Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Mag-aaral ng Bibliya?

Bakit Mag-aaral ng Bibliya?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Bakit Mag-aaral ng Bibliya?

ANG pagbabasa sa buong Bibliya ay hindi isang maliit na bagay. Nagawa mo na ba ito nang minsan o marahil nang ilang beses? Ipinagmamalaki ng maraming tao ang paggawa ng gayon. Ang pagkasumpong ng panahon upang magbasa ng Bibliya ay dapat na manguna sa listahan​—at marahil ay dapat na numero uno—​sa ating listahan ng mga prayoridad sa buhay. Sa anong dahilan? Upang malaman ang pangunahing nilalaman ng pinakamalawak ang sirkulasyon na aklat sa buong kasaysayan, ang tanging aklat na matuwid na nag-aangking kinasihan ng Diyos.​—2 Timoteo 3:16.

Gayunman, higit pa ang magagawa ng isang tao kaysa basta basahin lamang ang Bibliya at alamin ang pangunahing mga punto nito. Naisin mo bang palugdan ang Diyos at tamasahin ang ganap na mga pakinabang ng mga turo ng banal na aklat na iyon? Kung gayon ay sundin mo ang payo na ibinigay ni apostol Pablo sa binatang si Timoteo: “Patuloy na magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo. Bulay-bulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng tao. Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito’y ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang mga nakikinig sa iyo.”​—1 Timoteo 4:13, 15, 16.

Ang gayong pagbubulay-bulay sa mga turo ng Bibliya at pagtatalaga rito ay nagsasangkot ng higit pa sa pagbabasa lamang ng Kasulatan. Ang pagbabasa ng Bibliya ay hindi garantiya sa ganang sarili na magagamit ng taong iyon nang wasto ang impormasyong nakuha niya, kung paanong ang basta pagbabasa ng isang aklat tungkol sa utak ng tao ay nagpapahintulot sa kaniya na maging isang seruhano sa utak. Kaya, pakinggan pa ang payo ni Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang buong kaya mo upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, isang manggagawa na walang anumang dapat ikahiya, na ginagamit nang tumpak ang salita ng katotohanan.”​—2 Timoteo 2:15.

Malawak na Pangmalas ng Pang-unawa

Ang matutuhang gamitin ang Salita ng Diyos nang may kasanayan ay nangangailangan ng pag-aaral. Kapag maingat na pinag-aralan ng isang tao ang Bibliya, isinasaalang-alang ang sinasabi nito, inuunawa ito, binabasa ang mga talata sa konteksto, inuunawa ang kasaysayan nito, kung gayon ang di-inaasahang mental na mga pangmalas at pang-unawa ay maaaring mabuksan sa kaniya. Siya ngayon ay personal na nakikinabang mula sa Salita ng Diyos.

Kumuha tayo ng isang halimbawa na nagpapakita na sa basta pagbabasa ng isang bahagi ng Kasulatan, maaaring hindi natin maunawaan ang kahulugan ng kung ano ang sinasabi malibang basahin natin ang konteksto. Sa Gawa 17:11 ay mababasa natin ang tungkol sa mga tao sa Griegong lungsod ng Berea, hindi kalayuan sa Tesalonica: “Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita nang buong pagsisikap, at maingat na sinusuri ang mga Kasulatan sa araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito.”

Sa unang tingin ay baka maghinuha tayo na ang mga Kristiyano sa Berea ay mas palaaral kaysa roon sa mga taga-Tesalonica. Gayunman, pansinin ang talatang 10 ng Gawa kabanata 17 na nang sina Pablo at Silas ay dumating sa Berea ay nagtungo sila sa “sinagoga ng mga Judio” upang ipangaral ang Salita ng Diyos. At ang Gawa 17 talatang 12 ay nagsasabi na “marami sa kanila [mga Judio] ay nagsisampalataya.” Ang talatang iyan ay tumutulong sa atin na marating ang ibang konklusyon. Sinasabi sa atin ng banal na ulat na hindi ang mga Kristiyano ang pinaghahambing sa isa’t isa sa dalawang lungsod na ito, kundi, bagkus, ito’y ang mga Judio sa mga dakong iyon.

Karagdagan pa, napansin mo ba kung ano ang gumawa sa mga taga-Berea na mas marangal? Maingat nilang sinusuri ang mga Kasulatan. Si Propesor Archibald Thomas Robertson, nagkokomento sa mga salitang ito sa Word Pictures in the New Testament, ay sumulat: “Detalyadong ipinaliwanag ni Pablo ang mga Kasulatan sa araw-araw gaya sa Tesalonica, subalit ang mga taga-Berea, sa halip na magalit sa kaniyang bagong interpretasyon, ay sinuri (anakrinō ay nangangahulugang bistayin, gumawa ng maingat at tamang pananaliksik na gaya ng ginagawa sa legal na pamamaraan . . . ) ang mga Kasulatan para sa kanilang sarili.” Ang kanilang pagsusuri ay hindi pahapyaw lamang. Ang mga Judiong iyon sa Berea ay maingat na nagsuri upang patunayan na ang itinuturo nina Pablo at Silas na mula sa mga Kasulatan tungkol kay Jesus bilang ang malaon nang ipinangakong Mesiyas ay totoo.

Kaya nga, tinutularan ang halimbawa ng sinaunang mga taga-Berea, mahalaga na hindi lamang natin basahin ang Salita ng Diyos kundi pag-aralan din ito​—“maingat na sinusuri ang mga Kasulatan”—​upang maunawaan ang sinasabi nito. Sa ganitong paraan maaari nating pasidhiin ang pagpapahalaga natin sa Bibliya, at tayo man ay magiging, gaya ni Timoteo, mga taong ‘maililigtas ang ating sarili at pati ang nakikinig sa atin.’ Bakit? Sapagkat, bukod sa pagbabasa ng Kasulatan, pinag-aaralan natin ito upang ating sundin kung ano ang ating natutuhan.​—Kawikaan 3:1-6.

Pinagmumulan ng Tunay na mga Pamantayan at Hula

Isaalang-alang natin ang dalawa pang dahilan upang mag-aral ng Bibliya. Ang Bibliya ay nangunguna sa pagbibigay ng moral at etikal na mga pamantayan. Maraming taon na ang nakalipas, isang Amerikanong tagapagturo ang nagsabi ng ganito: “Naniniwala akong ang kaalaman tungkol sa Bibliya nang walang kurso sa kolehiyo ay mas mahalaga kaysa isang kurso sa kolehiyo nang walang Bibliya.” Upang ang kaalaman sa Bibliya ay maging yaman mo, ang motibo mo sa pag-aaral ng Kasulatan ay dapat na upang ikapit ang mga alituntunin at mga turo nito sa iyong pang-araw-araw na buhay upang gawin ka nitong mas mabuting tao, ‘isa na ginagamit nang tumpak ang salita ng katotohanan.’​—2 Timoteo 2:15; Kawikaan 2:1-22.

Isa pa, sa mga pahina ng Bibliya ay masusumpungan ang mga hulang kinasihan ng Diyos na natupad na sa kasaysayan at ang iba ay natutupad sa ating dantaon. Ang pag-aaral sa mga hula ng Bibliya ay tutulong sa isang tao na maunawaan ang kahulugan ng kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig​—mga digmaan, taggutom, pagkakawatak-watak ng pamilya, mararahas na krimen—​at kung paano iiwasang masilo ng pagkabalisa dahil dito. (Lucas 21:10, 11, 25-28) Kaya, tayo’y naliliwanagan ng mga sagot ng Diyos sa kasalukuyang-panahong mga problema, mga sagot na nagsisiwalat kung saan na tayo naroroon sa agos ng panahon at kung paano tayo matagumpay na makapagpaplano para sa hinaharap. Ang mga kasagutang iyon ay dumarating sa atin sa pamamagitan ng uring ‘tapat at maingat na pinahirang alipin,’ na ginagamit ang Samahang Watchtower bilang tagapaglathala nito.​—Mateo 24:45-47; 2 Pedro 1:19.

Ang Awit 119:105 ay nagsasabi: “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan.” Samakatuwid, ang mga taong regular na nag-aaral ng mga salita ng karunungan na masusumpungan sa Bibliya at na ikinakapit ito ay mapapabilang doon sa makauunawa ng kalooban at layunin ng Diyos at, sa gayon, ay magkakaroon ng naiilawang landas na pumapatnubay sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa mahirap na kalagayan ng moral ngayon.