Ang Mamahaling mga Pabangong Iyon
Ang Mamahaling mga Pabangong Iyon
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya
ANG unang tahimik na mga silahis ng bukang-liwayway ay nangangako ng isang kasiya-siyang tag-araw. Ang mga mamimitas ng bulaklak ay nagmamadaling nagtungo sa mga taniman ng jasmin. Ang delikadong puting mga bulaklak ay handa nang pitasin, at ang hangin ay humahalimuyak sa kanilang bango.
May kasanayang sinimulan ng mga manggagawa ang kanilang mahirap na gawain, ginagamit ang dalawang kamay. Hindi nagtagal ang kanilang malalaking bulsa ng epron ay punô ng mga bulaklak. Sila’y nagtatrabahong walang tigil, nakayuko sa mainit na araw ng tag-araw. Ang isang may karanasang manggagawa ay makapipitas ng hanggang apat na kilo (40,000 mga bulaklak) sa isang umaga. Ang kanilang ani ay saka inilalagay sa mga kahon at dali-daling dinadala sa pagawaan bago maglaho ang bango.
Ang bayan ng Grasse, malapit sa Nice, sa timog-silangan ng Pransiya, ay kilala sa mga pabango nito. Sa loob ng mahabang panahon, ang jasmin ang reyna ng mga bulaklak doon. Gayunman, nitong nakalipas na mga taon mas maraming jasmin ang itinanim sa Ehipto.
Nangangailangan ng 650 hanggang 750 kilo (halos pitong milyong bulaklak ng jasmin) upang makakuha ng isang kilo ng tinatawag na puro o dalisay, napakatapang na pabango, na nagkakahalaga ng $20,000 isang kilo sa Pransiya. Subalit paano ba nagagawa ang purong pabango?
Pagproseso sa mga Bulaklak at mga Halaman
Ang madaling sumingaw na mga panunaw (solvents), gaya ng benzene, ay kadalasang ginagamit upang kunin ang mahahalagang langis at magsilbing tagapagdala sa proseso ng pagkuha. Ang butas-butas na mga basket na yari sa metal na naglalaman ng mga bulaklak ay ibinababa sa panunaw. Ang panunaw ay tumatagos sa mga bulaklak at saka dinadalisay. Ang proseso ay inuulit hanggang sa maibigay na lahat ng mga bulaklak ang kanilang mabangong langis pati na ang hindi natutunaw na waks.
Sa ganitong paraan nakukuha ang isang malapot, matapang na produkto, na tinatawag na concrete o pinagsamang mga langis at waks na pabango. Ang puro ay ginagawa sa pamamagitan ng paghiwalay ng mga langis mula sa mga waks ng pabango. Ang prosesong binanggit sa naunang parapo na tinatawag na pagtunaw ay siyang ginagamit para sa mas delikadong mga uri ng bulaklak na gaya ng jasmin, rosas, mimosa, violeta, at asusena.
Ang madaling sumingaw na mga panunaw ay ginagamit din upang kunin ang mahahalagang langis mula sa tuyong mga halaman na gaya ng banilya at kanela, upang tunawin ang mga dagta na gaya ng mirra at galbanum, at mga sangkap na galing sa hayop na ginagamit bilang fixative. Pinababagal ng mga fixative ang pagsingaw ng mahahalagang langis upang tumagal ang bango.
Kabilang sa mga sangkap ng hayop na ginagamit bilang mga fixative ay ang ambergris buhat sa balyenang sperm, castoreum buhat sa beaver, musk buhat sa lalaking usang musk, at civet buhat sa pusang civeta ng Ethiopia. Gayunman, ang pambihira at mahal na mga fixative na ito ay hindi na mabili sa mga pamilihan.
Ang isa pang karaniwang proseso na ginagamit ay ang distilasyon sa pamamagitan ng singaw. Ang pamamaraang ito ay gumagamit ng distilerya at worm, na isang nakaikid na condensing tube, upang kunin ang mahahalagang langis na kailangang-kailangan ng manggagawa ng pabango. Ang distilasyon ay angkop sa mga halaman na gaya ng lavender at citronella na hindi nasisira sa singaw.
Ang mga bulaklak ay inilalagay sa distilerya, inilulubog sa tubig, at unti-unting pinakukulo. Ang singaw na nagdadala sa mahahalagang langis ay nagiging likidong muli kapag ito’y nagdaan sa kondenser. Ang pamamaraang ito ay umaani kapuwa ng mahahalagang langis at mabangong tubig, gaya ng rosas- o bulaklak-ng-kahel na tubig. Ang de kalidad na eau de cologne a ay naglalaman ng langis ng lemon, kahel, o bergamot. Ang mga langis na ito ay nakukuha sa pagpiga sa mga balat ng prutas.
Ginagamit pa rin ng industriya ng pabango ang daan-daang natural na mga produktong iyon. Subalit ngayon libu-libong sintetikong mga kahalili ay malawakang ginagamit din.
Sintetikong mga Sangkap
Sa nakalipas na dalawang siglo, ang mga tuklas tungkol sa kemikal na mababangong sangkap ay nakaragdag ng maraming kaalaman sa sining ng paggawa ng pabango. Halos 10,000 mabangong mga kemikal ang naitala hanggang sa kasalukuyan.
Ang pabango ng isang bulaklak ay isang pambihirang pagsasama ng maraming kemikal na sangkap. Halimbawa, ibinukod ng mga siyentipiko ang 200 sangkap na bumubuo ng natural na pabangong jasmin. Gayunman, sa pasimula ng ika-20 siglo, kalahati lamang ng mga sangkap na iyon ang nalalaman.
Kaya ang mga siyentipiko ay nagtrabaho upang makagawa ng bagong naibukod na mga sangkap. Kung minsan sila’y nakaimbento ng bagong mabangong mga kemikal na walang katulad sa kalikasan. Ang ilang bagong mga sangkap ay ginamit upang gumawa ng ilan sa pinakamabangong perpume sa daigdig.
Kadalasan nang nangangailangan ng mga taon ng pananaliksik upang makagawa ng isang sintetikong kemikal, at ito’y isang magastos na pamamaraan. Sa ilang kaso ang mga pamamaraang ito ay nakagawa ng aktuwal na pabango ng hindi pa napipitas na bulaklak, samantalang ang natural na mga langis ay nakukuha mula sa napitas nang mga bulaklak na nasira na.
Ganito ang sabi ni G. Jean de Lestrange, direktor ng Parfumerie Fragonard, sa Pransiya: “Kailangan ng industriya ng pabango ngayon ang sintetikong mga kemikal. Lahat ng natural na mahahalagang langis sa daigdig ay hindi makasasapat sa mga kahilingan ng internasyonal na pamilihan.” Subalit hindi pa ibinigay ng lahat ng bulaklak ang kanilang mga sekreto. Halimbawa, wala pang nakatutuklas ng sintetikong kahalili para sa tunay na bulaklak na lily of the valley.
“Mga Kompositor” ng Pabango
Ang isang pabango ay isang halo ng 30, 50, o 100 pa ngang iba’t ibang sangkap, ito man ay puro, mahahalagang langis, o sintetikong mga sangkap.
Subalit ang kuwento ng pabango ay hindi nagwawakas diyan.Hindi lamang dapat makilala ng dalubhasang manggagawa ng pabango ang lahat ng mga sangkap kundi dapat ay nalalaman din niya kung paano hahaluin ito ayon sa kaugnayan nito sa isa’t isa. Kailangang maging napakaingat niya sa mga kasukat at isaalang-alang kung ang mga sangkap ba ay magtatagal o hindi. Dapat na mayroon siyang natatanging talino, na nagpapangyari sa kaniya na makilala ang 3,500 iba’t ibang amoy na ginagamit sa paghahalo ng walang katapusang sarisaring pabango.
Mangyari pa, ang bawat dalubhasang manggagawa ng pabango ay kailangang sanayin. Kung isasaalang-alang natin ang masalimuot na mga sangkap ng tao sa pangamoy na binubuo ng sampu-sampung angaw na mga himaymay ng nerbiyos, hindi ito mahirap unawain. Ang bawat himaymay ay may kakayahang ihatid ang impormasyon na hiwalay sa iba. Sa kaniyang aklat na Le Parfum, ganito ang sabi ni Edmond Roudnitska: “Ang napakaraming posibleng mga kombinasyon ng angaw-angaw na tagapaghatid na mga himaymay . . . ay maaaring tumanggap ng walang takdang bilang ng mga mensahe sa pangamoy, ginagawang posible na . . . makilala nito ang pagkakaiba.”
Ang dalubhasang manggagawa ng pabango ay maihahambing sa isang musikerong nagbubulay-bulay sa isang tema, naririnig ang mga nota sa kaniyang isip bago isulat ito sa papel upang tugtugin sa isang instrumento. Sa gayunding paraan, ang manggagawa ng pabango, ang kaniyang “mga nota” sa kaniyang isip, ay isinusulat ngayon ang kaniyang pormula, handa na para sa pag-eeksperimento sa laboratoryo.
Nakaupo sa pantanging “organ” ng manggagawa ng pabango, na tinatawag ding palette, o teklado, kung saan nakalagay ang daan-daang maliliit na sisidlan ng mahahalagang langis, siya ay naghuhulog ng ilang miligramo ng mga produktong napili bilang mga sangkap sa makitid na pilas ng blotting paper. Bilang isang “kompositor” ng pabango, pinipili niya ang mga “notang” ito upang gumawa ng isang “akorde” na para bang siya’y gumagawa ng isang sinfonia (symphony).
Ang mga sangkap ay nagkakaiba-iba sa bilis nitong sumingaw, at kapag ang isang bote ng pabango ay binuksan, ang pinakamagaang, ang pinakamadaling sumingaw na bango, na tinatawag na
itaas na mga nota ay unang lumalabas. Kaakit-akit subalit panandalian lamang, ang dominanteng mga notang ito ay maaaring mga halimuyak ng cidro, gaya ng lemon o dalandan (maasim na kahel). Ipinagpatuloy ni Jean de Lestrange ang kaniyang paliwanag: “Ito ang pinakamahalaga at pinakadelikadong yugto sa paggawa ng isang pabango. Oo, kung ang itaas na mga nota ay hindi matagumpay, ang pabango ay magiging walang halaga. Ang halimuyak ay dapat na magkaroon ng kagyat na pang-akit.”Pagtatagal-tagal ay saka lamang lilitaw ang mas namamalaging gitnang nota, mga halimuyak na gaya ng rosas at jasmin. Sa wakas, ang ibabang mga nota na nagtatagal sa maghapon ay naaamoy. Inaayos nito ang halimuyak, at bagaman ang ginagamit nila noon ay mula sa hayop, ang gamit nila ngayon ay halos sintetiko.
Minsang mapili na ang mga sangkap, daan-daang mga eksperimento ang dapat isagawa upang makuha ang pinakamagaling na kombinasyon, maingat na tinitimbang at pinaghahalo ang mga sangkap ayon sa mga kasukat na itinatag ng dalubhasang manggagawa ng pabango. Kaya ang pabangong nakukuha ay maaari ring ihalo sa alkohol upang maging perpume at pabangong gamit pagkapaligo (toilet water).
Pagkatapos salain, lagyan ng tatak, at pangwakas na pagbabalot, ang mga paninda ay handa nang ibenta. Ang lahat ng masalimuot na pamamaraan ay nagpapaliwanag sa paano man kung bakit ang perpume ay napakamahal. “Sa paano man,” sapagkat sa maraming bansa ang mga perpume ay napakataas ng buwis, na nakadaragdag pa sa presyo.
Sa malapit na hinaharap, sa tulong ng isang programang tinutulungan ng computer na gagamitin sa perpumerya, pati na ang mga kontribusyon ng bayoteknolohiya, mapabibilis ang paggawa ng mahalimuyak na mga selula ng halaman nang hindi na kailangan pang hintayin na gumulang ang bulaklak. Tiyak na ito ay gagawa ng mga pagbabago sa industriya ng pabango.
Gayunman, ang paggawa ng isang mabangong perpume ay nananatiling isang gawa ng sining kung saan kailangang-kailangan ang talino ng dalubhasang manggagawa ng pabango. Kailangan lamang lingunin ng isa ang mahigit na isang dantaon ng pagsulong sa industriya ng pabango upang makumbinse na ang talino lamang ay nagpapaliwanag kung bakit ang ilang perpume na ginawa mahigit na 50 taon na ang nakalipas ay popular pa rin ngayon!
Pabango Noong Panahon ng Bibliya
Ang aklat ng Bibliya na Genesis ay nagsasaysay kung paanong si Jose ay ipinagbili sa isang pulutong ng mga Ismaelita na patungong Ehipto na may dalang mga “labdanum at balsamo at mirra,” mga sangkap na ginagamit upang gumawa ng pabango.—Genesis 37:25.
Nang maglaon ay isiniwalat ng Diyos kay Moises ang mga sangkap ng isang mabangong langis na panghirang na gagamitin sa paghirang ng mga saserdote at sa banal na mga kagamitan para sa pagsamba. Tinanggap din ni Moises ang pormula para sa mabangong kamangyan na susunugin sa umaga at gabi sa santuwaryo.—Exodo 30:7, 8, 22-30, 34-36.
Noong kaarawan ng mga hari ng Israel, ginagamit ng mga mayaman ang mga pabango upang pabanguhin ang kanilang mga bahay, damit, at mga supa. Ang mga manggagawa ng pabango noong una ay nagtatag pa nga ng mga pangkat ng mangangalakal. (Nehemias 3:8; Awit 45:8; Awit ni Solomon 3:6, 7) Ang tunay na nardo na ginamit ni Maria, ang kapatid ni Lazaro, upang ipahid sa paa ni Jesus ay nagkakahalaga ng halos isang taong sahod ng isang manggagawa sa bukid. (Juan 12:3-5) Oo, ang mamahaling mga pabango ay ginagamit na mula pa noong unang panahon!
[Talababa]
a Pranses para sa ‘tubig ng Cologne,’ Alemanya, kung saan naimbento ang mabangong espiritu.
[Kahon sa pahina 17]
Kung Paano Pipili ng Pabango Mo
Mag-isprey ng kaunting pabango sa likod ng iyong kamay nang hindi kinukuskos ito.
Hayaang sumingaw ang alkohol ng ilang segundo.
Amuyin. Sa ganitong paraan makikilala mo ang itaas na mga nota.
Kailangang maghintay ka ng kaunting panahon upang maamoy mo ang ibabang mga nota.
Kung inaakala mong ang pabangong ito ay hindi bagay sa iyo, maghintay ng kaunting panahon bago sumubok ng isa pa. Huwag kaligtaan na ang pabango ay isang “sinfonia.” Sino ang mag-iisip na makinig sa dalawang sinfonia nang minsan?
[Mga larawan sa pahina 15]
Antigong distilyerya na dating ginagamit sa distilasyon
Ang ‘teklado’ ng mga esensiya ng dalubhasang manggagawa ng pabango upang gumawa ng sarisaring pabango
[Credit Line]
Mga larawan: Sa kagandahang-loob ng Musée de la Parfumerie Fragonard, Paris
[Mga larawan sa pahina 16]
Ilang bulaklak na gamit sa perpumerya
Lavender
Jasmin
Mimosa