking kompaniya na natanggal sa trabaho,” sabi ng isang interior designer ng bahay. “Maraming kompaniyang may transaksiyon ako ay bumaba ng kalahati ang pinansiyal na mga transaksiyon kaysa nakaraang taon.”
Ang pagtatanggal sa trabaho ay laging bahagi ng buhay ng mga obrero. Sa paghina ng ekonomiya
kamakailan, parami nang paraming mga empleado sa opisina ang nawawalan din ng trabaho. “Ito ang lubhang pinahahalagahang mga trabaho,” sabi ni Dan Lacey, editor ng babasahing Workplace Trends, “mga trabahong nagbigay sa atin ng kakayahang bumili ng isang bahay sa isang magandang lugar at magkaroon ng dalawang kotse.”Marami sa mga trabahong iyon ang nawala sa nakalipas na mga taon. At nasusumpungan ng mga manggagawang natanggal mismo sa trabaho ang kanilang mga sarili, gaya ng sabi rito ng Newsweek, “na lubhang nabibigatan dahil sa mga pagkakasanla, batang mga pamilya, malalaking pagkakautang at ang walang-katiyakang hinaharap.”
Ano ang mga Epekto?
May dalawang epekto ito: Ang mga manggagawang natanggal sa trabaho ay apektado kapuwa sa pinansiyal at emosyonal. Kitang-kita ang pinansiyal na paghihirap. Palibhasa’y nabawasan ng kita, ang pamantayan ng pamumuhay ng isa ay dapat baguhin. At ang pagkadesempleo ay mayroon ding epekto sa damdamin.
Halimbawa, ang pangmalas ng mga kabataan sa seguridad ng trabaho ay nagbabago. Ang paminsan-minsang trabaho ay nagiging isang normal, tinatanggap na paraan ng buhay. Binabanggit ng The Wall Street Journal na ang paminsan-minsang pagkadesempleo ay gumawa sa maraming kabataang Britano na maging “permanenteng mga adolesente.”
Mayroon pang nag-uugat nang malalim na mga implikasyon sa damdamin para sa mga natanggal sa trabaho pagkaraan ng mga taon ng matatag na trabaho. “Kapag may pagtatanggal sa trabaho,” sabi ng sikologo sa management na si Neil P. Lewis, “hindi lamang ito pagkawala ng sahod, kundi pagkawala rin ng kaunting pagkakilala-sa-sarili.”
Sa katunayan, napansin ng mga sikologo na ang trauma kapag ikaw ay matanggal sa trabaho ay kahawig ng trauma na nauugnay sa kamatayan ng isang mahal sa buhay at sa diborsiyo. Ang pagkabigla sa pasimula ay nagbibigay-daan sa galit, na humahantong naman sa dalamhati at pagkatapos ay ang pagtanggap. “Nararanasan ng ibang tao ang lahat sa loob ng dalawang araw,” sabi ni Lewis. “Ang iba naman ay kumukuha ng mga linggo at mga buwan.”
Ang pinsala sa damdamin ay makikita rin sa bagay
na yaong mga natanggal sa trabaho ay mas madaling magumon sa alak at sa droga. Ang kawalan ng pag-asa ay maaari pa ngang humantong sa karahasan o pagkasira ng pamilya. “Ang mga damdaming iyon ng kawalan ng pag-asa ay kailangan na may patutunguhan,” sabi ni Stephen Pilster-Pearson, direktor ng departamento na tumutulong sa mga empleado sa University of Wisconsin, E.U.A., “at ang isa sa mga dakong iyon, siempre pa, ay ang tahanan.”Sa isa pa ngang kalunus-lunos na reaksiyon, pinili ng isang nagtapos sa unibersidad sa Hong Kong na wakasan ang kaniyang buhay pagkatapos ng limang taon ng kawalan ng trabaho. Siya’y nagpasagasa sa isang dumarating na tren.
Kaya kapag nawalan ng trabaho, higit pa sa personal na pananalapi lamang ang apektado. Kaya, mahalagang alamin ang higit pa sa pinansiyal na aspekto ng problema. Ang matitinding damdamin ay nasasangkot, at ang mga pamilya ay kailangang magtulungan at nagkakaisang gawin ang mga kalutasan.
[Kahon sa pahina 5]
Ang Wakas ng Ekonomikong Paglawak?
Noong nakaraang taon, ang takot sa maalong dagat ng pananalapi ay iniulat sa buong daigdig. Isaalang-alang ang ilang halimbawa:
Pransiya: “Nararating na ng daigdig ang dulo ng pinakamahabang yugto ng ekonomikong paglawak na kailanma’y nakilala. . . . Kung ang mga bansa sa Europa ay hindi gaanong nag-aalala sa sandaling panahon, ito’y dahil sa pag-unlad na dala ng muling pagkakaisa ng mga Aleman, hindi sila makaaasang lubusang makalaya. . . . Nakita ng mga pamilihan ang dumarating na panganib.”—Le Monde, Paris.
Brazil: Ang isang resesyon sa Estados Unidos ay “tiyak na maihahatid at madarama sa ibang industrialisadong bansa at, bunga nito, ay lilikha ng mas maraming pagbabawal sa pag-unlad ng mga kalakal na iniluluwas buhat sa hindi gaanong maunlad na mga bansa.”—Fôlha de S. Paulo, São Paulo.
Britaniya: “Ang ekonomiyang Britano, na may implasyon na mahirap nang ihinto, mataas na porsiyento ng interes, at mabagal na pagsulong, ay waring hindi kaakit-akit.”—Financial Times, London.
Canada: “Mas kaunting mga maypatrabaho ang naghahanap ng mas kaunting mga manggagawa.”—The Toronto Star.
Alemanya: “Nakikita na ang katulad na pagtaas sa presyo ng langis noong 1973 . . . bilang [mga] hudyat ng resesyon.”—Neues Deutschland, Berlin.
Hapón: “Ang halaga ng lupa ngayon ay gaya ng bombang madaling-sumabog na nasa gitna ng ekonomiya ng daigdig. Kung ang bomba ay hahayaang sumabog at ang presyo ng lupa ay bumagsak, ang mga bangkong Hapones ay sasabog habang ang [mga utang] na nakuha sa mga lupaing Hapones ay halos magiging walang halaga. Ito, naman, ay magsisimula ng pambuong daigdig na resesyon.”—Australian Financial Review, Sydney.
Gayunman, ang wakas ng Digmaan sa Gulpo maaga noong 1991 ay nagdala ng panibagong mga pag-asa sa paglakas ng ekonomiya sa buong daigdig. Datapuwat, maliwanag na ang pambansang mga ekonomiya ay talagang mahihinang bagay, lalo na kung isasaalang-alang ang pagkalaki-laking pagkakautang na nagpapahirap na sa maraming bansa.