Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-alembong Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Pag-alembong?” ay nakatawag ng aking pansin. (Mayo 8, 1991) Mayroon akong kaibigan na laging umaalembong sa hindi kasekso, at kadalasang ito’y parang nakatutuwa. Ako’y naginhawahang malaman na ‘natural lamang na naisin mong ikaw ay maibigan.’ Subalit natalos ko ngayon na ang pag-alembong ay mapanganib, at sa halip nais kong magpakita ng tunay na interes sa mga tao sa pangkalahatan.
S. I., Hapón
Ang Tao at ang Hayop Nais kong ipahayag ang aking taus-pusong pasasalamat sa paksang “Kapag ang Tao at ang Hayop ay Namuhay Nang Payapa.” (Abril 8, 1991) Ako’y isang estudyante ng Bibliya ng isang taon na ngayon, at natutuhan ko ang tungkol sa layunin ni Jehova na gawin ang lupa na isang walang-hanggang paraiso. Lubhang pinasidhi ng artikulo ang aking pag-ibig kay Jehova at ang aking pagnanais na mamuhay nang payapa na kasama ng mga hayop sa kaniyang bagong sanlibutan.
A. S., Brazil
Ako’y maibigin sa mga hayop. Nais ko pa ngang mag-aral sa unibersidad at sumama sa kanilang programang pangsoolohiya. Gayunman, ano ba ang mapapala ko kung gugugulin ko ang buong buhay ko sa pag-aaral lamang ng ilang uri ng hayop? Sa bagong sanlibutan ni Jehova, mapag-aaralan ko ang lahat ng mga hayop—magpakailanman! Ang pagbabasa sa artikulo ay nagpangyari sa akin na lumuha sa kagalakan, sa pagkaalam na balang araw ay magkakatotoo ang hangarin kong iyon.
L. M., Estados Unidos
Masasamang Kinaugalian Ang artikulong “Paghadlang sa Pagbabalik ng Masasamang Kinaugalian” (Abril 8, 1991) ay parang isang liham na patungkol lalo na sa akin. Bagaman hindi espisipikong binanggit ng artikulo ang aking masamang kinaugalian, naniniwala akong ang mga tuntuning ibinigay nito ay magiging kapaki-pakinabang. Sa tulong ni Jehova aking pagtatagumpayan ang kinaugaliang ito minsan at magpakailanman!
S. M., Estados Unidos
Mga 11 taon na ang nakalipas, matagumpay akong nagbawas ng 36 na kilo, ngunit muli na naman itong bumalik. Binabantayan kong muli ang aking timbang, at kapag ako’y nagsisimulang humina, muli kong binabasa ang artikulong ito. Ginamit ko rin ito sa dalawang bagong estudyante sa Bibliya na nakikipagbaka upang ihinto ang paninigarilyo.
E. T., Estados Unidos
Napakagandang artikulo niyaon anupa’t ako’y naluha. Ang nakaantig sa akin ay ang bahaging kung saan sinasabi nito: ‘Bigo ako, kaya mabuti pang sumuko na ako.’ Laging gayon ang naiisip ko noon. Subalit tinulungan ako ng artikulo na tingnan ang mga bagay sa ibang paraan.
S. H. S. N., Brazil
Mga Anak ng Nagdiborsiyo Ang inyong labas na “Tulong para sa mga Anak ng Nagdiborsiyo” (Abril 22, 1991) ay dumating sa tamang panahon. Ako ay kasalukuyang nagdidiborsiyo. Noong araw bago dumating ang artikulong ito, ako’y nagsalita ng masasakit na bagay sa aking asawang lalaki sa harap ng mga bata. Nang maglaon ako’y humingi ng tawad sa kaniya at ibinigay ko sa kaniya ang labas na ito ng Gumising! Salamat sa inyong tulong at payo.
C. L., Estados Unidos
Noong ako’y siyam na taóng gulang, ang aking mga magulang ay nagdiborsiyo. Pagkalipas ng tatlong taon sila’y muling nag-asawa. Tuwang-tuwa ako. Kamakailan, nasumpungan ko na sila ay magdidiborsiyo na naman. Ang pagkaalam na mahal nila ako at na nariyan si Jehova na mababalingan ko ang nagpanatili sa akin na matatag. Ang inyong artikulo ay dumating sa panahong kailangang-kailangan ko ito. Salamat sa inyong pagsasaalang-alang sa mga bata. Kailangan namin ang lahat ng alalay na makukuha namin!
A. J., Estados Unidos
Seksuwal na Panliligalig Ako’y nagpapasalamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Siya Maitataboy?” (Mayo 22, 1991) Noong araw na ibigay sa akin ng nanay ko ang magasing iyon, ako’y tumanggap ng isang liham ng pag-ibig buhat sa isang lalaki sa aking klase. Tinuruan ako ng artikulo na kapag ang mga lalaki ay nagpasaring, maaari nating ipaliwanag ang ating relihiyosong mga paniwala. Salamat sa paglalaan ng maibiging tulong para sa aming mga kabataan.
M. K., Hapón