Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Kung Sana’y Makatutugtog Akong Gaya Niyan!’

‘Kung Sana’y Makatutugtog Akong Gaya Niyan!’

‘Kung Sana’y Makatutugtog Akong Gaya Niyan!’

NAKAUPO nang komportable sa piyano, wari bang binibigyan-buhay ni Jon ang musika. Habang ang tatlong akordeng tinutugtog ng kaniyang kanang kamay ay nagpapaganda sa himig, ang kontroladong mga akorde sa bajo ay nagbibigay naman ng armoniya at lalim. Ang ekstrang mga nota na idinaragdag ng piyanista at ang mabilis na paroo’t parito sa mga teklado ng piyano, na may kahusayang ginagawa, ay nakadaragdag ng kinang sa musika. Pinasisigla ito nina Adrian, Brian, at Brett sa pamamagitan ng kanilang mga gitarang de kuryente, samantalang si Steve naman ang nagbibigay ng epektibong mga detalye na nagsasama-sama sa lahat sa pamamagitan ng suwabeng tunog ng kaniyang saxophone.

Ang gayong mataginting na musika ay nagpapakilos sa mga nakikinig na umawit na may kasiyahan at damdamin. Ang mahusay na pagkakaangkop at kasiya-siyang musika ay nagpapasigla sa pinakamahusay na pag-awit ng mga tagapakinig. Hindi kataka-taka na may isang mapagnasang nagsabi: ‘Ah, kung sana’y makatutugtog ako na gaya niyan!’

Ganiyan din ba ang nadama mo nang mapakinggan mo ang isa na mahusay tumugtog ng musika? Marahil ikaw ay nanangis pa nga: ‘Alam kong hindi ako makatutugtog na gaya niyan.’ Anong malay mo? Nasubukan mo na bang tumugtog ng isang instrumento sa musika?

Sino ang Maaaring Matuto?

Ang ibang tao ay may higit na likas na kakayahan kaysa iba pagdating sa larangan ng musika. Ngunit, totoo, ang sinumang maaaring matutong bumasa at sumulat ay maaari ring matutong tumugtog ng isang instrumento. Gayunman, kailangan munang mayroon kang tunay na pagnanais na tumugtog ng instrumento at tumugtog ng magandang musika. Hindi ito maaaring isang panandaliang kapritso lamang. Kailangang handa kang magsikap dito.

Mangyari pa, kung papaanong hindi lahat ng tao ay nagiging bihasa sa pagbasa at pagsulat, gayundin naman na hindi lahat na natututo ng musika ay makararating sa magkatulad na antas ng kasanayan o kakayahan sa pagtugtog na may damdamin at pagpapahayag. Gayumpaman, kung nasisiyahan ka sa pakikinig ng musika, kung gayon ang pagtugtog ng isang instrumento ay maaaring magbukas ng isang ganap na bagong larangan sa iyo. Ang kaibhan sa pagitan ng pagtugtog ng musika at pakikinig dito ay gaya ng kaibhan sa pagitan ng aktuwal na paglalaro ng isang laro at basta panonood lamang.

Ngayon, may dalawang paraan upang matutong tumugtog ng isang instrumento. Ang isa ay nagdiriin sa pag-aral na bumasa ng musika at pag-eensayo sa eskala bilang isang pundasyon. Gayunman, maraming nagsisimula ang nasisiraan ng loob sa paggamit ng pamamaraang ito. Ang isang mapagpipiliang paraan ay tulungan ang estudyante na tumugtog ng simpleng mga himig sa pamamagitan ng pakikinig sa tono at sa gayo’y maging pamilyar sa instrumento. Maaaring palakasin nito ang nag-aaral na magnais na matutuhan ang teoriya at bumasa ng musika.

Huli Na ba Upang Magsimula?

“Oo, gusto kong tumugtog ng isang instrumento,” sabi ng 46-anyos na si Roslyn, “ngunit wala nang silbing matuto sa edad ko!” Ganiyan din ba ang nadarama mo? At totoo ba iyan? Ang musika ay maaari ba lamang matutuhan ng mga bata? Hindi naman. Sa musika, gaya ng sa iba pang larangan ng pagsisikap, ang kasabihan ay totoo: “Kailanma’y hindi ka pa napakatanda upang matuto.”

Totoo, ang mga kabataan ay may mabibilis na daliri at sabik na mga isipan na karaniwang madaling matuto. Halimbawa, si Frédéric Chopin, isang totoong matalinong bata, ay tumugtog ng kaniyang unang resaytal sa piyano sa gulang na pito! Ang biyulinistang si Yehudi Menuhin ay unang nagtanghal sa publiko sa San Francisco sa gulang na walo! Natural, sila’y mga eksepsiyon.

Ang aming piyanista, si Jon, ay nagsimulang mag-aral ng piyano sa gulang na walo, subalit sabi niya: “Aaminin ko na ang hilig ko sa bagong karanasang ito ay naglaho paglipas ng ilang buwan, at ang pagpupumilit lamang ng nanay ko ang nagpangyari sa akin na magpatuloy. Gayunman, ngayon, ako’y natutuwa na pinilit niya ako.” Mangyari pa, si Jon ay hindi nag-iisa sa kaniyang di pagkakagusto sa walang katapusang praktis. Ito ang isa sa pangunahing hadlang na dapat mapagtagumpayan ng mga batang nag-aaral, lalo na sa unang mga buwan kapag wari bang hindi sila sumusulong sa kanilang mga leksiyon.

Sa kabilang dako naman, ang matatanda ay kadalasang may higit na determinasyon at pangganyak. Ito ay nakatutulong sa kanila pagdating sa kailangang-kailangang sangkap ng tagumpay​—ang regular, araw-araw na praktis. Kung ang pag-uusapa’y ang pagiging napakatanda na upang matuto, mapatibay-loob kayo ng komento ng isang propesor sa universidad: “Kung ang buhay ay kasiya-siya at patuloy na gagamitin ng mga tao ang kanilang talino, sila ay patuloy na intelektuwal na susulong anuman ang edad nila.” Si Arturo Toscanini, na nangasiwa sa lahat niyang konsiyerto mula sa memorya, ay inulat na pinag-aralan at isinaulo ang buong iskor ng isang opera​—ang bawat salita, nota, at tanda para sa lahat ng mang-aawit at mga instrumento—​sa gulang na 85.

Pagpili ng Tamang Instrumento

Ang gitaristang si Brett ay boluntaryong nagbigay ng tip na ito: “Huwag kang mag-aral ng isang instrumentong hindi mo naiibigan. Hindi mo kailanman didibdibin ang pag-aaral at ang kailangang praktis malibang talagang gusto mo ang partikular na instrumentong pinili mo.” Iyan ay mabuting payo. Kaya, sa lahat ng mga instrumento na napakinggan mo, alin ang para sa iyo?

Tulad ni Brett, maraming kabataan ang nahihilig sa gitara, tiyak na isa ito sa pinakapopular na instrumento ngayon. Ang gitara ay maaaring gamiting pansaliw sa pag-awit; maaari rin itong magbigay ng indayog at armoniya para sa iba pang instrumento; at maaari rin itong magbigay ng solong musika. Ang isa pang bentaha ng gitara ay na ito ay madaling dalhin kahit saan, sa labas ng bahay at sa loob ng bahay. Ang pag-aaral ng pangunahing mga akorde o chords at ang puwesto ng mga daliri ay madali lamang, at ang simpleng gitara ay hindi mahal.

Ang mga instrumentong may teklado, gaya ng piyano at elektronikong organ, ay napakapopular din. Ang mga ito’y maaaring pag-aralan sa tulong ng isang guro o ng isa sa maraming ginawang-payak na mga kurso na mabibili. Bagaman ang piyano ay hindi nabibitbit, karaniwang makakakita ng isa nito sa mga dako kung saan nagkakatipon ang magkakaibigan. Upang masaliwan ang mga kaibigan sa pag-awit bilang isang grupo ay isa lamang sa mga kasiyahan na maaaring tamasahin kahit na ng isang bagong estudyante ng instrumento. Mayroon ding elektronikong mga organ na may kasamang mga aparato na nagbibigay ng indayog at pantanging mga epektong pangmusika. Nariyan din ang akordiyon, na may mga buton sa kaliwang kamay upang gawin ang mga akordeng bajo. Ang simpleng mga tugtugin ay karaniwang matutugtog sa mga instrumentong ito pagkaraan lamang ng ilang leksiyon.

Gayunman, napakaraming iba’t ibang musikal na instrumento bukod pa sa ilang pamilyar na mga instrumento. Karaniwan na, ito ay nahahati sa apat na kategorya: woodwinds, brass, percussion, at mga de kuwerdas. Ang kilalang mga woodwind ay: plauta, piccolo, oboe, clarinet, bassoon, at saxophone. Sa brass naman: trumpeta, French horn, trombone, at tuba. Kabilang sa percussion ang: tambol o drums, pompiyang, xylophone, tambourine, at timpani. At, sa wakas, ang mga de kuwerdas ay kinabibilangan ng: alpa, mandolin, gitara, at pamilya ng biyolin​—biyolin, viola, cello, at doble bajo.

Maraming tao ang naaantig ang damdamin ng magagandang musika na mula sa mga instrumentong de kuwerdas, lalo na ang biyolin. Subalit tandaan, upang matuto ng biyolin, o ng anumang instrumento sa pamilyang iyon ng de kuwerdas, dapat mayroon kang magaling, natural na musikal na tainga sapagkat wala itong mga frets o teklado na gaya ng gitara o piyano. Ang pagtugtog ng mga nota ay depende sa paglalagay ng mga daliri sa eksaktong posisyon sa kuwerdas, at aasa ka lamang sa iyong tainga upang matiyak ang kawastuhan at linaw ng tunog.

Ang mga instrumentong brass at woodwind ay nangangailangan ng malakas, malulusog na mga bagà upang tumustos ng patu-patuloy na daloy ng hangin. Ang mga tunog sa lahat ng instrumentong brass ay ginagawa ng kumikilos na labi ng tumutugtog sa bokilya. Sa pagtugtog ng mga woodwinds, dapat mong matutuhan ang paghawak sa isang set ng mga teklado samantalang pinananatili ang patu-patuloy na daloy ng hangin sa instrumento.

Inaakala ng karamihan na ang mga pompiyang, snare drums, kettledrums, bass drums, at iba pa ay mga instrumento lamang na nagbibigay ng indayog o tiempo. Subalit higit pa ang ginagawa nito. Bukod sa indayog, marami ring dapat matututuhan ng manunugtog tungkol sa paraan ng paghawak ng iba’t ibang instrumento, at ang isang magaling, sensitibong tagatambol ay isang malaking tulong sa alinmang orkestra.

Gaano Katayog ang Iyong Tunguhin?

Kung gayon ikaw ba ay nag-iisip na mag-aral tumugtog ng ilang instrumento sa musika? Tandaan, huwag magbalak ng napakatayog o gumugol ng napakaraming oras sa pagsisikap na makamit ang kasakdalan. Maaaring madali kang maging di-timbang sa iyong paggamit ng mahalagang panahon.

Oo, maaari kang matutong tumugtog​—marahil hindi nga lang gaya ng isang virtuoso o kaya’y ‘gaya niyan,’ kundi sapat lamang upang magdulot ng kasiyahan sa iyong sarili at sa mga nakikinig sa iyong musika.

[Blurb sa pahina 21]

‘Kung patuloy na gagamitin ng mga tao ang kanilang talino, sila ay patuloy na intelektuwal na susulong anuman ang edad nila’