Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Higit Pang Sakuna sa Hinaharap

“Dahil sa pagkawasak ng kapaligiran,” ulat ng pahayagang Aleman na Schweinfurter Tagblatt sa isang pahayag ng WHO (World Health Organization), “ang bilang ng likas na sakuna ay darami sa taóng 2000.” Sang-ayon sa WHO, “parami nang paraming ekolohikal na mga sakuna ngayon ay pinangyari ng tao mismo.” Ang kemikal na mga kapahamakan sa Bhopal (India) at Séveso (Italya), ang aksidente ng atomic reactor sa Chernobyl (U.S.S.R.), ang malaking sakuna ng natapong langis sa Alaska, at ang pagsunog sa mga minahan ng langis sa Kuwait ay binanggit bilang mga halimbawa. “Ang polusyon ng hangin, tubig, at lupa, gayundin ang pagkaubos ng ozone layer at ang pag-init ng kapaligiran, ay nagpapakita na ang industriyal na pag-unlad ay mapangwasak,” susog ng artikulo. “Mahigit na 50 milyon katao ang nawalan ng kanilang mga tahanan dahil sa likas na mga sakuna mula sa pasimula ng siglong ito.”

Tumataas na Halaga ng Katarungan

Ang mga taga-Canada ay nagbayad ng “mataas na rekord na $7.7 bilyon noong nakaraang taon sa pulisya, mga hukuman, bilangguan at legal na tulong,” ulat ng The Toronto Star. Nangangahulugan ito na ang bawat Canadiano ay gumugugol ng $295 isang taon upang suportahan ang sistema ng hustisya. Sa kabila ng malaking ginugol na salapi, “ang bilang ng krimen ay tumaas ng 32 porsiyento,” sabi ng Star. Ang bilang ng mga bilanggo ay dumami ng 37 porsiyento sa pagitan ng 1981 at 1987. Nagkokomento tungkol sa mataas na halaga ng katarungan, ang ehekutibong direktor ng John Howard Society ng Toronto, si Sherry Kulman, ay nagsabi: “Ang pitong bilyon ay malaking salapi at ako’y talagang nagtataka kung bakit ang mga tao’y hindi nagsasabing ‘teka muna, ano ba ang nangyayari rito?’ ” Sabi pa niya: “Hindi ba panahon na upang matanto ng mga tao na ang sistema ay hindi gumagana?”

Sasakyang Naibabalik sa Pamamagitan ng Satelayt

Habang ang pagha-hijack ng sasakyan ay umaabot sa seryosong mga kasukat sa Timog Aprika, ang pinakabago sa hanay ng mga pagbabago upang maibalik ang mga sasakyan na kinuha ng mga hijacker at mga magnanakaw ay ang pagsubaybay ng satelayt. Ipinaliliwanag ng The Star, isang pahayagan sa Johannesburg, na minsang maikabit ng tsuper ang sistema, kailangan lamang paandarin niya ang isang transmiter sakaling ang sasakyan ay ma-hijack o manakaw. Ang sasakyan ay saka susubaybayan ng satelayt at ang kinaroroonan nito ay makikita sa iskrin ng computer sa isang “control room kung saan ito ay ipinakikita bilang isang ‘bleep’ sa mapa.” Ang control room naman, ay magbibigay ng hudyat sa helikopter o sa mga yunit ng seguridad sa lupa, na hahabol sa sasakyan. Susog pa ng report: “Ang mga pagsubok ng piloto ay nagpapatunay na ang sasakyan ay maaaring matunton . . . sa loob ng 15 minuto, at ang dami ng naibabalik na sasakyan ay 95 porsiyento.”

Droga sa Paaralan

Paano ba naipakikilala ang droga sa mga kabataan sa paaralan? “Ang mga droga ay hindi dumarating sa mga paaralan sa pamamagitan ng mga estranghero, kundi sa pamamagitan ng mga estudyante mismo,” sabi ni Abílio Pereira, hepe ng pulis sa Rio Grande do Sul, Brazil. “Walang sinuman ang tatanggap ng droga buhat sa isa na hindi kakilala.” Susog niya: “Dati-rati’y nasusumpungan ko ang marijuana sa mga batang lalaki na 17-anyos. Ngayon ay problema na namin ang mga 12- at pati na ang mga 10-anyos na batang lalaki.” Sa umpisa, ang mga droga ay maaaring ibigay nang libre sa masayang kapaligiran, subalit minsang ang mga kabataan ay magumon na, sila ay sinisingil na ng mga negosyante. “Walang paaralan kung saan hindi nakakapasok ang mga droga,” sabi ni Alberto Corazza, pandistritong hepe ng pulis sa São Paulo. Sabi ng magasing Veja: “Kailanman ay hindi pa naging napakadaling bumili ng mga droga sa mga paaralan, kailanman ay hindi pa naging napakalawak ng sakop ng mga negosyante ng droga sa mga estudyante at kailanman ay hindi pa naging napakahirap sugpuin ang ganitong kalakal.”

Inihambing na mga Paggamot

Ang mga pasyenteng may taning na ang buhay dahil sa kanser na ginagamot sa karaniwang paggamot ay walang pinag-iba sa ginagamot sa di-karaniwang paggamot, sabi ng isang pag-aaral na inilathala sa The New England Journal of Medicine. Mahigit na 150 pasyente ng kanser na ang katamtamang taning ng buhay ay isang taon o wala pa ang ginamit sa pag-aaral. Ang kalahati ay tumanggap ng tradisyunal na mga paggamot, gaya ng chemotherapy at radyasyon, samantalang ang kalahati ay ginamot sa pamamagitan ng pagpapakain ng gulay, paglabatiba ng kape, at mga bakuna na nilayon upang pakilusin ang sistema ng imyunidad. Ang mga pasyente ay may malaláng kanser sa bagà, sa colon, sa lapay, o melanoma. Pagkatapos ng isang taon, mahigit na kalahati na lamang ng mga pasyente sa bawat grupo ang buháy, at 15 porsiyento pagkalipas ng dalawang taon. “Malinaw na ipinakikita ng mga resulta na para sa mga pasyenteng may malaláng kanser ang aming paggamot ay malamang na hindi upang pahabain ang buhay,” sabi ni Dr. Barrie Cassileth, ang awtor ng artikulo. “Kailangang itanong natin kung paano gagawing pinakamaginhawa ang mga taong ito, at sa ilang kaso iyan ay maaaring mangahulugan ng walang anumang paggamot.”

Napakalinis?

Nang ang tangker na Exxon Valdez ay sumadsad sa baybayin ng Alaska, ang tumapong langis ay pumatay ng maraming hayop​—sa pinakahuling bilang ay 580,000 ibon, 5,500 sea otter, at 22 balyena. Bagaman may usap-usapan tungkol sa permanenteng pinsala, na hindi totoo, sabi ng National Oceanic and Atmospheric Administration, ang karamihan ng mga hayop ay magbabalik sa loob ng limang taon. “Ang panunumbalik sa dating kalagayan ay maaari sanang mas mabilis kung ang ilang tabing-dagat ay hindi binomba ng mga jet ng mainit na tubig bilang isang paraan upang pahinahunin ang reklamo ng bayan,” ulat ng magasing Fortune. “Ipinakikita ng mga pag-aaral ng ahensiya na mas maraming maliliit na organismo ang namamatay mula sa mainit na tubig kaysa langis.” Sang-ayon sa pinunong siyentipiko na si Sylvia Earle, “kung minsan ang pinakamahusay, at balintuna ang pinakamahirap, na bagay na dapat gawin sa harap ng isang ekolohikal na sakuna ay pabayaan na lamang ito.”

Mas Maraming Baraks Kaysa Ospital

Ang mga gobyerno sa buong daigdig ay gumugugol ng 5.4 porsiyento ng kanilang pangkabuuang produktong pambansa sa mga gawaing militar subalit gumugugol ng 4.2 porsiyento lamang sa pangangalaga sa kalusugan, ulat ng Demos, isang buletin na lathala ng Dutch Inter Demographic Institute. Ang katumbasan sa nagpapaunlad na mga bansa ay lalo pang di-timbang: 5.6 porsiyento para sa depensa subalit 1.4 na porsiyento lamang para sa medikal na pangangalaga. Ang mga gobyerno sa Timog-silangang Asia, sabi ng Demos, ay nangunguna sa listahan sa paggasta ng pitong ulit na mas marami sa militar kaysa sa kalusugan.

Mga Problema sa Pampahalumigmig

“Grabeng mga problema, gaya ng lagnat dahil sa pampahalumigmig, isang tulad-trangkasong sakit na nakaaapekto sa mga grupo ng tao sa mga opisina, ay maaaring iugnay sa maraming pampahalumigmig kung saan naiipon ang tubig at nagtitipon ng mga organismo,” ulat ng The Medical Post ng Canada. Ang mga pampahalumigmig sa tahanan ay naghaharap ng katulad na mga panganib kapag dumarami ang baktirya at halamang-singaw (fungi) sa hindi umaagos na tubig na sa dakong huli’y iwiwisik sa hangin. Sa The Medical Post, iminungkahi ng isang dalubhasa na kapag pinahahalumigmig ang hangin para sa medikal na mga dahilan, dapat isaalang-alang ng mga pasyente ang “pagkahalumigmig sa isang silid na likha ng singaw, pati na ang isang bagay na payak na gaya ng pagpapanatili ng isang kaldero ng kumukulong tubig sa kalan.”

Pambulsang Elektronikong mga Bibliya

“Sa ngayon, sa daigdig ng elektroniks, ang maliit ay maganda,” ulat ng Newsweek. Kabilang sa pinakabagong hawak-sa-kamay na mga aparato ay ang tatlong $400 bersiyon ng Bibliya, kasama na ang mga edisyon ng Revised Standard at King James, na ginawa ng isang kompaniya sa New Jersey, E.U.A. “Bakit kailangang gumugol ng $400 para sa isang Bibliya?” tanong ng Newsweek. “Sapagkat ito ay may istilong-makinilya na mga tipo at may ilang talino.” Ang nakalimutang kasulatan ay maaaring masumpungan sa pamamagitan ng basta pagmamakinilya ng ilang susing salita na maaaring matandaan. “Maaaring tinamaan [ng kompaniya] ang pamilihan ng makalilimuting-klero,” sabi ng artikulo. “Ito’y nakapagbenta na ng 50,000 elektronikong mga Bibliya sa loob ng anim na buwan.”

Kahiya-hiyang Pagkakamali sa Pagpepetsa

Labing-isang taon na ang nakalipas, isang artistikong lola sa Timog Aprika, si Joan Ahrens, ay gumawa ng ilang magagandang painting na ginagamit ang mga bato bilang kaniyang mga canvas, ginagaya ang tradisyunal na sining ng mga katutubong tao. Nang maglaon, isa sa mga batong pinintahan niya ay napulot sa damuhan malapit sa kaniyang dating tahanan sa lungsod ng Pietermaritzburg. Sa wakas ito ay napasakamay ng kurador ng museo ng lungsod. Hindi alam ang pinagmulan ng bato ng sining na ito, ito ay pinapetsahan ng kurador sa Inglatera sa pamamagitan ng radio carbon accelerator unit ng Oxford University. Tinaya ng mga dalubhasa na ang painting ay 1,200 taóng gulang! Bakit ang gayong kahiya-hiyang pagkakamali? “Napatunayan na,” ayon sa ulat sa Sunday Times ng Timog Aprika, “na ang pinturang langis na ginamit ni Mrs. Ahrens ay naglalaman ng likas na mga langis na naglalaman ng carbon​—ang tanging bagay na pinetsahan ng Oxford.”

Ang Kabayaran ng Panlilinlang at Panununog

Ang panlilinlang sa pamamagitan ng mga credit card ay nagkakahalaga ng £75 milyon ($150 milyon, U.S.) sa mga bangko at negosyo sa Britaniya sa isang taon, ayon sa The Times ng London. Gayunman kahit na ang halagang ito ay maliit pa kung ihahambing sa tinatayang halaga ng panununog: £500 milyon ($1,000 milyon) noon lamang 1990, nang ang kabuuang pagkalugi dahil sa sunog ay umabot sa isang rekord na £1,000 milyon ($2,000 milyon). Bagaman ang bandalismo ng mga lalaki mula sa gulang na 10 hanggang 25 taon ang pinakakaraniwang sanhi ng panununog, hanggang 20 porsiyento ng mga kaso ng panununog ay dahil sa panlilinlang​—ang mga negosyo, kotse, at mga tirahan ay sadyang sinusunog upang makuha ang bayad ng seguro. Isinisiwalat din ng bilang ng Home Office ng Britaniya na 1,008 mga paaralan ay sadyang pininsala o sinira sa pamamagitan ng panununog noong taóng 1988, ulat ng The Times.