Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkalugas ng Buhok Ang artikulong “Alopecia—Pananahimik Dahil sa Pagkalugas ng Buhok” (Abril 22, 1991) ay nakaakit lalo na sa akin. Nagsimulang malugas ang buhok ko noong ako’y anim na taon at kalahati. Ito’y nakahihiya sa umpisa, subalit ang aking mga kaibigan at ang mga tao sa pangkalahatan ay napakabait at maibigin. Ako’y 64-anyos na ngayon at kailanman ay hindi ko naunawaan ang dahilan ng pagkalugas ng aking buhok hanggang mabasa ko ang inyong artikulo. Maraming-maraming salamat.
R. W., Estados Unidos
Ako po’y isang 16-anyos na babae, at ako po’y may alopecia sapol noong ako’y 10. Tinukso ako ng aking mga kaeskuwela sa pamamagitan ng pagtawag sa akin ng mga pangalan at pag-alis sa aking peluka. Ito ay nangpangyari sa akin na malungkot at manlumo. Subalit ipinakita sa akin ng inyong artikulo kung paano mapagtatagumpayan ito sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova. Umaasa rin ako na mababalik ang buhok ko sa kaniyang bagong sanlibutan.
C. B., Estados Unidos
Tsismis Salamat sa inyong artikulong “Tsismis—Kung Paano Iiwasang Masaktan.” (Hunyo 8, 1991) Dumating ito sa panahong kailangang-kailangan ko ito. May problema ako sa isang babae na dati’y matalik kong kaibigan, at ikinakalat niya ang nakapipinsalang tsismis tungkol sa akin. Ang inyong artikulo ay talagang nakatulong sa akin na maging maunawain at pagtagumpayan ito.
M. P., Estados Unidos
Pag-alembong Regular akong tumatanggap ng Gumising! Subalit sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Pag-alembong?” (Mayo 8, 1991) ang palagay ko’y medyo napakahigpit naman ninyo. Wala namang masama sa paghiling ng batang lalaki kay Sarah na maupo sa tabi niya. At por Diyos por santo, masama bang ngumiti sa isa na hindi kasekso? Dapat bang pagngalitin mo ang iyong ngipin sa pagsasabing ‘layuan mo ako’?
W. T., Estados Unidos
Ang insidente tungkol sa kabataang si Sarah ay malinaw na nagsasangkot ng pagkalantad niya sa araw-araw na dosis ng di-naiibigang atensiyon. Mauunawaan naman, nasusumpungan niya itong nakababalisa. Tungkol naman sa pagngiti, nililiwanag ng artikulo na “walang masama sa pagiging palakaibigan.” Oo, malaki ang kaibhan sa pagitan ng isang palakaibigang ngiti at ng “kiming ngiti” na binabanggit ng artikulo.—ED.
Mga Crossword Puzzle Salamat sa crossword puzzle sa labas ng Hunyo 8, 1991. Samantalang dinadalaw ang aking lolo’t lola, sinimulan ko ang pagsagot sa puzzle. Subalit habang ginagawa ko ito, tinanong ako ng aking lolo kung maaari ba raw siyang tumulong. Nagulat ako! Si lolo ay hindi kailanman interesado sa Bibliya. Gayumpaman, binasa niya ang mga kasulatan, at binasa ko naman ang mga himaton. Pagkalipas ng mga sampung minuto, dumating ang tiya ko at nagtanong kung maaari rin ba siyang tumulong sa puzzle. Dati-rati ang Bibliya ay isang bawal na paksa sa tahanan ng aking lolo’t lola—hindi na ngayon!
A. J., Inglatera
Ang mga Bagà Ako’y naudyukang sumulat sa inyo pagkatapos kong mabasa ang artikulong “Ang mga Bagà—Isang Kababalaghan ng Disenyo.” (Hunyo 8, 1991) Noon lamang isang araw, ang aking tiya ay namatay dahil sa kanser sa bagà. Pinalaki ng artikulo ang aking pagpapahalaga sa kababalaghan ng katawan. Madali rin itong unawain at nakatulong ito sa akin na makita ang pangangailangan na alagaan ang aking mga bagà at huwag dumhan ito ng mga bagay [na gaya ng tabako].
C. G., Estados Unidos
Pangangalaga sa mga May Edad Inalagaan ko ang aking itay, na may malubhang karamdaman. Ang aking mga kapatid ay hindi tumulong kundi magsabing, ‘Malakas ka. Kaya mo ito’ o, ‘Dapat sana’y tiningnan mo ang posibilidad ng isang nursing home noon pa.’ Nakadama ako ng pagkaawa sa aking sarili, batid ko na ang aking mga pagkakataon sa pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ay lumipas na. Nagsimula pa nga akong magkaroon ng mga suliranin sa damdamin. Subalit ang mga serye ng “Iginagalang Mo ba ang mga May Edad?” (Marso 22, 1991) ay nagbigay sa akin ng kaaliwan at lakas na kailangan upang ako’y makapagtiis.
S. B., Estados Unidos