“Estrogen Replacement Therapy”—Ito ba’y Para sa Iyo?
“Estrogen Replacement Therapy”—Ito ba’y Para sa Iyo?
KUNG ikaw ay isang babaing nalilito o nag-aalala tungkol sa paggamit ng estrogen pagkatapos magmenopos, may ibang gaya mo. Ang ERT (estrogen replacement therapy o paghahalili sa hormone na estrogen) ay nakalilito sa maraming tao ngayon, kahit na sa mga doktor. Sa isang panig, maaaring nalaman mo na ang estrogen ay tumutulong upang hadlangan ang mga atake sa puso at ipagsanggalang ang katawan laban sa pinsala sa buto na maaaring humantong sa katakut-takot na mga pagkabalì. Sa kabilang panig naman, maaaring nabalitaan mo na ang estrogen ay nauugnay sa kanser sa matris at posible pa nga sa kanser sa suso.
Maaaring nasabi na sa iyo na ang panganib ng kanser ay nawawala sa pamamagitan ng paggamit ng ikalawang hormone na pambabae na ginagawa ng mga obaryo, ang progesterone, o ang sintetiko nito, ang progestin. Subalit maaaring narinig mo rin na ang progesterone ay nagpapangyari ng pagreregla buwan-buwan at maaaring alisin ang mga pakinabang ng estrogen sa puso.
Nakadaragdag pa sa kalituhan, maraming doktor ang pabor o laban sa ERT. Ganito ang sulat ng isang doktor sa American Journal of Obstetrics and Gynecology: “Pangkalahatang itinuturing namin ngayon na ang mga pakinabang ng estrogen replacement therapy ay nakahihigit sa mga panganib nito. Upang maiwasan ang mga problema ng kakulangan ng estrogen, [halos lahat] ng babae ay dapat magsimula ng isang habang-buhay na estrogen replacement therapy sa panahon na malapit na silang magmenopos.”
Nagpapahayag naman ng salungat na pangmalas, isang doktor sa Britaniya na may 50 taon nang karanasan sa pananaliksik sa kanser ay nagsabi: “Kung pakikialaman mo ang mga hormone, may posibilidad na magkaroon ng seryosong pinsala. Pinasisigla ng oestrogen ang himaymay na lumaki at ang lumalaking himaymay ay mas sensitibo sa mga bagay na nakakakanser. Halos imposibleng ligtas na gamutin ito sa pamamagitan ng mga hormone, kaya mas mabuti pang huwag na lamang gamutin ito sa pamamagitan ng hormone.”
Menopos at ERT
Kapag nagdalaga na ang mga babae, pagdating ng mga 11 taóng gulang, ang kanilang mga obaryo ay magsisimulang gumawa ng estrogen, isang hormone na gumaganap ng mahalagang papel sa pagkakaroon ng mga katangiang pambabae at sa pagkontrol sa siklo ng pagreregla. Pagkalipas ng mga 40 taon, sa katamtaman, kapag nagsimula na ang panahon ng menopos, hihina ang paggawa ng estrogen hanggang sa punto na hindi na nito susustinihan ang obulasyon at pagreregla. Sa wakas ang mga obaryo ay hihinto na sa paggawa ng estrogen. Maaari itong mangahulugan ng isang panahon ng nabawasang pananagutan, na nagbubukas ng isang pinto sa bagong mga pakikipagsapalaran at mga pagkakataon at panahon na matuto at gumawa ng bagong mga bagay.
Ngunit panahon din ito ng panandalian at pangmatagalang mga problema dahil sa kakulangan ng estrogen. Upang hadlangan ang mga problemang ito, sinimulang ireseta ng mga doktor ang sintetikong estrogen noong 1940’s. Noong 1975 anim na milyong mga babae ang gumagamit nito. Pagkatapos ay dumating ang balita na ang mga gumagamit ng estrogen ay limang ulit na malamang na magkaroon ng kanser sa matris kaysa mga hindi gumagamit nito. May usap-usapan din na ang estrogen ay iniuugnay sa kanser sa suso. Ang kasiglahan sa ERT ay agad na humupa. Subalit sinikap ng mga mananaliksik na bawasan ang mga panganib, at noong maagang 1980’s, ang pagdaragdag ng progestin ay waring nag-aalis sa panganib ng kanser. Ang ERT ay nakabawi sa buong daigdig.
Ano ang dahilan ng popularidad nito? Ang pag-aalis ng mga hot flashes, pagpapanatili ng aktibong seksuwal na buhay, at nabawasang panganib na magkaroon ng osteoporosis (lumiliit at humihina ang mga buto) at sakit sa puso.
“Hot Flashes” at Iba Pang Problema
Ang hot flash (o, flush), na palatandaan ng menopos, ay tuwirang resulta ng pagkawala ng estrogen. Ang karaniwang hot flash ay nagsisimula sa pamamagitan ng biglang pamumula ng balat sa ulo, leeg, at dibdib. Kasama nito ang pagkadama ng matinding init ng katawan, na sinusundan ng kung minsa’y labis-labis na pawis. Karamihan ng mga babaing nagmemenopos ang nakararanas nito. Sa iba ito ay bahagya lamang. Sa iba naman ito ay matindi at nakasasalanta, na ang bunga’y basang-basa ng pawis na mga damit at sapin sa kama at pinagmumulan ng nakahihiyang mga situwasyong panlipunan at di pagkatulog sa gabi.
Ang isa pang resulta ng paghina sa paggawa ng estrogen ay ang panunuyo at pagnipis ng pinakasapin ng ari ng babae. Pagtatagal ang panahon ng seksuwal na pagtatalik ay nagiging hindi komportable, masakit, o imposible pa nga. Tinatanggap ng ibang mga babae ang mga pagbabagong ito bilang di-maiiwasang resulta ng pagtanda at ipinalalagay nila na tapos na ang seksuwal na buhay. Gayunman, ang pagbabago sa ari ng babae ay karaniwan nang maiiwasan o mabilis na maiwawasto ng ERT.
Isa sa pinakakaraniwang problema sa kalusugan na nakakaapekto sa matatandang babae ay ang osteoporosis, isang kalagayan kung saan ang mga buto ay nagkakaroon ng maraming maliliit na butas, lumiliit, at nanghihina dahil sa kakulangan ng kalsiyum at protina. Ito’y humahantong sa baling mga buto at nabaling mga balakang. Kapag ang osteoporosis ay naging grabe, maaaring mabalian ng kamay ang isang babae sa pag-angat lamang ng isang kaserola mula sa pugon. Maaari pa nga siyang mabalian ng tadyang sa pamamagitan ng isang pagbahin! Nararanasan ng lahat ang panghihina ng buto habang ang isa ay tumatanda, subalit sa mga babaing nagmenopos na ang proseso ay pinabibilis pa dahil sa kakulangan ng estrogen. a Ang mga babaing naninigarilyo at regular na umiinom ng mga inuming nakalalasing ay mas malamang na dumanas ng problemang ito kaysa roon sa hindi naninigarilyo at umiinom.
Ang osteoporosis ay kadalasang nangyayari nang walang nagbababalang tanda, at hindi nalalaman ng mga tao na sila’y nanganganib hanggang sa mabali nila ang isang buto. Sa panahong iyon ay karaniwang huli na ang lahat upang lunasan ang kalagayan. Kumusta naman ang pag-inom ng maraming dosis ng kalsiyum? Kung walang estrogen kaunti lamang ang magagawa nito upang bawasan ang panghihina ng buto. Ang kalsiyum ay mahalaga; iyan ang dahilan kung bakit inirerekomenda ng mga doktor na inumin ito ng mga babae na kasama ng estrogen. Ang estrogen ay tumutulong sa katawan na sipsipin ang kalsiyum.
Sakit sa Puso
Sa Europa at Estados Unidos, ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga babaing nagmenopos na ay ang sakit sa puso. Binabawasan ba ng ERT ang pagkakasakit sa puso? May matibay na ebidensiya na gayon nga. Waring pinararami ng estrogen ang antas ng tinatawag na mabuting kolesterol, ang HDL, sa daluyan ng dugo at binabawasan ang antas ng tinatawag na masamang kolesterol, ang LDL. Sinubaybayan ng Nurses’ Health Study ang mga rekord ng kalusugan ng 121,700 mga babae mula noong 1976 hanggang 1982. Ipinakikita ng impormasyon ang 70 porsiyento pagbaba sa panganib ng sakit sa puso sa kasalukuyang mga gumagamit ng estrogen kung ihahambing sa hindi gumagamit ng estrogen.
Ang gayong mga tuklas ay malakas na katibayang pabor sa ERT, subalit ang positibong panig pa lamang ang ating naisaalang-alang. Bago ka sumugod sa iyong doktor upang humingi ng isang reseta, isaalang-alang ang mga panganib.
Kanser at Progesterone
Ang estrogen, kapag ito lamang ang ginamit, ay nagpapasigla sa pagdami ng mga selula sa sapin ng matris. Sa pagtatagal maaaring magkaroon ng kanser. Sa katamtaman, 1 sa bawat 1,000 babaing nagmenopos na ang nagkakaroon ng kanser sa matris sa bawat taon. Para sa mga gumagamit ng estrogen, ang bilang ng nagkakanser sa matris ay mula 4 hanggang 8 sa bawat 1,000. Para sa pangmatagalang mga gumagamit ng matataas na dosis ng estrogen, ang bilang ay 10 sa bawat 1,000 sa bawat taon. Pinaghihinalaan ng ilang doktor na ang estrogen ay nauugnay rin sa iba pang suliraning gynecologic (mga sakit ng babae).
Upang mahadlangan ang mga panganib na ito, karagdagan pa sa estrogen, inirereseta ng mga doktor ang progestin. Sapagkat hinahadlangan nito ang pagdami ng selula sa matris, binabawasan ng progestin kapuwa ang mga nakakakanser at hindi nakakakanser na mga problema na nauugnay sa paggamit ng estrogen mismo. Si Dr. Lila Nachtigall at Joan Heilman, sa kanilang aklat tungkol sa estrogen, ay nagbabala: “Kung mayroon kang matris, hindi ka dapat huminto sa paggamit ng progesterone maliban na lamang kung hihintuan mo rin ang paggamit ng estrogen. Ang progesterone ang siyang gumagawang ligtas sa ERT ngayon.”
Ngunit ang pagdaragdag ng isang progestin ay nagdadala ng sarili nitong mga problema. Ang pangunahing reklamo ay na ang kombinasyon ng estrogen-progestin ay nagpapangyari ng pagbabalik ng pagreregla. Ang mas grabe pang problema sa progestin ay na maaari nitong ikaila ang kapaki-pakinabang na mga epekto ng estrogen sa puso. Ang isa pang salik sa proseso ng pagtitimbang ng panganib sa pakinabang ay ang epekto, kung mayroon man, ng ERT sa pagkakaroon ng kanser sa suso.
Sapol noong 1974, ang mga mananaliksik ay nagsagawa ng hindi kukulanging 30 pag-aaral upang tingnan kung may anumang kaugnayan sa pagitan ng ERT at ng kanser sa suso. Ipinakikita ng mga pag-aaral na walang kaugnayan sa pagitan ng panandaliang ERT at ng kanser sa suso. Iba naman ang pangmatagalang gamit ng estrogen. Ang mga pag-aaral sa Estados Unidos ay nagpapakita ng posibleng 50 porsiyento pagdami ng panganib pagkalipas ng 15 o higit pang mga taon ng ERT. Ang mga pag-aaral sa Europa ay nagpapakita ng mas mataas pang panganib sa pangmatagalang ERT. Gayunman, ang iba pang mahigpit na pag-aaral ay nagpapakita na walang kaugnayan ang pangmatagalang paggamit ng estrogen sa kanser sa suso.
Para ba sa Iyo ang ERT?
“Hindi pa posibleng sumulat ng isang set ng payak na mga tuntunin para sa paghahalili ng estrogen,” sabi ni Dr. Isaac Schiff ng Harvard Medical School. “Ang pasiya ay nasa indibiduwal, salig sa masusi, pinag-isipan, at prangkang talakayan sa pagitan ng manggagamot at ng pasyente.”
Bilang mapagpipilian sa ERT, pinipili ng iba ang natural na mga panlunas. Halimbawa, nasusumpungan ng ilang babae na ang bitamina E ay napakabisa sa pagpapaginhawa sa tindi at dalas ng kanilang hot flashes. At kung ikaw ba ay gagamit ng ERT o hindi, ang mabuting pagkain at regular na ehersisyo ay napatunayang mabuting panlaban kapuwa sa sakit sa puso at sa osteoporosis.
Mangyari pa, ang paghahalili ng estrogen o ang anumang terapi ay hindi makapagpapabata sa iyo ni maihihinto man nito ang pagtanda. Tanging ang Kaharian ng Diyos ang makagagawa ng mga bagay na iyan. (Mateo 6:10) Samantala, ang ERT ay tumutulong sa iba na paginhawahin ang negatibong mga epekto ng buhay pagkatapos ng menopos.
[Talababa]
a Ang hormone na testosteron sa mga lalaki ay tumutulong upang hadlangan ang panghihina ng buto.
[Larawan sa pahina 15]
Bago tanggapin ang ERT na paggamot, tanungin mo ang iyong doktor sa posibleng mga panganib