Ang Maya—Kaibigan o Kaaway?
Ang Maya—Kaibigan o Kaaway?
KALILIPAT lamang ng bagong mga kapitbahay. Pinaaalis ang dating mga maninirahan at itinataboy ang sinumang usyosong nagmamasid, sila’y nanahimik sa pang-araw-araw na gawain na pagpapalaki at pagpapakain ng pamilya.
Ang kanilang pangalan, maya, ay ikinakapit sa iba’t ibang ibon, subalit pangkalahatang tumutukoy ito sa mga miyembro ng pamilyang weaver (manghahabi). Ang mga maya ay karaniwang maliit, hindi pansining ibon na may abuhin, kayumanggi, at itim na balahibo. Ang marami ay mahuhusay na mang-aawit.
Gayunman, marahil ay hindi mo pipiliing kapitbahay ang mga maya. Sapagkat bagaman sila’y hinahangaan ng ilan sa kanilang tibay-loob at pakikibagay, ang mumunting ibon na ito ay naging di-popular sa ilang dako.
Kung Bakit Itinuturing na Kontrabida
Ang mayang bahay (Passer domesticus), o mayang Ingles, ay dinala mula sa Europa tungo sa Hilagang Amerika noong 1851 sa pag-asang aalisin nito sa mga punungkahoy ang mapanirang uri ng gamugamo (cankerworm). Gayunman, agad napag-alaman ng mga maya na ang paninirahan sa malapit sa lungsod ay mas madali kaysa paninirahan sa lalawigan. Kaya sa halip na kainin ang mga insekto, binalingan nila ang pagkain ng mga tirang pagkain at di-nagtagal ay naging dalubhasa na sa sining ng pagsalakay sa mga basurahan. “Ang kahusayan sa pakikibagay at pagkaagresibo” ng mayang bahay, sabi ng aklat na North American Birds, “ay kasuwato ng katangian ng mabalahibong mandarayuhang gaya ng dagang kayumanggi, at dagang itim, at ng dagang bahay.”
Ang mga maya ay nagtatayo ng kanilang magulo, maruming tahanan sa bawat sulok at tagong dako. Mga balahibo, lana, at itinapong basahan ay kabilang sa mga materyales na naiibigan nila sa paggawa ng pugad. Kadalasa’y itinataboy nila ang katutubong mga ibon at kinukuha ang kanilang mga pugad, inaalis ang mga itlog ng napaalis na mga naninirahan. Isa pa, ang mga maya ay mapanira sa sarisaring prutas, at kinakain nila ang nahihinog na mga binhi at ang malambot, murang mga gulay.
Sa Brazil, kung saan ang mayang bahay ay sadyang ipinakilala, hindi lamang nito pininsala ang mga pananim kundi itinaboy rin nito ang kaibig-ibig na ibong tico-tico. Kasinlaki at kakulay ng maya, ang tico-tico ay palakaibigan, kapaki-pakinabang na ibon na pinapatay ang mga insektong pumipinsala sa mga ani.
Nag-aadyang mga Katangian
Gayunman ang mga maya ay maibigin-sa-katuwaan na mga ibon na sumisiyap at humuhuni, at maraming tao ang nasisiyahang masdan sila habang sila’y lilipad-lipad mula sa kanilang dapuan tungo sa lupa at pabalik. Isang nagmamasid-ng-ibon ay nagsabi: “Mayroon kaming mga pitong pugad ng maya na malapit sa aming bahay. . . . Isang pangkat ng mga ibon ang masusumpungang sabay-sabay na naglalaro sa tubig, nagbubungguan sa isa’t isa sa paggawa niyaon. Ang iba ay lipos ng tuwa. Sila’y sumisisid at pumipilantik, at kakawag-kawag, hinihimulmol ang kanilang mga balahibo hanggang sa ito’y mabasa. Pagkatapos, sila’y lulukso sa bakod, pupunasan ang kanilang mga tukâ, ipapagpag ang kanilang mga sarili na gaya ng ginagawa ng isang aso, aaninagin ang tubig sa ibaba at sisisid na muli. Ito ay maaaring magpatuloy ng marahil isang oras, at saka sila lilipad upang magbalik lamang pagkalipas ng isa o dalawang oras.” Kung minsan ang mga maya ay makikita ring naliligo sa alabok sa tuyong lupa sa kahabaan ng daan o sa latag ng mga bulaklak.
Kawili-wili, ang mga maya ay binabanggit sa Bibliya. Dalawang beses, ginamit ni Jesus ang hindi gaanong mahalagang mga ibon na ito upang ilarawan ang maibiging pangangalaga ng Diyos. Nang sinusugo ang kaniyang 12 apostol na mangaral, tinanong sila ni Jesus: “Hindi baga ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera?” at pagkatapos ay ipinaliwanag niya: “Gayunman kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama. Kaya huwag kayong matakot: higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” Nang maglaon sa kaniyang ministeryo, inulit ni Jesus ang ilustrasyong ito, sa gayo’y idiniriin na yamang hindi nakalilimutan ng Diyos kahit ang isang maya, hindi Niya kalilimutan yaong mga naglilingkod sa Kaniya.—Mateo 10:29, 31; Lucas 12:6, 7.
Maliwanag, pinahahalagahan ng Diyos na Jehova ang lahat niyang mga nilalang, kapuwa maliit at malaki. At bagaman ang mga katangian ng ilang nilikha ay maaaring hindi laging nagpapamahal sa kanila sa atin, ang marami at sarisaring anyo ng nabubuhay na bagay ay nagpapabanaag sa karunungan ng ating Dakilang Manlalalang.—Awit 104:24.