Talaga Bang Gayon Kasama ang Paninigarilyo?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Talaga Bang Gayon Kasama ang Paninigarilyo?
ANG paninigarilyo ay nakahalina kay Oren mula nang siya’y bata pa. Kapag ang kaniyang tiya ay nagsisindi ng sigarilyo, pahihipan sa kaniya ng kaniyang tiya ang posporo. Sa gulang na 16, nagpasiya siyang subuking manigarilyo upang malaman kung ano ba ang katulad nito. Nagpunta siya sa isang parti at humingi ng isang sigarilyo sa isang babae—subalit sumamâ ang pakiramdam niya bago pa niya matapos ito.
Palibhasa’y napahiya, naipasiya ni Oren na “magsanay” manigarilyo nang lihim. Isang gabi, pagkatapos kumain nang marami, may pagkanerbiyos na nagsindi siya ng isang sigarilyo at nilanghap ito. Anong laking pagtataka! Hindi na siya nahihilo o nasusuka. Nasisiyahan sa kaniyang sarili, paulit-ulit siyang lumanghap. Nang maubos niya ang sigarilyong iyon, nais pa niya ng isa. At pagkatapos, isa pa. Sa susunod na anim na taon, si Oren ay magiging chain-smoker o sunud-sunod manigarilyo.
Paninigarilyo—Nagbago Na ba ang Pangmalas?
Maaaring hamakin ng maraming kabataan ngayon ang mga kilos ni Oren. Ayon sa isang surbey sa Estados Unidos, 66 na porsiyento ng mga tinedyer na tinanong ay naniniwala na ang paninigarilyo ng isa o higit pang kaha ng sigarilyo isang araw ay naglalagay sa isang tao sa “malaking panganib.” Balintuna naman, ang ilan sa pinakamatinding pagtuligsa ay galing mismo sa mga maninigarilyo! “Isa itong kasuklam-suklam na bisyo,” sabi ng isang 16-anyos na maninigarilyo. Sa isang pag-aaral, halos 85 porsiyento ng mga tinedyer na naninigarilyo ay umamin na alam nilang ito’y nakapipinsala. Halos kalahati sa kanila ang nagsabi na binabalak nilang huminto—sa loob ng limang taon, sabihin pa.
Maliwanag, kung gayon, isang daluyong ng pagtutol ang ngayo’y nagbabantang pawiin ang malaon nang popularidad ng tabako. Sabi ng report noong 1989 ng U.S. surgeon general na pinamagatang Reducing the Health Consequences of Smoking—25 Years of Progress: “Noong 1940s at 1950s, ang paninigarilyo ay sunod sa moda; ngayon, ito ay higit at higit na iniiwasan. Ang mga bituin sa pelikula, mga bayani sa isports, at iba pang kilalang tao ay lumilitaw sa mga anunsiyo ng sigarilyo. Ngayon, ang mga artista, manlalaro, mga kilalang tao, at mga kandidato sa pulitika ay bihirang nakikitang naninigarilyo. . . . Parami nang paraming mga mamamayan ang humihinto na sa paninigarilyo.”
Noong 1965, sa lahat ng adulto sa Estados Unidos, 40 porsiyento ang naninigarilyo. Pagkalipas ng mahigit na 20 taon, halos 29 na porsiyento na lamang ang naninigarilyo. Ang report ng surgeon general ay nagsasabi pa na “halos kalahati ng lahat ng nabubuhay na adulto na nanigarilyo ay huminto na.” Noong 1976, halos 29 na porsiyento ng nasa ikaapat na taon ng high schoool ang naninigarilyo araw-araw. Pagkalipas ng sampung taon, 19 na porsiyento na lamang ang nanigarilyo.
Kaya nga para bang kaunti na lamang ang kailangang sabihin tungkol sa paksang paninigarilyo. Subalit sa kabila ng masigasig na mga kampaniya laban sa paninigarilyo at katakut-takot na mga babala mula sa mga manggagamot, ang panlahat na kunsumo ng tabako sa buong daigdig ay lubhang dumami! Mga 50 milyong adulto sa Estados Unidos
ang patuloy na naninigarilyo. At ang nangyari kay Oren ay nangyayari sa maraming iba pang kabataan. Araw-araw mga 3,000 tinedyer sa Estados Unidos lamang ang naninigarilyo sa unang pagkakataon. Iyan ay nakadaragdag sa nakagugulat na isang milyong bagong maninigarilyo sa isang taon! Nakapagtataka, ang karamihan ng bagong mga sugapa sa nikotina ay mga tinedyer na babae.Mga Kampaniya Laban sa Paninigarilyo—Hindi Bago!
Hindi naman sa dahilang ang mga tao ay walang kabatiran sa mga panganib. Aba, matagal nang panahon bago pa natuklasan ng mga mananaliksik ang siyentipikong mga dahilan upang iwasan ang paninigarilyo, ang sentido kumon ay nagsasabi sa mga tao na ito ay isang marumi, hindi kanais-nais na bisyo. Wala pang 90 taon ang nakalipas, ang mga sigarilyo ay labag sa batas sa maraming dako sa Estados Unidos. Ang pagtataglay lamang ng mga ito ay isa nang dahilan ng pag-aresto sa ilang dako. At sa nakalipas na mga panahon, mas mahigpit na mga hakbang pa nga ang isinagawa laban sa paninigarilyo.
Inilalarawan ng magasing Smithsonian ang ilang hakbang na isinagawa laban sa paninigarilyo noong ika-17 siglo: “Sa Tsina, isang imperyal na utos ang inilabas noong 1638 ang gumagawa sa paggamit . . . ng tabako na isang krimen na ang parusang dala’y pagpugot ng ulo. . . . Sa Russia, ang mga naninigarilyo ay nilalatigo; ang mga butas ng ilong ng umulit na mga manlalabag ay hinihiwa; ang paulit-ulit na mga manlalabag ay itinatapon sa Siberia. Sa Persia, sila ay pinahihirapan, ibinabayubay at/o pinupugutan ng ulo.”
Ipagpalagay na, ang gayong mga parusa ay labis at malupit. Subalit sa kanilang ganang sarili, ang mga maninigarilyo ay malupit sa kanila mismong mga katawan.
Paninigarilyo—Kung Ano ang Ginagawa Nito sa Iyong Katawan
Ang nikotina ang sangkap na nagbibigay sa tabako ng masamang pang-akit nito. Gayunman, sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang isang didal na punô ng nikotina—halos 60 miligramo—ay maaaring pumatay ng isang adulto kapag ito ay ipapasok sa katawan nang minsanan. Ang karaniwang sigarilyo ay naglalaman ng halos 1 miligramo ng nikotina.”
Ang nikotina ay malakas din makasugapa. Ganito ang konklusyon ng isang report ng U.S. surgeon general: “Karamihan ng mga maninigarilyo ay nagsisimula bilang mga tinedyer at saka nagiging sugapa. . . . Ngayon, 80 porsiyento ng mga maninigarilyo ay nagsasabi na gusto nilang huminto; dalawang-katlo ng mga maninigarilyo sa paano man ay seryosong nagsikap na huminto.” Ang gayong mga pagsisikap ay kadalasang pinahihina ng masakit na mga sintomas ng pag-alis ng bisyo: masidhing paghahangad ng tabako, di mapakali, mainisin,
pagkabalisa, mga sakit ng ulo, pagkahilo, sinisikmura, at kawalang kakayahang magtuon ng isip.Gayunman, higit pa kaysa pagpaparumi lamang sa isa sa pamamagitan ng nikotina ang nagagawa ng sigarilyo; ang may sinding sigarilyo ay tunay na isang paggawaan ng lason, nagbubuga ng 4,000 iba’t ibang halo ng kemikal. Apatnapu’t-tatlo sa mga kemikal na ito ay nakilala na pinagmumulan ng kanser. Ang ilan dito ay nasa anyong tar na dumidikit sa mga bagà at sa mga daanan ng hangin patungo sa mga bagà. Ito ay maaaring pagmulan ng kanser sa bagà sa dakong huli. Ang paninigarilyo ay inaakala rin na “isang salik ng kanser sa pantog, lapay, at bato; at nauugnay sa kanser sa sikmura.”—Reducing the Health Consequences of Smoking.
Maaaring kumuha ng mga taon bago ang isang maninigarilyo ay magkaroon ng kanser. Subalit ang isang sigarilyo ay posibling makapinsala. Pinabibilis ng nikotina ang tibok ng iyong puso, pinararami ang pangangailangan ng iyong katawan para sa oksiheno. Sa kasamaang palad, ang usok ng sigarilyo ay naglalaman din ng carbon monoxide—ang nakalalasong gas na inilalabas ng mga tambutso ng kotse. Ang nakalalasong sangkap na ito ay nagtutungo sa daluyan ng dugo at aktuwal na hinahadlangan ang daloy ng oksiheno patungo sa puso at sa iba pang mahahalagang sangkap ng katawan. Masahol pa, pinakikipot ng nikotina ang mga daluyan ng dugo, lalo pang pinababagal ang pagdaloy ng oksiheno. Kaya marami sa mga maninigarilyo ay may sakit sa puso.
Mga peptik ulser, pagkalaglag, napinsalang mga anak, atake serebral—ilan lamang ito sa maraming panganib na nakakaharap ng mga maninigarilyo. Taun-taon may 2.5 milyong kamatayan na nauugnay-sa-tabako sa buong daigdig. Mahigit na 400,000 ng mga kamatayang ito ay nangyayari sa Estados Unidos lamang. Ang U.S. surgeon general ay nagsasabi: “Ang paninigarilyo ang may pananagutan sa mahigit na isa sa bawat anim na mga kamatayan sa Estados Unidos. Ang paninigarilyo ay nananatiling ang nag-iisang maaari sanang iwasang sanhi ng kamatayan sa ating lipunan.” Ikinatatakot ng ilang awtoridad sa kalusugan na ang paninigarilyo ay sa wakas papatay ng kasindami ng 200 milyon katao na kasalukuyang wala pang 20 anyos.
Ngunit hindi lamang ang sarili nila ang pinipinsala ng mga maninigarilyo. Sa pagpilit sa iba na langhapin ang kanilang nakalalasong mga usok, inilalantad din nila ang mga hindi naninigarilyo sa mga panganib ng kanser sa bagà at sa iba pang karamdaman sa palahingahan.
Paggawa ng Sarili Mong Pasiya
Hindi kataka-taka, kung gayon, na bansa at bansa ang gumawa ng mga hakbang upang babalaan ang mga tao tungkol sa mga panganib ng tabako at ihinto ang paggamit nito. Gayunman, ang pagtatampok sa mga panganib ay para bang walang gaanong epekto sa maraming kabataan. “Kapag ako’y nagsisindi ng isang sigarilyo, ako’y nakadarama ng ginhawa,” sabi ng 15-anyos na si Holly. “Hindi ko iniisip na ako’y magkakakanser.”
Isang pantas na kawikaan ang nagbababala: “Nakikita ng taong matalino ang kasamaan at nagkukubli; ngunit dinaraanan ng walang karanasan at nagdurusa.” (Kawikaan 27:12) Talaga bang nais mong magdusa dahil sa pagkasugapa sa tabako, alalaong baga, kanser, sakit sa puso, mga sakit sa palahingahan? Ang kasiya-siyang damdamin bang nakukuha sa nikotina ay sulit sa resultang mabahong hininga, grabeng ubo, at madilaw na mga ngipin?
Sa kabilang dako naman, may higit na matimbang na dahilan upang iwasan ang paninigarilyo: ang iyong pagnanais na panatilihin ang pakikipagkaibigan sa Diyos. Hindi ka ba magagalit kung binigyan mo ang isa ng mamahaling regalo at pagkatapos ito ay kaniyang itinapon? Bueno, ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng “buhay at hininga.” (Gawa 17:25) Isip-isipin na lamang kung ano ang nadarama niya kapag ginagamit mo sa maling paraan ang regalong iyon! Kaya si apostol Pablo ay sumulat: “Yamang, taglay natin ang mga pangakong ito [ang pagkakaroon ng sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos], mga minamahal, magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan ng takot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Ang paninigarilyo ay hindi lamang basta dinudumhan ang laman, dinudumhan ang katawan ng nakalalasong mga kemikal; kundi dinudumhan din ang espiritu, o dominanteng puwersa ng isip ng isa. Ang paninigarilyo ay masama, masakim, hindi maka-Diyos.
Sa kabila ng lahat ng ito, maraming kabataan pa rin ang natutuksong manigarilyo. Bakit gayon at paano mapagtatagumpayan ng isang kabataan ang mga panggigipit na iyon ang magiging paksa sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 16]
Bago magumon, isipin ang mga kahihinatnan