Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pananaig sa Marahas na Pamumuhay

Pananaig sa Marahas na Pamumuhay

Pananaig sa Marahas na Pamumuhay

KAMI ng kaibigan ko ay mabilis na tumakbo, at nang marating namin ang ilog na malapit sa aming bayan, tumalon kami sa ilog. Habang lumilitaw kami sa ibabaw ng tubig, lumangoy kami nang husto patungo sa kabilang pampang.

Ito ba ay isang uri ng larong bata? Hindi! Ito ay higit pa sa buhay at kamatayan. Nang lumingon ako, nakita ko ang mga pulis at ang kanilang mga sandata ay nakaumang sa amin. Sumisid ako sa ilalim ng tubig upang maiwasan ang mga bala at patuloy na lumangoy sa kabilang pampang. Kahit sa ilalim ng tubig, naririnig ko ang putok ng baril.

Nang marating namin ang kabilang pampang, naging matagumpay kami sa aming pagtakas sa bilangguan, kung saan kami ay ikinulong sa salang panloloob at pagnanakaw ng kotse.

Isa ito sa maraming beses na ako’y pinaghahanap o aktuwal na pinaghahabol ng mga pulis dahil sa ilang kriminal na pagkilos. Bagaman ako ay 17 anyos lamang noong panahong iyon, ako’y nakagawa na ng mahabang listahan ng mga pag-aresto ng mga may kapangyarihan. Sa wakas, kami ng kaibigan ko ay nahuli, at minsan pa ako ay nahatulan ng pagkabilanggo, sa pagkakataong ito ay sa loob ng dalawa at kalahating taon.

Kahit na sa loob ng piitan ako ay nagpakita ng marahas na ugali. Dahil sa madalas na pagkikipag-away sa ibang bilanggo, ako’y binigyan ng puting uniporme. Ito ang gumawa sa iba pang basag-ulero at sa akin na mapaiba dahil sa pantanging atensiyon ng mga bantay.

Mas Marahas Paglaya

Ako’y napalaya sa bilangguan, subalit hindi ako nagbago. Sa katunayan, ako’y mas marahas kaysa rati. Madali kong nakamit ang pagkilala at pagtanggap bilang pinuno ng iba’t ibang kalye. Ang sinumang hahamon sa akin ay agad na makasusumpong ng kalaban.

Minsan ay nainis ako sa isang pangkat ng mga kabataang lalaki. Sinalakay ko sila, sinaktan ang ilan sa kanila bago naihinto ng mga pulis ang bakbakan, bagaman bali pa ang kanang kamay ko dahil sa isang labanan noong nakaraang linggo.

Noong minsan pa hinamon ng dalawang kaibigan ko at ako ang isang grupo ng mga lalaki mula sa kalapit na bayan. Ang lider nila ay lumabas at sinalubong ako na may baretang bakal. Naalisan ko siya ng sandata, subalit nakahilagpos siya sa hawak ko at tumakbo. Ang tanging paraan lamang na ipagpatuloy niya ang laban ay ang ibalik ko sa kaniya ang kaniyang baretang bakal, na ibinalik ko naman. Siya’y nagbalik, at muli ko siyang inalisan ng sandata, sa pagkakataong ito tiniyak kong hindi siya makatatakas hanggang sa mabugbog ko siya.

Isang gabi, para lamang magkaroon ng “katuwaan,” tumayo ako sa isang kanto sa Harlem, Lungsod ng New York, at hinamon ko ang sinuman na makipag-away. Iba’t iba ang tumanggap sa alok ko, at marami ang labanan. Bunga nito, ang reputasyon ko bilang isang mapanganib, marahas na tao ay lumaganap. Sa iba’t ibang labanang ito, ako’y hinampas ng mga bote, mga gamit sa pagpapalit ng gulong ng sasakyan, at mga panghampas at mga patalim at iba pang sandata. Subalit lahat ng ito ay walang nagawa upang ihinto ako sa aking marahas na pamumuhay.

Tumindi ang Karahasan

Hindi nagtagal ay natuklasan ko na malaki ang kinikita sa kalakalan ng droga. Palibhasa’y gumagamit ako ng droga, pamilyar ako sa lipunan ng droga. Hindi nagtagal nagkaroon na ako ng mga taong nagbebenta ng droga para sa akin, ginagawa akong mas marahas.

Minsa’y sinalakay namin ang isa pang mangangalakal ng droga, inaasahang mananakaw namin ang kaniyang mga droga. Nasasandatahan ng isang baril at patalim, pinasok namin ang bahay niya at ginawa naming panagot ang tatlong lalaki at isang babae samantalang hinahalughog namin ang bahay, hinahanap ang mga bawal na gamot.

Noong minsan naman kami ng isa kong kaibigan, na armado ng mga baril at nakasuot ng maskarang gamit sa ski, ay nagpasiyang pagnakawan ang isang mayamang lalaki upang makakuha kami ng perang ibibili namin ng droga. Minanmanan namin ang bahay niya, subalit hindi sila lumitaw, kaya’t umalis kami. Walang alinlangan, kung nagpakita siya, naisagawa namin ang aming pakay.

Kaya, sa gulang na 20 anyos lamang, nasumpungan ko ang aking sarili na lubhang nasasangkot sa karahasan, droga, at malubhang krimen. Ang aking kinabukasan, sabihin pa, ay magiging isang buhay sa loob ng bilangguan​—at napakalungkot ko.

Madalas akong mag-isip kung sino ang dapat magpasiya kung ano ang tama at kung ano ang mali. Nahinuha ko na ito ay sinuman na may higit na kapangyarihan sa lipunan. Ikinatuwiran ko rin na yamang ang mga tao ang nagpapasiya kung ano ang tama at mali, at talagang wala akong galang sa anumang awtoridad ng tao, mayroon akong karapatan na gaya ng sinuman na pagpasiyahan ang tanong na iyon sa aking sarili. Subalit di-nagtagal ay nasumpungan ko ang mas mabuting kasagutan.

Mas Mabuting Paraan

Ang kapatid kong babae, na napangasawa ng isa sa mga kaibigan ko na nakasama ko sa bilangguan, ay pumayag na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ibinabahagi niya ang mga bagay na natututuhan niya buhat sa Bibliya sa lahat sa aming pamilya​—maliban sa akin. Sasabihan ako ng pamilya ko na iwasan ko ang aking kapatid na babae. Bakit? Sabi nila na ito ay sapagkat wala na siyang pinagsasabi kundi ang “kakatwang relihiyon” na iyon.

Napukaw ang pagkausyoso ko. Ano kaya ang maaari niyang sabihin anupa’t gayon na lamang kabalisa ang mga tao? Nais kong malaman, subalit ang aking kapatid na babae ay hindi nakikipag-usap sa akin tungkol dito. Bakit hindi? Akala niya ay napakasama ko na upang makinig sa anumang bagay tungkol sa Bibliya.

Ngunit isang gabi tinanong ko ang kapatid kong babae kung maaari ba akong maghapunan sa bahay niya. Nakaupo ako roon at kumakain na kasama ng aking kapatid na babae at ng kaniyang asawa, at sabi ko: “Sabihin mo nga sa akin ang tungkol sa bagong relihiyong ito.” Gayon ang ginawa nila​—sa loob ng anim na oras! Makatuwiran ang mga bagay na narinig ko anupa’t ako’y nagbalik kinagabihan upang makarinig pa.

Pagkatapos ng ikalawang dalaw na ito, ako’y kumbinsido na nasumpungan ko ang isang bagay na dapat pamuhayan, isang tunay na layunin sa buhay. Kapagdaka, nagsimula akong dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova at sinabi ko rin sa aking mga kaibigan ang mga natututuhan ko.

Ang aking istilo-ng-buhay ay hindi nagbago sa loob ng ilang panahon. Subalit ako’y nagpatuloy sa pag-aaral at pag-alam sa kung ano ang inaasahan sa akin ng Diyos na Jehova, at tinitiyak ko na nadadaluhan ko ang lahat ng pulong sa Kingdom Hall, kung saan tinatalakay ang Bibliya. Sa ganitong paraan ako’y nagkaroon ng espirituwal na lakas upang baguhin ang aking buhay, isang bagay sa isang panahon.

Una, inihinto ko ang pagbibili ng droga. Ikinagalit ito ng ilan na dati kong kasama, at mayroon pa rin akong marahas na reputasyon, na nag-iingat sa akin. Susunod, inihinto ko na ang paggamit ng malalakas na droga at inihinto ko na rin ang aking imoral na istilo-ng-buhay. Ang huling bagay na nasugpo ko ay ang aking bisyo sa tabako. Sa loob ng walong buwan ako’y sumulong hanggang sa punto na ako’y maging kuwalipikado para sa bautismo, at ako’y nabautismuhan noong 1970.

Sa wakas natanto ko ang kasagutan sa aking tanong tungkol sa kung sino ang magpapasiya sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Ang sagot ay: si Jehova, ang ating Tagapagbigay-Buhay, ang may karapatan, at karapatan din niyang asahan na ang kaniyang mga nilikha ay mamuhay ayon dito.

Madalas kong naiisip kung paanong ang ilustrasyon sa Isaias 65:25 ay kumakapit sa akin sa makasagisag na paraan. Ang hulang iyon ay nagsasabi tungkol sa darating na panahon kapag ang marahas na ugali ng leon ay babaguhin tungo sa isang mapayapang ugali hanggang sa punto na siya ay kakain ng dayami na gaya ng baka. Nadarama ko na sa isang katulad na paraan, ako’y nagbago mula sa pagiging marahas na tao tungo sa isa na nagtataglay ng mapayapang ugali at mapayapang pangmalas sa buhay.

Isa pa, mayroon akong masamang reputasyon na kailangan kong alisin sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali. Bilang halimbawa, regular akong dumadalaw sa mga tao sa bahay-bahay upang ipakipag-usap sa kanila ang Bibliya. Noong minsan, isang binata na nagbukas ng pinto ang nakilala ako at natakot nang husto, iniisip na naroon ako upang saktan siya. Agad kong ipinaliwanag ang aking mensahe ng kapayapaan mula sa Bibliya, at iniwan ko siyang natigilan subalit naginhawahan.

Hindi nagtagal pagkatapos ng aking bautismo, napangasawa ko ang isa sa mga Saksi ni Jehova. Nakalulungkot sabihin, noong 1974 ang aking maybahay ay nagpasiyang ayaw na niyang gawin ang kalooban ng Diyos. Binigyan niya ako ng ultimatum: talikdan ko na ang aking pagsamba o iiwan niya ako, at dadalhin niya ang aming dalawang maliliit na anak. Iyan ang pinakamahirap na panahon sa aking buhay. Subalit hindi ko maaaring iwan ang aking pagsamba sa Diyos, at ako’y nagpatuloy sa paggawa ng kaniyang kalooban.

Isang Bagong Paraan ng Pamumuhay

Gayunman, ginantimpalaan ako ni Jehova dahil sa ako’y nagpatuloy na maging tapat sa kaniya. Noong 1977, may nakilala akong kahanga-hangang Saksi, at kami’y nagpakasal. Siya ay may limang-taóng-gulang na anak na lalaki. Hindi nagtagal kami ng asawa ko ay pumasok sa buong-panahong ministeryo, itinatalaga ang aming sarili sa pagtuturo sa iba tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Nang lumaki na ang aming anak na lalaki, siya rin ay pumasok sa buong-panahong ministeryo. Siya ngayon ay tumutulong sa iba’t ibang tungkulin sa lokal na kongregasyon.

Mula noon kami ng asawa ko ay nagkapribilehiyo na maglakbay sa maraming bahagi ng daigdig, na gumagawa ng boluntaryong gawain ng pagtatayo. Ito’y kinasasangkutan ng pagtulong sa pagtatayo ng bagong mga pasilidad ng sangay sa iba’t ibang bahagi ng daigdig upang suportahan ang pambuong daigdig na gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova.

Kapag nasa bahay, kami ay laging abala, tumutulong sa iba na matuto tungkol sa Bibliya at tumutulong sa pagtatayo ng bagong mga Kingdom Hall. Ako man ay naglilingkod sa isang Regional Building Committee sa timog na bahagi ng Estados Unidos. At ang dati kong kasama sa bilangguan​—ang asawa ng aking kapatid na babae​—at ako ay naglilingkod bilang mga hinirang na matatanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ako’y nagpapasalamat kay Jehova sa pagtulong niya sa akin na masupil ko ang aking buhay at bigyan ito ng isang ganap na bagong patutunguhan. Habang hinahayaan kong ipakita niya sa akin kung ano ang tama at kung ano ang mali, ang buhay ko ay lalo pang bumubuti.​—Isinulat.