Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Masama sa Pagtuyâ?

Ano ang Masama sa Pagtuyâ?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Masama sa Pagtuyâ?

‘Napakatalino mo . . . para sa isang tanga!’

‘Magandang damit iyan. Sayang at hindi mo nga lang kasukat!’

‘Huli kong nakita ang ganiyang meykap sa sirkus!’

ANG matatalim na salita, anuman ang kanilang layon, ay maaaring makasakit nang husto sa pagpapahalaga-sa-sarili ng isa. Kahit na kung sinasabi nang pabiro, ang mga pagtuyâ ay maaaring magbunga ng mga kaaway, nasaktang mga damdamin, nasirang pagkakaibigan.

Ipaghalimbawa na, marahil ikaw ay may “kahusayan” sa pagtuyâ. Ang mga kaibigan ay napapasigaw sa tawa sa iyong nakasasakit na biro at panghihiya. Hinihimok ka nila at pinasisigla kang magtagni-tagni pa ng tusong mga salita. O maaari namang ang pagtuyâ ay naging pangunahing paraan mo ng pagtatanggol-sa-sarili. Nasasangkapan ng mga salitang animo’y sandata, sinusugatan at nilulumpo mo ang sinuman na nagiging banta sa iyong kapakanan​—o sa iyong pagkamakasarili. Paminsan-minsan ay maaari mo pa ngang masumpungan ang iyong sarili na nagsasalita ng masasakit na salita sa iyong mga magulang o mga kapatid.

May lugar para sa pagtuyâ. Kung suwabe lamang, ito ay maaaring nakatutuwa. Kung minsan ang pagtuyâ ay maaaring magpahayag ng matinding mga damdamin. Aba, ipinakikita ng Bibliya na si apostol Pablo, si Job, at maging ang Diyos mismo ay gumamit ng pagtuyâ upang ipahayag ang matuwid na pagkagalit. (Job 12:2; Zacarias 11:13; 2 Corinto 12:13) Gayunman, ang nakasasakit o malupit na pagtuyâ ay wala kundi isang marahas, agresibong paggawi. Gaya ng binabanggit ng awtor na si Mary Susan Miller sa kaniyang aklat na Childstress!, ito’y isang anyo ng “pagsaksak at pagbugbog,” kaya nga lang ang gamit mo ay “mas tinatanggap sa lipunan na mga sandata” sa halip na mga baril o patalim.

Gayunman, itinuturing ng marami ang pagsasalita ng nakasusugat na pagtuyâ bilang isa pang paraan ng pagpapatawa. Ano, kung gayon, ang masama sa paggawa niyaon?

Basta Hindi Nakapipinsalang Katuwaan?

“Sa trabaho ko,” sabi ni Eric, “ang lahat ay gumagamit ng pagtuyâ. Kadalasang ito’y itinuturing bilang isang biro.” Kapansin-pansin, ang The New York Times ay nag-uulat: “Paulit-ulit na sinasabi ng mga sikologo . . . na ang mga lalaki’y mas masiglang tumutugon sa ‘agresibong’ pagpapatawa kaysa mga babae.” Ang mga lalaking tinedyer, kung gayon, ay maaaring masiyahan na berbal na manukso, mang-inis, at manggulo.

Ipagpalagay na, ang suwabeng pagtuyâ ay maaaring nakatatawa. Subalit kapag ang pagtuyâ ay may masamang diwa, ang kirot ng nakasasakit na salita ay maaaring manatili kahit matapos na ang tawanan. (Ihambing ang Kawikaan 14:13.) Kadalasan ang tagisan ng talino ay nagiging isang mainit na pagtatalo. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang binata: “Kapag ikaw ay lubhang nasaktan sa sinabi ng isa, maaaring gumanti ka sa pamamagitan ng pinakamasakit na bagay na maiisip mo. Kung gayon hindi na ito basta pagbibiro; sinisikap mo nang saktan ang isang tao. At ang pagtuyâ ay maaaring maging isang napakabisang sandata.”

Oo, ang salitang Ingles na “sarcasm” ay galing sa pandiwang Griego na literal na ngangahulugang “magkagatan na parang aso.” (Ihambing ang Galacia 5:15.) Kung papaanong ginagamit ng aso ang kaniyang matatalim na ngipin upang kagatin ang laman mula sa isang buto, maaaring hubaran ng dangal ng isang taong mapanuyâ ang isa. Gaya ng pagkakasabi rito ng Journal of Contemporary Ethnography: “Ang pinaka-ubod ng pagtuyâ . . . ay kadalasan nang pagkapoot o paglait.” Hindi mahalaga kung ito ba ay isang tuwirang pagsalakay, isang tusong paghamak, o pagkadulas ng dila. Ang isang nakasasakit, sarkastikong pangungusap ay gumagawa sa isa na tampulan ng pang-uuyam​—isang biktima.

Ano ang mga resulta? Gaya ng sabi rito ng 19-anyos na si Josh: “Ang pagtuyâ ay maaaring magpakadama sa iyo na ikaw ay tanga.” Ang pinsala, gayunman, ay maaaring mas nagtatagal. Sa kaniyang aklat na Toxic Parents, binanggit ni Dr. Susan Forward ang mga epekto ng pagmamalabis sa paggamit ng mga salita ng mga magulang: “Nakita ko na ang libu-libong pasyente [na] pinahihirapan ng napinsalang pagpapahalaga-sa-sarili sapagkat isang magulang ang . . . ‘nagbiro’ sa kung gaano katanga o kapangit o hindi kaibig-ibig sila.” Kung gayon, isip-isipin kung ano ang maaaring maging resulta ng pagtuyâ sa isang kaibigan, isang kakilala, o sa isang kapatid. Si Dr. Forward ay naghinuha: “Ang pagpapatawa na humahamak ay maaaring maging lubhang nakapipinsala.”​—Ihambing ang Kawikaan 26:18, 19.

Hindi kataka-taka, kung gayon, na isang aklat tungkol sa paglaki ng bata ay naghinuha: “Ang pagtuyâ . . . ay dapat na alisin magpakailanman sa pagsasalita ng tao. Karaniwan nang ito’y nakasasakit ng damdamin, kadalasa’y nakasusugat nang malalim, at halos hindi humahantong sa kapaki-pakinabang na usapan.”

Iwasan ang Pabigla-biglang Pagsasalita

Gayon man, ano naman kung ang paggamit ng mapanuyang pananalita ay naging isang kaugalian na? Kung gayon ay panahon na upang kumilos na matutong mag-isip muna bago magsalita. Ang pantas na Haring Solomon ay nagsabi: “Nakita mo ba ang tao na pabigla-bigla sa kaniyang mga salita? May pag-asa pa sa mangmang kaysa kaniya.”​—Kawikaan 29:20.

Ang pabigla-biglang pagsasalita ay lalo nang mapangwasak kapag ginamit sa mga miyembro ng pamilya. Bakit? “Sapagkat ang kanilang mga opinyon ang pinakamahalaga sa iyo,” paliwanag ng 16-anyos na si Penny. Gayunman, ang aklat na Raising Good Children ay sumisipi sa gurong si John Holt na nagsasabi: “Kadalasang inihihinga ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa ang sama ng loob at kabiguan ng kanilang mga buhay na hindi nila naihihinga sa iba.” Kilalang-kilala ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa anupa’t waring nagiging hindi sila mapagparaya sa pagkakamali ng isa’t isa; madaling nag-aalab ang galit, at pagkatapos ay nagpapalitan ng mapanuyang mga salita.

May mabuting dahilan na ang Bibliya ay nagpapayo: “Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalansang, ngunit siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19) Gaya ng natutuhan ng 18-anyos na si Joanne: “Dapat mong isipin kung sino ang kausap mo at kung ano ang sasabihin mo bago ka magsalita.” Kung nasusumpungan mo ang iyong sarili na nagagalit, huwag maging mabilis sa paghahayag ng iyong damdamin. Sa halip, huminto kang sandali at tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ang mga salita bang gusto kong sabihin ay mabait? Mahalaga ba ito? Pagsisisihan ko kaya sa dakong huli ang sinabi ko?’

Sa pamamagitan ng maingat na pagpili ng iyong mga salita, maiiwasan mong saktan ang damdamin ng iba, at maiiwasan mo pa ang di kinakailangang kahihiyan at pagkapahiya.

Kung Ikaw ang Biktima

Gayunman, kumusta naman kung ikaw ang tinutuyâ, marahil ng iyong mga kaibigan o mga kaklase? Bago padala sa simbuyo na gumanti, alamin mo na tayo ay nabubuhay sa “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Nakakaharap ng mga kabataan ang napakaraming panggigipit. Ganito ang binabanggit ng aklat na The Loneliness of Children: “Dinadala ng mga bata . . . sa paaralan ang lahat ng masamang palagay, hinanakit, pagkaagresibo, at negatibong kaisipan at damdamin na kanilang kinikimkim sa sarili na natutuhan nila sa bahay.” Ang gayong mga kapootan ay kadalasang inilalabas sa anyo ng malupit na pagsasalita.

Ang pagkaalam nito ay tutulong sa iyo na maiwasan ang hilig na gumanti kapag nabiktima. (Ihambing ang Kawikaan 19:11.) Nakatutulong din na tandaan ang mga salita ni apostol Pablo: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama.” (Roma 12:17) Ang ‘pagharap ng kabilang pisngi’ sa isa na sumampal sa iyo sa berbal na paraan ay nangangailangan ng tunay na pagpipigil-sa-sarili. (Mateo 5:39) Subalit hindi ito nangangahulugan na hindi ka tutugon sa anumang mapanuyang pagsasalita na katumbas ng isang insulto​—o banta. Ang aklat na Violence, ng kasamang may-akda na si Irwin Kutash, ay nagsasabi: “Ang mga paghamak na hindi matagumpay na hinahadlangan ay maaaring magkaroon ng matagalang mga epekto sa mga biktima . . . Ang mga biktimang ito ay madaling nagiging tudlaan ng higit pang pambibiktima.”

Kaya, kung minsan ang mga kalagayan ay maaaring humiling na hadlangan mo ang isang berbal na pagsalakay, hindi sa pagsagot ng mapang-inis na mga salita, kundi sa pamamagitan ng mahinahon at mapayapang pakikipag-usap nang personal sa nagmamalabis sa pagsasalita. a (Kawikaan 15:1) Sinubok ito ni Joanne, na sinasabi sa isang kaklase: “Hindi ko nagustuhan ang komentong ginawa mo sa harap ng klase. Talagang nakasasakit ito.” Ang resulta? Sabi ni Joanne: “Mula noon iginalang niya ako at hindi na siya nagsalita ng ano pa man.”

Gayunman, binabanggit ng beinte-anyos na si David ang isa pang pinagmumulan ng nakasasakit na pagsasalita, na ang sabi: “Dapat sana’y mahal na mahal ka ng iyong mga magulang; gayunman, sila pa kung minsan ang gumagawa ng pinakamasakit na mga komento.” Mangyari pa, ito ay kadalasang ginagawa sa kawalang-malay; sa pagsisikap na ituwid ka, labis ka namang sinasaktan nila. Bakit hindi mo ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang tungkol dito, ipinaaalam sa kanila kung ano ang nadarama mo? Marahil sila ay magiging higit na sensitibo sa iyong mga damdamin sa susunod na pagkakataon.

Sa katapusan, nakatutulong kung hindi ka masyadong nababahala sa iyong sariling mga damdamin. Ganito ang napansin ng awtor na si Donald W. Ball: “Ang pagiging mabisa ng pagtuyâ . . . ay nakasalalay sa guniguning mga resulta nito.” Oo, huwag mong palakihin ang isang insidente sa pag-iisip na tiniis mo ang napakalaking pinsala dahil sa isang nakasasakit na pananalita. Panatilihin ang ugaling mapagpatawa!

Gayunman, ang pinakamabuting paraan upang iwasang maging biktima ng pagtuyâ ay huwag mong gamitin ito mismo. Sabi ng Ginintuang Tuntunin: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Kung ikakapit mo ang tuntuning ito, maiiwasan mo ang gumamit​—at marahil maging biktima—​ng nakasasakit, mapanuyang pagsasalita.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Magagawa Ko sa mga Maton sa Paaralan?” na lumilitaw sa Agosto 8, 1989, na labas ng Gumising!

[Larawan sa pahina 18]

Ang pagtuyâ ay nakasasakit