Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Panliligalig sa Paaralan Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Siya Maitataboy?” (Mayo 22, 1991) ay maganda ang pagkakalahad. Nang ako’y nag-aaral pa, lagi akong ginigipit ng aking mga kaklase tungkol sa pakikipag-date. Nang makita nilang hindi ako nagkokompromiso, tinigilan nila ang pambubuwisit sa akin. Ngayon ako’y tapos na sa pag-aaral at nagtatrabaho. Halos isang buwan na ang nakararaan, isang matandang lalaki (37 anyos) sa trabaho ang lumapit sa akin at sinabi sa akin na ako’y maganda at na nais niya akong makilala. Ako’y 18 anyos. Saglit akong natigilan. Subalit ipinaliwanag ko na ako’y nag-aaral upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova at nakapagpasakamay ako ng ilang literatura sa kaniya. Tinanggap din niya ang pagtanggi ko sa kaniyang mga pasaring.

M. L., Estados Unidos

Paglalaba ng Damit Ako’y sumulat upang ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Ganito Kami Maglaba ng Aming Damit . . . ” (Enero 22, 1991) Bilang isang espesyal payunir [isang buong-panahong ebenghelisador] na naglilingkod sa isang rural na dako, nasumpungan ko ang aking sarili na naglalaba ng mga damit ko sa pamamagitan ng kamay. Pagkabasa ko sa inyong artikulo, wala akong makitang dahilan upang mainggit doon sa mga may awtomatikong mga makina sa paglalaba.

M. M., Dominican Republic

World Cup Soccer Pagkatapos kong mabasa ang inyong ulat tungkol sa kampeonato sa World Cup soccer (Mayo 8, 1991), hindi ako sumasang-ayon sa inyong hindi kanais-nais na paglalarawan sa isport na ito. Baka pahintuin ng nag-aalalang mga ina ang kanilang mga anak na lalaki sa paglalaro ng soccer dahil sa nabasa nila ang tungkol sa karahasan sa mga isports istadyum.

S. B., Alemanya

Hindi namin iginuhit sa hindi kanais-nais na larawan ang isport mismo, ni pinahina man namin ang loob ng mga kabataan na masiyahan sa isports sa timbang na paraan. Iniulat lamang namin ang ‘hindi kanais-nais na larawan’ na inilarawan ng media tungkol sa butangerong mga elemento sa gitna ng mga tagahanga ng isport. Ang mga Kristiyano ay matalinong maging maingat sa pagdalo sa isang laro kung saan malamang na magkaroon ng karahasan.​—ED.

Misyon ng Pagpapatiwakal Ang karanasan ni Yoshimi Aono (Enero 22, 1991) ay para bang isinulat para sa tatay ko. Tulad ni Yoshimi Aono, ang tatay ko ay sakay ng isang submarino noong panahon ng digmaan. Nakita niya ang kamatayan ng ilang miyembro ng Kaiten Special Attack Corps. Ang karanasan niya sa digmaan ay nangpangyari sa kaniya na maniwala na ang Diyos o si Buddha ay hindi umiiral. Mula nang ako’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova, inasam-asam ko ang pagkakataon na sabihin sa aking ama ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Sinagot ng artikulo ang aking panalangin. Ipadadala ko ito agad sa kaniya.

A. S., Hapón

Porma ng “Gumising!” Nais kong ipahayag ang pagpapahalaga ko sa magandang bagong porma ng Gumising! na nagsimula sa labas ng Enero 8, 1991. Yamang ako’y nagtatrabaho sa isang departamento ng teknikal na mga publikasyon, agad kong napansin ang pagbabago sa layout, fonts, at kulay. Nasubaybayan ko sa loob ng 20 taon kung paanong ang magasing ito ay nagbago na kaalinsabay ng panahon upang maging isang mas makulay at kaakit-akit na kagamitan upang akitin ang mga tao kay Jehova. Nakapagpasakamay ako ng isang labas ng magasing ito sa isang kasama sa trabaho dahil lamang sa magagandang pagbabagong ito!

D. A., Estados Unidos

Mga Artikulo sa Hayop Taus-puso ang pasasalamat ko sa mga artikulo tungkol sa mga hayop at sa kalikasan. Sa simula ay hindi ko gaanong pinapansin ang mga artikulong iyon, bagaman lagi kong napapansin na ang mga larawan ay magaganda at makulay. Isang araw may bumanggit ng isang artikulong nabasa niya tungkol sa isang antelope na tinatawag na kudu. (Pebrero 22, 1991) Pinukaw nito ang interes ko sa pagbasa sa artikulo. Sinimulan ko ring basahin ang iba pang mga artikulo, gaya ng isa tungkol sa mongoose. (Marso 8, 1991) Ang mga artikulong ito ay nakatulong sa akin na “makita” si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang paglalang.

B. T., Estados Unidos