Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Huwag Mong Sabihing Nungka!”

“Huwag Mong Sabihing Nungka!”

“Huwag Mong Sabihing Nungka!”

ANG Eclesiastes 9:11 ay nagsasabi sa atin na ang ‘panahon at di-inaasahang pangyayari ay nangyayari sa ating lahat.’ Nangyari ito sa aming pamilya sa pagtatapos ng Nobyembre 1986. Si Tiarah, isa sa aming tatlong anak, ay tatlo at kalahating taóng gulang noong panahong akala nami’y siya’y sinipon, na may kasamang walang likat na pag-ubo. Dinala namin siya sa pediatrician (espesyalista sa mga sakit ng bata), na itinuro naman kami sa isang manggagamot. Ang palagay din niya ay may sipon si Tiarah, na may paninikip ng dibdib, subalit walang dapat na ikabahala. Nagreseta siya ng isa pang gamot para sa ubo gayundin ng mga antibayotiko.

Ang kalagayan ni Tiarah ay lumala. Ang lagnat niya ay 41° C., at nagsusuka, nagkukurso, at mga kirot sa dibdib. Kinunan siya ng mga X ray, at dinagdagan ang mga antibayotiko. Tinawag kami ng nars nang bumalik ang mga X ray ni Tiarah. Inaakala ng mga doktor na siya ay may grabeng pulmunya. Nang panahong iyon siya ay nilalagnat ng 42° C hanggang 43° C. Pinangyayari nitong bumaba nang husto ang bilang ng kaniyang dugo, 2.0. Noong Disyembre 16, si Tiarah ay ipinasok sa ospital.

Kami’y mga Saksi ni Jehova at sinusunod namin ang payong ibinigay sa mga Kristiyano sa Gawa 15:29, na ‘umiwas sa dugo.’ Gayunman, hindi kami gaanong nabahala sa isyu ng dugo. Ang pediatrician ni Tiarah ay isang espesyalista sa dugo, at alam na alam niya na hindi kami tumatanggap ng pagsasalin ng dugo. Nang si Tiarah ay ipasok sa ospital, agad naming ipinaalaala sa pediatrician ang aming katayuan sa dugo. Ang tugon niya ay: “Oo, oo, nauunawaan ko ang inyong mga paniwala, sa palagay ko’y wala kayong dapat intindihin tungkol sa isyu ng dugo.”

Nang ang ospital ay makakuha ng kanila mismong mga X ray, EKG (electrocardiogram), at mga pagsubok sa dugo, si Tiarah ay dinala sa isang silid. Dumoon kami hanggang sa siya ay makatulog. Kinaumagahan ay sinabi sa akin na si Tiarah ay nagkaroon nga ng pulmunya, na ito ay napakagrabe, at tiyak na siya ay mananatili sa ospital ng mga 10 hanggang 15 araw. Ang kaniyang temperatura ay nanatiling mataas sa 43° C., na labis na ikinabahala ng mga doktor. Sinuri nilang muli ang mga X ray, ang EKG, at ang mga pagsubok sa dugo, at sila’y nagpasiyang kumuha ng higit pang mga pagsubok. Ipinakita ng mga pagsubok na ito na wala siyang pulmunya subalit malamang na mayroon siyang ilang uri ng tumor sa kaniyang bagà.

Ang Dugo ay Naging Isyu

Hindi na kailangan pang sabihin, ito ay nagkaroon ng ibang aspekto sa kalagayan ni Tiarah. Kumuha sila ng walang katapusang mga pagsubok, pati na ang isa para sa TB, na ang resulta’y negatibo. Kumuha sila ng sonograms, CAT scans, at maramihang X ray. Ipinakita ng huling mga X ray ang malaganap na impeksiyon sa kanang bagà. Ang kaliwang bagà ay para bang malapit nang bumagsak​—at ang bagà na iyon ay nanganganib, yamang ginagawa nito ang karamihan ng gawain ng paghinga. Ang isyu tungkol sa pagsasalin ng dugo ay muling bumangon. Pagpasok ni Tiarah sa ospital ay pumirma na kami ng mga apidabit na nagpapawalang-sala sa ospital ng pananagutan tungkol sa aming hindi pagtanggap ng dugo. Inaakala nila ngayon na dahil sa ang buhay ng aming anak ay nanganganib, magbabago ang aming isip.

Nang kami’y manindigan sa aming pasiya, nagbago ang lahat ng bagay. Sinabi sa amin ng administrasyon ng ospital na kami’y hindi bagay na maging mga magulang, na sila ay kukuha ng isang court order na magpapahintulot sa kanila na salinan ng dugo si Tiarah, at na ipakukuha rin nila mula sa amin ang dalawa pa naming anak. Hihintayin nila ang court order, at kapag ito’y dumating, aalisin nila ang bagà na may impeksiyon. Para bang ito’y ika-50 ulit na, ipinaliwanag namin sa kanila na hindi namin tinututulan ang medikal na paggamot, at bagaman hindi kami tumatanggap ng pagsasalin ng dugo, tumatanggap kami ng mga kahalili ng dugo.

Wala ring nangyari. Ang mga doktor ay tumangging makinig. Ginipit nila kami upang baguhin namin ang aming pag-iisip. Sinimulan nilang sabihin sa mga kawani sa ospital at sa mga nagtatrabaho sa dakong iyon ng ospital​—mula sa mga doktor at mga narses hanggang sa mga tagapaglinis—​kung ano ang ginagawa namin sa aming anak. Ang mga taóng ito naman ay pupunta sa amin at tatanungin kami kung bakit hinahayaan naming mamatay ang aming anak. Sinabi namin ng mister ko na kami’y hahanap ng doktor at ospital na gagamot kay Tiarah at gagawin ang anumang pamamaraan na kinakailangan at gagawin ito nang walang pagsasalin ng dugo. Sinabi nilang walang ospital ang tatanggap sa kaniya sa kaniyang kalagayan. Sinabi ko sa kanila: “Huwag mong sabihin nungka!”

Kahit na Mamatay Siya, Ayaw Niya ng Dugo

Ipinaliwanag ko ang kalagayan kay Tiarah, sinabi ko sa kaniya ang sinabi ng mga doktor, kung ano ang opinyon ni Jehova sa bagay na iyon, at kung ano ang naipasiya naming gawin, yaon ay humanap ng isang doktor at ospital na tutulong sa kaniya nang hindi siya binibigyan ng pagsasalin ng dugo. Sa kaniyang murang gulang ay naunawaan ito nang husto ni Tiarah. Nais niyang sundin si Jehova. Kahit na mamatay siya, ayaw niya ng dugo. Ang marinig ang akin mismong anak, bagaman malubha ang kaniyang kalagayan, na manindigan na gaya niyaon ay nagpaiyak sa akin. Natanto ko noon na kailanma’y hindi ko natalos ang kahalagahan ng pagsisimula ng pagsasanay sa Bibliya mula sa pagkasanggol, yamang kahit na sa gulang na tatlo at kalahati, nasasabi sa amin ni Tiarah sa kaniya mismong simpleng paraan na nais niyang manatiling tapat kay Jehova sa kabila ng lahat.​—Efeso 6:4; 2 Timoteo 3:15.

Sa aming pagsisikap na mailabas si Tiarah sa ospital bago pa dumating ang court order na salinan siya ng dugo, ang mister ko ay nakipag-usap sa isa sa mga hinarang na matanda sa kongregasyon. Siya ay nakipag-usap sa isang doktor na nagsabing titingnan niya kung ano ang magagawa niya. Iyan ay nagbigay sa amin ng kaunting pag-asa.

Namalagi ako sa ospital mula noong gabing tanggapin si Tiarah sa ospital. Ako’y mental, pisikal, at emosyonal na patáng-patâ na. Nalalaman ito, iginiit ng mister ko na ako’y umuwi na ng bahay, na siya na ang magbabantay kay Tiarah sa gabing iyon. Umuwi ako, ngunit hindi rin ako makatulog. Naglinis ako ng bahay, tinawagan ko ang aking mga magulang, at nakipag-usap ako sa ibang mga kaibigan na mga Saksi. Sa wakas ako ay nakatulog​—hindi ko alam kung gaano katagal—​at pagkatapos ay tumunog ang telepono. Natatakot akong sagutin ito, ikinatatakot ko na baka ito ang mister ko na tumatawag sa akin upang sabihin na si Tiarah ay namatay.

Sa wakas ay sinagot ko ang telepono. Ito’y ang doktor na kinausap ng hinirang na matanda na nagsasabi sa akin na nasumpungan na nila ang isang doktor na handang igalang ang aming paninindigan sa dugo at na gagamutin niya si Tiarah kahit na sa kaniyang mahinang kalagayan. Nakipag-ayos na siya para sa paglabas ni Tiarah sa ospital! Lumuluha akong nagpasalamat sa kaniya. Ibinaba ko ang telepono at lumuhod ako at nagpasalamat kay Jehova.

Pagkaraang mamalagi sa ospital na iyon sa loob ng sampung araw, si Tiarah ay ipinasok sa isang ospital sa isa pang bayan sa Lungsod ng New York. Ang ospital na iyon ay nagdadalubhasa sa mga sakit sa bagà sa mga bata. Pagdating ni Tiarah, sila’y naghihintay sa kaniya. Binigyan nila si Tiarah ng isang serye ng mga CAT scan, X ray, sonogram, EKG, at mga pagsubok sa dugo para sa kanilang rekord, at sinuri nila ang mga rekord na ibinigay namin sa kanila mula sa pinanggalingang ospital. Pagkatapos ng lahat ng pagsusuring ito, ang doktor namin ngayon, isang espesyalista sa bagà, ay may palagay na ang isang pagsasalin ng dugo ay hindi tama at na tatanggihan ito ng kaniyang katawan.

Ganap na Paggaling Nang Walang Dugo

Samantalang si Tiarah ay nasa ospital na ito, siya ay pinangalagaang mabuti ng mga nagdadalubhasa sa paggamot sa mga bata na may mga sakit sa bagà. Kinunsulta nila kami tungkol sa medikal na mga problema at ipinaalam nila sa amin ang mga pamamaraang kanilang susundin. Hindi nila siya lubusang pinatulog kundi gumamit lamang ng lokal na pampatulog. Pagkatapos ay kumuha sila ng ilang likido sa kaniyang bagà at ipinadala ito sa laboratoryo para sa pagsubok sa iba’t ibang antibayotiko. Nasumpungan nila ang isang simpleng antibayotiko na ginagamit para sa sipon na lalaban sa mikrobyo. Si Tiarah ay tumanggap ng maraming dosis ng antibayotikong ito, at siya’y inilagay sa isang oxygen tent sa loob ng sampung araw. Patuloy na bumuti ang kaniyang kalagayan.

Sa pagsusuri sa kanilang CAT scan at mga X ray, nasumpungan ng mga doktor na may naknak sa ibabang bahagi ng kaniyang kanang bagà. Bagaman binabawasan ng antibayotiko ang dami ng likido sa paligid ng bagà, hindi nito nilalabanan ang naknak. Sa katunayan, ang naknak ay gumagawa ng higit na likido, at inaakala ng mga doktor na baka kailangan itong alisin sa pamamagitan ng operasyon. Subalit ipinagpatuloy muna nila ang paggamot sa pamamagitan ng antibayotiko, na may idinagdag na isa pang uri ng antibayotiko. Binigyan din nila siya ng maraming dosis ng iron at isinuwero siya sa loob ng tatlong araw, kasunod ng magaang na solidong pagkain. Ang bilang ng kaniyang dugo ay tumaas tungo sa 5.0, pagkatapos sa 7.0. Nagulat ang espesyalista sa dugo at ang espesyalista sa bagà sa gayon kabilis at patuloy na paggaling​—anupa’t nasabi ng doktor sa bagà: “Tiyak na tinutulungan ka ng Diyos mo.”

Yamang ang naknak ay hindi naapektuhan ng malakas na dosis ng antibayotiko, ang likido mula sa loob ng naknak mismo ay sinuri. Nasumpungan na isa pang uri ng antibayotiko ang lalaban sa partikular na mikrobyong ito. Yamang ito ay isang mikrobyo ng sipon na karaniwang masusumpungan sa bibig, inaakala ng doktor na malamang na nalunok ito ni Tiarah na kasama ng ilang pagkain at ito’y nagtungo sa maling tubo at nagtuloy sa kaniyang bagà. Sinisikap ng mga antibayotiko na labanan ang mikrobyong ito, na nagpangyari ng isang dingding sa palibot nito, at ito’y naging naknak. Sang-ayon sa doktor, ito’y hindi pangkaraniwan, kaya’t inaakala niyang kailangang isulat bilang isang dokumento ang lahat ng kaniyang mga tuklas at pamamaraan at isumite ang kaniyang report sa isang babasahing pangmedisina.

Pagkatapos manatili sa ospital na iyon sa loob ng isang buwan, si Tiarah ay pinalabas bilang isang outpatient. Kailangan pa rin niyang makipagkita sa espesyalista minsan sa isang linggo sa loob ng tatlong buwan at uminom ng malalakas na dosis ng mga antibayotiko at iron. Gayunman, kailanman ay hindi siya inopera. Siya’y ganap na gumaling, nang walang batik sa kaniyang mga bagà.

Si Tiarah ay isa na ngayong mamamahayag sa kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Noong Pebrero 14, 1991, ibinigay niya ang kaniyang unang pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ng kongregasyon. Kaming mag-asawa ay nagpapasalamat kay Jehova sa pagpapala niya sa aming matibay na paninindigan na umiwas sa dugo bilang pagsunod sa Kaniyang utos. Harinawang tayong lahat ay patuloy na pumuri kay Jehova sapagkat siya’y karapat-dapat purihin. At tandaan, kung ikaw ay sabihan ng doktor na kailanman ay hindi ka mabubuhay kung walang dugo, sabihin mo sa kaniya, “Huwag mong sabihing nungka!”​—Isinulat ni Nina Hooks, Brooklyn, New York.