Ang Kahanga-hangang Lana
Ang Kahanga-hangang Lana
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
ANO ang maginhawang mainit sa taglamig subalit nakapagtatakang malamig sa tag-init? Ano ang mas magaspang kaysa cotton, gayunma’y ginagamit sa paggawa ng magagaang na tela? Ano ang proteksiyon ng nag-iiski sa niyebe at pangarap na tela ng isang fashion designer? Ano ang mauunat mo nang halos sangkatlo ng haba nito at pagkatapos ay bumabalik sa dati nitong haba kapag binitiwan?
Ang sagot sa lahat ng tanong na ito ay lana—maraming gamit, matibay na lana! Oo, ang kahanga-hangang balahibo ng maamong tupa ay gumagawa ng isa sa pinakamaraming gamit na tela na mabibili ng tao.
Mga Dantaon Nang Gamit
Nang ang unang mga manggagalugad ay dumating sa Timog Amerika, nasumpungan nila ang marami sa mga tao nito, gaya ng mga Peruviano, na nakasuot ng magagandang kasuotang yari sa balahibo ng alpaca. Kahit na noong unang panahon, noong panahon ng sinaunang Bibliya, malalaking kawan ng mga tupa ay inaalagaan, at ang mga kasuotan ay yari sa kinulayan at prinosesong lana.—Exodo 26:1; Levitico 13:47.
Ang makabagong kasaysayan ay nakatutok ang pansin sa matipunong Kastilang tupang merino, kilala hindi lamang dahil sa ito’y palaanakin, gumagawa ng mataas na uring lana kundi dahil din sa katatagan at kakayahan nitong makatagal sa mahihirap na klima. Ang malakas na merino ay tamang-tama sa tuyong klima ng Australia, ang islang kontinente. Noong dakong huli ng ika-18 siglo, ang mga tagapagtatag ng bagong kolonya ay naghahanap hindi lamang ng makakain. Kailangan nila ang isang magandang kalakal na iluluwas na mapagkikitaan ng kabuhayan.
Pinili nila ang lana sapagkat ito ay literal na tumutubo sa buháy na hayop. Ang tupa ay maaaring gumala-gala nang hindi inaalagaan sa loob ng matagal na panahon, at kaunting trabaho lamang ang kailangan upang gumawa ng maraming lana. Madali itong iimpake at hindi tumatanda sa bodega. Hindi ito tinatagulamin anupa’t makakayanan nito ang mahabang anim na buwang paglalakbay patungong Inglatera sa pamamagitan ng bapor. Ang isa pang malaking bentaha ay na ang lana ay hindi madaling masunog.
“Pagsakay sa Likod ng Tupa”
Kaya, sa loob ng isang siglo at kalahati pagkatapos na dumating ang unang mga merino noong 1797, ang Australia ay nakaligtas sa kabuhayan dahil sa mga iniluluwas na lana. Gayunman, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, dahil sa unti-unting pag-unlad ng pangalawahing mga industriya, pati na ang dumaraming paggamit ng sintetikong mga materyales na kahalili ng lana, ang kasabihang ang Australia ay pinansiyal na “nakasakay sa likod ng tupa” ay hindi na gaanong angkop. Yaon ay, hanggang nitong nakalipas na ilang taon, nang ang kalakalan sa lana ng Australia ay pumasok sa walang katulad na paglakas ng negosyo ng lana na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.
Noong 1807 ang unang paldo ng Botany Bay Wool ng Australia ay ipinagbili sa London sa napakababang halaga na 10 shilling at apat na pence ang isang libra ($1.03), ito’y inuri na “mahinang klase at marumi.” Gayunman, sa ngayon, ang bilang ng tupa sa Australia ay halos 166 milyon—mahigit na 10 tupa sa bawat tao sa bansa, at ang taunang produksiyon ng lana ay umabot sa mahigit na 950,000 tonelada. Noong Pebrero 1988 ang isang paldo ng napakapinong lanang merino ng Australia ay ipinagbili sa isang mamimiling Italyano sa halagang halos 20,000 Australianong dolyar—malaking pagsulong mula sa unang paldong ipinagbili sa London noong 1807.
Bakit Lubhang Kahanga-hanga?
Ang maraming gamit ng lana ay talagang kahanga-hanga, gaya ng isinisiwalat ng maikling paggunita sa mga katangian nito. Ang lana ay lumalago na kahawig ng paglago ng buhok ng tao, at maraming uri ng tupa ang may mahabang buhok na kasama ng kanilang balahibo. Ito’y galing sa lahing merino, iniiwan lamang ang mabalahibong balat na kailangang-kailangan. Bagaman ang lana ay mas magaspang kaysa cotton o linen, dahil sa ito’y buhaghag ito ang ginagamit sa paggawa ng magagaang na tela. Palibhasa’y madali itong kulayan ay nakadaragdag pa sa maraming gamit nito. Kung makikita mo ang isang dalagang nakasuot ng matingkad na pulang bandana na bahagyang nililipad ng hangin, ito’y malamang na dalisay na lana.
Ngunit nasubukan mo na bang putulin ang isang hibla ng lana sa iyong mga daliri? Matibay, hindi ba? Oo, ang isang hibla ng lana ay hindi maaaring putulin ng isang lakas na mula labinlima hanggang tatlumpung gramo—kaya kailangan mo ng gunting upang putulin ang telang lana. Ang hibla ng lana ay may onda rin, na gumagawa ritong napakalambot, at kapag ito’y inunat hanggang sa 30 porsiyento ng haba nito, ito’y babalik sa dati nitong haba kapag binitiwan. Ito ang katangian na gumagawa sa lana na hindi kusutin kapag natuyo.
Isa pa, ang hangin na nasilo sa pagitan ng pambihirang mga hibla ng lana ang siyang nagbibigay rito ng katangiang pang-insulasyon, ginagawa itong mainit sa taglamig ngunit malamig sa tag-init. Ang ibabaw rin nito ay hindi tinatablan ng tubig, anupa’t hindi ka giginawin ng isang mamasa-masang pantalong lana na suot mo sapagkat ito’y napakadaling matuyo, na gaya ng ibang tela. Tutal, suut-suot ito ng tupa sa lahat ng panahon sa anumang uri ng panahon at hindi sila sinisipon.
Maaaring hindi mo nalalaman na ang piyeltrong (felt) iyon—na may daan-
daang gamit, mula sa mga alpombra hanggang sa mga bola ng tenis—sa katunayan ay lana na siniksik sa pamamagitan ng pag-init at pagdiin. Ang worsted na materyales, ginagamit para sa mga amerikana ng mga lalaki at mga babae at ang ilang malambot, maninipis na damit, ay yari sa lana na inikid sa isang partikular na paraan.Mula sa Tupa Tungo sa Iyo
Sa mga bansa na malakas ang produksiyon ng lana, ang istasyon sa paggugupit ng balahibo ng tupa ay isang mahalagang bahagi ng rural na tanawin. Karaniwan na, ang mga tupa ay ginugupitan minsan sa isang taon, subalit sa ilang mas mainit na klima, ang paggupit ay maaaring gawin dalawang beses sa isang taon.
Ang mga tagagupit sa tupa ay matitipunong lalaki, na may malalakas na bisig at matitibay na likod. Gumagamit ng mga panggupit na de kuryente, layon ng tagagupit na alisin ang balahibo sa isang piraso. Ang isang may karanasang tagagupit ay maaaring maggupit ng halos 200 tupa sa isang araw. Una niyang ginugupit ang balahibo sa tiyan, simula sa isang paa, pagkatapos ay nagtutungo siya sa likod, leeg, at mga balikat at pababa sa kabilang panig. Ang pinakamahusay na lana ay nanggagaling sa mga balikat at mga tagiliran ng tupa.
Pagkatapos magupitan ang tupa at pakawalan sa istasyon, isang kagalakang makita silang masayang lumuluksu-lukso taglay ang bagong tuklas na kalayaan pagkatapos mawala ang kanilang mabigat na suson ng balahibo.
Pagkatapos, ang balahibo ay inuuri at ginagrado. Ang mga tagauri ay nakatayo sa mga tablang gabaywang ang taas, sinusuring maingat ang kaputian, kulot, kadalisayan, kapinuhan, kalambutan, at haba ng lana. Ang isang bihasang umuuri ng lana ay makapagtatrabaho sa halos 4,500 kilo ng balahibo ng tupa sa bawat linggo. Pagkatapos ang balahibo ay lilinisin at patutuyuin, at ang waks, o lanolin, ay inaalis. Ang balahibong ginupit mula sa buháy na tupa ang pinakamahusay.
Maingat na Pangangalaga Para sa Mas Mahabang Buhay
Marahil ay hindi na kailangan pang ipaalaala sa iyo na gustung-gusto ng mga tangà ang lana. Nangingitlog sila anupa’t ang bagong pisang uod ay maraming makakain. Gustung-gusto nila ang lana na gamít na at may pawis o may mga natapong bagay. Kaya huwag na huwag itago ang may mantsa o maruming damit na lana. Kung makabibili ka ng mga kasuotang hindi kinakain ng tangà, iyan ay karagdagang proteksiyon. Itago ang mga damit na lana sa mga sisidlang hindi pinapasok ng hangin kung hindi mo ginagamit nang regular ang mga kasuotang ito. At kahit na kung madalas mong isuot ang mga damit na lana ay dapat mo itong regular na iskobahin at ipagpag, sapagkat gusto ng lana ang hangin.
Malaki ang naitulong ng modernong teknolohiya, sapagkat maraming lanang ipinagbibili ngayon ay ginamot na laban sa insekto at tagulamin at kadalasa’y hindi na uurong pa at di tinatablan ng apoy. Gayunman, kailangang maging maingat ka sa pagpaplantsa. Ang modernong mga makinang panlaba ay may siklo para sa mga lana. Subalit kung ikaw ay naglalaba sa pamamagitan ng kamay, marahang pigain ang damit, ginagawa ito sa ilalim ng tubig, na mainit o malamig. Ang mga sabon para sa lana ay mas mahusay kaysa ordinaryong sabon, subalit kung walang mabibiling gayong sabon, kanawin ang sabon na pulbos sa tubig bago maglaba. Huwag gumamit ng mga detergent, yamang ang mga ito’y karaniwang alkalino at maaaring mapinsala ang damit. Gamitin ang parehong temperatura ng tubig sa pagbabanlaw, tiyaking lahat ng sabon ay maalis sa paggamit ng maraming sariwang tubig. Irolyo ang basang damit sa isang tuwalya at pigain ang tubig.
Ang isang bentaha ng damit na lana ay na ito’y bihirang nangangailangang plantsahin. Gayunman, kung nais mo ng walang gusot na damit, gumamit ka ng steam na plantsa o isang plantsa at basahang basa subalit pagkatapos lamang na lubusang matuyo ang damit. Ang magaan, mabilis na daan ng plantsa ay nag-aalis ng kinang na ayaw ng sinuman, at mas mabuting itaas at ibaba ang plantsa sa halip na idiin ito.
Kahanga-hanga ang Lana
Tiyak na sasang-ayon ka na ang lana ay isang kaakit-akit na materyal. Mula sa mga amerikana hanggang sa mga bola ng tenis, tinutustusan tayo nito ng matitibay na produkto. Tiyak na ang unang mga maninirahan sa Australia ay gumawa ng matalinong pasiya sa pagpili sa tupa. Pinasasalamatan natin sila dahil diyan habang patuloy nating tinatamasa ang halos walang katapusang iba’t ibang bagay na gawa sa kahanga-hangang produktong ito, ang lana.
[Mga larawan sa pahina 24]
Bago gupitan
Panahon ng paggupit
Pagkatapos gupitan
Tinatamasa ang produkto