Isang Dagat na Tuyung-tuyo
Isang Dagat na Tuyung-tuyo
ANG dagat Aral sa Unyong Sobyet ang ikaapat na pinakamalaking panloob na lawa sa daigdig. Subalit napakabilis nitong lumiit anupa’t sa kasalukuyang bilis, ito ay lubusang matutuyo maaga sa susunod na dantaon.
Ayon sa magasing South, halos kalahati ng lawak na sakop ng orihinal na lawa ay naging disyertong asin. “Ang tubig na naiwan sa natutuyong Aral ay naging napakaalat anupa’t 20 sa 24 na uri ng isda na dati-rati’y nakatira roon ay naglaho,” sabi ng magasin.
Noon ang pagkalaki-laking mga ilog na Amu Darya at Syr Darya ay nagbubuhos na mahigit na 50 cubiko kilometro ng tubig sa dagat Aral taun-taon. Subalit ang saganang suplay na ito ng tubig ay naging gapatak na lamang. Bakit? Ayon sa magasing South, ang mga ilog na ito ay ginagamit na patubig sa lumalawak na mga taniman ng bulak at palay sa rehiyon.
Ang pamahalaang Sobyet ay naglunsad ngayon ng isang programa upang iligtas ang dagat Aral mula sa mga kuko ng disyerto. Sa paggawang moderno sa mga sistema ng patubig at sa pagbawas sa mga dakong inilalaan sa pagtatanim ng bulak at palay, nilalayon ng programa na iligtas ang 9 na cubiko kilometro ng tubig sa isang taon, at inaasahang ito’y madaragdagan pa ng hanggang 30 cubiko kilometro maaga sa susunod na dantaon. Bagaman hindi nito maibabalik ang lawa sa dati nitong laki, inaasahang mahahadlangan nito ang pagliit pa ng dagat. Binabanggit ng magasing South na ikinatatakot ng marami na ang programang ito ay isa pang kaso ng “kaunti ang ginagawa, at huli na ang paggawa.”
[Mga mapa sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dagat Aral
1960
1989
2000?
Syr Darya
Amu Darya
[Mapa]
U.S.S.R.
Pinalaking dako