Ang Dako ng Isports
Ang Dako ng Isports
ANG Dakilang Maylikha ay inilalarawan sa Bibliya bilang “ang maligayang Diyos,” at nais niyang ang kaniyang mga nilikha ay maging maligaya. (1 Timoteo 1:11) Kaya hindi kataka-taka na nilikha niya ang mga tao na may kakayahang masiyahan sa laro. Ang The New Encyclopædia Britannica sa gayon ay nag-uulat: “Ang kasaysayan ng isports at mga laro ay bahagi na ng kasaysayan ng tao.”
Ang paglitaw ng bola ay sinasabing siyang pinakamahalagang salik sa kasaysayan ng mga laro. “Ang obserbasyon na ang mga hayop ay nasisiyahang lumuksu-lukso sa mga laruan,” sabi ng nabanggit na ensayklopedia, “ay nagpapahiwatig na malamang na walang panahon . . . kung kailan ang isang kahalili ng bola ay hindi hinabol o hinagis.”
Kawili-wili, ang ilang kasangkapan ay malaon nang ginamit upang paluin ang bola. “Tiyak na may mga larong ginagamit ang patpat na nilaro ng mga Persiano, Griego, at mga Amerikanong Indyan,” sabi ng Britannica. “Ang larong Polo, isang salitang galing sa Tibet, ay maliwanag na kilalang-kilala ng mga Persiano sa ibang anyo nito noong panahon ni Darius I (naghari noong 522-486 BC). Ang golf, bagaman sinasabing ang Scotland ang nag-imbento ng modernong anyo nito, ay mula pa noong mga panahon ng Romano at sa maraming bansa sa Europa.”
Maagang Pagdiriin sa mga Laro
Daan-daang taon bago matapos isulat ang Hebreong Kasulatan (“Matandang Tipan”), ang organisadong isports ay popular. Halimbawa, ang mga laro ay ginaganap tuwing ikaapat na taon sa sinaunang Olympia, Gresya. Ang Britannica ay nag-uulat: “May mga rekord ng mga kampeon sa Olympia mula 776 BC hanggang AD 217,” sa loob halos ng sanlibong taon! Ang Olympic Games ay napakahalaga sa buhay ng mga Griego anupa’t ang panahon ay sinusukat dito, ang bawat apat-na-taong sukat ng panahon sa pagitan ng mga laro ay tinatawag na isang Olympiad. Kaya, ayon sa maagang paraang iyon ng pagbilang ng panahon, si Jesu-Kristo ay isinilang noong ika-194 na Olympiad.
Ang Hebreong Kasulatan ay walang sinasabi tungkol sa organisadong laro, bagaman binabanggit ng isa sa mga propeta ang tungkol sa “mga lansangan ng bayan ng [Jerusalem na] punô ng mga batang lalaki at babae na naglalaro.” (Zacarias 8:5) Mahigit na sandaang taon bago ang kapanganakan ni Jesus, ang Griegong paligsahan sa laro ay ipinakilala sa Israel. Isang himnasyo ang itinayo sa Jerusalem, at nakaligtaan pa nga ng ilang saserdote ang kanilang mga tungkulin upang makalahok sa mga laro.—2 Macabeo 4:12-15.
Si Augusto Caesar, Romanong emperador noong isilang si Jesus, ay mahilig sa atletiks, at ang paligsahan sa laro ay naging popular sa Roma. Gayunman, ang mga laro na talagang nagustuhan ng mamamayang Romano ay yaong labanan, gaya ng boksing at pakikipagbuno o wrestling. Ang “mga isports” na ito ay nauwi sa marahas, madugong paligsahan kung saan ang mga lalaki ay inilaban sa isa’t isa o sa mga hayop sa mga labanan hanggang kamatayan.
Isports sa “Bagong Tipan”
Gayunman, hindi komo inabuso ang isports ay nangangahulugang ang paglalaro nito ay masama. Hindi natin kailanman mababasa sa Kasulatan na hinatulan ni Jesus o ng kaniyang mga tagasunod ang mga paligsahan sa laro o ang paglalaro nito. Bagkus, malimit na ginagamit ng mga apostol ang mga tampok nito upang ilarawan ang mga punto na nais nilang ituro.
Halimbawa, maliwanag na nasa isip ni apostol Pablo ang mga paligsahan sa takbuhan na tampok sa Olympic Games nang kaniyang himukin ang mga Kristiyano: “Hindi ba ninyo nalalaman na ang nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon.” Susog pa niya: “Ang bawat taong1 Corinto 9:24, 25.
nakikipaglaban sa paligsahan ay mapagpigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nga nila ito upang sila’y magtamo ng isang koronang nasisira, ngunit tayo’y niyaong walang pagkasira.”—Sa isa pang pagkakataon, sinabi ni Pablo na ang isang Kristiyano ay dapat tumakbo na may determinasyon upang makamit ang gantimpalang buhay. “Ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos,” sulat niya. (Filipos 3:14) Isa pa, nang inilalarawan ang pangangailangang manghawakan sa mga tuntunin ng isang moral na buhay, pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo: “Kung ang sinuman ay makikipaglaban naman sa mga laro, ay hindi pinuputungan maliban na kung siya’y makipaglaban ayon sa tuntunin.” (2 Timoteo 2:5) At si apostol Pedro ay sumulat na ang Kristiyanong mga pastol na gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay “tatanggap ng di lumilipas na korona ng kaluwalhatian.”—1 Pedro 5:4.
Walang alinlangan na ang kabataang si Timoteo ay nagpastol sa mga Kristiyanong kabataan na nasisiyahan sa isports. Kaya nga, sinulatan siya ni Pablo na “ang pagsasanay sa katawan [bilang isang gymnast] ay mapapakinabangan nang kaunti,” sa gayo’y kinikilala na ang mga ehersisyong panghimnasyo na mahigpit na isinasagawa ng mga Griego ay may kaunting pakinabang. “Ngunit,” susog agad ni Pablo, “ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8; tingnan ang The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures.
Ang Tamang Dako ng Ehersisyo
Kaya ipinakikita ng Kasulatan na ang ehersisyo ng katawan ay maaaring magkaroon ng tamang dako sa buhay. Gayunman, may pangangailangan para sa pagkakatimbang, para sa pagkamakatuwiran. “Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao,” sulat ni Pablo. (Filipos 4:5) Gayunman, anong hirap na masumpungan ang pagkakatimbang na ito!
Labis-labis na idiniin ng mga Griego ang mga laro, at itinampok ng mga Romano ang mga uri ng isports na pumipinsala sa mga kalahok gayundin sa mga nasisiyahan sa madugong mga labanan. Sa kabilang dako, sinugpo at ipinagbawal pa nga ng iba ang mga laro sa ngalan ng relihiyon. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang mga saloobing napakahigpit noong ika-17 siglo ay nakabawas sa katuwaan sa mga laro o isports sa Europa at Amerika.”
Naranasan kamakailan ng isports ang muling sigla na marahil ay walang katumbas sa kasaysayan ng isports. “Susunod sa lagay ng panahon,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “ang mga tao ay malamang na magsasalita nang higit tungkol sa isports kaysa anupamang ibang paksa.” Ang isports ay tinatawag pa ngang “nakasusugapa na parang droga sa masa.”
Ano ang ilan sa mga problema na nilikha ng gayong kaalaban sa isports? Ikaw ba at ang iyong pamilya ay dumaranas ng anumang masamang mga epekto bilang resulta ng kaalaban sa isports? Paano mo mapananatili ang isports sa kanilang tamang dako?