Ako’y Dating Propesyonal na Magnanakaw
Ako’y Dating Propesyonal na Magnanakaw
BANG! Ang malyete ng hukom ay umalingawngaw sa korte. Ang susunod niyang mga salita, bagaman binigkas nang mahina, ay para bang dumagundong sa akin. “Aking hinahatulan ka ng 15 taon sa bilangguan.” Hinding-hindi ko malilimot ang mga salitang iyon ni ang mga pangyayari pagkatapos niyan. Agad akong sinamahan ng opisyal ng pulis mula sa korte pabalik sa selda na naging tahanan ko sa nakalipas na tatlong buwan.
Maaga kinabukasan, ako’y inakay mula sa aking selda, patungo sa pasilyo at tungo sa isang maliit na silid, kung saan ako ay nilagyan ng isang sinturong katad na halos labintatlong centimetro ang lapad at na inihihibilya sa likod. Sa harap ay may dalawang malaking anilyong metal kung saan ipoposas ang aking mga kamay. Pagkatapos ng pamamaraang ito, dinala ako ng dalawang opisyal sa isa pang pasilyo, kung saan nakasama ko ang isang pangkat ng mga lalaking nakaposas din. Ang mga lalaki ay nakatayo sa dalawang hanay, na magkakatabi. Ako’y inakay sa aking puwesto sa hanay, at isang kadena sa dalawang hanay ay iniangat at ikinandado sa ikatlong anilyo, sa gilid ng sinturong katad.
Pagkatapos, ang anim na opisyal na naroroon ay inakay kami sa elebeytor na maghahatid sa amin sa isang bus na pantangi ang pagkakagawa. Narito ako, nakaupong katabi ng isang mamamatay-tao at sa harap ng mangangalakal ng droga, manghahalay, at mga magnanakaw. Lahat kami ay patungo sa iisang dako—sa bilangguan!
Maaaring itanong mo, ano ang umakay sa mga kalagayang ito? Hayaan mong isaysay ko sa iyo ang aking pinagmulan at ang mga pangyayaring nagdala sa akin sa bilangguan.
Hindi Ako Isinilang na Kriminal
Ang aking mga magulang ay ikinasal pagkatapos lamang ng Digmaang Pandaigdig II, at noong 1947 ang aking kuya ay ipinanganak. Pagkaraan ng dalawang taon ako ay isinilang, kasunod ng isa pang kapatid na lalaki pagkalipas ng 18 buwan. Kaya taglay ang tatlong mga sanggol, ang aking mga magulang ay gumawa ng mahabang paglalakbay pakanluran mula sa Richmond, Virginia, E.U.A., tungo sa estado ng Oregon sa Baybaying Pasipiko. Pagkatapos kami’y naglakbay pahilaga tungo sa Estado ng Washington at nanirahan sa lungsod ng Bellevue. Noon, ang buhay ay waring normal naman sa akin. Bagaman hindi kami masyadong malapit na pamilya, mayroon kaming regular na sama-samang iskursiyon at kami’y dumadalo sa lokal na simbahang Lutherano. Ang paggalang sa Diyos, kay Jesus, at sa Bibliya ay kaugalian na sa isang pamilya na galing sa Virginia. Noong Enero 1960 ipinanganak ang aming bunsong kapatid na babae. Tuwang-tuwa ang aking nanay na sa wakas ay nagkaroon siya ng anak na babaing pinakahahangad niya!
Gayunman, pagkalipas ng mga anim na buwan ay may nangyari na bumago sa aming pamumuhay. Kami’y lumipat muli, at sa pagkakataong ito sa makahoy na bayan ng Maple Valley. Hindi na kami nagsimba, wala nang iskursiyon ng pamilya, at ang aking tatay ay nagsimulang uminom nang malakas. Hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin akong gunitain ang paglipat na iyon. Kami’y nanlumo sa loob ng mahabang panahon pagkatapos niyaon. Naniniwala akong ito ay nakatulong sa aking masuwaying buhay bilang isang tinedyer.
Kung Bakit Pinili Ko ang Masamang Buhay
Ang Maple Valley, gaya ng maguguniguni mo mula sa pangalan nito, ay hindi isang nakatutuwang dako para sa isang magulong tinedyer noong 1960’s. Kaya gumagawa ako ng aking sariling katuwaan. Madali ito para sa akin dahil sa masamang grupo na kasa-kasama ko sa paaralan. Ang mga pangyayari pagkatapos ng klase ay nauuwi sa mga parti na lasingan, sinusundan ng mga bakbakan at droga. Maraming beses, ako’y susuray-suray na umuuwi ng bahay sa alas tres o alas kuwatro ng umaga—na lasing. O hindi ako uuwi ng bahay ng
mga ilang araw, nakikitira sa aking mga kaibigan. Kataka-taka, alam kong mali ang ginagawa ko, gayunman para bang hindi ito kailanman napapansin ng aking mga magulang.Kung minsan, kami’y magnanakaw upang alamin lamang kung magagawa namin ito nang hindi nahuhuli. Minsan, nagnakaw ako ng isang kotse at basta pinatakbo ito. Subalit ako’y nadakip at gumugol ako ng mahigit na isang taon sa lokal na institusyon para sa mga kabataan, ang Green Hill.
Nang ako’y palayain mula sa Green Hill, ako’y nasa high school. Dito’y naisip ko na gamitin ang mga bagay na “natutuhan” ko mula sa aking ‘masamang paaralan’ ng mga kabataan. Wala akong kamalay-malay na ang sinasabi sa Bibliya na, “Ang masamang mga kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali,” ay nagkakabisa sa akin.—1 Corinto 15:33.
Mga 16 anyos ako nang makilala ko ang isa na kakaiba, isang binatang nagngangalang Jim Carley. Siya at ang pamilya niya ay bagong lipat lamang sa aming bayan buhat sa Idaho. Iilan lamang ang nakakikilala sa kaniya bilang Jim; mas kilala siya bilang Spud, bansag sa kaniya dahil sa kilalang patatas sa Idaho. Siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova.
Kami ni Jim ay pumapasok sa iisang paaralan. Sa pagmamasid ko sa kaniya, napapansin ko na siya ay naiiba sa iba kong mga kaibigan. Mahusay siyang makisama subalit hindi siya nakikisama sa kanilang lisyang gawa. Ito’y nagkabisa sa akin. Tandang-tanda ko pa ang sinabi niya sa akin kung bakit ang balakyot na sistemang ito ay malapit nang magwakas at hahalinhan ng isang bagong sanlibutan ng kapayapaan sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos.
Nais kong makarinig pa, kaya’t dumalo ako sa “simbahan” niya, tinatawag na Kingdom Hall, ng ilang beses. Ito’y noong 1967. Ang napakinggan ko roon ay kawili-wili, subalit inaakala ko na ang bagong sanlibutang ito ay malayo pa. Isa pa, nagkakaroon ako ng katuwaan ngayon. Nasa negosyo ako ng pagtustos ng “nakaw na mga bagay” na gusto ng isa—mga kagamitan, piyesa ng kotse, mga stereo, set ng telebisyon. Mangyari pa, ang “mga pidido” ay sinasapatan sa pamamagitan ng pagnanakaw at panlilinlang. Bakit ako pupunta sa isang relihiyon na hinahatulan ang aking malakas na “negosyo”?
Sa gulang na 19, ako’y huminto sa pag-aaral at pinakasalan ko ang aking kasintahan sa high school. Pagkaraan ng isang taon ako’y tatay na ng isang sanggol na babae, si Rhonda Jean. Taglay ang karagdagang pananagutan, nadama ko ang pangangailangang paglaanan sila ngunit sa pamamagitan lamang ng pagnanakaw.
Nasumpungan Ko ang Katotohanan!
Nasa “negosyo” pa rin ako ng paggamit at pagbibili ng droga, pagnanakaw ng kotse, at panloloob sa mga bahay, subalit ang “negosyo” sa wakas ay nagbunga ng inaasahang masamang epekto. Ako ay nadakip at di-nagtagal nasumpungan ko ang aking sarili na nakaposas na inilarawan kanina at patungo sa bilangguan. Sa puntong ito ako ay, 20 anyos, may asawa at isang anim-na-buwang anak na babae. At ngayon ako’y mabibilanggo sa susunod na 15 taon! Natalos ko na kailangang may gawin ako upang makontrol ang aking buhay. Ginunita ko ang sinabi sa akin ni Spud tungkol sa Bibliya.
Samantalang nasa bilangguan, binasa ko ang Bibliya pati na ang sekular na mga aklat na sariling-sikap. ‘Ang pagbabasa ng mga aklat na ito ay tutulong sa akin na maging maygulang,’ naisip ko. Hindi ito nakatulong. Walang nakatulong hanggang noong tanungin ako ng isa pang bilanggo
sa Corrections Center sa Shelton, Washington, kung nais kong makisama sa isang pagtalakay sa Bibliya na kasama ng ilang Saksi ni Jehova buhat sa lokal na kongregasyon. Sinabi sa akin na sila ay dumarating sa bilangguan linggu-linggo. Ako’y sumang-ayon. Mula nang una kong makilala ang dalawang Saksi, alam ko na ang natututuhan ko mula sa Bibliya at sa aklat na pinag-aaralan na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan ay tama. Nasumpungan ko ang katotohanan!Nagpapatotoo sa Bilangguan
Kung minsan kasindami ng 15 bilanggo ang makikisama sa akin sa aking lingguhang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga Saksi. Noong panahong ito ang aking asawa ay nagpasiyang ako’y nabaliw sa bilangguan, at sinimulan niya ang pagkuha ng diborsiyo. Lubhang sinubok nito ang aking bagong sumpong na pananampalataya.
Naipasiya kong palakasin ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng pagkuha ng higit na espirituwal na pagkain. Sinimulan kong basahin ang buong Bibliya pati na ang mga publikasyon sa Bibliya, kasali ang matatandang labas ng magasing Bantayan at Gumising! Lumalakas ang aking pananampalataya. Gayundin, sinimulan kong mangaral sa lahat ng nakikinig. Hindi nagtagal ako’y iniwasan ng maraming bilanggo. Ginugunita ito, nakita ko na ito ay isang tunay na proteksiyon sa akin.
Gayunman, nagkaroon ako ng maraming kawili-wiling pakikipag-usap sa iba na nasa bilangguan. Ang isa ay sa paring Katoliko, na nagsabing ako’y tinuturuan ng pilipit na mga bagay at na magagawa ng mga taong sabihin ng Bibliya anuman ang nais nila. Upang patunayan ang sinaysay niya, sinabi niyang ipakikita niya sa akin na sinasabi ng Bibliya na walang Diyos. Tinanggap ko ang alok niya. Binuksan niya ang Bibliya sa aklat ng Mga Awit at inilagay ang kaniyang kamay anupa’t natakpan ng kaniyang hintuturo ang bahagi ng talata. Sabi ko: “Pakialis mo nga ang daliri mo para mabasa ko ang buong talata.” Sagot niya: “Basta basahin mo lamang ang nasa ibaba ng aking daliri.” Binasa ko nga, at sa pagtataka ko ang sabi nito: “Walang Diyos.” “Ayan,” aniya, “iyan ang patunay. Walang Diyos!” Minsan pa’y hiniling ko sa kaniya na tingnan ko ang buong talata. Sa pagkakataong ito ay inalis niya ang kaniyang kamay. At doo’y sinasabi: “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, Walang Diyos.”—Awit 14:1, King James Version.
Paglayang may Pasubali at Disidido
Dahil sa aking nagbagong saloobin at asal, ako’y pinalayang may pasubali (parole) pagkaraan lamang ng dalawang taon ng pagkabilanggo. Iyan ay
noong dakong huli ng 1971. Akala ng ibang tao ako ay naging relihiyoso lamang upang linlangin ang lupon ng mga taong nagpapasiya kung ang isang bilanggo ay dapat palayain na may pasubali. Subalit ako ngayon ay nakalaya na at higit kailanman ay disididong huwag nang bumalik sa masasamang kasama. Pinili kong mamuhay sa isang lugar kung saan alam kong wala roon ang dati kong mga kasama. Alam kong hindi matalinong makipag-ugnayan sa kaninuman sa dati kong mga kaibigan. Iniwasan din nila ako dahil nabalitaan nila na ako ay naging isang uri ng “pari” at nangangaral sa lahat.Ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral ng Bibliya at sinimulan kong dumalo nang palagian sa mga pulong ng Kongregasyon ng Covington sa Kent, Washington. Ang gawaing pangangaral ay gumanap ng higit at higit na bahagi sa aking buhay, at noong Hunyo 1972, ako ay nabautismuhan. Sinikap kong panatilihin ang pagiging timbang sa sekular na mga bagay samantalang kasabay nito’y naglilingkod sa Diyos at tinuturuan ang aking anak na babae tungkol sa Bibliya. Siya ngayon ay halos tatlong taon na at nakatira sa kaniyang nanay, ang aking dating asawa. Ito’y naging isang tunay na hamon sa akin na tumagal ng 16 na mahaba at nakasisirang-loob na mga taon. Aaminin ko, may mga panahon na inaakala ko na ang mga bagay ay hindi nangyayari nang mabilis ayon sa kagustuhan ko. Pagkatapos ay magugunita ko ang payo ng Kasulatan: “Ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. . . . ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ”—Roma 12:18, 19.
Maraming gabi ang ginugol ko sa pananangis at pananalangin. Ang daigdig ko nang puntong iyon ay gaya ng karaniwang panahon sa Puget Sound na isang lugar sa Washington, E.U.A., malungkot at mapanglaw na may manakanakang pagsikat ng araw. Ang aking kaligayahan ay dumarating sa anyo ng mga gawaing teokratiko, gaya ng mga pulong at mga asamblea kung saan ang isa ay makakikilala ng bagong mga kaibigan at muling makasalamuha ang mga dating kaibigan. Sa isang asambleang iyon, may nakilala ako na nagkaroon ng nagtatagal na impresyon sa akin, at pagkalipas ng dalawang taon ng pagkakilala, kami ni Mary Hughes ay nagpakasal noong Agosto 1974.
Noong Hulyo nang sumunod na taon, kami ay nagkaroon ng anak ng lalaki na pinanganlan naming Trey (mula sa Tom III). Batid ko na sa pag-aasawang ito, ang Diyos ang laging una, lalo na yamang kahihirang ko pa lamang bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano. Dahil sa pribilehiyong ito, natanto ko na isang bagong pinto ng pagkakataon ang nabuksan sa akin sa paglilingkod kay Jehova. Disidido akong samantalahin ito at patuloy na maglingkod sa kaniya. Naging masikap ako, laging umaasa sa Diyos na turuan ako kung paano ako susulong sa espirituwal. Kailanma’t ako’y hihilinging gumanap ng isang atas, tinatanggap ko ito, nagtitiwala sa kaniya na bibigyan niya ako ng kinakailangang karunungan. Pagkatapos, noong 1987, ako’y nahirang bilang isang matanda.
Sa paglipas ng mga panahon ay natutuhan ko na ang paggawa ng mga bagay sa paraan ni Jehova ang laging pinakamatalinong landasin. Huwag mainip. Ito ay naitimo pa sa akin nang, noong tagsibol ng 1990, ang aking anak na babae, si Rhonda, noo’y 20 anyos, ay nakipisan sa amin at naging isang bautismadong Saksi. Ako ay minsan pang napaalalahanan kung gaano kabisa ang katotohanan. Dahil sa legal na kadahilanan sa pangangalaga, hindi ko siya nakita sa nakalipas na walong taon. Pinagpala ni Jehova ang aking mga pagsisikap noong nakalipas na mga taon nang itanim ko ang mga binhi ng katotohanan ng Bibliya sa aking anak na babae noong panahon ng maiikling pagdalaw ko sa kaniya na ipinagkaloob ng mga hukuman.
Wari ngang natatandaan ni Rhonda ang lahat halos ng mga bagay na itinuro namin ni Mary sa kaniya tungkol sa Bibliya noong panahon ng aming mga pagdalaw. At anong laki ng epekto ng aming buhay pampamilya sa kaniya! Mula noong araw ng tagsibol na iyon, si Rhonda ay mabilis na sumulong sa kaalaman sa Bibliya.
Kung gugunitain ko ang buhay ko noon at saka titingnan ang buhay ko ngayon, masasabi kong ang pananatiling abala sa paglilingkod sa Diyos ay talagang ang pinakamagaling na proteksiyon sa mga patibong ni Satanas. Sa halip ng pumipigil na sinturong katad na iyon na kinamumuhian ko, nararanasan ko ngayon ang malaking pagpapalaya, isang pagpapalaya mula sa bilangguan tungo sa kalayaan ng pagiging ministro ng Diyos na nagtataguyod-kapayapaan.—Gaya ng isinaysay ni Tom McDaniel.
[Larawan sa pahina 12]
Noong ako’y bilanggo 626023 sa isang correctional center sa Estado ng Washington
[Larawan sa pahina 13]
Ang pamilyang McDaniel—si Mary, Tom, anak na si Rhonda, at si Trey