Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Napakakaunti, Napakahuli
Nakakaharap na muli ng Aprika ang taggutom—marahil ang kailanma’y pinakamatinding taggutom, ayon sa pahayagan sa Paris na Le Figaro. Tinatayang 20 milyon hanggang 29 milyong tao ang pinagbabantaan ng pagkagutom. Ang direktor ng United Nations Children’s Fund ay nagsasabi na isang daang milyong dolyar ang kinakailangan upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain. Gayunman, ang pagsamo para sa tulong ay may kaunting epekto sapagkat ito ay ipinadala nang ang pansin ng daigdig ay nakatutok sa labanan kamakailan sa digmaan sa Persian Gulf. Bunga nito, napakakaunting tulong ay dumarating nang napakahuli. Ang magasing Pranses na Le Nouvel Observateur ay nag-uulat na ang madla sa pangkalahatan ay nahirati na sa pagkakita sa mga larawan ng mga taong nagugutom anupa’t ang kalunus-lunos na taggutom ay para bang naging pangkaraniwan na lamang.
Nililitis ang Ebolusyon
Si Phillip Johnson, isang propesor sa mga kautusang kriminal sa University of California sa Berkeley sa Estados Unidos, ay malaon nang nahalina sa paraan ng pagtatanggol ng mga biyologo sa teoriya ng ebolusyon. Wari bang sila’y napakadepensibo at dogmatiko tungkol sa paksa na nais tuklasin ni Johnson “kung ano ba ang mahihinang punto na iniingatan nila.” Ang resulta ng kaniyang pananaliksik ay isang aklat, ang Darwin on Trial, na inilarawan ng The Sacramento Bee bilang “isang pagsusuri ng abugado, piraso por piraso, tungkol sa lohika at katibayan sa likuran ng teoriya ng ebolusyon.” Ganito ang buod ng pahayagan: “Si Darwin ay bumagsak.” Sinasabi ni Johnson na nasumpungan niya ang maraming iskolar, pati na ang mga biyologo, na natatakot magsalita nang hayagan laban sa ebolusyon. “Ang isang bagay na natutuhan ko mula sa karanasang ito,” sabi niya sa San Francisco Chronicle, “ay na upang itatag ang isang intelektuwal na pagkakilala at ingatan ito buhat sa pagpuna, hindi mo kailangan ang mga piitang kampo at sekretang pulis. Ang gagawin mo lamang ay sabihin na pagtatawanan ka ng mga tao at na mawawala mo ang iyong prestihiyo. Malaki ang epekto nito sa akademikong buhay.”
Ang Problema ng Finland sa Pag-inom
Ang Finland ang may pinakamaraming nakukunsumong alkoholikong inumin sa bawat tao. Sang-ayon sa pahayagang The European, sa Finland “ang mga aksidente sa trapiko na nauugnay-sa-alkohol ay dumami at ipinakikita ng bilang na ang pagkalasing ang pangunahing sanhi ng marahas na paggawi mula sa pambubugbog ng asawa hanggang sa pakikipag-away sa kalye.” Sa populasyon na mga limang milyon katao, ang Finland ay kumukunsumo ng 250 milyong litrong alkohol noong 1990. Hindi kasali rito ang 50 milyong litro ng walang-buwis na alkohol na binili o kinunsumo sa mga paglalayag sa Baltic sakay ng bapor at mga lantsa. Binanggit ng The European na ang “malakas na pag-inom ay itinuturing ng mga Pinlandes na isang paraan ng kaligtasan sa isang bansa na malamig at madilim sa halos kalahating taon.”
Ang Kabayaran ng Celibato
Ang pagpilit sa mga pari na manatiling walang asawa ay “umaakay sa mga demanda sa pagka-ama, sa mga kerida, sa dumaming gawaing homoseksuwal sa gitna ng mga klero at mga seminarista, sa kalungkutan at sa ilang mga kaso sa pedophilia (seksuwal na pag-abuso sa mga bata).” Iyon, ayon sa National Catholic Reporter, ang diwa ng isang babala na inilabas ni Joe Sternak, isang dating paring Katoliko sa arkidiosesis ng Chicago sa Estados Unidos, tungkol sa paksang celibato sa isang taunang komperensiya kamakailan. Si Sternak, na kasalukuyang sumusulat ng isang aklat tungkol sa pedophilia, ay nagpaparatang na ginagamit ng mga diosesis sa mahigit na 20 estado ang mga donasyon sa simbahan upang ibayad sa mga asunto at mga pag-aareglo sa labas-ng-hukuman sa mga kaso ng mga paring seksuwal na nag-abuso ng mga bata.
Pagpapakamatay ng mga Homosekso
Nasumpungan ng isang medikal na pag-aaral kamakailan na ang dami ng pagpapakamatay sa gitna ng mga binatilyong homoseksuwal ay di-pangkaraniwang mataas, ulat ng The Boston Globe kamakailan. Ang pag-aaral ay kinasangkutan ng 137 lalaking mga homoseksuwal at mga “silahis” na ang edad ay sa pagitan ng 14 at 21 na nakatira sa hilagang-kanluran ng Estados Unidos. Mga 30 porsiyento ng mga kasali sa pag-aaral na ito ang nagtangkang magpakamatay—marami ay sa pamamagitan ng pag-inom ng labis na gamot o sa paglalaslas ng kanilang pulso. Sa 30 porsiyentong iyon, kalahati ang nagtangkang magpakamatay ng higit sa minsan. Sang-ayon sa mga may-akda ng pag-aaral, ang bilang na ito ng pagpapakamatay ay dalawa hanggang tatlong ulit na mas mataas kaysa mga hetoroseksuwal. Bagaman ang mga mananaliksik sa pag-aaral ay hindi nagbigay ng iisang dahilan sa antas na ito ng pagsira-sa-sarili, napansin nila na marami sa mga kasangkot sa pag-aaral ay pinahihirapan ng kanila mismong homoseksuwalidad. Ang iba ay seksuwal na inabuso bilang mga bata, at ang iba ay mga may suliranin sa droga.
AIDS sa Malawi
Sang-ayon sa The Daily Telegraph ng London, ang World Health Organization ay nag-ulat kamakailan na 37 porsiyento ng populasyon ng Malawi ay nahawaan ng HIV, ang virus na nagdadala ng AIDS. Iyan ay halos tatlong milyon katao na nagdadala ng virus; mahigit na pitong libo na ang namatay dahil sa AIDS. Isang reporter para sa Telegraph ay sumusulat mula sa Blantyre, Malawi, na 90 porsiyento ng mga patutot sa bansa ay inaakalang nahawaan, kung paanong nahawaan ang halos 75 porsiyento sa army at pulis ng bansa, at mga 60 porsiyento ng mga inang nanganganak sa mga lugar na malapit sa lungsod. Dinalaw ng reporter ng Telegraph ang isang ospital sa gawing timog ng Malawi kung saan kalahati ng mga pasyente ay pinahihirapan ng mga sakit na nauugnay sa AIDS. Sulat niya: “Palibhasa’y isa lamang nars para sa bawat 100 pasyente, ang mga biktima ay napababayaang mamatay.”
Isang Nakapagpapatinong Leksiyon
Sa Estados Unidos, kung saan ang pagmamaneho nang lasing ay sanhi ng isang kamatayan sa bawat 23 minuto, ang pulisya ay bumaling sa ilang mabisang hakbang upang ikintal sa mga kabataang lumalabag sa batas ang kaselangan ng krimeng ito. Dinadala nila ang mga kabataan sa morge. Ang programa ay isinasagawa na sa loob ng ilang taon sa Los Angeles County, California, kung saan ang pagkalango sa droga o sa alkohol ay gumaganap ng bahagi sa mahigit na sangkatlo ng nakamamatay na mga aksidente sa trapiko na kinasasangkutan ng mga kabataan. Pagkatapos dalawin ang morge at ang hospital trauma center at panoorin ang kakila-kilabot na mga aksidente sa trapiko sa video, sa wakas ay napag-uunawa ng maraming kabataan ang kaugnayan sa pagitan ng sugat-sugat na mga bangkay na mga biktima ng aksidente at ng kanilang sariling paggawi. Sa 375 na mga kabataang dumaan na sa programang ito, wala ni isa man ang muling nagwakas sa hukuman. May mga plano na paratingin ang programa sa ibayo ng bansa.
Mga Aksidente sa mga Kariton-sa-Pamimili
Ang pinakahuling report buhat sa Consumer Product Safety Commission sa Estados Unidos ay nagpapakita na 32,866 katao ang nasaktan sa mga aksidente na kinasasangkutan ng mga kariton sa pamimili sa tindahan ng groseri. Mahigit na 58 porsiyento nito ay mga bata. Sang-ayon sa The New York Times, “mahigit na 19,000 mga bata na 4 na taon o wala pa ang nangailangan ng emergency room na paggagamot para sa mga pinsala.” Natuklasan ng mga mananaliksik na karamihan ng mga kaso ng nasaktang mga bata ay nangyari kapag iniiwan ng mga magulang ang kanilang mga anak na walang tumitingin o sa mga kariton sa pamimili.
Garing Mula sa mga Mammoth
Nang ang mga elepante ay ilagay sa listahan ng mga nanganganib-malipol na uri, humina ang pandaigdig na kalakalan ng garing. Gayunman, sa halip na harapin ang pagkalipol nila mismo, ang mga negosyante ng garing ay nakasumpong ng isa pang pinagmumulan ng materyales: ang mabalahibong mga mammoth (isang uri ng elepante). Ang napakalaking mabalahibong hayop na ito ay marami sa gawing hilaga hanggang sa ito ay malipol libu-libong taon ang nakalipas. Subalit ayon sa The Wall Street Journal, ang mga eksperto ay nanghuhula na may mga sampung milyong mammoth na nananatiling ilado sa yelo at permafrost sa Siberia; karaniwang makikita ang mga ito na gumugulong, na buo pa rin, mula sa naaagnas ng mga bambang ng ilog at palipat-lipat na yelo sa Artiko. Pinuputol ngayon ng mga mang-uukit ng garing ang mga pangil ng mammoth, at biglang tumaas ang presyo ng garing ng mammoth. Gayunman, ang mga conservationist ay nag-aalala na sa pagpapanatiling buháy sa kalakalan ng garing ay lalo lamang magsasapanganib sa natitirang buháy na mga elepante.
Makapagpapasiya ba ang mga Tinedyer?
Ang mga kabataang tinedyer ba ay may sapat nang gulang upang gumawa ng mga pasiya tungkol sa kanilang sariling medikal na paggamot? Ang tanong na ito ay kadalasang bumabangon kapag ang tinedyer na mga Saksi ni Jehova ay tumangging pasalin ng dugo. Bagaman maaaring akuin ng ilang legal at medikal na mga propesyonal na ang sagot ay karaniwan ng hindi, iba naman ang ipinahihiwatig ng isang pag-aaral kamakailan na isinagawa ng Carnegie Council on Adolescent Development. Sang-ayon sa magasing Science, inihambing ng pitong pag-aaral kung paano pinakitunguhan ng mga tinedyer at ng may kabataang mga adulto ang tunay at haka lamang na medikal na mga kalagayan. Nasumpungan ng mga mananaliksik na may kaunting pagkakaiba sa mga kakayahang gumawa-ng-pasiya ng “mga tinedyer na kasimbata ng 14 o 15 anyos” kung ihahambing sa may kabataang mga adulto (mula 18 hanggang 25 anyos). Sila’y nagpakita ng “kahustuhan at ‘de-kalidad’ na pangangatuwiran” gaya niyaong mga nakatatanda sa kanila, gaya ng nasumpungan ng pag-aaral.
Hepatitis Buhat sa Dugo
Pinatunayan ng isang pag-aaral kamakailan sa Hapón ang panganib na mahawa ng Type-C hepatitis sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. Ang uring ito ng virus ay sinasabing siyang dahilan ng kalahati ng mga kaso ng kanser sa atay at cirrhosis sa atay sa Hapón. Sang-ayon sa pag-aaral, 8.3 porsiyento ng 962 katao na tumanggap ng pagsasalin ng dugo ay nagdala ng mga virus ng Type-C hepatitis, samantalang 0.7 porsiyento lamang ng 1,870 katao na hindi tumanggap ng mga pagsasalin ang nagkaroon nito. Kataka-taka, 40 porsiyento ng mga tagapagdala ng virus ay hindi natunton nang sila ay kumuha ng pagsubok sa dugo na ginagamit ng Japanese Red Cross Society.