Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Walang Trabaho—Ano ang mga Kalutasan?

Walang Trabaho—Ano ang mga Kalutasan?

Walang Trabaho​—Ano ang mga Kalutasan?

“Ito’y magiging brutal. Maraming negosyo ang walang pera, subalit ayaw pa nitong aminin.”​—Mamumuhunan sa E.U.

NARANASAN na ng marami ang marahas na katotohanan ng nakatatakot na hulang iyan, ginawa noong dakong huli ng 1990. Sa ilang kompaniya, ang “natitirang” mga empleado ay nagtatanong kung sila naman ang susunod na matatanggal sa trabaho.

Ano ang gagawin mo kung mawalan ka ng trabaho ngayon? Isang landasin ng katalinuhan na maging handa. Gaya ng binanggit ng naunang artikulo, ang mawalan ng trabaho ay nagdadala ng pinansiyal gayundin ng emosyonal na epekto. Kaya nga, higit pa ang nasasangkot kaysa pagbabayad lamang ng mga utang. Ang sumusunod ay ilan sa mga panuntunan na nakatulong sa iba upang maging matatag sa pinansiyal at emosyonal na paraan kapag napaharap sa kawalan ng trabaho.

1. Huwag Mataranta

Nang si Dominick ay mawalan ng trabaho, kailangang ibalik niya sa bangko ang kaniyang bahay at ilipat ang kaniyang pamilya na kapisan ng kaniyang nanay. Ang payo niya ay manatiling mahinahon, gaano man kagrabe sa wari ang kalagayan. “May trabaho o walang trabaho, hindi ka naman matutuyo at liliparin,” aniya. “ Talagang kailangan kong matutuhan na hindi kami mamamatay na lahat.” Sa halip na punuin ang isip ng pinakagrabeng mga tanawin, mahinahong pagsikapan ang produktibong mga kalutasan.

2. Mag-isip Nang Positibo

Sina Jim at Donna ay may apat na trabahong part-time sa pagitan nilang dalawa. Gayunman, mas maliit ang kinikita nila kaysa dating kita lamang ni Jim sa kaniyang buong-panahong trabaho. Sa kabila nito, tinanggap nila ito bilang isang nakapagtuturong karanasan para sa kanilang limang anak. Sabi ni Donna: “Kung hindi dahil sa problemang ito ay mas mabuti sana sila sa materyal na paraan. Subalit nakinabang naman sila buhat sa karanasang ito.”

3. Buksan ang Iyong Isip sa Bagong Uri ng Trabaho

Maaaring piliin kahit na ng mga manggagawang nagtatrabaho sa opisina na magpalit ng propesyon at magsimula sa bagong trabaho. “Ang mga tao’y hindi humahanap ng mga mapagpipilian hanggang sa sila’y mapilitan,” sabi ni Laura, na naalis sa isang trabahong pampangasiwaan. “Sa mga taóng ’90,” sabi niya, “ang mga tao ay kailangang matutong mas makibagay.” Ang paghanap ng iyunding uri ng trabahong nakasanayan mo​—o iyunding sahod—​ay maaari lamang magpahina ng iyong mga tsansang nakasumpong ng trabaho. Sa paano man ay bahagyang ipinaliliwanag nito kung bakit mas natatagalang makahanap ng trabaho ang mga manggagawang nagtatrabaho sa opisina kaysa mga obrero. Kaya buksan ang iyong isip sa posibilidad ng bagong uri ng trabaho. Marami ang matagumpay sa pag-aalok ng ilang uri ng paglilingkod sa iba, gaya ng paglilinis ng bahay.

4. Mamuhay Ayon sa Iyong Kita​—Hindi Ayon sa Kita ng Iba

Isang malakas na kagamitan sa pag-aanunsiyo ay lumikha ng isang “pangangailangan” na hindi dating umiiral. Kadalasan ay ipinadarama sa iyo na ang lahat (maliban sa iyo) ay may kabatiran at kumikilos ayon sa pangangailangang iyon. ‘Ito ang istilo na isinusuot ng lahat [maliban sa iyo].’ ‘Ang pelikula na pinag-uusapan ng lahat [kaya bakit hindi mo napanood ito?].’ ‘Ang kotse na minamaneho ng lahat [kailan ka bibili nito?].’

Ang katulad na pangganyak ay maaari ring makaapekto sa kung paano natin minamalas at ginagasta ang salapi. Isang kaibigan ang kumuha ng isang magastos na paglalakbay. Walang anu-ano kailangan mo ng bakasyon. Isa namang kaibigan ay bumili ng isang bagong kotse. Walang anu-ano ang kotse mo ay waring luma na, hindi na sapat. Ang pagkainggit sa kung ano ang ginagawa ng lahat ay magpapangyari lamang sa iyo na gumasta ng perang hindi mo taglay, binibili ang mga bagay na hindi mo naman talagang kailangan. Iwasan ang gayong dumadaig-sa-sarili na mga paghahambing.

Si Jim, ang manggagawang natanggal sa trabaho na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Ang mga tao ay emosyonal na nawawasak kapag hindi nila napananatili ang istilo ng buhay na iniisip nilang gusto nila. Dapat ka lamang mabahala sa pagkain at tirahan. Ang iba pa ay talagang walang kaugnayan.” Gaya ng iminumungkahi ng Bibliya sa 1 Timoteo 6:8, ‘masiyahan sa pagkain at sa pananamit.’

5. Mag-ingat sa Utang

Ang isang credit card ay maaaring maging isang bagay na mahalaga, ngunit maaari rin itong maging iyong pinakamalaking sagutin. Ginagamit ng iba ang credit card bilang isang suporta. Ginagamit nila ito upang ganap na huwag pansinin ang tanong na ‘kaya ko ba ito? ’ Ang card ay nagiging pampamanhid na nagpapahintulot sa iyong gumasta nang hindi iniisip o madama ang mga epekto ng pagkawala ng salapi.

Nitong nakalipas na mga taon isang tunay na pagkahibang sa credit-card ang ganap na lumaganap sa maraming bansa. Ano ang mga resulta? Ganito binuod ng isang ahente ng computer sa Korea na bumili ng isang bagong kotse sa pamamagitan ng isang credit card ang bagay na ito: “Nang panahon na upang bayaran ang aking utang, terible ang nadarama ko sa tuwina. Para bang itinapon ko ang perang iyon.” Sa Hapón halos kalahati ng lahat ng naghahangad ng pinansiyal na payo ay nasa mga edad 20. Ang 140 milyong credit card sa bansang iyon ay may malaking pananagutan sa pagkalaki-laking utang ng mga kabataan.

Kaya mag-ingat sa paggamit ng credit card. Gamitin ito, subalit huwag mong hayaang gamitin ka nito. Huwag mong hayaang bulagin ka nito sa iyong tunay na katayuan sa pananalapi. Makadaragdag lamang ito sa kaigtingan ng kawalan ng trabaho.

6. Panatilihing Nagkakaisa ang Pamilya

Sa isang surbey ng 86,000 katao, mahigit na sangkatlo ang nagsabi na ang salapi ang numero unong problema sa kanilang pag-aasawa. Nasumpungan ng isa pang pag-aaral na ang salapi ang dahilan ng karamihan ng mga away. “Ang iba’t ibang saloobin sa pera ay maaaring makapinsala sa mga kaugnayan,” sabi ng konsultant sa pananalapi na si Grace Weinstein.

Kahit na ang mag-asawang malapit ang ugnayan sa isa’t isa ay maaaring may magkaibang pangmalas sa salapi at kung paano ito gagastusin. Ang isa ay maaaring napakatipid, ang isa naman ay gastador.

Kung hindi pag-uusapan, ang mga bagay na may kaugnayan sa salapi ay maaaring mauwi sa mga away. “Kung saan walang kompidensiyal na pag-uusap ay nabibigo ang mga panukala,” sabi ng Bibliya sa Kawikaan 15:22. At samantalang pinag-uusapan ang pinansiyal na mga bagay, sikaping unawain at isaalang-alang ang pangmalas ng iyong asawa.

7. Panatilihin ang Iyong Pagpapahalaga-sa-Sarili

Si Grace Weinstein ay nagsabi: “Para sa lalaki o sa babae na hindi na kumikita, naroon ang emosyonal na suliranin ng humihinang kalagayan at nababawasang pagsasarili, kapuwa nagbubunga ng pagkawala ng pagpapahalaga-sa-sarili.”

Huwag agad maghinuha na ikaw ay natanggal sa trabaho dahil sa ikaw ay hindi pinahahalagahan bilang isang manggagawa. Ang 29-anyos na si Rani ay natanggal sa trabaho tatlong linggo lamang pagkatapos niyang tanggapin ang pinakamataas na umentong maaabot sa kaniyang antas sa kaniyang taunang pagsusuri. Bagaman ang pagiging tapat, mapagkakatiwalaang manggagawa ay maaaring hindi matanggal sa trabaho, hindi laging ganito. Kaya hindi dapat isipin ng isa ang pagkatanggal sa trabaho bilang isang personal na paghamak sa kaniyang halaga. Ang mahalaga, maaasahang mga manggagawa ay maaaring maapektuhan din.

8. Gumawa ng Isang Badyet

Hindi naiibigan ng marami ang ideya ng isang badyet. Inaakala nilang ito’y kumakatawan ng paghihigpit, isang bagay na hahadlang sa kanila sa pagbili ng nais nila. Hindi gayon. Ang isang badyet ay isang kasangkapan na tutulong sa iyo na makamit ang iyong mga tunguhin, hindi ang higpitan ka. Isa lamang itong sistema ng pagsupil, isang detalyadong plano na magsasabi sa iyo kung saan napupunta ang iyong pera at kung paano ito mapupunta kung saan mo gustong magtungo ito.

Kataka-taka, marami ang walang kaalam-alam kung saan napupunta ang kanilang pera. Sa halip, sila’y nagiging biktima ng pabigla-biglang pagbili at saka mananangis: “Saan napunta itong lahat?” Ang pangangailangan upang iwasan ang gayong paggasta ay mahalaga lalo na kapag panahon na mahirap ang pananalapi. Ang Bibliya ay may katalinuhang nagsasabi sa Kawikaan 21:5: “Maingat na magplano at ikaw ay magkakaroon ng sagana; kung ikaw ay magmamadali, kailanman ay hindi ka magkakaroon ng sapat.”​—Today’s English Version.

Upang masunod ang payong ito, mag-ingat ng isang nasusulat na rekord. Isulat ang lahat ng ginagasta mo sa isang buong buwan, inuuri ang iyong mga gastos. At, mag-ingat din ng rekord ng kung magkanong pera ang pumapasok. Kung mapansin mong mas marami ang lumalabas kaysa pumapasok, tingnan mo ang iyong gastos upang malaman mo ang pinagmumulan ng problema. Minsang malaman mo kung ano ang ginugugol mo at kung saan mo ito ginugugol, masusupil mo ang iyong pananalapi.

Ibagay mo ang iyong badyet. Sa unang mga buwan, matutuklasan mo ang mga pagkakamali, at ang ilang gastos ay maaaring hindi mapansin. Gumawa ka ng mga pagbabago at pagtutuwid hanggang sa ang badyet ay umangkop sa iyong mga pangangailangan. Ang mabuting badyet sa gayon ay nagiging lingkod mo, hindi ang panginoon mo. a

Ang mga tuntunin sa itaas ay maaaring tumulong sa isang tao na maligtasan ang panahon ng kawalang trabaho. Subalit upang maging mabisa, ang mga puntong ito ay dapat na timbangan ng wastong pagtantiya sa tunay na halaga ng salapi. Oo, gaano ba ito kahalaga? Dapat bang mauna ang salapi sa lahat ng bagay, kahit na ang isa ay mawalan ng trabaho? Susuriin natin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Para sa higit pang tulong sa paggawa ng isang badyet, tingnan ang Gumising! ng Oktubre 22, 1985, pahina 24-7.

[Kahon sa pahina 8]

Sa Paggawa ng Isang Badyet:

1. Tantiyahin kung magkanong pera ang pumapasok.

2. Mag-ingat ng rekord para sa isang buong buwan upang malaman kung saan napupunta ang perang ginagasta.

3. Gumawa ng isang badyet batay sa dalawang naunang hakbang. Magpasiya kung magkano ang ilalaan para sa bawat kategorya.

4. Gumawa ng mga pagbabago sa inyong badyet kung kinakailangan.

[Larawan sa pahina 7]

Ang mga mag-asawa ay dapat mag-usap upang ang mga bagay may kaugnayan sa salapi ay hindi mauwi sa mga away ng pamilya