Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Malalabanan ang Panggigipit na Manigarilyo?

Paano Ko Malalabanan ang Panggigipit na Manigarilyo?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Malalabanan ang Panggigipit na Manigarilyo?

“Ito’y nagpaparelaks sa akin, ginagawa akong maligaya at payapa.”

“Ito’y isang pampalipas-oras.”

“Ginagawa ako nitong mas panatag.”

‘Ito’y dibersiyon lamang.’

ITO ang mga dahilan na ibinigay ng mga tinedyer nang sila’y tanungin kung bakit sila ay naninigarilyo. (Teens Speak Out) Oo, sa kabila ng lahat ng mga babala tungkol sa kanser sa bagà, empisema, at sakit sa puso, ang paninigarilyo ay kaakit-akit pa rin sa maraming kabataan. Marahil ikaw man ay natukso na manigarilyo.

Pinauulanan ka ng media ng mga larawan ng kaakit-akit, mahusay manamit na mga lalaki at mga babae na naninigarilyo. Wala isa man sa kanila ang mukhang may sakit na kanser. O kaya naman ay nakadarama ka ng panggigipit mula sa iyong barkada na subukin ito. Sa paaralan ay maaaring hamunin ka, gaya ng pagsasabing: ‘Duwag ka ba?’ ‘Sinumang sikat ay naninigarilyo.’ Kapag kasama mo ang mga kabataan na naninigarilyo, maaaring madama mo na ikaw ay iba sa kanila kung hindi ka maninigarilyo.

Ang panggigipit na manigarilyo ay maaari ring magmula sa tahanan. Kung ang isa sa iyong magulang ay umiiwas manigarilyo subalit ang isa naman ay naninigarilyo, ito ay totoong nakalilito. At kung kapuwa naninigarilyo ang iyong mga magulang, ang panggigipit ay mas matindi. ‘Ang aking mga magulang ay nagsisigarilyo ng dalawang kaha sa isang araw, kaya nagkalat ang mga sigarilyo sa bahay,’ sabi ng 14-anyos na si Rebecca. Ang pagsasabi sa iyo ng mga magulang na iyon na huwag kang manigarilyo ay parang pagpapaimbabaw! Ganito ang reklamo ng kabataang si Allison: “Kapag sinasabi namin sa aming mga magulang na kami’y nababahala sa kanilang kalusugan, ayaw nilang makinig. Kaya paano sila makaaasa na kami ay makikinig din sa kanila?”​—The Private Life of the American Teenager.

Anuman ang kanilang mga dahilan, maraming kabataan ang nagpasiyang sumubok manigarilyo at madalas na naging mga sugapa habang buhay. a Kaypala, nais mo ng mas mabuting bagay para sa iyong sarili. Alam mo ang malungkot na mga epekto ng paninigarilyo at wala kang makitang dahilan upang subukin ito. Gayunman, maaaring mag-isip ka kung paano mo malalabanan ang malakas na panggigipit na manigarilyo.

Sosyal na Pagkaasiwa

Atin munang tingnan ang ilang kadahilanang ibinigay ng mga kabataan sa paninigarilyo. Tulad ng mga kabataang sinipi sa simula, marami ang nangangatuwiran na ang paninigarilyo ay gumagawa sa kanila na mas matatag at “adulto.” Ganito ang paniwala ng kabataang si Oren. Sobrang asiwa sa sosyal na pagtitipon, gunita niya: “Ako’y hindi mapalagay, lalo na sa mga pagtitipon. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin o kung ano ang aking sasabihin. Waring ang paninigarilyo ang sagot sa aking problema.”

Gayunman, sa paghitit at pagbubuga ng mga usok ay lalo lamang gumagawa sa isa na nagmukhang mangmang, mahina, at walang malasakit sa ibang tao. Ganito rin ang nadarama ng dumaraming kabataan. Sa isang surbey na isinagawa ni Jane Rinzler, 63 porsiyento ng mga batang babae at 73 porsiyento ng mga batang lalaki na tinanong ang hindi sang-ayon sa paninigarilyo! Isang 16-anyos na batang babae ang nagsabi: “Inaakala ng mga tao na sila’y nagmumukhang sikat [kapag sila’y naninigarilyo], ngunit hindi totoo iyan.” Kahit na kung ang paninigarilyo ay gagawa sa isa na “sikat,” maipangangatuwiran ba nito ang pagsasagawa ng mapangwasak at nakasusugapang bisyo?

Kahima’t, kawili-wili ang tinuran ni Maurice Falk, isang propesor ng child psychiatry: “Ang mga kabataan na marunong gumawi sa mga sosyal na kalagayan ay hindi masyadong asiwa. . . . Malamang na hindi sila manigarilyo.” Ito ay totoo sa maraming kabataang Saksi ni Jehova. Nalinang nila ang bikas o tindig at pagtitiwala sa sarili sa pakikipag-usap sa mga tao anuman ang kanilang edad sa kanilang pangmadlang pangangaral. Palibhasa’y kanilang sinasamantala ang programang pang-edukasyon na ibinibigay sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall, sila rin ay natutong magsalita nang may kasanayan ngunit may kahinhinan sa harap ng tagapakinig. Hindi na sila nangangailangan ng sosyal na saklay.

Kung ikaw ay malungkot o mahiyain o asiwa kapag kahalubilo ng mga tao, subukin mong makisama sa kongregasyon ng tunay na mga Kristiyano. Mahirap na manatiling mahiyain kung ikaw ay aktibong nakikisangkot sa iba. Maaari mo ring ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang problema mo. Gayunman, alalahanin mo na matatamo mo ang paggalang ng iba, hindi sa paninigarilyo, kundi gaya ng ipinapayo ng Bibliya, sa pagiging: “Halimbawa . . . sa pagsasalita, sa gawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-asal.”​—1 Timoteo 4:12.

“Ito ay Nakapagpaparelaks sa Akin”

Ano naman ang tungkol sa pag-aangkin ng iba na ang paninigarilyo ay isang kalugud-lugod na karanasan? “Sinasabi ng ilang maninigarilyo na sila’y hindi makapagrelaks kung hindi sila maninigarilyo,” sabi ng manunulat na si Alvin Rosenbaum, “na ang paninigarilyo ay nakapag-aalis ng tensiyon, pagkabalisa, at ng galit.” Subalit, sa halip na maging pampakalma, “ang nikotina ay pampasigla,” sabi ni Rosenbaum.

Ano, kung gayon, ang dahilan ng ginhawang nadarama ng isang naninigarilyo? Ang totoo, ang nadarama ng naninigarilyo ay ginhawa na nanggagaling sa pagbibigay-kasiyahan sa pagkasugapa rito! Oo, ang tao ay nagiging sugapa sa nikotina ng tabako. Ang pagkasugapang ito ay tulad ng pagkasugapa sa heroin at cocaine, at sinasabi ng iba na mas mahirap itong sugpuin.

Kapag naubos na ang nikotina sa katawan ng maninigarilyo, hahanap-hanapin ito ng katawan. Siya ay nininerbiyos, alumpihit, at mainisin hanggang sa siya ay “makahitit” na muli ng nikotina. Sandaling nakadarama siya ng ginhawa​—hanggang sa hahanap-hanapin muli ng katawan niya ang nikotina. Ang paninigarilyo kung gayon ay isang haling na paraan ng pagrerelaks. Ang pakikinig sa malumanay na musika, pagbabasa, at pamamasyal ang mas ligtas na paraan ng pagrerelaks.

Paninindigan Laban sa Panggigipit ng Barkada

Ang katorse-anyos na si George ay naglahad: “Maraming kabataan ang nag-aalok sa akin ng sigarilyo ngunit di ko sila pinapansin.” Ang panggigipit ng barkada ay waring siyang pangunahing dahilan ng paninigarilyo sa mga kabataan. Inihayag sa isang surbey sa mga tinedyer na ‘wala pang 1 porsiyento sa kanila ang nanigarilyo kung wala silang mga kaibigang naninigarilyo, samantalang 73 porsiyento ang maninigarilyo kung lahat ng kanilang kaibigan ay naninigarilyo.’ Kapag ikaw ay ginipit ng iyong barkada, maaari mong itanong: ‘Ano ba ang masama sa paghitit ng sigarilyo upang ako ay huwag na nilang guluhin pa?’

Ang ilang kabataan na lumaki sa mga tahanang Kristiyano ay nangangatuwiran na hindi naman masama ang manigarilyo at ikinompromiso ang kanilang pananampalataya. b Ang ilan ay umamin na sila ay humawak na ng sigarilyo o inilagay pa nga ito sa kanilang bibig​—upang sila ay ‘maging gaya ng iba.’ Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Anak ko, kung ikaw ay hinihikayat ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.” (Kawikaan 1:10) At sa kapurihan nila, sinusunod ng karamihan sa mga kabataang pinalaki sa mga tahanang Kristiyano ang mga salitang ito. Bilang halimbawa, ang katorse-anyos na si Maribel ay inalok ng kaniyang mga kasamahan ng sigarilyo at siya ay tumanggi. “Sila’y nagsimulang lumayo sa akin,” alaala niya, “at pinagtawanan nila ako.” Gayunman, ipinagugunita niya sa kaniyang sarili na ‘mas mabuting kamtin ang pagsang-ayon ni Jehova kaysa ang pagsang-ayon ng sanlibutan’ kaya’t siya’y hindi sumuko sa panggigipit!

Tunay, ano bang uri ng mga kaibigan ang hihimok sa iyo na lumanghap ng nakamamatay na sangkap na ito? “Siyang nakikitungo sa mangmang ay mapapariwara,” babala ng Kawikaan 13:20. Kung kinakailangan, humanap ka ng bagong mga kaibigan. Aba, ang makihalubilo lamang sa mga naninigarilyo ay nakasasama sa kalusugan! Sinabi ng 15-anyos na si Brenda: “Wala sa aking mga kaibigan ang naninigarilyo. Kaya wala akong problema sa anumang panggigipit sa aking barkada.”

Gayunman, ang pakikisama sa hindi Kristiyanong mga kabataan ay hindi maiiwasan. Maaaring kailanganin mong panindigan ang iyong paniniwala at maliwanag na tanggihan mo ang paninigarilyo! Hindi naman ibig sabihin nito na sesermunan mo sila sa mga masamang epekto ng tabako. Binanggit ng manunulat na si Sharon Scott na kadalasan ang simpleng sagot na “hindi salamat na lang” ay sapat na. Kapag ito ay hindi nagtagumpay, inirerekomenda niya na matigas mong sabihin sa kanila na, “Sinabi ko nang HINDI!”

Ang iba pang paraan ng pag-iwas ay umalis ka, huwag pansinin ang alok, o kaya ay basta baguhin ang paksa ng usapan. Maaaring magsanay ka nang patiuna kung paano mo lalabanan ang panggigipit na manigarilyo. At kung ikaw ay hilingan ng detalyadong paliwanag, maging handa na magpaliwanag. Tulad ng sinasabi ng Bibliya: ‘Lagi kayong handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran.’​—1 Pedro 3:15. c

Ang edukasyon sa Bibliya na iniaalok sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa marami upang huminto sa bisyo ng paninigarilyo. Naalaala ni Oren: “Ang pagnanais ko na ipakipag-usap ko sa iba ang tungkol sa buhay magpakailanman sa sakdal na kalusugan sa isang nilinis na paraiso sa lupa ang gumanyak sa akin na huminto sa paninigarilyo.” Ang matalinong landasin ay huwag mong subuking manigarilyo kailanman!​—Colosas 4:5.

[Mga talababa]

a Tatlong-ikaapat ng mga maninigarilyo sa Estados Unidos ay nag-umpisang manigarilyo bago pa sumapit sa edad na 21. Sa isang surbey kalahati ng grupo ng naninigarilyong mga tinedyer ang nagsimulang manigarilyo bago pa man nagtapos sa elementarya.

b Kung ikaw ay patagong sumusubok na humitit ng tabako, pakisuyong humingi ka ng tulong sa pamamagitan ng pagsasabi ng iyong problema sa iyong mga magulang. (Kawikaan 28:13) Maaaring mabalisa sila na malaman ang iyong problema. Ngunit kung sila ay mga Kristiyano, at mawala na ang kanilang pagkabalisa, tutulungan ka nila upang huwag nang maulit ang pagkakamali mo. Malaking tulong din at patitibayin-loob ka ng mga tagapangasiwa sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa bagay na ito.​—Santiago 5:14, 15.

c Para sa impormasyon tungkol sa mga panganib ng paninigarilyo, tingnan ang labas na Agosto 8, 1991 ng Gumising!

[Larawan sa pahina 17]

Sa halip na magmukhang maygulang, nahahayag sa paninigarilyo ang mga kahinaan ng isa