“Huwag Kang Susuko”
“Huwag Kang Susuko”
SA PAGSILANG, si Wilma Rudolph ay maliit at sakitin. Siya ay apat na taóng gulang nang magsimula siyang lumakad. Pagkatapos siya ay malubhang nagkasakit ng scarlet fever at pulmunya. Bagaman siya ay nakaligtas, ang kaliwang paa niya ay nalumpo. Disididong si Wilma ay makalakad, minasahe ng kaniyang ina ang kaniyang pumayat nang paa at tinuruan ang tatlo sa kaniyang nakatatandang mga anak na gawin din iyon. Kaya apat na halinhinan araw-araw ang “nagmamasahe kay Wilma.”
Nang si Wilma ay walong taon, siya ay nakalakad na may suhay ang paa. Hindi nagtagal siya ay tumatakbo at naglalaro na. Disidido siyang pagtagumpayan ang kaniyang kawalang-lakas. Nakatulong sa kaniya ang ehersisyo, at gayundin ang payo ng kaniyang ina: “Huwag kang susuko.”
Si Wilma ay hindi sumuko. At noong 1960, sa Olympics sa Roma, Italya, siya’y tumanggap ng tatlong medalyang ginto. Napanalunan niya ang 100- at 200-metrong paligsahan sa takbuhan at nauna sa panghuling bahagi ng 400-metrong relay.
Noong panahon ng unang digmaang pandaigdig, nang siya ay pitong taóng gulang, si Glenn Cunningham ay dumanas ng nagsasapanganib-buhay na mga paso sa kaniyang paa. Mga buwan ang ginugol niya sa kama at siya’y sinabihang maaaring hindi na muling makalakad. Araw-araw na minasahe ng kaniyang ina ang kaniyang napinsalang mga kalamnan at hinimok siyang lumakad at tumakbo. Si Glenn ay hindi sumuko. Sa katunayan, sa wakas ay napanalunan niya ang 21 sa 31 ng 1,600 metrong paligsahan sa takbuhan sa Madison Square Garden. At, noong 1934, siya ay nakapagtala ng isang pandaigdig na rekord para sa isang milyang takbuhan.
Minsan sa buhay ay nakakaharap nating lahat ang isang uri o ibang uri ng hadlang. Kadalasan ito ay ilang suliranin sa kalusugan. Sa halip na sumuko, anong inam na maging disididong huwag susuko! “Hindi kami sumusuko,” sulat ni apostol Pablo may kaugnayan sa espirituwal na mga pagsisikap. “Bagaman ang aming pagkataong labas [ang ating pisikal na katawan] ay pahinâ, tiyak naman na ang aming pagkataong loob ay nababago [o binibigyan ng panibagong lakas] sa araw-araw.”—2 Corinto 4:16.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
UPI/Bettmann Newsphotos