Pagpapalaki ng mga Anak sa Buong Daigdig—Pangangalaga sa mga Anak na Taglay ang Pag-ibig, Disiplina, Halimbawa, at Espirituwal na mga Pamantayan
Pagpapalaki ng mga Anak sa Buong Daigdig—Pangangalaga sa mga Anak na Taglay ang Pag-ibig, Disiplina, Halimbawa, at Espirituwal na mga Pamantayan
ANG mga magulang buhat sa ilang bansa ay nagpadala ng mga report tungkol sa kanilang matagumpay na pagpapalaki ng mga anak mula sa pagkasanggol hanggang sa pagkatinedyer. Sila’y pawang mga Saksi ni Jehova, at sa gayon ang kanilang mga ulat ay nagdiriin sa pangangailangan ng pagbibigay-pansin sa apat na larangan na itinala sa titulo sa itaas. Ang mga sinipi na inilathala rito ay nagpapabanaag ng ilan lamang magkakaibang aspekto ng pagsasanay sa pamilya na sinunod nila.
Mula sa Hawaii
“Gaya ng sinasabi sa atin ng Bibliya, ang pag-ibig ang ‘pinakadakilang’ katangian. Ang pag-ibig sa lahat ng mahalagang aspekto nito ay dapat na makita sa lahat ng panahon sa tahanan at sa pamilya. Taglay namin ni Carol ang maka-Diyos na katangiang ito sa aming pagsasama bilang mag-asawa. Kami’y malapít sa isa’t isa. Gusto naming magkasama sa tuwina. Naniniwala akong ang mahalagang susi sa matagumpay na pagpapalaki-ng-anak ay ang maligayang pagsasama ng mag-asawa.
“Natatandaan ko pa hanggang ngayon ang matinding damdamin na nag-umapaw sa aking puso noong mga araw at
linggo pagkasilang ng aming panganay. May pagkamangha sa pasimula ng isang bagong nabubuhay na nilalang. Natatandaan ko pang nakita si Carol na tuwang-tuwa at kontento habang pinasususo ang sanggol na si Rachel. Naliligayahan ako para sa kaniya, ngunit nakadama rin ako ng kaunting hinanakit, kaunting pananaghili. Si Carol ay napapalapit kay Rachel, ngunit ano naman ang kaugnayan ko sa bagong silang na sanggol? Para bang ako’y itinulak—marahan gayumpaman ay itinulak—sa labas ng aming pamilya. Sa tulong ni Jehova ay nasabi ko ang aking mga nadarama at pagkabahala kay Carol, at pinakitaan niya ako ng maraming simpatiya at alalay.“Mula noon naging mas malapít ako sa aming bagong silang na sanggol sa pamamagitan ng pagtulong sa lahat ng mga gawain para sa bata, pati na sa ilang hindi kanais-nais na gawain—ang paglalaba ng maruming lampin ay isang pambihirang karanasan, sabihin pa! Nagkaroon pa kami ng limang mga anak pagkatapos ni Rachel. Si Rebecca, ang bunso, ay walong taon na. Kami’y nagdaos ng personal, indibiduwal na mga pag-aaral sa Bibliya sa bawat isa sa aming mga anak.
“Isang bagay pa tungkol sa maagang pagpapalaki ng bata. Kami ni Carol ay nasisiyahan sa pakikipag-usap sa aming mga sanggol mula sa kanilang pagsilang. Ipinakikipag-usap namin ang tungkol sa lahat ng bagay. Kung minsan pinag-uusapan namin ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang maganda, kahanga-hangang mga gawa. Kung minsan naman ay pinag-uusapan namin ang tungkol sa nakatutuwa, nakatatawang mga bagay. Mangyari pa, sinisikap naming ituro sa kanila ang isang bagay, subalit higit pa riyan kami ay basta nagkakaroon ng kaaya-aya, mahinahon, simpleng panahon na magkakasama. Naniniwala akong ang mga pag-uusap na iyon ay nakatulong nang malaki sa pagbubuklod ng magulang-anak. Walang alinlangan na ito’y nakatulong na lumikha ng mabuting komunikasyon na umiiral sa aming pamilya.
“Itinuro sa amin ni Jehova ang mas mahalagang espirituwal na mga bagay, ang pagbibigay ng aming sarili. Kami ni Carol ay hindi kailanman nagkaroon ng saganang materyal na bagay, subalit kailanman ay hindi namin hinangad o hinanap ito. Kung ginugol namin ang marami sa aming panahon sa pagpapaalipin sa mga kayamanan, hindi kami magkakaroon ng sapat na panahon upang italaga kay Jehova at sa aming pamilya. Tama ang aming pinili.” (Kasunod ang komento ni Carol.)
“Sa palagay ko ang pag-aalaga sa inyong mga anak ay nakatutulong nang malaki sa pagbubuklod ng mga sanggol sa kanilang mga ina. Gumugugol ka ng malaking panahon sa pagyapos at pagkarga sa iyong sanggol anupa’t hindi mo maiiwasan na maging malapít. Hindi maiwan-iwan ng ina ang sanggol ng mahigit na dalawa o apat na oras. Kami ni Ed ay napakaistrikto tungkol sa pag-iiwan ng aming mga anak sa mga yaya. Sa tuwina’y gusto kong maturuan ang aking mga anak at masdan sila habang sila’y nagsisilaki. Kaya noong panahon na maliliit pa sila, hindi ako pumasok ng trabaho. Sa palagay ko ito’y nakatulong sa kanila na matanto kung gaano sila kahalaga sa amin. Wala nang mas mahalaga pa kaysa ang iyong pagkanaroroon sa bahay. Lahat ng materyal na bagay na makukuha mo sa pagpasok sa trabaho ay hindi hahalili sa iyo.
“Ang mga taon ng pagkatinedyer ay mahirap lamang sapagkat kailangan kong makibagay sa nagsisilaking mga bata. Napakahirap batahin, na matanto na hindi na nila ako gaanong kailangan at sila’y hindi na umaasa sa iba. Nakatatakot na panahon ito, at sinusubok nito ang lahat ng ginawa mong pagtuturo, pagdisiplina, at paghubog. Talagang huli nang magsimula kung sila ay mga tinedyer na. Huli na sa panahong iyon na sikaping turuan sila tungkol sa mga moral, sa pag-ibig sa sangkatauhan, at lalo na sa pag-ibig kay Jehova. Ang mga bagay na ito ay dapat ikintal mula sa pagsilang patuloy.
“Mayroon kang 12 taon upang gawin ang iyong gawain bago dumating ang mapanganib na mga panahon ng pagkatinedyer. Subalit kung ikaw ay gumawang masikap upang ikapit ang mga simulain ng Bibliya, panahon na upang umani ng kagalakan at kapayapaan kapag sila’y nagpasiyang nais nilang paglingkuran si Jehova mula sa puso.”—Edward at Carol Owens.
Mula sa Zimbabwe
“Ang aming mga anak ay ‘isang mana buhat kay Jehova.’ Gayon ang sabi ng Bibliya sa Awit 127:3. Ang pag-iingat nito sa isipan ay nakatulong sa amin bilang mga magulang na gawin ang lahat ng aming makakaya sa pangangalaga sa manang ito. Isa sa pangunahing pagsisikap sa aming pamilya ay ang paggawa ng mga bagay na sama-sama—pananalanging sama-sama, pag-aaral ng Bibliya na sama-sama, pagsamba na sama-sama, paggawang sama-sama, pagdalaw sa mga kaibigan na sama-sama, paglalarong sama-sama.
“Kung minsan ay kinakailangan ang disiplina. Minsan ang aming anak na lalaki, na tinedyer, ay ginabi ng uwi sa bahay. Kami’y nag-alala. Siya ay para bang umiiwas. Inaakala naming may problema siya, subalit ipinasiya naming isaisang-tabi ang bagay na ito at ipagpabukas na lang. Noong bandang hatinggabi nakarinig kami ng katok sa pinto ng aming silid. Ito ang aming anak na lalaki, na umiiyak.
“ ‘Itay, Inay, hindi po ako makatulog sa nakalipas na apat na oras, kasi po hindi ako nakinig sa inyo nang payuhan ninyo ako mula sa Bibliya tungkol sa masasamang kasama. Pagkatapos po ng klase namin kanina ay ginipit po ako ng ilang bata na sumama sa kanila sa paglangoy, at ang isa sa mga bata ay hinila ako sa ilalim ng tubig. Kung hindi po ako tinulungan ng isa pang bata, malamang na ako po’y nalunod. Tinawanan nila ako at tinawag akong duwag. Diretso po akong umuwi ng bahay, subalit nanatili po ako sa labas ng bahay dahil sa ako po’y nakadama ng pagkakasala. Ikinalulungkot ko po na hindi ako nakinig sa inyo nang babalaan ninyo ako tungkol sa masasamang kasama, gaya ng ipinakikita sa Bibliya.’—1 Corinto 15:33.
“Umiyak siya at umiyak din kami. Kami’y natutuwa na siya’y natuto ng leksiyon, subalit dinisiplina namin siya upang lalo pang mapakintal ito sa kaniya. Ang Exodo 34:6, 7 ay nagpapakita na si Jehova ay maawain at nagpapatawad ng mga kasalanan, subalit ‘hindi niya aariing walang sala ang salarin.’ ”—David at Betty Mupfururirwa.
Mula sa Brazil
“Ako’y isang biyuda at kailangan kong palakihin ang aking anak na lalaki sa ganang sarili. Kasabay nito, ako’y nagtatrabaho bilang isang guro. Hindi madaling magturo at magdisiplina ng mga bata. Ang kinakailangan ay maliwanag na instruksiyon, timbang na disiplina, at mabuting halimbawa sa bahagi ng mga magulang. Mahirap para sa akin na maging matatag at kasabay nito ay maawain. Kailangang magkaroon ako ng sining ng pakikinig, pakikinig na may simpatiya. Mahalaga na makipag-usap, hindi lamang magsalita, kundi isangkot ang bata, patugunin mo siya sa emosyonal na paraan. Sinikap kong ipadama sa kaniya na bahagi siya ng pamilya sa pamamagitan ng pagsasangkot sa kaniya sa badyet ng pamilya. Kapag dumating ang kuwenta ng ilaw o kuwenta ng tubig, o kapag tumaas ang presyo ng mga damit o ng sapatos, pinag-uusapan naming magkasama ang mga bagay na ito.
“Mahalagang taimtim na purihin ang mga bagay na mahusay ang pagkakagawa. Habang bumabangon ang mga pagkakataon, ipinakikita ko sa kaniya ang halaga ng pagsunod sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos. Noong minsan, pagkatapos siyang payuhan ng ilang beses, kinailangang gamitin ko ang literal na pamalo. Napakasakit nito para sa akin, subalit, oh, anong laking pagpapala ang bunga! Sa yugto ng adolesente mayroon kaming maliligaya at malulungkot na panahon, subalit nakikita namin ang halaga ng pagtuturo at disiplina. Sinasabi niya sa akin ang kaniyang personal na mga problema at ipinahahayag ang kaniyang mga sentimiyento.
“Kailangan kong maging alisto upang mapanatili ko ang mabuting komunikasyon. Kaya sinikap kong huwag masyadong masangkot sa aking sekular na trabaho upang lagi akong may panahon sa aking anak na lalaki. Kapag may problema kami, sinisikap kong makinig nang husto, at sa tulong ni Jehova, napagtagumpayan namin ito. Ipinaaalam ko sa kaniya na ako man ay nagkakamali. Noong minsan ako’y galit na galit, at sinabi ko sa kaniya na ‘isara niya ang bibig niya.’ Sinabi niya sa akin na ang pagsasabi sa isa na ‘isara niya ang bibig niya’ ay nagpapakita ng kakulangan ng pag-ibig. Tama siya. Nang hapong iyon nag-usap kami nang matagal.”—Yolanda Moraes.
Mula sa Republika ng Korea
“Masigasig kong ikinapit ang mga simulain ng Bibliya sa aking buhay pampamilya. Ang Deuteronomio 6:6-9 ay lalo pang napakintal sa aking puso. Kaya sinikap kong makasama ng aking mga anak hangga’t magagawa ko, maging malapít sa kanila, ikintal ang mga simulain ng Salita ng Diyos sa kanilang mga isip at puso. Inanyayahan ko rin ang buong-panahong mga misyonero at mga miyembro ng pamilyang Bethel sa aming tahanan upang ang aking mga anak ay magkaroon ng ideya kung ano ba ang katulad ng buong-panahong paglilingkod.
“Ang unang bagay na dapat gawin ng mga magulang kapag ang mga bata ay lumilikha ng problema ay ipakita ang mga bunga ng espiritu. Madaling mabalisa sa mga bata at mawalan ng pagtitimpi. Gayunman, tayong mga magulang ay dapat na maging matiisin at magpakita ng huwarang paggawi. Mahalaga na igalang ang mga bata at bigyan sila ng pagkakataon na ipaliwanag ang situwasyon. Kung walang maliwanag na ebidensiya ng pagkakamali, kung gayong magtiwala sa kanila at laging palakasin ang loob nila. Kung kailangan mong disiplinahin ang isang bata, una muna’y makipagkatuwiranan sa kaniya, ipakita sa kaniya na ang ginawa niya ay mali, at ipakita kung paanong ang kaniyang kilos ay hindi nakalulugod kay Jehova at sa kaniyang mga magulang. Saka lamang magdisiplina. Kadalasan sasabihin ng mga anak kong lalaki pagkatapos nilang madisiplina: ‘Itay, hindi ko maintindihan ang sarili ko, kung bakit ba ako mapaghimagsik. Naging mangmang ako.’ Pinahahalagahan nila ang mga magulang na nagmamalasakit upang disiplinahin sila.
“Ang mga magulang ay dapat maging alisto sa pasimula ng isang masamang gawi. Nang ang panganay kong anak na lalaki ay ikatlong taon sa high school, narinig ko ang malakas na musika mula sa kaniyang silid. Natuklasan ko na siya ay sumali sa isang student discipline team (mas matanda, huwarang mga estudyante na nagpapayo sa iba pang estudyante), at siya’y nalantad sa mga impluwensiya ng sanlibutan. Nalaman ko na sa patuloy na panggigipit mula sa mga miyembro ng team at dahil sa pag-uusyoso, siya ay humitit ng tabako. Kami’y nangatuwiranan sa isa’t isa tungkol sa mga panganib
ng paninigarilyo, at naipasiya ng anak ko na siya ay magbibitiw na sa team, na ginawa naman niya. Upang punan ang dakong inawan ng pagbibitiw sa di kanais-nais na mga gawain sa paaralan, kami’y nagsaayos ng kasiya-siyang paglilibang na kasama ang mga miyembro ng pamilya at ng kongregasyon.“Sa katapusan, nais kong sabihin na ang pinakamahalagang bagay ay na ang mga magulang ay magbigay ng mabuting halimbawa. Lagi kong sinasabi sa aking dalawang anak na lalaki na nais kong maglingkod sa Diyos nang buong-panahon bilang isang ministrong nangangaral ng mabuting balita. Nang ang ikalawa kong anak na lalaki ay matapos na ng pag-aaral, ako’y nagretiro sa aking trabaho sa isang pagawaan ng seda at naging isang buong-panahong ministro. Nakita ng aking dalawang anak na lalaki ang aking determinasyon at tinularan nila ang aking halimbawa. Pagkatapos ng panahon ng paglilingkod sa bilangguan dahil sa isyu ng neutralidad, sila kapuwa ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod at nagpapatuloy hanggang sa araw na ito.”—Shim Yoo Ki.
Mula sa Sweden
“Kami’y nagpalaki ng pitong mga anak, limang lalaki at dalawang babae. Ngayo’y malalaki na, silang lahat ay aktibung-aktibo sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Mula sa murang gulang, ang mga bata ay dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon at sumama sa amin sa paglilingkod sa larangan. Hakbang-hakbang na natutuhan nila ang gawaing pangangaral—pagpindot sa doorbell, pagsabi ng kumusta, pagpapakilala, at pag-aalok ng isang handbill, pulyeto, o magasin. Nang sila’y mga bata pa, sila’y nagbibigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro.
“Kung minsan ang maseselang problema ay nangangailangan ng pantanging atensiyon. Sa panahong iyan mahalaga ang pagpapakita ng pag-ibig at pagtitiis—walang sigawan o away. Ang mga problema ay nilulutas sa pamamagitan ng pangangatuwiran at pagdiriin sa mga pangmalas ni Jehova. Sinanay namin sila sa mga bagay na may kinalaman sa pananalapi. Nang sila’y malaki na, sila’y nagtrabaho bilang tagapaghatid ng diaryo, pag-aani ng peat, paghahalaman, at iba pa. Ang pagdalaw nila sa kanilang mga lolo’t lola na malayo sa amin ay nagpangyari na mabatid nila ang mga suliranin ng nakatatandang mga tao at maging maawain sa kanila.
“Noong aming ika-30 anibersaryo ng kasal, tinanggap namin ang sumusunod na liham:
“‘Sa Aming Pinakamamahal na mga Magulang:
“‘MARAMING SALAMAT SA LAHAT! Ang mainit na pag-ibig na ibinigay ninyo sa amin, ang tunay na pananampalataya na ikinintal ninyo sa amin, ang kahanga-hangang pag-asa na ibinigay ninyo sa amin—ito’y hindi maaaring sukatin sa salita o sa salapi. Gayunman, inaasahan namin na sa pamamagitan ng munting alaalang ito, mauunawaan ninyo ang nadarama namin sa inyo, aming minamahal na ama at ina. [Lagda] Ang inyong mga anak.’
“Ginugunita ang lahat ng ‘20-taóng-proyektong’ ito, kami’y taimtim na nagpapasalamat kay Jehova, ang ating makalangit na Ama, na naging lubhang maawain sa amin.”—Bertil at Britta Östberg.
Sari-sari’t Kasiya-siyang Balita Buhat sa mga Magulang
“Ang nagpapasusong ina ay paraan ni Jehova upang ang sanggol ay maging malapit sa ina, ngunit maaari ring mapalapit ang ama sa pamamagitan ng silyang tumba-tumba. Nasisiyahan akong iduyan ang aming mga anak sa aking mga bisig at iniuugoy sila sa pagtulog halos gabi-gabi.”
“Bilang ama nila, hindi ako pisikal na nasasangkapan na pasusuhin ang aming mga anak, subalit ako’y naging malapit din sa kanila sa pagpapaligo sa kanila sa gabi. Para sa akin at sa kanila, ito ay panahon ng katuwaan!”
“Sa pana-panahon, inilalabas ko ang aming mga anak, nang isa-isa, upang kumain na kaming dalawa lamang. Naiibigan nila ang ‘one-on-one’ na panahong kasama ni Itay.”
“Sa paglipas ng panahon, unti-unti naming pinagkatiwalaan sila ng higit na kalayaan at mga pananagutan. Ang muwelyeng pigil-pigil ng isa sa kaniyang kamay ay dapat na dahan-dahang aryahan upang huwag itong umigkas nang walang kontrol.”
“Magpakita ng maraming pagmamahal. Walang bata ang namatay sa mga yapos at mga halik—subalit ang kanilang mga damdamin ay maaaring mamatay kung walang mga yapos at mga halik.”
“Maging matiisin, huwag mong lupigin ang kanilang espiritu. Huwag silang paulit-ulit na pagsabihan sa lahat ng panahon. Hayaang magkaroon sila ng pagpapahalaga-sa-sarili. Sa bawat pagpuna na ibinibigay mo ay magbigay ka ng apat na papuri!”
“Ibigay mo sa kanila ang pinakamahusay mong pagsisikap, upang gawin silang pinakamagaling.”
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga batang gaya ni Rebecca ay nangangailangan ng tunay na pagmamahal
[Larawan sa pahina 10]
Ang paggugol ng panahon sa paggawa ng mga bagay na magkasama ay makatutulong upang maging malakas ang buklod ng pamilya