“Mamamatay Ka Ngayong Gabi”
“Mamamatay Ka Ngayong Gabi”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika
“ALAM mo bang ikaw ay nag-aagaw-buhay at na mamamatay ka ngayong gabi?” tanong ng doktor.
Nanghihina dahil sa kawalan ng dugo, ang 15-anyos na si Wyndham Cook ay sumagot na kahit na kung ito ay mangahulugan ng kaniyang kamatayan, disidido siyang sundin ang utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’—Gawa 15:20.
“Itututok mo ba ang isang baril sa iyong ulo at magbabaril sa sarili?” tanong ng doktor.
“Hindi po,” paliwanag ni Wyndham. “Subalit ang pagtanggi sa pagsasalin ng dugo ay hindi pagpapakamatay. Ito ay basta pagsunod sa utos ng Diyos.” Si Wyndham ay may malalaking ugat sa lalamunan, na kung minsan ay nagdurugo sa loob. Upang palubhain pa ang mga bagay, si Wyndham ay bahagyang hemophiliac (taong ang sakit ay na mabagal mamuo ang dugo).
Unti-unting Lumilitaw ang Krisis
Mauunawaan naman, ang mga magulang ni Wyndham ay nag-aalala nang, noong Martes, Nobyembre 28, 1989, siya ay nagdugo na naman pagkaraan ng pitong taóng walang problema. Si Wyndham ay agad na isinugod sa ospital. Pagkatapos suriin ang loob ng lalamunan, ang bilang ng kaniyang hemoglobin ay bumaba sa 6.6 gramo sa bawat decilitro. (Ang normal na bilang ng hemoglobin ay mula 14 hanggang 15 gramo sa bawat decilitro.) Nang gabing iyon ang lahat ay balisa at di-mapalagay habang si Wyndham ay natutulog at nagigising.
Noong tanghali ng Miyerkules ang bilang ng kaniyang dugo ay bumaba sa 4.3 gramo, at siya ay nagdurugo pa rin. Sinimulan nito ang una sa ilang pakikipag-usap sa mga tauhan ng ospital kung bakit ayaw pasalin ng dugo si Wyndham. Ganito ang sabi ng tatay ni Wyndham, si Chris: “Matagal kaming nakipagkatuwiranan sa Kasulatan. Ipinaliwanag namin na hindi namin tinatanggihan ang kanilang medikal na tulong, o ang buhay mismo. Sa krisis na gaya nito, kailangang-kailangan namin ang kanilang kadalubhasaan sa medisina. Ang tinatanggihan lamang namin ay ang dugo bilang paraan ng paggamot.”
Noong ika–2:00 n.h. isang napapipintog na tubo ang ilalagay sa lalamunan ni Wyndham, na maaaring bombahin upang lagyan ng presyon ang namamagang mga ugat at sa gayo’y hadlangan ang pagdurugo. Ang tubo ay abot din sa tiyan upang alisin ang anumang dugo na natipon doon mula sa pagdurugo sa loob. Sa panahong ito, nang ang mga magulang ni Wyndham ay wala roon, isang nars ang nagsabi sa kaniya: “Ilang yunit lamang ng dugo at ang iyong buhay ay maililigtas. Hindi ito malalaman ng iyong mga magulang at ng ministro.”
“Si Jesus ay uminom ng dugo na kasama ng kaniyang 12 apostol,” katuwiran ng doktor. “Sabi ni Kristo, ‘Ito ang aking dugo . . . inumin ninyo.’ Tinatawag mo ang iyong sarili na isang Kristiyano at gusto mong sundin ang halimbawa ni Kristo, kaya bakit ayaw mong pasalin ng dugo?”
Ipinaliwanag ni Wyndham na nang uminom ang mga apostol sa kopa na inialok ni Jesus, ito ay alak na makasagisag lamang at hindi ang aktuwal na dugo ni Jesus. Ang hindi nagkokompromisong paninindigan ni Wyndham ay gumawa ng gayon na lamang impresyon anupa’t isang talâ ang inilagay sa kaniyang salansan na nagsasabing, sa gulang na 15, may malay at matino ang isip, tinanggihan niya ang pagsasalin ng dugo. Ang matatag na paninindigang ito ay malaki ang naging pakinabang kinabukasan.
Ang araw ay sumikat noong Huwebes, si Wyndham ay parang bumubuti naman. Subalit ang ginhawa ay sandali lang. Nagdugo na naman siya. Noong ika–9:00 n.u. ang bilang ng kaniyang dugo ay bumaba sa 3.0. Ang kaniyang kalagayan ay grabe. Hiniling ng senior doktor na nangangasiwa sa operasyon sa pamilya ni Wyndham na lumabas ng silid yamang nais niyang makausap si Wyndham nang mag-isa.
“Hindi madaling iwan siya sa ganang sarili
niya,” sabi ng kaniyang nanay, si Judy. “Natatakot kami na sa kaniyang mahinang kalagayan ay baka madaig ang kaniyang pagtutol. Subalit anim na buwan na nang siya’y mabautismuhan, kaya’t may karapatan na siyang gumawa ng kaniyang sariling pagtatanggol.”“Ang magagawa na lamang namin ngayon,” gunita ng kaniyang ama, “ay sumamo kay Jehova na tulungan si Wyndham na panatilihin ang kaniyang katapatan. Natutuhan namin ang tunay na kahulugan ng salitang ‘magsumamo.’ ” Sabi ng kabataang si Wyndham na ang nakatulong sa kaniya ay ang pag-alaala sa Apocalipsis 2:10. “Ang mga salitang, ‘Patunayan mong tapat ka hanggang kamatayan, at bibigyan kita ng korona ng buhay,’ ay laging sumasagi sa aking isip,” aniya.
Isang “Court Order”?
Sa wakas sinabi ng doktor na siya ay kukuha ng isang court order upang pahintulutan ang isang pagsasalin ng dugo. Yamang si Wyndham ay isang minor de edad, inaasahan ng lahat na ang kahilingan ay ipagkakaloob. Ang mga panalangin alang-alang kay Wyndham ay marubdob. “Talagang naranasan ng buong kongregasyon ang mahirap na karanasan ng mga Cook,” sabi ni Neville, ang punong tagapangasiwa ng kongregasyon. “Nang bumuti ang kalagayan ni Wyndham, ang buong kongregasyon ay naginhawahan. Nang sumama ang kaniyang kalagayan, lahat sa kongregasyon ay balisang naghihintay ng kalalabasan at nanalangin para sa mas maligayang resulta.”
“Noong panahong hinihintay namin ang resulta mula sa korte,” gunita ni Judy, “karamihan sa aming lupon ng matatanda ay dumating sa ospital at naghintay sa silid-pahingahan ng pasyente. Anong laking pagpapala nito! Palibhasa’y patuloy ang pagdurugo at ang bilang ng dugo ay 2.9, para bang si Wyndham ay walang pag-asang makaligtas.
Sa loob ng isang oras, dumating ang tugon na nagsasabing ang court order na sapilitang magsasalin ng dugo kay Wyndham ay tinanggihan. “Sinabi sa amin,” paliwanag ni Chris, “na ang dahilan ng pagtanggi ay na si Wyndham ay may malay at matino ang isip. Alam niya ang mga kahihinatnan ng kaniyang pasiya, at na maingat niyang isinaalang-alang ang pasiya na kasuwato ng kaniyang salig-Bibliyang mga paniwala.”
Pagharap sa Kamatayan
Ngunit hindi bumubuti ang kalagayan ni Wyndham. Sa katunayan, noong tanghali ng Huwebes, si Chris at si Judy ay sinabihan: “Ilang oras na lamang ang itatagal ng inyong anak. Kung gusto ng inyong ministro at ng mga kamag-anak na makita siya bago siya mamatay, mabuti pang tawagin na ninyo sila agad.” Ang kapatid na lalaki ni Wyndham, ang 9-anyos na si Jonathan, ay dinala upang makita siya.
Noong ika–1:30 n.h., tinanggal ng tauhan sa ospital ang tubo na nasa loob ng lalamunan ni Wyndham upang siya’y mamatay nang may dignidad. Sa sumunod na ilang oras, ang buhay ni Wyndham ay nasa balag ng alanganin. Bagaman kritikal, ang kaniyang kalagayan ay nanatiling matatag bagaman nag-aapoy sa lagnat ang kaniyang katawan. Nanatili siyang buháy subalit halos nasa bingit siya ng kamatayan sa buong magdamag.
Pagkatapos, noong dulo ng sanlinggo, bumuti ang kaniyang kalagayan. Noong Lunes ipinasiyang siya’y pauwiin na sa bahay, yamang wala nang magagawa sa kaniya sa ospital. Pagdating niya ng bahay, hindi na naman bumuti ang mga bagay. Gunita ni Chris: “Kinarga namin si Wyndham sa loob ng bahay at inihiga siya sa kama. Wala pang 45 minuto ang nakalilipas at siya’y nagising at muli na namang dinugo. Sirang-sira ang loob namin! Nanalangin kami sa Diyos na tulungan niya kaming makayanan ang kalagayan sa tamang paraan.”
Sa loob ng 30 minuto si Wyndham ay balik na naman sa ospital ding iyon, sa silid ding iyon, at sa doktor ding iyon na tumingin sa kaniya. Ang bilang ng kaniyang hemoglobin ay bumaba sa 2.5. Nang gabing iyon si Wyndham ay nilagyan ng oksiheno, yamang nahihirapan siyang huminga. Ang pagpupunyagi upang mabuhay ay nagpatuloy pa rin ng sumunod na araw nang mangyari ang lubhang nakapagpapatibay-loob na pagdalaw. “Ang aming tagapangasiwa ng distrito, si Sarel, at ang kaniyang asawa, si Maryann, ay dumalaw kay Wyndham,” sabi ni Judy. “Si Sarel ay tumayo sa tabi ng kama ni Wyndham at, hawak-hawak ang kamay ni Wyndham, siya’y taos-pusong nanalangin kay Jehova. Kami’y napatibay pagkatapos ng kaniyang dalaw.”
Sa buong panahon ng krisis ang kongregasyong
Kristiyano ay nagbigay ng praktikal na tulong. May talaan ng mga kapatid sa kongregasyon na magtutustos ng pagkain hindi lamang para sa pamilya ng Cook kundi para rin sa ibang Saksi na karilyebo nila. Nilinis ng mga kabataan ang bahay, pinakain ang aso, sinindihan ang mga ilaw, at iba pa. Ginawa nila ang lahat ng mumunting bagay na hindi na naisip ng pamilyang gawin. Ang suporta at pampatibay-loob mula sa kapuwa mga Kristiyano sa panahong gaya nito ay hindi dapat maliitin.Ang mga doktor ay muling nagpasiya na, bukod sa pagsasalin ng dugo, wala na silang magagawa pa para kay Wyndham. Kaya, kahit na siya’y nakaoksiheno pa at ang bilang ng dugo ay wala pang 2, siya ay pinauwi.
Paggaling
Ang gamot na erythropoietin, isang sintetikong anyo ng hormone na nagpapasigla sa utak sa buto na mabilis na gumawa ng pulang mga selula ng dugo, ay inirekomenda upang pataasin ang bilang ng dugo ni Wyndham. a Ang paggagamot na ito ay hindi nakarehistro sa Timog Aprika, subalit isang pagpaparaya ang nilagdaan at ang gamot ay pinangasiwaan ng doktor ng pamilya. Sa loob ng tatlong linggo, ang bilang ng dugo ni Wyndham ay tumaas sa 6.2, at sa loob ng anim na linggo ito ay 11.5. Pagkalipas ng dalawang buwan, si Wyndham ay malakas na upang gumugol ng isang buwan na kasama ng kaniyang pamilya sa pagsasagawa ng pangangaral sa madla bilang isang auxiliary payunir.
Ang isang mainam na bunga ng karanasan ni Wyndham sa bingit ng kamatayan ay ang epekto nito sa ibang kabataan sa kongregasyon. Sabi ni Judy: “Sa palagay ko ay natanto nila na maaaring hilingin sa kanila na gumawa ng gayunding paninindigan sa maikling paunang-sabi. Sila’y nasa ospital, kasangkot sa mahirap na karanasan, at sa aking palagay ang mensahe ay naging malinaw sa kanila, ‘Dinidibdib ba natin ang katotohanan?’ ”
Mula sa pangyayaring ito, matagumpay na napagtiisan ni Wyndham ang dalawa pang pagdurugong dinanas niya. Dahil sa kawalang-lakas ng kaniyang katawan, batid ni Wyndham na maaari na naman siyang magkasakit sa anumang panahon. Subalit anuman ang mangyari sa hinaharap, masidhing inaasam-asam ni Wyndham Cook ang panahon kapag sa wakas ay gagantimpalaan siya ng Diyos na Jehova ng sakdal na kalusugan sa dumarating na Paraiso sa lupa. Samantala, matatag ang pasiya ni Wyndham na manatiling nabubuhay na kasuwato ng mga simulain sa Bibliya. b
[Talababa]
a Tingnan ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, pahina 15, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Nang ang magasing ito ay ililimbag, si Wyndham ay namatay pagkatapos dumanas ng isa pang pagdurugo.
[Larawan sa pahina 15]
Si Wyndham at ang kaniyang mga magulang