Apektado ng Kasaysayan ng Mexico ang Relihiyon Nito Ngayon
Apektado ng Kasaysayan ng Mexico ang Relihiyon Nito Ngayon
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Mexico
ANG pagdalaw sa napakalaking Pambansang Museo ng Antropolohiya sa Lungsod ng Mexico ay nagsisiwalat kung paanong ang relihiyong Katoliko na isinasagawa sa Mexico ngayon ay apektado ng mga relihiyong pantribo ng nagdaang mga siglo.
Alam na alam ng mga estudyante ng kasaysayan kung paano ipinakilala ni Hernán Cortés at ng kapuwa mga konkistadores ang Katolisismo sa Mexico noong 1500’s. Noong panahong iyon, umiiral na roon ang tatag na mga kultura na may kani-kaniyang relihiyosong mga paniwala, gaya ng kawili-wiling ipinakikita ng mga eksibit sa Pambansang Museo.
Si Mexi ang unang diyos ng tribong Mexica, kaya madaling makita kung saan kinuha ng bansa at ng kabisera nito, ang Lungsod ng Mexico, ang pangalan nito. Itinatag ng sinaunang mga Indian na ito ang Lungsod ng Mexico noong 1325 sa isang ilang na isla ng Lawa Texcoco. Iba’t ibang tribong Indian ang bumubuo sa orihinal na populasyon. May mga Olmec, Chichimec, Aztecs, Maya, at iba pa. Ang bawat tribo ay may kaniyang sariling mga gawa ng sining, at ang mga kagibaan ng ilan sa kanilang sinaunang mga gusali, mga templo, at mga lungsod ay nananatili.
Isang Relihiyosong Pagsasama
Ang mga dumadalaw sa museo, na nasa magandang Parke ng Chapultepec, ay nagugulat na malaman ang dami ng pagsasama ng sinauna at makabagong mga paniwala ng mga tao sa Mexico. Karagdagan pa, marami ang naiintriga sa pagkakahawig ng sinaunang mga paniwala ng tribo sa mga ipinakilala ng mga konkistadores na Katoliko.
Sa bulwagang Aztec, ipinakikita ng iba’t ibang mapa ang pagtatatag sa Mexico. Mula sa mga displey ay maliwanag na ang mga Aztec ay lubhang relihiyoso. Dito ay makikita ang maraming lilok ng mga diyos at diyosa na sinamba ng mga Aztec. Isang malaking lilok, na nasa pahinang ito, ay ang diyosang si Coatlicue, na itinuturing na ina kapuwa ng mga diyos at ng mga tao. Pansinin na mayroon siyang dalawang ulo ng ahas na magkaharap, na kahalili ng ulo ng tao. Ang kaniyang saya ay binubuo ng magkapulupot na mga ahas. Wari bang ang ilan sa mga simbolismong ito ay kumakatawan sa buhay at kamatayan.
Sa pagdating ng mga konkistadores, maraming Indian ang nagsitakas tungo sa ilang na mga dako o sa kagubatan. Sa pagbukod ng kanilang mga sarili, pinanatili ng ilang pangkat ng mga Indian
ang marami sa kanilang sinaunang relihiyosong mga ideya hanggang sa araw na ito. “Halimbawa,” paliwanag ng isang giya sa museo, “ang Huichol ay naniniwala na ang araw, ang usa, at ang mais ay bumubuo ng tatluhang diyos, kahawig ng doktrinang Trinidad ng Katoliko.” Susog pa niya: “Ang mga Indian sa Estado ng Chiapas kahit sa ngayon ay sumasamba sa sinaunang mga diyos bago pa dumating ang mga Kastila, gaya ng diyos ng ulan, diyos ng lupa, at ang diyos ng hangin, at mayroon silang iba’t ibang seremonya para sa bawat isa.”Maaaring magtaka ka kung bakit marami sa Mexico ngayon ang nag-aangking mga Kristiyano gayunma’y nagsasagawa rin ng iba pang anyo ng pagsamba. Tungkol dito, isang inskripsiyon sa bulwagan na “Introduksiyon sa Etnograpya” ay nagsasabi: “Naiimpluwensiyahan ng relihiyon ang bawat aspekto ng buhay ng Indian. . . . Ang pinakamahalagang katangian ng relihiyon ng Indian ay ang pagsasama ng mga kaugaliang Katoliko sa mga kaugaliang pagano, mga natira sa mga paniwala at mga paraan ng pagsamba bago dumating ang mga Kastila. Ang Huichol, Lacandon, at Otomi ang siyang nag-ingat ng karamihan ng mga katangian bago dumating ang mga Kastila sa kanilang relihiyon; sinasamba ng [mga Huichol] ang mga diyos na kumakatawan sa araw, tubig, at apoy, at itinatago nila ang mga ito sa mga kuweba. Sinasamba pa rin ng mga Lacandon ang sinaunang mga diyus-diyusan na masusumpungan sa mga templo ng Maya.” Oo, ang pagsasama ng Katolisismo sa sinaunang paganong mga relihiyon ay karaniwan sa Mexico.
Ito’y ipinakikita pa ng mga eksibit sa Hilagang-silangang bulwagan. Sinasabi nito ang mga paniwala ng mga Yaqui, Seri, at Tarahumara. Isang inskripsiyon sa bulwagang ito ang kababasahan: “Sa kasalukuyang panahon, ang mga Yaqui ay mga taong napakarelihiyoso, at ang kanilang mga ideya ay Kristiyano bagaman ito’y binago at inangkop. Sila’y naniniwala na si Kristo ay isang Yaqui na naparito sa lupa upang iligtas sila mula sa baha, upang ibigay sa kanila ang kanilang teritoryo, upang itatag ang kanilang walong bayan, at upang bigyan sila ng Comunila (pangkat ng mga awtoridad). . . . Hindi nila ipinahihintulot ang pangungumberte ng Protestante, ni ipinahihintulot man nila ang pagkanaroroon ng isang paring Katoliko.”
Gayumpaman, gaya ng patuloy na sinasabi ng inskripsiyong ito: “Kasama sa masalimuot na mga paniwala at mahikong mga seremonya at mga natira ng relihiyon bago dumating ang mga Kastila, tinatanggap din nila ang relihiyong Katoliko. Naniniwala sila sa isang diyos na Kristiyano at kalimitang kinikilala siya bilang ang araw.”
Kung ano ang nakikita ng mga dumadalaw sa bahaging Tarahumara ay nagpapatunay pa sa pagsasama ng sinauna at makabagong relihiyosong mga paniwala. Doo’y makikita ang isang maliit na bintana na may mga krus na kahoy; isang inskripsiyon sa ilalim na nagsasabi: “Ang relihiyong Tarahumara ay bunga ng pagsasama ng mga paniwalang Kristiyano at pagano. Ang Kristiyanong paniwala ay ipinakilala noong ika-17 siglo ng mga misyonerong Franciscano. Sila’y naniniwala kay Tata Rioshi (Diyos Ama), kay Kristo Jesus, kay Everuame (ang Dakilang Ina, o Birheng Maria), at sa iba pang mga santo na mga santong patron ng ilang nayon. Lahat ay binibigyan ng katayuan na mga diyos. Ang krus ay may pantanging halaga sapagkat ito’y nauugnay sa araw at buwan at sa pagsamba sa pagiging mabunga ng lupa.”
Sa bahaging Seri, isa pang inskripsiyon ay nagpapaliwanag: “Ang relihiyong isinasagawa ng Seri ay isang pagsasama ng sinaunang mga paniwala at ng mga impluwensiyang Kristiyano.”
Marami pang makikita na nagtatampok sa relihiyosong mga paniwala ng sinaunang mga maninirahang Indian. Halimbawa, sa bulwagang Mesoamerica ay ang magagandang larawang nakapinta sa pader (murals) na kumakatawan sa limang kultura mula sa mga rehiyon ng Pasipiko, Baybaying Gulpo, ang Maya, ang Altiplano, at ang Mixtec. Ang mga maninirahan ay ipinakikitang sumasamba sa mais, sa jaguar, sa ahas, at sa agila—pawang itinuturing na mga diyos.
Pagkatapos dumalaw sa magandang Pambansang Museo ng Antropolohiya, ang isa ay hahanga sa dami ng sinaunang mga ritwal at mga paniwala ng sinaunang mga maninirahang Indian sa bansa na isinama sa mga ritwal at mga paniwala ng mga manlulupig na Katoliko. Gaya ng isinisiwalat ng mga eksibit, kahit na ngayon marami sa Mexico ang apektado ng mga relihiyong pantribo ng nagdaang mga siglo.