Ang United Nations—Mas Mabuting Paraan?
Ang United Nations—Mas Mabuting Paraan?
IPINAHAHAYAG ng paunang salita ng United Nations Charter ang marangal na mga layuning ito: “Kami ang mga bayan ng United Nations ay disididong iligtas ang sumusunod na salinlahi mula sa parusa ng digmaan, na dalawang ulit nang nagdala ng labis-labis na kalungkutan sa tao sa ating buong buhay, . . . at [nagnanais] pagsamahin ang aming lakas upang panatilihin ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan, . . . ay nagpapasiyang pagsamahin ang aming mga pagsisikap upang maisagawa ang mga layuning ito.”
“Naisagawa ba ng UN ang mga layuning ito”? Nagawa ba nitong pagsamahin ng mga bansa ang kanilang lakas at panatilihin ang kapayapaan at katiwasayan? Hindi, hindi nga, bagaman talagang sinikap ng UN na maging ang paraan na magdadala ng kapayapaan kaysa Liga ng mga Bansa. Gayunman, ang salinlahi na nakakita sa pagtatatag nito noong 1945 ay pinahirapan ng mga digmaan, rebolusyon, pananakop, mga kudeta, at pagsalakay sa maraming bahagi ng daigdig. At ang karahasang ito ay nagsasangkot sa maraming bansa na nagpasiyang “panatilihin ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.”
Hindi Pa Rin ang Mas Mabuting Paraan
Gayunman, maaaring nakalimutan ng mga kritikong pinipintasan ang kabiguan ng United Nations na hadlangan ang mga kaabahang ito ang isang mahalagang bagay—ang lakas ng isang organisasyon ay depende sa kapangyarihan na ibinibigay ng karta nito at sa pangako ng mga botante nito na isagawa ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng nasabing karta. Una sa lahat, hindi itinatayo ng United Nations Charter ang UN bilang isang pandaigdig na gobyerno na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng miyembro nito.
Ang Artikulo 2(7) ay nag-uutos: “Walang anumang nilalaman sa kasalukuyang Karta ang nagbibigay-karapatan sa United Nations na makialam sa mga bagay na nasa loob ng lokal na nasasakupan ng anumang estado.” Nakita ng UNCIO (United Nations Conference on International Organization), na nagtipon sa San Francisco mula Abril 25 hanggang Hunyo 26, 1945, upang tapusin ang karta, na mahalagang “tiyakin na ang United Nations sa ilalim ng kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig ay huwag lumampas sa tinatanggap na mga hangganan o lumampas sa mga limitasyon.”
Napansin mo ba ang pariralang iyon, “sa ilalim ng kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig”? Kung ito ay magbabago, inaangkin ng UNCIO na ang pamamahalang ito ay maaaring gawin “habang ang kalagayan ng daigdig, ang opinyon ng publiko sa daigdig, at ang makatotohanang pagtutulungan ng daigdig ay gumagawa ritong mahalaga at angkop.”
Ang layunin ng karta ng United Nations na panatilihin ang “internasyonal na kapayapaan at katiwasayan” ay nagpapahayag ng isang kanais-nais na tunguhin para sa sangkatauhan. Ang daigdig ay talagang magiging mas tiwasay kung sinusunod ng mga bansa ang Artikulo 2(4) ng UN Charter: “Pipigilin ng lahat ng Miyembro . . . ang pagbabanta o paggamit ng lakas laban sa katapatan sa teritoryo o pulitikal na kasarinlan ng anumang estado.” Subalit paulit-ulit na pinawalang-bisa ng interes-sa-sarili ng miyembrong mga bansa ang mga pagsisikap ng UN na matupad ang layunin nito. Sa halip na mamuhay ayon sa pangako nila sa UN na “lutasin ang kanilang internasyonal na mga alitan sa mapayapang paraan,” ang mga bansa o ang buong mga bloke ng bansa ay kadalasang bumabaling sa digmaan, sinasabing ang ‘bagay ay mahalaga sa loob ng kanilang lokal na nasasakupan.’—Artikulo 2(3,7).
Hindi lamang winalang-bahala ng mga bansa ang pamamaraan ukol sa kapayapaan ng UN
kundi kanilang hinamak at hayagang sinalansang ang mga pasiya nito sa paglutas ng mga alitan. At ang kanilang mga estadista ay madalas umakyat sa plataporma ng UN at nagpahayag ng mahahabang talumpati na sinisikap bigyang-matuwid ang kanilang mga pagsalakay. Ang pagmamaneobrang ito upang iwasan ang mga tuntunin na isinabatas upang panatilihin ang kapayapaan ay kadalasang nagpaparalisa sa UN sa kritikal na mga panahon at lubhang pinipinsala ang kredibilidad nito. Ang mga opisyal ng UN na nauupo sa gayong mga sesyon ay kadalasang bigo. Sa wakas, ang gayong mga usapan ay karaniwang napatutunayang mapanlinlang na pangangatuwiran na nagtatangkang paliitin o bigyang-matuwid ang nangyayaring karahasan at pagbububo ng dugo. Hindi kataka-taka na ang Panlahat-ng-Kalihim ng UN na si Javier Pérez de Cuéllar ay nagsabi na ang UN “ay itinuturing sa ilang pangkat bilang isang tore ng Babel at sa ilalim ng pinakapaborableng kalagayan bilang isang dako para sa madalas ay walang saysay na mga komperensiyang diplomatiko.”May isa pang dahilan kung bakit mahirap patunayan ng UN ang sarili nito na siyang mas mabuting paraan. Nang ito’y magsimula noong Oktubre 24, 1945, “walang magkakaugnay na estratehiya ng kapayapaan ang naitatag,” sabi ni Pérez de Cuéllar. Kung wala ito, paano nga magiging mabisang puwersa ang United Nations para sa paghahanap ng kapayapaang pandaigdig na siyang layon nito?
Anong Uri ng Kapayapaan ang Makakamit Nito?
Si Pérez de Cuéllar ay sumasagot: “Hindi patitigilin ng kapayapaan ang lahat ng alitan. Gagawin lamang nito ang mga alitan na mapangangasiwaan sa pamamaraang hindi gagamitan ng lakas o pananakot. . . . Sinisikap ng United Nations na sanayin ang ating mga pangitain sa layuning iyon.” Kaya ang tanging kapayapaan na maaaring makamit ng UN ay ang pagkontrol sa karahasan.
Ito nga ba ang kapayapaan na may katiwasayan? Tunay, “ang pagiging miyembro sa United Nations ay bukás sa lahat . . . ng estadong maibigin-sa-kapayapaan.” (Artikulo 4(1)) Subalit ang isa bang bansa na maibigin-sa-kapayapaan nang ito’y sumali sa UN ay mananatiling gayon? Ang mga pamahalaan ay nagbabago, at ang mga bagong pinuno ay nagdadala ng bagong mga patakaran. Kumusta naman kung ang isang miyembro ay naging radikal, na may masyadong nasyonalistikong mga layunin at ambisyong magkamkam ng teritoryo? At kumusta naman kung simulan nitong sandatahan ang sarili ng mga sandatang nuklear at kemikal? Ang United Nations ay magkakaroon ngayon ng isang aktibong time bomb sa mga kamay nito. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng mga pangyayari kamakailan sa Gitnang Silangan, ang gayong mga pangyayari ay maaaring maging ang mismong bagay na magpapakilos sa mga bansa na bigyan ng kapangyarihan
ang UN na alisin ang bantang ito sa kanilang seguridad.Magagawa ba Itong Mas Mahusay ng mga Bansa?
Higit kailanman, ang mga bansa ay higit at higit na nakababatid kung ano ang tinatawag ng UNCIO na “makatotohanang pagtutulungan ng daigdig.” Walang estado ang maaaring mabuhay sa ganang sarili. Ang mga bansa ay pawang mga miyembro ng isang internasyonal na pamayanan. Ang lahat ay nakikipaglaban sa isang serye ng karaniwang mga problema: ang mapangwasak na mga epekto ng ekolohikal na polusyon, karalitaan, nakapanghihinang mga karamdaman, ilegal na kalakalan ng droga sa bawat kontinente, terorismo, makabagong mga sandatang nuklear sa mga arsenal ng parami nang paraming bansa. Ito ang mga salik na pumupuwersa sa mga bansa na maghangad ng kapayapaan at katiwasayan sa pamamagitan ng pagtaguyod sa United Nations o kaya’y gumawa ng pangglobong pagpapatiwakal.
Ang dating ministrong panlabas ng Sobyet na si Shevardnadze ay nagsabi: “Ang United Nations ay maaaring kumilos nang mabisa kung ito’y may kautusan mula sa mga miyembro nito, kung ang mga estado ay sang-ayon sa isang kusa at pansamantalang saligan upang ipakatawan dito ang isang bahagi ng kanilang soberanong karapatan at ipagkatiwala rito ang pagsasagawa ng ilang atas sa kapakanan ng nakararami.” Sabi pa niya: “Tanging sa ganitong paraan tayo ay makagagawa ng nagtatagal at di-masasalungat na kapayapaan.”
Kung magagawa ito, kung gayon may awtoridad na mababatikos ng UN ang alinmang bansang nagbabanta sa kapayapaan ng daigdig. Taglay ang tunay na kapangyarihan na magagamit nito, malakas at mabilis na masusugpo nito ang gayong mga pananalakay. Subalit ibibigay kaya ng mga bansang miyembro ng UN ang kautusang ito, ‘ipagagamit ang kanilang hukbong sandatahan, tulong at mga pasilidad’ upang magkaroon ng kapayapaan? (Artikulo 43(1)) Maaari—kung pinagbabantaang pahinain ng isang krisis ang mismong pundasyon na kinasasaligan ng kani-kanilang pambansang soberanya. Kung nakikita ng mga bansa na maaalis ng ‘pagsasama ng kanilang lakas upang panatilihin ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan’ sa ilalim ng pagtaguyod ng UN ang gayong mga banta, ito’y maaaring makaragdag sa pagtitiwala nila rito.
Marahil ay nag-iisip ka, ‘Ang papel ba ng UN sa krisis sa Persian Gulf ay isang pasimula patungo sa direksiyong ito?’ Maaari. Nakakaharap ng maraming bansa ang posibleng kapaha-pahamak na pagbagsak ng kanilang ekonomiya. At kung ang kanilang pinagsamang ekonomiya ay bumagsak, babagsak din ang ekonomiya ng buong daigdig. Kaya ang mga bansa ay nagsama-sama sa ilalim ng United Nations. Ang Security Council ay nagpasa ng sunud-sunod na resolusyon ng UN upang wakasan nang mapayapa ang krisis, at nang ito ay mabigo, itinaguyod nito ang resolusyon ng UN na gumamit ng lakas sa Gulpo.
Ang Kalihim ng Estado ng E.U. na si James Baker, sa panawagan para sa resolusyong ito, ay nagsabi: “Tayo ay binibigyan ngayon ng kasaysayan ng isa pang pagkakataon. Palibhasa’y nasa likuran na natin ang cold war, tayo ngayon ay may pagkakataon na magtayo ng isang daigdig na pinangarap ng mga tagapagtatag ng . . . United Nations. May pagkakataon tayo na gawin ang Security Council at ang United Nations na ito na tunay na mga instrumento para sa kapayapaan at para sa katarungan sa buong globo. . . . Dapat nating tupdin ang ating karaniwang pangitain ng isang mapayapa at matuwid na daigdig pagkatapos ng cold war.” At ganito ang nasabi niya tungkol sa kanilang debate hinggil sa paggamit ng lakas sa Gulpo: “Sa palagay ko, [ito] ay magiging isa sa pinakamahalaga sa kasaysayan ng United Nations. Tiyak na malaki ang magagawa nito upang tiyakin ang kinabukasan ng lupong ito.”
Ang mga Saksi ni Jehova ay matatag na naniniwala na ang United Nations ay gaganap ng isang mahalagang papel sa mga pangyayari sa daigdig sa malapit na hinaharap. Walang alinlangang ang mga pangyayaring ito ay magiging kapana-panabik. At ang mga resulta ay magkakaroon ng pangmatagalang epekto sa iyong buhay. Hinihimok ka namin na tanungin ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar para sa higit pang detalye tungkol sa bagay na ito. Maliwanag na inilalarawan ng Bibliya na ang United Nations ay bibigyan ng kapangyarihan at awtoridad sa lalong madaling panahon. Ang UN ay saka gagawa ng kagila-gilalas na mga bagay na maaaring pagtakhan mo. At ikaw ay matutuwang matutuhan na mayroong mas mabuting paraan na tiyak na magdadala ng walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan!
[Larawan sa pahina 9]
Si Guido de Marco, presidente ng UN General Assembly (kanan), at ang Panlahat-na-Kalihim Pérez de Cuéllar sa ika-45 sesyon ng Asamblea
[Credit Line]
UN photo 176104/Milton Grant