Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isang Panahon ng Paggaling”

“Isang Panahon ng Paggaling”

“Isang Panahon ng Paggaling”

Si Ann ang hingahan ng problema ng lahat; isang tagasagip ng lahat na may problema. Matatag at mukhang hindi nagkakamali, walang nakaaalam na siya ay may lihim na mga sugat ng damdamin, hanggang isang araw ay maalaala niya ito. “Nasa trabaho ako,” gunita ni Ann, “nagsimula akong makadama ng kirot at matinding damdamin ng kahihiyan. Halos hindi ako makatayo! Mga ilang araw akong nagdusa. Naalaala ko ang pag-abuso sa akin ng aking amaín​—oo, ito’y panghahalay. At hindi niya ito ginawa nang minsan lamang.”

MAY “panahon ng pagpapagaling.” (Eclesiastes 3:3) At para sa maraming biktima ng pag-abuso sa pagkabata​—gaya ni Ann—​ang paggunita sa malaon nang inilibing na mga alaala ay isang mahalagang bahagi ng pagpapagaling.

Paano, kung gayon, malilimutan ng sinuman ang isang bagay na traumatiko na gaya ng seksuwal na pagsalakay? Isip-isipin kung gaano kawalang kaya ang isang bata laban sa seksuwal na pagsalakay ng isang ama o ng ibang malakas na adulto. Hindi siya makatakbo. Hindi siya nangangahas na sumigaw. At hindi siya nangangahas na sabihin ito​—sa kanino man! Gayunman, maaaring kailangan niyang harapin ang kaniyang mang-aabuso araw-araw at kumilos na parang walang nangyari. Ang pagpapanatili ng gayong pagkukunwari ay mahirap para sa isang adulto; halos imposible ito sa isang bata. Kaya gumagamit siya ng katakut-takot na imahinasyon na ipinagkaloob sa mga bata at mental na tumatakas! Nagkukunwa siya na ang pag-abuso ay hindi nangyari, binubura niya ito sa isipan o ginagawa niyang manhid dito ang kaniyang mga pakiramdam.

Sa katunayan, sa pana-panahon, inaalis natin sa ating isipan ang mga bagay na ayaw nating makita o marinig. (Ihambing ang Jeremias 5:21.) Subalit ginagamit ng mga biktima ng pang-aabuso ang kakayahang ito bilang isang paraan upang makaligtas. Ang ilang biktima ay nag-uulat: “Nagkunwa akong ito’y nangyayari sa iba at ako ay isa lamang nanonood.” “Nagkunwa akong ako’y natutulog.” “Mental kong tinutuos ang mga problema sa math.”​—Strong at the Broken Places, ni Linda T. Sanford.

Hindi kataka-taka, kung gayon, ang aklat na Surviving Child Sexual Abuse ay nagsasabi: “Tinatayang hanggang 50 porsiyento ng mga nakaligtas sa seksuwal na pag-abuso sa bata ay walang kabatiran sa mga karanasang ito.” Gayunman, maaaring nagugunita ng iba ang pag-abuso mismo subalit inaalis ang mga damdamin na nauugnay rito​—ang kirot, ang matinding galit, ang kahihiyan.

Pagsupil​—Pagpupunyagi sa Isipan

Kung gayon, hindi ba mabuti na panatilihing nakabaon ang mga bagay na ito​—na basta kalimutan na lamang ito ng mga biktima? Maaaring gawin iyon ng iba. Hindi ito basta malilimot ng iba. Gaya ng sinasabi sa Job 9:27, 28: “Kung ako’y ngingiti at kalilimutan ang aking kalungkutan, lahat ng aking pagdurusa ay sasagi na lagi sa aking isip.” (Today’s English Version) Ang pagsupil sa nakatatakot na mga alaala ay isang nakapapagod na pagsisikap ng isipan, isang masidhing pagpupunyagi na maaari pa ngang magkaroon ng malubhang pinsala sa kalusugan.

Habang tumatanda ang biktima, ang mga panggigipit sa buhay ay kadalasang nagpapahina sa kaniyang kakayahang sugpuin ang nakaraan. Ang amoy ng pabango, isang pamilyar na mukha, isang nakagugulat na tunog, o kahit na ang pisikal na pagsusuri ng isang doktor o ng isang dentista ay maaaring pagmulan ng isang nakatatakot na pagsalakay sa mga alaala at damdamin. a Hindi ba dapat ay basta gumawa siya ng pagsisikap na makalimot? Hindi, sa puntong ito maraming biktima ang nakasumpong ng ginhawa sa pagsisikap na maalaala! Ganito ang sabi ng isang babaing nagngangalang Jill: ‘Minsang ang mga alaala ay mailabas sa isipan, nawawalan ito ng lakas. Mas mahirap at mas mapanganib itong panatilihin sa isipan kaysa alisin ito sa isipan.’

Ang Halaga ng Pagkilala

Bakit gayon? Sa isang bagay, ang pag-alaala ay nagpapangyari sa isang biktima na magdalamhati. Ang dalamhati ay isang likas na reaksiyon sa trauma; tumutulong ito upang makabawi mula sa nakababahalang pangyayari at patuloy na mabuhay. (Eclesiastes 3:4; 7:1-3) Gayunman, ang isang biktima ng pang-aabuso ay pinagkaitan ng pagkakataong magdalamhati, pinilit siyang tanggihan ang kaniyang kakila-kilabot na karanasan, pinilit siyang sugpuin ang kaniyang kirot. Ang gayong pagsugpo ay maaaring pagmulan ng tinatawag ng mga doktor na posttraumatic stress disorder​—isang manhid na kalagayan na walang anumang damdamin.​—Ihambing ang Awit 143:3, 4.

Habang nagbabalik ang alaala, maaaring maranasan muli ng biktima sa alaala ang pag-abuso. Ang ilang biktima ay pansamantalang nagbabalik pa nga sa tulad-batang kalagayan. “Kapag nagbabalik sa alaala ang nakaraan,” gunita ni Jill, “madalas akong magkaroon ng pisikal na mga sintomas. Kung minsan ang mga alaala ay masyadong mapaniil, para akong mababaliw.” Ang malaon nang pinigil na matinding galit sa pagkabata ay maaari ngayong lumitaw. “Ang pag-alaala ay nagtutulak sa akin sa panlulumo at galit,” sabi ni Sheila. Subalit sa ilalim ng pambihirang mga kalagayang ito, ang galit ay angkop. Ikaw ay nagdadalamhati, naglalabas ng kinimkim na matuwid na galit! May karapatan kang kapootan ang masamang gawa na ginawa laban sa iyo.​—Roma 12:9.

Sabi ng isang biktima ng pag-abuso: “Nang talagang maalaala ko, nagkaroon ako ng malaking ginhawa . . . Sa paano man alam ko kung ano ang pinagtatagumpayan ko. Kung paanong mahirap para sa akin na alalahanin ito, ibinalik naman nito sa akin ang bahagi ng buhay ko na naging nakatatakot sapagkat ito’y masyadong mahiwaga at misteryoso.”​—The Right to Innocence.

Ang pag-alaala ay maaari ring tumulong sa biktima na makita ang ugat ng ilan sa kaniyang mga problema. “Sa tuwina’y batid ko na mayroon akong matinding pagkapoot-sa-sarili at galit subalit hindi ko alam kung bakit,” sabi ng isang biktima ng insesto. Ang pag-alaala ay nakatulong sa marami na matanto na ang nangyari ay hindi nila kasalanan, na sila ay nabiktima.

Mangyari pa, hindi lahat ay madula o malinaw na natatandaan ang pag-abusong ginawa sa kanila na gaya ng iba. At karamihan ng mga tagapayo ay sumasang-ayon na hindi na kailangang gunitain ang lahat ng detalye ng pag-abuso sa isa upang gumaling sa mga epekto nito. Ang basta pagkilala na ang pang-aabuso ay nangyari ay maaaring malaking hakbang na tungo sa paggaling.​—Tingnan ang kahon sa pahina 9.

Pagkuha ng Alalay

Kung ikaw ay isang biktima ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata, huwag mong batahin ang nagbabalik na alaala sa ganang sarili. Nakatutulong na ipakipag-usap ang iyong mga damdamin. (Ihambing ang Job 10:1; 32:20.) Ang ilan na labis na nababalisa ay maaaring humingi ng tulong buhat sa isang kuwalipikadong doktor, tagapayo, o isang propesyonal sa kalusugan ng isip. Sa anumang kaso, ang isang pinagkakatiwalaang mga kaibigan, kabiyak, mga miyembro ng pamilya, o mga tagapangasiwang Kristiyano na mahabaging nakikinig at gumagalang ay maaari ring maging mahalagang mga alalay. b “Ang pinakamalaking tulong ko ay ang aking matalik na kaibigan, si Julie,” sabi ni Janet. “Hinayaan niya akong magsalita nang magsalita tungkol sa isang alaala. Hinayaan niya akong madama ang mga damdamin na bunga nito. Siya ay nakinig at tumugon na may pang-unawa.”

Ang pagtitiwala ay isang mapanganib na bagay, at baka akalain mong hindi ka karapat-dapat tumanggap ng tulong buhat sa iba​—o hiyang-hiya kang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa pag-abuso sa iyo. Subalit ang isang tunay na kaibigan ay “ipinapanganak kapag may kasakunaan” at maaaring magbigay ng mahalagang tulong kung bibigyan mo siya ng pagkakataon. (Kawikaan 17:17) Gayunman, maging mapili kung sino ang iyong pagtatapatan. Matutong isiwalat ang iyong mga pagkabahala nang unti-unti. Kung ang kaibigan ay madamayin at maingat, kung gayon maaari mong ipagtapat ang higit pang impormasyon.

Nakatutulong din na alagaan mong mabuti ang iyong katawan. Magkaroon ng sapat na pahinga. Mag-ehersisyo nang katamtaman. Panatilihin ang nakapagpapalusog na pagkain. Hangga’t maaari, gawing simple ang iyong buhay. Umiyak ka. Ang kirot ay maaaring para bang walang katapusan, subalit paglipas ng ilang panahon ito ay huhupa. Tandaan: Naranasan mo ang pag-abuso bilang isang walang kayang bata​—at nakayanan ito! Bilang isang adulto, mayroon kang lakas na wala noong ikaw ay bata. (Ihambing ang 1 Corinto 13:11.) Kaya harapin ang iyong masasakit na alaala at itigil mo ang pag-apekto nito sa iyo. Umasa ka sa Diyos para sa lakas. Sabi ng salmista: “Gaano man karami ang kabalisahan sa puso ko, ang iyong mga pag-aliw ay nagpaginhawa sa akin.”​—Awit 94:19, The New Jerusalem Bible.

Pag-aalis ng Pagkadama ng Pagkakasala at Kahihiyan

Ang pagwawakas sa pagsisisi-sa-sarili ay isa pang mahalagang atas ng paggaling. “Kahit na ngayon ay mahirap pa rin para sa akin na isiping ako’y walang-sala,” sabi ng isang biktimang nagngangalang Reba. “Nagtataka ako, bakit hindi ko siya pinigil?”

Gayunman, isaisip na ang mga mang-aabuso ay gumagamit ng maka-diyablong mga paraan ng pamimilit: awtoridad (‘Ako ang tatay mo!’), pagbabanta (‘Papatayin kita kung sasabihin mo kaninuman ang ginagawa ko!’), malupit na pamimilit at pangongonsensiya (‘Kung magsusumbong ka, mabibilanggo si Tatay.’). Kabaligtaran naman, ang iba ay gumagamit ng magiliw na panghihikayat o mga regalo at mga pabor kapalit ng seksuwal na mga gawa. Ang iba naman ay maling kinakatawan ang seksuwal na mga gawain bilang isang laro o bilang pagmamahal ng magulang. “Sabi niya na ito raw ang ginagawa ng mga tao kapag sila’y nagmamahalan sa isa’t isa,” gunita ng isang biktima. Paano nga matatanggihan ng isang munting bata ang gayong emosyonal na pananakot at panlilinlang? (Ihambing ang Efeso 4:14.) Oo, ang mang-aabuso ay walang malasakit na pinagsasamantalahan ang bagay na ang mga bata ay walang kaya, mahina, “mga sanggol sa kasamaan.”​—1 Corinto 14:20.

Marahil, bilang susunod na hakbang sa paggaling, kailangang ipaalaala mo sa iyong sarili kung gaano kahina at kawalang kaya ka noon bilang isang bata. Maaaring gumugol ka ng panahon na kasama ng ilang maliliit na bata o manood ka ng mga larawan mo noong ikaw ay bata pa. Ang maalalaying mga kaibigan ay maaari ring tumulong sa pagpapaalala sa iyo lagi na ang pag-abuso ay hindi mo kasalanan.

Gayumpaman, ganito ang sabi ng isang babae: “Suklam na suklam ako kapag naaalaala ko ang mga damdaming pinukaw ng tatay ko sa akin.” Nagunita ng ilang biktima (58 porsiyento sa isang pag-aaral) na naranasan nila ang seksuwal na pagkapukaw sa panahon ng pag-abuso. Mauunawaan naman, ito ang nagdulot sa kanila ng labis na kahihiyan. Gayunman ang aklat na Surviving Child Sexual Abuse ay nagpapaalaala sa atin na “ang pisikal na pagpukaw [ay] ang siyang kusang [pagtugon] ng katawan kapag ito’y nahihipo o pinupukaw sa ilang paraan” at na ang bata ay “walang kontrol sa pagkapukaw na ito.” Ang mang-aabuso lamang sa gayon ang may ganap na pananagutan sa kung ano ang nangyari. WALA KANG KASALANAN!

Magkaroon ka rin ng kaaliwan, sa pagkaalam na ikaw ay minamalas ng Diyos na “walang sala at walang malay” sa bagay na iyon. (Filipos 2:15) Darating ang panahon ang anumang simbuyong magsagawa ng gawaing sumisira-sa-sarili ay maaaring mabawasan, at matututuhan mong mahalin ang iyong sariling laman.​—Ihambing ang Efeso 5:29.

Pagtanggap sa Iyong mga Magulang

Baka ito ay maging isa sa pinakamahirap na atas ng paggaling. Ang iba ay patuloy na puno ng galit, mga guniguning paghihiganti​—o pagkadama ng pagkakasala. Isang biktima ng pang-aabuso ay nagsabi: “Ako’y nanlulumo sapagkat naiisip ko na inaasahan ni Jehova na patawarin ko ang umabuso sa akin, at hindi ko magawang patawarin siya.” Sa kabilang dako, maaaring ikaw ay takot na takot sa umabuso sa iyo. O maaaring ikaw ay nagagalit sa iyong ina kung hindi niya pinansin ang pang-aabuso o tinanggihan o nagalit nang ang pang-aabuso ay mabunyag. “Sinabi sa akin ng nanay ko na kailangang bigyan ko ng palugit ang [aking tatay],” mapait na gunita ng isang babae.

Natural lamang na makadama ng galit kapag ang isa ay dumanas ng pang-aabuso. Gayumpaman, ang buklod ng pamilya ay maaaring matibay, at ayaw mong ihinto ang lahat ng pakikitungo mo sa iyong mga magulang. Baka handa ka pa ngang isaalang-alang ang isang pakikipagkasundo. Gayunman, ang malaking bahagi ay depende sa mga kalagayan. Kung minsan nais patawarin nang lubusan ng mga biktima ang kanilang mga magulang​—hindi pinapatawad ang pag-abuso, kundi tinatanggihang malipos ng hinanakit o makontrol ng takot. Pinipiling iwasan ang emosyonal na paghaharap, ang ilan ay kontento na ‘tumahimik’ at kalimutan na lamang ito.​—Awit 4:4.

Gayunman, maaaring akalain mo na ang mga bagay ay maaaring malutas lamang sa pamamagitan ng pagkompronta sa iyong mga magulang sa pang-aabuso​—nang personal, sa pamamagitan ng telepono, o sa pamamagitan ng sulat. (Ihambing ang Mateo 18:15.) Kung gayon, tiyakin mo na ikaw ay nakabawi na​—kahit paano ay may sapat na alalay—​upang mabata mo ang emosyonal na unos na maaaring sumabog. Yamang kaunti lamang ang magagawa ng pagsisigawan sa isa’t isa, sikapin mong maging matatag ngunit mahinahon. (Kawikaan 29:11) Maaari kang magsimula sa pagsasabi ng (1) kung ano ang nangyari, (2) kung paano ka naapektuhan nito, at (3) kung ano ang inaasahan mo sa kanila ngayon (gaya ng paghingi ng tawad, pagbayad sa doktor, o mga pagbabago sa paggawi). Sa paano man, ang paglalahad ng problema ay maaaring makatulong upang alisin ang anumang nagtatagal na mga damdamin na ikaw ay walang lakas. At maaari pa ngang gawing posible nito ang bagong kaugnayan sa iyong mga magulang.

Halimbawa, maaaring kilalanin ng tatay mo ang pang-aabuso, at magpahayag ng taos na pagsisisi. Maaari rin siyang gumawa ng taimtim na pagsisikap na magbago, marahil ay sa pagpapagamot ng pagkasugapa sa alak o sa pag-aaral ng Bibliya. Ang iyong nanay ay maaari ring humingi ng tawad sa iyo dahil sa hindi ka niya napangalagaan. Kung minsan ito ay maaaring magbunga ng ganap na pagkakasundo. Gayunman, huwag kang magtaka kung ikaw ay nag-aalangan pa sa iyong mga magulang at pinipili mong huwag magmadali sa malapit na kaugnayan sa kanila. Kung sa bagay, sa paano man ay maaari mong ibalik ang makatuwirang pakikitungo sa pamilya.

Sa kabilang dako, ang komprontasyon ay maaaring pagmulan ng maraming pagkakaila at paglait mula sa mang-aabuso at sa iba pang miyembro ng pamilya. Masahol pa, baka matuklasan mo pa na siya ay isa pa ring banta sa iyo. Ang pagpapatawad kung gayon ay baka hindi pa angkop, sa panahong iyon imposible pa ang malapit na kaugnayan.​—Ihambing ang Awit 139:21.

Anuman ang mangyari, maaaring kumuha ng mahaba-habang panahon bago mabawasan ang iyong nasaktang damdamin. Baka kailanganin mong paulit-ulit na ipaalaala sa iyong sarili na ang pangwakas na katarungan ay sa Diyos. (Roma 12:19) Ang pakikipag-usap ng mga bagay sa isang madamaying tagapakinig o ang pagsulat ng iyong mga damdamin ay maaaring makatulong sa iyo na maunawaan ito sa pamamagitan ng paglalabas ng iyong galit. Sa tulong ng Diyos mauunawaan at mapagtatagumpayan mo ang iyong galit. Sa paglipas ng panahon, ang nasaktang mga damdamin ay hindi na mangingibabaw sa iyong pag-iisip.​—Ihambing ang Awit 119:133.

Isang Espirituwal na Paggaling

Wala tayong sapat na lugar sa magasing ito upang talakayin ang lahat ng emosyonal, paggawi, at espirituwal na mga usaping nasasangkot. Kailangan lamang sabihin ng isa na malaki ang magagawa mo upang gawing madali ang iyong paggaling sa pamamagitan ng “pagbabago ng inyong pag-iisip” sa tulong ng Salita ng Diyos. (Roma 12:2) ‘Tanawin ang mga bagay sa hinaharap,’ pinupunô ang iyong buhay ng espirituwal na mga kaisipan at mga gawain.​—Filipos 3:13; 4:8, 9.

Halimbawa, maraming biktima ng pang-aabuso ang nakasumpong ng malaking ginhawa sa basta pagbabasa sa Mga Awit. Gayunman, higit pang pakinabang ang dumarating sa pamamagitan ng masikap na pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Pagdating ng panahon maaaring mabawasan ang kaigtingan sa pag-aasawa. (Efeso 5:21-33) Maaaring mawala ang mapangwasak na paggawi. (1 Corinto 6:9-11) Ang di-malusog na mga damdamin ay maaaring gumaling. (Kawikaan 5:15-20; 1 Corinto 7:1-5) Matututuhan mo rin ang pagkakatimbang sa iyong personal na mga kaugnayan at magtayo ng matibay na moral na mga hangganan.​—Filipos 2:4; 1 Tesalonica 4:11.

Matitiyak mo: Ang paggaling ay nangangailangan ng tunay na determinasyon at sukdulang pagsisikap! Gayunman, ang Awit 126:5 ay tumitiyak sa atin: “Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan.” Tandaan din, na ang tunay na Diyos, si Jehova, ay interesado sa iyong kapakanan. Siya ay “malapit sa kanila na may bagbag na puso; at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.” (Awit 34:18) Sabi ng isang biktima ng pang-aabuso: “Nang sa wakas ay matalos ko na batid ni Jehova ang lahat ng damdaming nadama ko at na siya’y nagmamalasakit​—talagang nagmamalasakit—​sa wakas ay nakadama ako ng kapayapaan sa loob ko.”

Ang ating maibiging Diyos, si Jehova, ay higit pa sa kapayapaan lamang ng isip ang iniaalok. Siya’y nangangako ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran, kung saan papahirin niya ang lahat ng alaala ng sakit ng damdamin sa pagkabata. (Apocalipsis 21:3, 4; tingnan din ang Isaias 65:17.) Ang pag-asang ito ay aalalay at magpapalakas sa iyo habang ikaw ay naglalakbay sa daan patungo sa ganap na paggaling.

[Mga talababa]

a Ang ilang alaala ay lumilitaw sa anyo ng saykosomatikong mga kirot; ang iba ay sa anyo ng mga guniguni na maaaring mapagkamalang gawain ng mga demonyo​—mga tunog ng pumapasok na walang pahintulot, gaya ng bumubukas na pinto; mga anino sa mga pasilyo at bintana; ang pagkadama ng isang di-nakikitang kasama sa kama. Ang gayong pagkabalisa ay karaniwang humihinto kapag ganap na lumitaw ang mga alaala.

b Ang mahalagang impormasyon sa pagtulong sa mga biktima ng pang-aabuso ay masusumpungan sa mga pahina 22-27 sa labas ng Abril 1, 1984, ng aming kasamang babasahin, Ang Bantayan. Iminumungkahi namin na sangguniin ng lahat ng matatanda sa kongregasyon ang labas na iyon at maingat na bigyan-pansin ang anumang kaso na isinasangguni sa kanila.

[Kahon sa pahina 9]

Mga Paraan ng Paggaling

◻ Pag-alaala at pagkilala sa pag-abuso

◻ Pagdalamhati sa pag-abuso

◻ Pakikipag-usap ng mga damdamin sa isang madamaying tagapakinig

◻ Pagtatagumpay sa pagkadama ng pagkakasala at kahihiyan

◻ Pagtanggap sa mga magulang

◻ Pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya upang baguhin ang mapangwasak na mga gawi

◻ Pagpapagaling sa di-mabuting seksuwal na mga damdamin

◻ Pagkakaroon ng mahusay na personal at moral na mga hangganan

◻ Pagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos at sa kapuwa mga Kristiyano

[Kahon sa pahina 10]

Paglalabas sa Nakaraan

Ang mga alaala ay karaniwang inilalabas mula sa isipan sa loob ng mga linggo, buwan, o mga taon, bawat lumalabas na alaala ay nagdadala ng pansamantalang krisis. Ang The Right to Innocence ay nagsasabi na kung minsan “akala mo ika’y dumaranas ng sagabal. Hindi. Bumubuti ang iyong kalagayan. Sa katunayan, nagkamit ka ng lakas na kailangan mo upang maharap ang mas malalim, mas masakit na mga damdamin at kabatiran.” Gayunman, taglay ang mabuting pangangatuwiran, ang paggaling ay maaaring pansamantalang maging pinagkakaabalahan ng isang tao.​—Kawikaan 18:14.

Nasumpungan ng ilang biktima na kapaki-pakinabang na basahin o pakinggan ang mga pahayag ng iba pang biktima. Ang pagtingin sa mga larawan ng pamilya at mga rekuwerdo noong kabataan, pagdalaw sa mga lugar na pinuntahan mo noong kabataan, at pakikipag-usap sa matulunging mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya ay maaari ring makapagpabalik ng mga alaala. Lalo ng mabisa ang mga pagsasanay sa pagsulat. Itinatala ng ilang biktima ang lahat ng kanilang natatandaan sa kanilang trauma sa isang aklat. Detalyadong ipinahahayag naman ng iba ang kanilang mga damdamin sa isang liham sa nag-abuso sa kanila​—isa na hindi ipinadadala—​na kadalasang gumaganyak ng higit pang mga alaala. Ang panalangin din ay isang makapangyarihang kagamitan sa paggaling. Tulad ng salmista ikaw man ay makapananalangin: “Siyasatin mo ako, at alamin mo ang aking mga pag-iisip, at tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.”​—Awit 139:23, 24.

[Larawan sa pahina 8]

Ang pagharap sa nakaraan at pagtutugma-tugma muli ng mga pangyayari ay maaaring maging isang hakbang sa paggaling