Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

La Raclette!—Mula sa Itaas ng Bundok Tungo sa Hapag Kainan

La Raclette!—Mula sa Itaas ng Bundok Tungo sa Hapag Kainan

La Raclette!​—Mula sa Itaas ng Bundok Tungo sa Hapag Kainan

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Switzerland

SINASABING isang araw noong taóng 1875, ilang lalaki ang nagtatrabaho sa ubasang malapit sa Suisong bayan ng Sierre. Napakalamig. Noong tanghali sila’y nagkatipon sa paligid ng apoy upang kumain ng tinapay, keso, at alak. Ang isa sa kanila ay may hiniwang isang bagay na mainit upang kanin. Kaya ipinatong niya ang kaniyang piraso ng keso sa ibabaw ng baga hanggang sa matunaw ang panlabas na suson nito. Saka niya ipinahid ito sa kaniyang tinapay at​—nagsimula ang la raclette!

May ibang bersiyon ng kuwentong ito. Bagaman ang pinagmulan nito ay maaaring hindi gaanong dokumentado, ang la raclette ay isa ngang kilalang pagkain, lalo na sa bulubunduking rehiyon ng Valais sa Switzerland. Ang salitang Pranses na racler ay nangangahulugang “kayurin,” at angkop na inilalarawan nito ang pambihirang paraan na ito ng pagsisilbi ng tinunaw na keso. Subalit mas pambihira pa ang paraan ng paggawa ng kesong raclette.

Ang Kesong Ginagawa sa Dako ng Aksiyon

Pagdating ng tag-araw sa Valais, ang natutunaw na niyebe ay nagbibigay-daan sa malagong pastulan. Gustung-gusto ng mga baka ang pagkaing ito, at lumalakad patungo sa itaas, sila’y nanginginain ng damo mula sa isang damuhan tungo sa isa pang damuhan hanggang sa pinakagilid ng bundok na natatabunan ng niyebe. Dati-rati, ang pag-iimbak ng gatas o paghahatid nito sa nayon sa ibaba dalawang beses isang araw para gawing keso ay di-maisip. Kaya ang lunas ay gawin ang keso doon mismo, sa dako ng aksiyon. Oo, ang keso ay ginagawa sa labas ng bahay kung saan naroon ang kawan. Paano?

Isang malaking kawa, isang salaan, kahoy na panggatong, at iba pang mahalagang gamit ay inihahatid sakay sa likod ng kabayo o sa mga mola hanggang sa lugar na iyon. Ang mga bato upang gawing tungkô ng kalan ay pinipili mula sa palibot na lugar. Ang krema ay hindi inaalis sa gatas, at ang resulta’y malambot at malinamnam na keso.

Ngayon, hindi na kailangang gawin ng mga manggagawa ng keso sa rehiyon ng Valais ang kanilang gawain sa labas ng bahay. Patuloy silang gumagawa ng keso doon mismo, ngunit sa kanilang paggawa ng keso, gumagamit na sila ngayon ng mga kubo na itinayo sa iba’t ibang taas. Ang bawat kubo ay mayroon ng lahat ng kinakailangang kagamitan na permanenteng nakainstala at isang bodega kung saan ang bagong keso ay nilalagyan ng solusyon ng asin upang bigyan ito ng protektibong ibabaw. Ang keso ay hinuhugis na parang isang gulong, bawat gulong ay tumitimbang ng halos 5 kilo. Pagkaraan ng tatlo hanggang limang buwan, ang mga gulong ng keso ay ipinalalagay na ayos na.

Pagsisilbi ng la Raclette

Sa tradisyunal na paraan, ang la raclette ay isinisilbi na kasama ng nilagang patatas, pickles, maliliit na puting sibuyas, paminta at iba pang pampalasa, at, siempre pa, isang baso ng puting alak buhat sa Valais. Kung oorderin mo ito sa isang restauran, dadalhin ng weyter sa inyong mesa ang kalahating bilog ng keso na ang gilid nito ay kumukulo dahil sa pagkakainit. Saka niya kinakayod ang ilan sa katakam-takam na suson na iyon at inilalagay ito sa patatas mo!

Sa bahay ay maaari mong gamitin ang isang de kuryenteng kalan para sa raclette. Ang ilan ay dinisenyo upang tunawin ang mga keso sa maliliit na bahagi, ang iba naman ay sapat ang laki upang magkasiya ang kalahati ng bilog na keso. Mangyari pa, hindi mo kailangang magkaroon ng pantanging kalan para sa raclette. Maaari mong tunawin ang mga hiwa ng keso sa iyong oven sa kusina.

Isinisilbi ng marami ang pagkaing ito sa kanilang mga bisita sapagkat ito’y kilala at madaling gawin. Kaya sa susunod na pagkakataong magkaroon ka ng mga bisita para sa isang hapunan, bakit hindi mo subukin ang pambihirang pagkaing ito mula sa mga bundok ng Switzerland: ang la raclette!

[Mga larawan sa pahina 26]

La raclette: isang pambihirang paraan upang ihain ang tinunaw na keso

Paggawa ng keso

Ilang bagay na kasama ng “la raclette”

Pagsisilbi ng “la raclette”