“Bakit Hindi Ko Matapos ang Sinimulan Ko?”
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
“Bakit Hindi Ko Matapos ang Sinimulan Ko?”
“Kung ang atas ay nakayayamot at nakababagot, nawawalan ako ng pasensiya.”
“Mga pang-abala. Iyan ang problema ko. Telebisyon, mga kaibigan.”
“Kung minsan ako’y basta natatambakan ng napakaraming bagay na gagawin!”
“Wari bang lagi kong ginagawa ang mga bagay sa huling sandali. Pagkatapos, napakahuli na ang lahat.”
“Tinatapos ko kung ano ang sinimulan ko. Subalit para bang hindi pa rin sapat sa aking mga magulang!”
IPINALILIWANAG ng mga tinedyer na ito ang isang problema na karaniwan sa panahon ng kabataan: hindi pagtapos sa kung ano ang kanilang pinasimulan. Hindi naman sa ang lahat ng kabataan ay tamad o may masamang saloobin sa mga pananagutan. Oo, nang tanungin ang isang grupo ng mga kabataan: “Aling gawaing-bahay ang inaakala ninyong dapat gawin ng mga tinedyer?” inilista ng karamihan ang mga gawaing-bahay na gaya ng pag-aayos ng kanilang silid, pag-aayos ng kanilang higaan, at paglalabas ng basura.
Sa kabila ng mabuting mga intensiyon, ang mahahalagang atas ay karaniwang naiiwang hindi tapos, na siyang dahilan ng madalas na reklamo ng mga magulang, guro, at iba pa. Kaya tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ang humahadlang sa akin upang tapusin ang sinimulan ko?’ Ang masusing pagsusuri sa mga sanhi ay tutulong sa iyo na ituwid ang problema.
Isang Masusing Pagsusuri sa mga Sanhi
Ang aklat na I Hate School—How to Hang In and When to Drop Out ay nagbibigay sa atin ng mabuting ideya ng kung ano ang nakagagambala sa maraming kabataan sa pagtapos ng kanilang takdang-aralin sa eskuwela. “Kapag kami’y nauupo upang sumulat, kadalasang nasusumpungan namin na lagi kaming tumatayo upang kumuha ng makakain o tasahan ang mga lapis. Pagkatapos ay tatawag kami sa telepono o marahil ay manonood ng isang palabas sa TV na inaabangan namin. Hindi magtatagal panahon na upang pakanin ang pusa at wala na kaming nagawa.”
Binanggit ng mga mananaliksik na sina Claudine G. Wirths at Mary Bowman-Kruhm na “ang mahabang oras ng panonood ng TV ay gumagawa ritong halos imposible para sa ilang tao na aktibong bumasa at mag-aral pagkatapos. May isang uri ng hipnosis sa TV na nag-iiwan sa iyo na nahihilo at inaantok. Nalalaman mo na kung minsan hindi mo namamalayan ay nakailang oras ka na sa panonood ng TV gayong balak mo lamang manood ng isang palabas sa TV.” Nasumpungan din nina Wirths at Bowman-Kruhm na ang ilang estudyante ay may hindi mahusay na kaugalian sa pag-aaral noong kanilang maagang mga taon ng pag-aaral, bagaman kung minsan sila ay nakakakuha pa rin ng matataas na marka. Gayunman, “pagdating nila sa ikatlo o ikaapat na taon sa high school, talagang hindi nila magawang maupo, gumawa,
at pag-aralan ang mahirap o nakababagot na paksa.”Anuman ang dahilan mo sa hindi pagtapos ng kung ano ang sinimulan mo, ang problema ay hindi mawawala sa ganang sarili. Kung talagang gusto mong tapusin ang sinimulan mo, pangasiwaan mo ang iyong buhay sa responsableng paraan at gumawa ka ng kinakailangang mga pagbabago.
Magplano Nang Patiuna!
Kung ikaw ay isang kabataang Kristiyano, walang alinlangan na ikaw ay abala. (1 Corinto 15:58) Kung minsan maaaring akalain mo na ikaw ay natatambakan ng mga pananagutang Kristiyano, takdang-aralin, mga gawain sa bahay, at personal na mga proyekto. Mangyari pa, wala nang hihigit pa sa ating Maylikha sa dami ng gagawin. Gayunman, lagi niyang tinatapos ang mga proyekto. Hindi ito dahilan sa siya ay lubhang nakahihigit sa atin sa kapangyarihan at karunungan kundi dahilan sa siya ay “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” Magagawa mo ring tapusin ang iyong mga proyekto kung hahayaan mong “ang lahat ng bagay ay mangyari sana sa disenteng paraan at ayon sa kaayusan.”—1 Corinto 14:33, 40.
Minsa’y nasabi ni Jesus: “Sino ba sa inyo ang kung ibig magtayo ng isang moog ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol, upang alamin kung mayroon siyang sapat na magugugol hanggang sa matapos? Baka kung mailagay na niya ang patibayan ngunit hindi mapatapos, lahat ng makakakita ay magpapasimulang libakin siya, at sasabihin, ‘Ang taong ito’y nagpasimulang nagtayo ngunit hindi naipatapos.’ ”—Lucas 14:28-30.
Ang leksiyon dito ay magplano nang patiuna. Si Dr. Janet G. Woititz ay sumulat: “Ang mga taong tinatapos ang mga proyekto ay sinasadya ito. Mayroon sila ng tinatawag nating ‘game plan.’” Kaya magkaroon ng makatotohanang pangmalas sa iyong mga atas upang maunawaan nang husto kung ano ang kakailanganin upang makompleto ito. Kailangan mo bang gumawa ng hakbang-por-hakbang na plano? Makatutulong bang hatiin ang proyekto sa maliliit na bahagi? Gaano katagal upang tapusin ito?
Ang ibang mga tao ay nag-iingat ng isang listahan ng “mga bagay na gagawin,” na ang mga atas ay nakasulat ayon sa halaga. Pagkatapos ang mga proyekto ay inaalis sa listahan habang ito’y natatapos. Upang labanan ang hilig na ipagpabukas ang gawain, pag-aralang pangasiwaan ang iyong panahon. Kung ang proyekto mo ay kailangang matapos sa isang tiyak na petsa, tiyakin mong ilagay ang mga proyektong iyon sa unahan ng iyong listahan ayon sa petsa ng huling araw.
Ang makatuwirang pangangasiwa sa panahon ay napakahalaga. Sa kabilang dako, nais mong magtakda ng panahon para sa hindi gaanong importanteng mga gawain, gaya ng panonood ng TV. Sa kabilang dako, dapat kang mag-ingat na huwag bawasan ang mga mahahalagang bagay, gaya ng wastong pagtulog. Binabanggit ng aklat na I Hate School na ang mga tao “ay may iba’t ibang haba ng tulog na kailangan nila, subalit ang karamihan ng mga tao ay hindi uubra sa apat o limang oras na pagtulog sa isang gabi. . . . Mahirap magtuon ng
isip sa mahihirap na ideya kung ikaw ay inaantok at pagod.” Ang matutuhang gamitin ang iyong panahon nang may katalinuhan ay magiging kapaki-pakinabang sa mga taóng darating.Patuloy na Hanapin ang Kapakanan ng Iba
Gayunman, sasabihin ng ibang kabataan na ang mabuting pangangasiwa ng panahon at personal na organisasyon ay waring hindi gaanong mahalaga kung ang mga atas ay nakayayamot at nakababagot. Ang pagkakapit ng payo ng Bibliya sa 1 Corinto 10:24 ay tutulong sa iyo na magkaroon ng kinakailangang pangganyak. Sabi nito: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa kaniyang kapuwa.” Marahil iilang gawain sa bahay ang sa ganang sarili’y humahamon o kasiya-siya. Subalit kapag ginagawa mo ito upang tulungan o palugdan ang isang minamahal, kung gayon may natapos ka at isang pagnanais na gawin ito nang mahusay. Kaya sa susunod na panahong masumpungan mo ang iyong sarili na para bang ayaw mong ituloy ang isang proyekto, isipin mo ang mga makikinabang sa kung ano ang ginagawa mo, at ipagmapuri mo ang paggawa ng mahusay na gawain.
Kadalasan ikaw man ay nakikinabang mula sa waring hindi kaaya-ayang mga atas. Halimbawa, isipin mo ang isang atas na kadalasang iniiwang di-tapos. Ito ba’y ang paghuhugas ng pinggan? O ang paglilinis ng iyong kuwarto? Ngayon tanungin ang iyong sarili, ‘Kaninong mga pinggan ba ito?’ Hindi ba’t mga pinggan mo rin ito? Hindi ba’t ito’y kuwarto mo at bahay mo? Ang pagkukusa mong tanggapin ang mga pananagutang ito at gawin ito nang lubusan ay pakikinabangan mo rin sa hinaharap. Pinatutungkol sa mga magulang, ang aklat na Simply Organized! ay nagsasabi: “Kung hindi natin tuturuan ang ating mga anak na maging mga tagapangasiwa sa bahay, mahihirapan sila pag-alis na nila ng bahay.”
Makipag-usap!
Gayunman, kumusta naman kung ikaw ay gumagawa nang husto upang tapusin ang isang atas, subalit nagrereklamo pa rin ang iyong mga magulang na hindi mo natapos ito? Kadalasang ang problema ay ang pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang ikaw ay naatasang maglabas ng basura. Para bang simple lamang iyan. Gayunman, makabubuting hingin ang espisipikong mga tagubilin. Tiyakin mong nalalaman mo kung paano, kailan, at saan. Kasali ba sa gawain ang pagbubukod sa basura? Kasali ba rito ang paghuhugas sa mga sisidlan ng basura?
Ang mabuting pakikipag-usap ay tutulong din sa iyong mga magulang na maunawaan kung ano ang iyong nadarama. Inaakala mo bang ang pagbabaha-bahagi ng mga gawaing-bahay ay hindi patas? Nasusumpungan mo ba ang iyong sarili na natatabunan ng mga inaasahan ng iyong mga magulang? Kung gayon ay humanap ka ng angkop na panahon, at sabihin mo sa iyong mga magulang kung ano ang iyong nadarama.
Ang ibang mga magulang ay inaanyayahan ang kanilang mga anak na makibahagi sa paggawa ng disisyon kapag ibinabahagi ang mga atas na gawain sa bahay. Sina Dr. Jeffrey Rubin at Dr. Carol Rubin, mga may-akda ng aklat na When Families Fight, ay nagpapayo sa mga magulang na magkaroon ng mga pag-uusap tungkol sa mga gawain sa bahay, hatiin ang mga pananagutan, at hayaang pumili ang mga bata ng kanilang sariling gawaing-bahay. Kung gusto mo ang paraang ito, bakit hindi mo imungkahi ito sa iyong mga magulang?
Isang babasahin ang nagmumungkahi na ikaw ay maupong kasama ng iyong mga magulang at “gumawa kayo ng plano na magpapahintulot sa iyo na gawin mo ang iyong takdang-aralin sa panahon na ikaw ay pinakamagaling. Ang lahat ay may panahon sa araw o sa gabi kung kailan sila ay mas mabuting nakapagtutuon ng isip. . . . Ipaalam mo sa mga tao na iyon ang panahon mo at na hindi ka nila dapat gambalain. Kung hindi mo ginagamit ang panahong iyon sa panonood ng TV o pakikipag-usap sa telepono, malalaman nila na ikaw ay seryoso.” Sa mahinahong pakikipag-usap ng mga bagay na ito sa iyong mga magulang nang hindi pinararatangan ang sinuman, maaaring makagawa ka ng isang kaayusan na pabor sa lahat.
Subalit tandaan, higit sa lahat ay ang pagnanais mong palugdan ang Maylikha, ang Diyos na Jehova, ang siyang magdadala sa iyo ng kaligayahan at mabuting pangalan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong-kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao, yamang nalalaman ninyo na kay Jehova kayo tatanggap ng nararapat na gantimpalang mana.” (Colosas 3:23, 24) Sundin ang payong ito at tamasahin ang isang pangalan bilang isang masikap, responsableng manggagawa sapagkat tinatapos mo ang sinisimulan mo!
[Larawan sa pahina 24]
Ang simulan ang isang proyekto ay isang bagay, ang tapusin ito ay iba namang bagay