Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Batas Tungkol sa Pagsasalin ng Dugo sa Italya
Sang-ayon sa Konstitusyon ng Italya, walang sinuman ang maaaring pasailalim ng isang partikular na medikal na paggagamot na laban sa kaniyang kalooban. Pinatutunayan ng isang batas kamakailan ng Ministri ng Kalusugan ng Italya na ang kautusang ito ng konstitusyon ay kumakapit din sa pagsasalin ng dugo. Sa katunayan, ang batas na ito, na may petsang Enero 15, 1991, ay nagsasabi na “ang mga pagsasalin ng dugo, mga bahagi ng dugo, o mga nakukuha sa dugo, ay isang paggagamot na may mga panganib; samakatuwid, ito’y nangangailangan ng may kabatirang pahintulot ng tumatanggap nito.” Sa ibang salita, dapat malaman ng mga pasyente ang mga panganib at may karapatan silang tumanggi na pasalin ng dugo. Kinikilala ng isang apendise sa batas na ito na ang pagsasalin ng dugo ay maaaring magdala ng “nakahahawang mga sakit, gaya ng hepatitis at AIDS,” at na “hindi laging nakikilala ng mga pagsubok sa laboratoryo ang mga taong nahawaan ng mga sakit na ito kamakailan.”
Pinapurihan ng Papa si Maria
Noong dumalaw kamakailan sa Portugal, si Papa John Paul II ay gumawa ng pantanging pagbakasyon sa dambana ng Birhen ng Fátima upang ipagdiwang ang ikasampung anibersaryo sa pagtatangka sa kaniyang buhay ng isang taong bumaril sa kaniya sa Roma. Ang tangkang asasinasyon ay nangyari noong “Araw ng Nuestra Senyora de Fátima”—isang araw na nagpapagunita sa okasyon noong 1917 nang tatlong bata sa Fátima ang nagsabing nagkaroon sila ng isang pangitain ni Birheng Maria—kaya pinapupurihan ng papa si Maria sa pagliligtas sa kaniyang buhay noong araw na mangyari ang pagbaril sa kaniya. Sa katunayan, sa anibersaryong ito isa sa mga bala na nakuha sa kaniyang katawan ay ginamit upang ipalamuti sa koronang punô ng brilyante na suot ng estatuwa ng birhen sa Fátima. Pinasalamatan din ng papa ang birhen dahil sa “di-inaasahang mga pagbabago” na ang resulta’y ang wakas ng pamamahalang Komunista sa Silangang Europa nitong nakalipas na mga taon.
Kasinghaba ng Isang Boeing 737 Jet
“Anuman ito, ang mga labí nito ay lubhang malaki. Ang bawat buto sa gulugod ay 1.5 metro ang lapad samantalang ang mga tadyang ay sumusukat na tatlong metro, tinataya ng kilalang mga siyentipiko na ang panlahat na haba ng hayop ay 27 hanggang 30 metro,” ulat ng The Vancouver Sun ng Canada. Iyan ay kasinghaba ng isang Boeing 737 jet! Noong 1986 ang leeg ng dambuhalang hayop na ito na naging bato ay nahukay sa isang lugar sa Inner Mongolia ng isang pangkat ng mga siyentipikong taga-Canada at Intsik. Pagkalipas ng apat na taon ang pagkalaki-laking bungo nito ay nahukay. “Ang tunay na kahulugan ng pagkasumpong sa bungo ay na sa kauna-unahang pagkakataon matitiyak natin kung ang dinosaurong ito ay nauugnay sa kilalang mga dinosauro sa Hilagang Amerika,” sabi ni Philip Currie ng Royal Tyrell Museum of Paleontology sa Drumheller, Alberta, Canada.
Kalupitan ng Sistemang “Caste”
Ang sistemang “caste” ng India ang nasa likuran ng pagpatay sa publiko ng tatlong kabataan, ulat ng India Today. Sa maliit na bayan ng Mehrana, isang 18-anyos na lalaki mula sa mababang uri sa lipunan na Jatav ay naging kasintahan ng isang 16-anyos na babae mula sa mas mayaman, mas makapangyarihang uri na Jat. Ang mga magulang ng babae, at marami pang iba buhat sa uring Jat, ay nagalit. Sa isang konseho, na iniulat na dominado ng mas mayayamang Jat, ang dalawang kabataan at isa pang lalaki sa uring Jatav na naging tulay nila ay hinatulan ng kamatayan. Ang dalawang batang lalaki ay malupit na pinahirapan ng mga ilang oras, at pagkatapos ay sinasabing kanilang pinilit ang mga ama ng mga batang lalaki na siyang maglagay ng tali sa leeg ng kanilang mga anak. Ang tatlong tinedyer ay binitay sa plasa. Iniuulat ng India Today na ang pangunahing mga salarin sa pagpatay ay nakabilanggo ngayon at nananaghoy: “Ito’y isang kalunus-lunos na tagapagpagunita na ang mga nayon ay patuloy pa rin sa pagsunod sa sistemang ‘caste’ ng Edad Medya, na hindi pa rin maalis kahit ano pang ‘pagkamoderno’ ngayon.”
Krimeng Walang Parusa
Ang Home Office Research and Statistics Department ng Britaniya ay naglabas kamakailan ng ilang nakadidismayang mga bilang tungkol sa krimen sa bansang iyon. Kuning halimbawa ang 100 krimen. Sa bilang na iyon, 59 ang hindi kailanman naiulat. Sa mga naiulat, sinubaybayan ng pulisya ang 26 na kaso lamang. Sa mga ito, pinawalang-sala nila ang mga sangkatlo—sa wakas pito lamang ang nalutas. At sa pitong ito, apat lamang ang humahantong sa paghatol o sa pagbabala pa nga sa nagkasala! Gayunman, saklaw ng mga estadistikang ito ang lahat ng krimen, kasali na ang bandalismo at pagnanakaw. Pinawawalang-sala ng pulisyang Britano ang hanggang 70 porsiyento ng mga krimen na nagsasangkot ng karahasan at 90 porsiyento ng mga pagpatay.
Kaigtingan at Etika
Ang etikal na paggawi ay maaaring nauugnay sa kaligayahan, samantalang ang walang etikang paggawi ay maaaring nauugnay sa kaigtingan, sabi ng isang pag-aaral kamakailan. Sang-ayon sa The Wall Street Journal, ipinailalim ng isang kompaniyang tinatawag na London House ang 111 ehekutibo, manedyer, at iba pang propesyonal sa isang sunud-sunod na pagsubok upang tiyakin ang kanilang panlahat na emosyonal na kalusugan. Ang mga binigyan ng pagsubok ay
dapat ding sumang-ayon o tumutol sa mga pagsusuring may kinalaman sa etikal na mga preposisyon na gaya nito: “Hindi kailangang makisama sa walang etikang mga negosyante upang makaulos” at, “Ang mga nag-oopisinang manlalabag sa batas ay dapat na tumanggap ng hindi mahigpit na parusa . . . kaysa mga kriminal na nagtatrabaho sa lansangan.” Ipinakikita ng mga pagsubok na ang mga ehekutibo na nagpakita ng mas maunlad na diwa ng etika ay mas malusog din sa emosyonal na paraan. Sila ay mas maligaya, mas responsable, at hindi gaanong nakadarama ng kaigtingan, pagkabalisa, poot, o takot kaysa kanilang mga kasama na walang gaanong etika.Sinasabing Pagdaraya sa Mina
Mga 500 kompaniya ng minahan sa Estados Unidos ang nagsagawa ng isang uri ng pagdaraya na maaaring magsapanganib sa buhay ng libu-libong mga manggagawa sa mina, paratang kamakailan ng Kagawaran ng Manggagawa ng E.U. Ang mga kompaniya ng mina ay hinihiling ng batas na regular na magpadala ng mga panala (filter) mula sa maliliit na mga sampol ng hangin na nakainstala sa kanilang mga mina. Maingat na sinusuri ng kagawaran ang mga panalang ito at maaaring ipasara nito ang mga minahan na nagpapakita ng lubhang mapanganib na antas ng mga alabok ng karbón sa hangin, na maaaring humantong sa sakit sa bagà at sa kamatayan pa nga. Pinararatangan ng kagawaran na sa nakalipas na isang taon at kalahati, 847 mina ang nagpadala ng 4,710 mga panala na may katibayan ng pagdaraya. Ang ilang mga panala ay inispreyhan ng mga pang-isprey sa bahay upang huwag dumami ang alabok. Ang iba ay ginamitan ng vacuum upang bawasan ang dami ng alabok. Ang sakit sa bagà ay nagpapahirap sa daan-daang libong minero; taun-taon, kasindami ng 4,000 nagretirong minero ang unti-unting tinatablan ng nakapanghihinang mga epekto nito at namamatay.
Pinagtatakpan ang mga Paring “Pedophile”?
“Pinagtatakpan pa rin ng ilang diyosesis ang mga paring akusado ng pedophilia (seksuwal na pag-abuso sa mga bata),” sabi ng isang paulong-balita kamakailan sa pahayagan sa E.U. na National Catholic Reporter. Kinapanayam ng pahayagan si Jeffrey Anderson, isang abugado na nagdadalubhasa sa mga kaso ng seksuwal na pag-abuso. Tinataya niya na mula noong 1985, nang ang kaso ng mga pari na pedophilia ay sumailalim ng matinding pagsusuri ng publiko, nagkaroon ng mahigit na isang libong kaso kung saan seksuwal na inabuso ng mga pari ang mga bata. Si Anderson ay may matatalim na salita sa tugon ng simbahan sa nangyayaring krisis: “Ito’y isang nagpapatuloy na mahabang ulat ng pag-iwas sa pananagutan,” paratang niya, pinupulaan ang pagtutuon ng pansin ng simbahan sa pagtatanggol sa akusadong mga klero. “Bilang panlahat na tuntunin, ang institusyonal na pagtugon ng simbahan ay sadyang hindi sapat kapuwa sa pangangalaga sa mga biktima at sa pakikitungo sa mga panganib.”
Nabulahaw na Tulog
“Ang mga walang asawa ang pinakamahimbing matulog, ang mga may-asawa ay mahusay ang tulog, at ang mga balo o diborsiyado na namumuhay mag-isa ang madalas mabulahaw sa pagtulog,” ulat ng medikal na babasahin sa Alemanya na Ärztliche Praxis. Isang surbey na kinasasangkutan ng 1,500 pasyente sa pagitan ng mga edad na 18 at 65 ay nagsisiwalat na 19 porsiyento ang regular na nabubulahaw sa pagtulog na nag-iiwan sa kanila na patang-pata sa araw, 31 porsiyento ang may mga problema sa kanilang pagtulog, bagaman hindi gaanong grabe, at kalahati lamang ang nag-ulat na wala silang problema sa pagtulog. Ang pagkabulahaw sa pagtulog ay mataas sa gitna ng mga taong nagretiro, walang trabaho, maligalig ang damdamin, at sa talamak na maysakit. Karaniwan na, “ang mga lalaki ay mas mahimbing ang tulog kaysa mga babae,” komento ng babasahin, at “ang mga bata ay mas mahimbing matulog kaysa mga may edad na.”
Pangangalaga sa Maiilap na Hayop sa Asia
Iyan ang hamon na nakakaharap ng mga bansa sa Asia na gaya ng Thailand. Ayon sa magasing Asiaweek, itinangi ng World Wide Fund for Nature ang Thailand dahil sa ilegal na pangangalakal nito ng nanganganib malipol na mga hayop at halaman, tinatawag ang bansa na “ang supermarket ng maiilap na hayop sa daigdig.” Hindi pinangangalagaan ng batas ng Thailand ang maiilap na hayop na hindi katutubo sa bansa; kaya, ang Thailand ang naging pinipiling daanan ng ilegal na kalakalan ng nanganganib malipol na mga hayop mula sa kalapit na mga bansa. May mga pamilihan kung saan ang eksotikong mga hayop at ibon ay ipinagbibili, at ilang restauran pa nga ang nagtatampok ng ‘pagkaing gubat’ sa kanilang mga putahe, kasali na ang karne ng nanganganib malipol na mga nilalang na iyon na gaya ng buwaya, tumatahol na usa, at baboy damo.
Ang Pinakamabilis na Paglago sa Relihiyosong Tanawin
Sang-ayon sa Kawanihan ng Estadistika ng Australia, ang pinakamabilis dumaming mga tagasunod ay hindi sa tatag na mga relihiyon o maging sa masiglang ebanghelikong mga grupo. Bagkus, isinisiwalat ng sensus noong 1986 ang mabilis na pagdami sa bilang niyaong nagsasabing sila’y walang relihiyon o yaong mga umalis na hindi sinasagot ang tanong tungkol sa relihiyon. Ipinakikita ng sensus na halos 25 porsiyento ng mga Australiano ay nasa kategoryang ito, o halos doble ng persentahe mga 20 na ang nakalipas. Subalit si Dr. G. Bailey, isang propesor ng relihiyon sa unibersidad, ay nagsabi sa The Weekend Australian, isang pahayagan sa Sydney, na ang gayong mga tao ay may “kahaliling relihiyon.” Tinukoy niya ang pangmalas ng materyalistikong daigdig, “na may pagdiriin sa kasakiman at negosyo at ang ganap na tunguhin nito ng kaligtasan sa pamamagitan ng materyal na mga pag-aari at materyal na seguridad.”