Kung Bakit Mapanganib ang Pornograpya
Ang Pangmalas ng Bibliya
Kung Bakit Mapanganib ang Pornograpya
ANG pornograpya ay hindi lamang makikita sa mga tindahan na nagbibili ng malalaswang bagay at sa mga palabas na patungkol sa sekso. Ito ay naging pampubliko na. Sa bansa at bansa, ito’y ipinakikita sa paningin ng karaniwang mga mamamayan sa mga magasin, pahayagan, aklat, mga programa sa TV, pelikula, at mga video. Maaari bang maging mapanganib ang anumang bagay na napakapalasak?
Ano, kung gayon, ang pornograpya? Ang pornograpya ay binibigyan-kahulugan bilang “ang paglalarawan ng erotikong paggawi (gaya sa mga larawan o akda) na nilayon upang pukawin ang seksuwal na katuwaan.” Ang kahulugang iyon ay maliwanag. Subalit bumabangon ang mga argumento pagdating sa pagtiyak kung ano ang pumupukaw ng seksuwal na katuwaan at kung ano ang hindi. Totoo, sa ilang antas, kung ano ang matatawag na pornograpya ay depende sa pangmalas ng isa. Sa ibang salita, kung ano ang seksuwal na nakapupukaw sa isang tao ay maaaring hindi nakapupukaw sa isa. Gayumpaman, isinisiwalat ng isang surbey ng 5,000 katao kamakailan sa Alemanya na sa ilang antas, ang erotikong mga materyales ay nakakaapekto sa lahat, kapuwa sa mga lalaki at sa mga babae.
Masama Bang Pukawin ang mga Nasa?
Ang pagpukaw sa isang lehitimong nasa—ng anumang uri—ay hindi matalino kung walang paraan na wastong masasapatan ito. Halimbawa, kung ang isa sa paborito mong pagkain ay hindi makukuha, marahil ay hindi ka masisiyahan kung lagi mong tititigan ang mga larawan nito sa mga magasin o sa mga aklat. Sa kabilang dako, kung ikaw—marahil sa kadahilanang pangkalusugan—ay hindi pinapayagang kumain nito, ang laging pag-iisip dito ay malamang na humantong sa mapanganib na paglabag. Sa gayunding paraan, ang isang maninigarilyong gusto nang ihinto ang bisyong ito ay hindi gugugol ng panahon sa panonood sa ibang tao na naninigarilyo.
Kung tungkol sa mga pagnanasa sa sekso, mula sa pangmalas ng Bibliya, ang kaligayahan ay nanggagaling sa wastong pagbibigay-kasiyahan dito sa loob ng buklod ng isang maibiging pag-aasawa. (1 Corinto 7:2-5; Hebreo 13:4) Kaya anong laking kamangmangan nga para sa isang walang asawa na pukawin ang pagnanasa na hindi niya masasapatan! Nakadaragdag lamang ito sa kabiguan o, masahol pa nga, sa pagbibigay-kasiyahan dito sa pamamagitan ng masturbasyon o pakikiapid, sa gayo’y nilalabag ang mga batas at simulain ng Diyos.—1 Tesalonica 4:3-7.
Nangangahulugan ba ito na ang pornograpya ay hindi mapanganib kung ikaw ay may-asawa? Hindi, ang mga tuntuning iyon ng Kasulatan tungkol sa paggawi ay kumakapit din sa mga may-asawa. At, ang pornograpya ay nakakaakit sa1 Corinto 13:5.
masakim na mga simbuyo ng damdamin, nagpapakabuyo sa pagbibigay-kasiyahan sa personal na mga nasa, samantalang ang pag-ibig ay nakasentro sa pagbibigay-kasiyahan sa mga pangangailangan ng kabiyak. Ang pornograpya ay humahantong sa walang konsiderasyon at makasariling sekso, na, kahit na sa loob ng kaugnayang mag-asawa, ay nagiging mababa at hindi nagpapakita ng pag-ibig.—Sa halip na patibayin ang pag-ibig ng mag-asawa, pinapatay ito ng pornograpya sa pamamagitan ng pagpapasama rito, pagpilipit dito. Ang mga kaugnayan sa sekso gaya ng inilalarawan sa pornograpya ay guniguni ng pinakamasamang uri sapagkat inihahatid nito ang mali at mapanganib na mga mensahe tungkol sa matalik na mga kaugnayang pangmag-asawa. Isa pa, ang tunay-sa-buhay na mga kaugnayan ay higit pa kaysa seksuwal na mga kaugnayan; ang mga ito’y itinatag sa pagiging magiliw, pagpapatawa, pakikipag-usap, at pangangalaga. Sa kabaligtaran, ang pornograpya ay maaari pa ngang maging sanhi ng paghihiwalay ng mag-asawa.
Pinabababa ng pornograpya ang mga tao sa antas ng mga hayop na kumikilos sa pamamagitan lamang ng katutubong ugali. Hindi ito humihimok ng pagpipigil-sa-sarili, isang bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Ginagawa nitong madali na masangkot sa lisyang seksuwal na paggawi. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit dapat iwasan ng mga Kristiyano ang pornograpya.
Kaya nga, ang matalinong payo ng Bibliya ay: “Magalak ka sa asawa ng iyong kabataan . . . Kaya bakit ka maliligayahan, anak ko, sa ibang babae o yayakap [literal o sa pamamagitan ng pornograpya] sa dibdib ng babaing di mo nakikilala?”—Kawikaan 5:15-20.
Paano, kung gayon, maiiwasan o makaaalpas ang isang tao mula sa mahigpit na hawak ng pornograpya?
Kung Paano Makakawala sa Mahigpit na Hawak Nito
Upang malabanan ang pang-akit ng pornograpya, ang Bibliya ay nagpapayo: “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso.” (Colosas 3:5) Dito, ang salitang “patayin” ay maliwanag na nagbabadya ng ideya ng pagpatay—hindi lamang basta pagsupil—sa alinmang sangkap ng katawan na maaaring gamitin sa mga bisyong iyon.
Gayunman, dapat itong unawain sa metaporiko, hindi sa pisikal, na diwa. Hindi dapat putulin ng mga Kristiyano ang kanilang katawan. Kung disidido tayong “patayin” ang hindi tamang seksuwal na mga kaisipan, hindi tayo susuko sa pang-akit ng pornograpya, sa gayo’y ginagamit ang mga sangkap ng ating katawan, gaya ng mga mata, sa masamang paraan. (Ihambing ang Mateo 5:29, 30.) Kaya, ang payo ng Bibliya, palitan ang di-wastong mga nasa ng “anumang bagay na matuwid, anumang bagay ang malinis,” at saka “patuloy na pag-isipan ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
Ano pa ang makatutulong? Ang pag-iingat sa isipan—marahil ay sinasaulo pa nga—ng mga teksto sa Bibliya, na gaya ng sumusunod:
“Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin ng walang kabuluhan.”—Awit 119:37.
“Ang lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata . . . ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanlibutan.”—1 Juan 2:16.
“Bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon, ang pita kapag naglihi na, ay nanganganak ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na, ay nagbubunga ng kamatayan.”—Santiago 1:14, 15.
Anumang bagay na maaaring pagmulan ng sunud-sunod na reaksiyon na nagwawakas sa kamatayan ay matuwid lamang na panganlang mapanganib, at ganiyan nga ang pornograpya! Tandaan: “Ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman, ngunit ang naghahasik ukol sa espiritu ay aani ng buhay na walang-hanggan buhat sa espiritu.” Huwag hayaang alisin sa iyo ng pornograpya ang buhay na walang-hanggan!—Galacia 6:8.
[Blurb sa pahina 19]
Sa halip na patibayin ang pag-ibig ng mag-asawa, pinapatay ito ng pornograpya sa pamamagitan ng pagpapasama rito, pagpilipit dito