Pagpapanatili sa Isports sa Kanilang Tamang Dako
Pagpapanatili sa Isports sa Kanilang Tamang Dako
KAPAG nilalaro ng mga tao ang kanilang paboritong isports, sila ay napasisigla samantalang ang kanilang mga katawan ay tumutugon at nagtatanghal ng kahanga-hangang kasanayan o tatag. Tayo ay nilikha ng Diyos upang masiyahan sa pisikal na gawain. Marahil mas marami pa ngang tao ang nagkakaroon ng kasiyahan sa panonood sa iba na naglalaro. Kaya ang isports ay tulad ng maraming bagay na mabuti kapag pinananatili sa kanilang tamang dako.
Upang ilarawan: Kapag ang mga tao ay nagtutungo sa dalampasigan upang masiyahan sa araw, ano ang nangyayari kapag sila ay masyadong nabilad sa araw? Sila ay dumaranas ng masakit na pagkasunog ng balat na sumisira sa kasiya-siyang panahon at maaari pa ngang pagmulan ng maselang panganib. Ganiyan din sa isports. Ang kaunti ay mabuti, subalit ang labis ay maaaring makapinsala.
Ang isports ay maaaring maging mahusay na libangan at katuwaan, gayunman ito ay hindi dapat na maging siyang tanging tunguhin. Hindi ito nagdadala ng tunay na kasiyahan o nagtatagal na kaligayahan. Nakalulungkot sabihin na kung minsan ay nangangailangan pa ng isang kalunus-lunos na pangyayari bago matalos ito ng isang tao. “Lahat ng mga tropeo at mga medalya ko, hindi ito mahalaga,” sabi ni Mary Wazeter, ang manlalarong babae na tumalon mula sa tulay at nalumpo.
“Natuto ako ng maraming katotohanan sa buhay,” sabi niya. “Ang isa ay na ang tunay na kasiyahan ay hindi nakakamit sa mga paraan na pinagsisikapan makamit ng maraming tao. Para sa akin ang pagkakontento ay hindi nagmumula sa pagiging matalinong estudyante, isang kampeon na mananakbo ng estado o sa pagtataglay ng kaakit-akit na katawan.”
Masakit man pero totoo, ganito ang sabi ng sosyologong si John Whitworth: “Sa katapusan ng laro, isang talaan lamang ng estadistika ang natitira sa iyo. Ang talaan ng mga nanalo, ng mga natalo, at ang rekord na kanilang naitala ay isang gantimpalang walang gaanong halaga. Ito ay panlabas lamang, gaya ng ating lipunan.” Ang labis-labis na pagdiriin sa isports ngayon ay nagbubunga ng hindi
makatotohanang pangmalas sa kung ano ang talagang mahalaga.Pagkatapos ng kaniyang tagumpay sa 200-metrong pagtakbo sa 1964 Olympics, ganito ang sabi ni Henry Carr: “Pagbalik ko sa Olympic Villages, una kung minasdan ang medalyang ginto. . . . Tinanong ko ang aking sarili: ‘Ano ba ito! Ako’y nagpagal sa lahat ng panahong ito, at ito ang tinanggap ko?’ Nagalit ako, samantalang dapat sana ako’y maligaya. Talagang nakasisira ng loob.” Gayundin ang nadama ni Marlon Starling pagkatapos mapanalunan ang kampeonato sa welterweight ng World Boxing Association ng 1987. “Ang titulo,” sabi niya, “ay hindi maihahambing sa pagsasabi sa akin ng anak ko na, ‘Mahal kita, Dad.’”
Kaya ang isang mahalagang leksiyon na matututuhan ay: Ang mabungang gawain, pamilya, at lalo na ang pagsamba sa Diyos ay dapat na mauna. Tama ang Bibliya nang sabihin nito: “Ang pagsasanay sa katawan [na inilalaan ng isports] ay mapapakinabangan nang kaunti.” (1 Timoteo 4:8) Ipinakikita niyan ang tamang dako ng isports sa ating buhay. Ito ay dapat na pangalawahin lamang. Yamang ang isports ay maaaring maging kahali-halina, ang isa ay kailangang maging maingat na huwag kaligtaan ang mas mahahalagang bagay.
Kung gayon, matalinong pakiramdaman kung ang mga miyembro ng pamilya ay nagrereklamo na ikaw ay gumugugol ng maraming panahon sa pagkukuwento, panonood, o paglalaro ng isports. Isang babae, na ang asawa ay gumawa ng mga pagbabago sa kaniyang atensiyon sa isports, ay buong pagpapahalagang nagsabi: “Siya ngayon ay gumugugol ng higit na panahon na kasama namin ng mga bata. Kung minsan pinanonood ng aming pamilya ang isang laro sa telebisyon, subalit karamihan ng mga gabi ay sama-sama kaming naglalakad at nagkukuwentuhan tungkol sa mga pangyayari sa maghapon. Ito ay totoong kaaya-aya at nakatutulong upang panatilihin kaming maligaya.”
Dahilan sa maaaring mangyaring mga problema, bakit hindi matapat na sagutin ang tanong na: Maaari kayang ako’y naglalaan ng higit na panahon at pansin sa isports kaysa nararapat? Gayunman, maraming iba pang aspekto sa bagay na ito na pagpapanatili sa isports sa tamang dako.
Ano Naman ang Ating Saloobin sa Kompetisyon?
Upang ang laro ay maging kapaki-pakinabang sa halip na maging mapanganib, mahalaga ang tamang saloobin sa kompetisyon. “Ang mga coach, guro sa gym, magulang, at ang mga bata mismo ay gayon na lamang ang pagnanais na manalo anupa’t nalilimutan nila kung ano ba ang layunin ng isports [para sa mga kabataan],” panangis ng isang manggagamot para sa isang propesyonal na koponan ng larong hockey. Ang layunin ng isports, sabi niya, ay dapat na “upang linangin ang pagtutulungan na magkasama at disiplina, upang magkaroon ng malakas na pangangatawan, at, higit sa lahat, upang magkaroon ng katuwaan.”
Gayunman, nakalulungkot sabihin, sinira ng pagdiriin sa pagwawagi ang katuwaan para sa marami. Sabi ng sikologo sa isports na si Bruce Ogilvie: “Minsa’y nakapanayam ko ang mga rookie [mga manlalaro sa unang-taon] sa 10 malalaking kampo ng liga sa baseball at 87 porsiyento sa kanila ay nagsabi na sana’y hindi sila naglaro sa Little League baseball sapagkat inalis nito ang katuwaan sa kung ano ang dati-rati’y nakatutuwang laro.” Isang nauugnay na problema ay na ang sobrang kompetisyon ang dahilan ng mataas na bilang ng mga pinsala.
Ang Bibliya ay nagbibigay ng mga panuntunan, na ang sabi: “Huwag tayong maging labis na palaisip sa sarili, na nagpapaligsahan sa isa’t isa, nagkakainggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:26) Ayon sa mga talasalitaang Griego-Ingles, ang salitang Griego na isinaling “nagpapaligsahan” ay nangangahulugang “tawagin,” “hamunin ang isa sa isang laban o sa paligsahan.” Kaya ganito ang salin ng An American Translation: “Huwag tayong maghamunan sa isa’t isa sa kapalaluan.” At ang talababa ng New World Translation ay nagbibigay ng mapagpipilian: “Pinupuwersa ang isa’t isa sa pangwakas na tagisan ng lakas.”
Maliwanag, kung gayon, hindi matalino ang pagpapaligsahan. Hindi ito lumilikha ng mabuting mga kaugnayan. Kung ikaw ay pinipilit lumaban at ika’y natalo, at ipinagmamalaki ng nagwagi ang kinalabasan ng laban, ang karanasang ito ay maaaring maging kahiya-hiya. Ang saloobin ng matinding kompetisyon ay hindi maibigin. (Mateo 22:39) Datapuwat, kung ang kompetisyon ay pinananatili sa isang palakaibigan, mabait na antas, ito ay maaaring makatulong sa interes at kasiyahan ng isang laro.
Ang iba ay maaaring nagnanais humanap ng mga paraan upang maglaro sa paraan na walang gaanong kompetisyon. “Ako’y talagang naniniwala sa isports sa bentaha ng pakikibahagi lamang sa isports;
hindi upang manalo o matalo o gumawa ng rekord hanggang sa edad na 13 o 14,” sabi ng isang coach ng soccer sa Inglatera. Inirekomenda niya hindi ang pag-iingat ng mga rekord ng resulta o ng katayuan ng mga koponan—“walang sunud-sunod na posisyon o hakbang na dapat abutin, walang finals.” Oo, ang pagdiriin sa pagwawagi ay dapat na bawasan o lubusang alisin.Saloobin sa mga Manlalaro
Ang pagpapanatili sa isports sa kanilang tamang dako ay magsasangkot din ng ating saloobin sa magagaling, kilalang mga manlalaro. Nauunawaan naman, maaaring hangaan natin ang kanilang mga kakayahan sa palakasan at ang kahanga-hanga nilang mga gawa. Subalit dapat ba silang gawing idolo? Ang mga kabataan ay kadalasang nagdidispley ng mga poster ng mga manlalaro sa kanilang mga silid. Ang mga nagawa ba ng mga taong iyon ay talagang gumagawa sa kanila na karapat-dapat na igalang? Marahil mas totoo ang kabaligtaran nito.
Isang bagong manlalaro sa isang koponan ng kampeonato sa National Football League ang sa simula’y humanga sa marami sa kaniyang mga kasama sa koponan. Subalit ang kanilang gawi at saloobin, sabi niya, “ay nag-alis ng lahat ng damdamin at paggalang ko sa kanila.” Paliwanag niya: “Halimbawa, sasabihin nila: ‘Hoy, nakipagtalik ako sa limang babae noong nakaraang linggo, hindi pa kasali riyan ang asawa ko.’ At titingnan ko ang taong iyon at sasabihin ko sa aking sarili: ‘Ito pala ang lalaking iniidolo ko.’”
Oo, hindi tamang gawing idolo ang sinumang tao, at lalo nang totoo ito sa mga nangunguna sa gawain na sinasabi ng Bibliya ay may kaunti o limitadong pakinabang. Ang mga lingkod ng Diyos ay hinihimok na “magsitakas sa pagsamba sa diyus-diyusan.”—1 Corinto 10:14.
Kung Paano Kapaki-pakinabang ang Isports
Gaya nang nabanggit na namin, sinasabi ng Bibliya na ang pagsasanay sa katawan, gaya ng nagagawa sa isports, “ay mapapakinabangan nang kaunti.” (1 Timoteo 4:8) Sa anong paraan ito ay kapaki-pakinabang? Papaano ka maaaring makinabang sa isports?
Idiniin ng ikalawang-siglong Griegong manggagamot na si Galen, personal na manggagamot sa Romanong emperador Marcus Aurelius, ang kahalagahan ng ehersisyo para sa kalusugan. At iminungkahi niya ang mga larong ginagamitan ng bola, yamang naeehersisyo nito ang buong katawan sa natural na paraan. Ang mga larong ginagamitan ng bola ay karaniwan ding nakatutuwang laruin, anupa’t ang isang tao ay malamang na masiyahan sa paglalaro ng mga larong ito kaysa magsagawa ng ibang anyo ng ehersisyo.
Nasumpungan ng marami na ang ehersisyong nakukuha mula sa isports ay nagbibigay sa kanila ng diwa ng kagalingan. Pagkatapos ng isang nakapagpapasiglang ehersisyo o laro, sila’y sumisigla at nagiginhawahan. Gayunman ito ay hindi dapat ipagtaka, yamang, gaya ng sabi ni Dr. Dorothy Harris, “ang ehersisyo ang pinakamahusay na trangkilayser ng kalikasan.”
Ang ehersisyo ng katawan, gaya ng inilalaan ng kalisteniks, jogging, at mga laro, ay pangkalahatang kinikilala ngayon na mahalaga sa mabuting kalusugan. “Ang mga taong malulusog ang katawan ay madaling naisasagawa ang kanilang karaniwang atas nang hindi napapagod at mayroon pa ring lakas para sa ibang interes,” sabi ng The World Book Encyclopedia. “Nalalabanan din nila nang mas mainam ang mga epekto ng pagtanda kaysa roon sa mga hindi malusog ang katawan.”
Gayunman, anumang maaaring itulong ng isports sa kalusugan ng katawan ng isang tao, ang pakinabang ay limitado. Ang pagtanda at kamatayan ay hindi maaaring hadlangan ng mga pagsisikap ng tao. Gayunman, pagkatapos sabihin na ang “pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan nang kaunti,” ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.
Ang Diyos na Jehova lamang, ang ating Maylikha, ang makapagbibigay sa atin ng buhay. Samakatuwid, wala nang mas mahalaga pa kaysa “maka-Diyos na debosyon,” yaon ay, paggalang, pagsamba, at paglilingkod sa Diyos. Kaya uunahin niyaong nagsasagawa ng maka-Diyos na debosyon ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Gugugulin nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos, ginagamit ang kanilang kabataan gaya ng ginawa ni Jesu-Kristo, sa pagbabalita sa iba ng mabubuting bagay tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian.
Oo, kapag ang mga kapakanan ng Diyos ang inuuna, makakamit ng mga tao ang kaniyang pagsang-ayon at ang buhay magpakailanman sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Doon ay bibigyan sila ng maligayang Diyos, si Jehova, ng tunay at nagtatagal na kaligayahan at kasiyahan.