Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Radon—Isang Panganib sa Inyong Tahanan?

Radon—Isang Panganib sa Inyong Tahanan?

Radon​—Isang Panganib sa Inyong Tahanan?

ISANG inhinyerong nagtatrabaho sa nuklear na planta ng kuryente sa Limerick sa gawing silangan ng Estados Unidos ang nakasumpong na kahit na hindi siya pumapasok sa dako ng planta ng kuryente, ang kaniyang katawan ay nagpapatunog sa alarma na sumusubaybay sa radyasyon. Nang maging malinaw na siya ay hindi nakasasagap ng radyasyon sa loob ng plantang nuklear, ang kaniyang bahay ay sinubok, at nasumpungan na ito ang pinagmumulan ng kontaminasyon.

Isang 68-taóng-gulang na misyonerong nagpapagaling buhat sa double-bypass na operasyon sa puso ay nahihirapang madaig ang anemia bagaman siya ay tumatanggap ng paggagamot upang pagbutihin ang kalidad ng kaniyang dugo. Ang isa sa mga katanungan na itinanong ng doktor ay: “Kayo po ba’y kailanman nalantad sa radyasyon?”

“Oo,” sagot niya. “Noong maagang mga edad 20, ako’y nagtrabaho ng dalawang taon bilang isang teknisyan sa isang planta kung saan ako ay nalantad sa radon.”

“Maaaring iyan ang inyong problema,” hinuha ng doktor.

Kapuwa ang inhinyero sa nuklear na planta ng kuryente at ang lalaking pinahihirapan ng anemia ay nalantad sa isang di-nakikitang panganib, ang radon.

‘Radon. Ano ba iyan? At maaari kayang ito’y maging isang panganib sa aking tahanan? ’ maitatanong mo.

Ano ba Ito?

Ang radon, isang walang amoy, walang kulay na gas, ay isa sa anim na kemikal na elemento na kilala bilang mataas, di-kumikilos, na gas. Gayunman, ang radon ay naiiba sa lima pang radyoaktibong gas. Produkto ito ng pagkabulok ng radyoaktibong elementong radyum.

Ang radyoaktibong mga elemento ay naglalabas ng ilang sinag, o partikulo, at sa proseso ng pagkabulok, ang mga elementong ito ay nagbabago tungo sa ibang mga bagay. Kaya, ang radyoaktibong metal na uranyum sa wakas ay nagiging radyum. Kapag ang isang atomo ng metal na radyum ay naglalabas ng radyasyon, ito’y nagiging isang atomo ng radon. Ang radon naman, ay nabubulok at nagiging radyoaktibong mga produkto na kilala bilang mga anak nito.

Ang bilis ng pagkabulok ng radyoaktibong bagay ay tinatawag na kalahating-buhay nito. Ang kalahating-buhay ng radon ay wala pang apat na araw, na nangangahulugan na sa loob ng halos apat na araw, kalahati ng orihinal na radon ay nabulok na tungo sa ibang sustansiya. Sa kabilang panig, ang kalahating-buhay ng radyum ay 1,660 taon at ang uranyum ay 4,500,000,000 taon! Kaya, sa natural na kalagayan nito, ang uranyum ay mas sagana kaysa radyum sapagkat ang uranyum ay mayroong mas mahabang kalahating-buhay.

Pinagmumulan ng Problema

Sa alinmang inambatong uranyum, tiyak na laging may radyum, gayundin ng kaunting radon. Ang radyoaktibong gas na ito, na maaaring magtungo sa tahanan ng isa, ang pinagmumulan ng problema.

Ang dami ng uranyum na masusumpungan sa mga bato at lupa ay iba-iba sa bawat lugar. Ito’y nangangahulugan na sa ilang dako mas maraming radon ang maaaring unti-unting tumagas sa lupa. Kung ang radon ay makaalpas sa bukás na himpapawid, ito ay agad na maglalaho. Subalit kung ang gas ay nasa ilalim ng bahay, maaari itong masilo roon at unti-unting tumagas sa mga bitak sa sahig o sa dingding sa silong ng bahay o tungo sa mga tubo sa paagusan ng tubig palabas ng bahay.

Ang radon ay masusumpungan din sa tubig sa ilalim ng lupa, kaya ito ay maaari ring makarating sa mga tahanan sa pamamagitan ng sistema ng tubig. Ang panganib ay hindi gaanong marami mula sa pag-inom ng tubig kaysa panganib mula sa paglanghap ng gas na inilalabas mula sa tubig habang ang isa ay naghuhugas, naliligo, o nagluluto.

Inilalarawan ng karanasan ng inhinyero sa plantang-nuklear sa Limerick na nabanggit sa pasimula ang potensiyal na panganib. Ang pundasyon ng kaniyang bahay ay natuklasang ibinuhos sa isang batong naglalaman-uranyum. Ang radyoaktibidad sa kaniyang sala ay sumusukat ng 3,200 picocuries [yunit na panukat ng radyoaktibidad], samantalang ang EPA (Environmental Protection Agency) ay nagmumungkahi na ang mga hakbang ay gawin upang bawasan ang antas ng radon hanggang sa sukat na mahigit sa 4 na picocuries sa bawat litro ng hangin. a

Sang-ayon sa isang tantiya, ang pamilya na tumanggap ng gayon karaming radyasyon sa taon na itinira nila sa bahay ay parang tumanggap ng 260,000 X ray sa dibdib! Kaya, ang kanilang tsansa na magkaroon ng kanser sa bagà ay lalong malaki. Mabuti na lamang at ang pamilya ay umalis sa bahay na iyon hanggang sa ang kalagayan ay maiwasto. “Hindi ako naninigarilyo at kailanman ay hindi pa ako uminom ng inuming de alkohol kapag ako’y nagdadalang-tao,” panangis ng asawang babae. “Ngunit pagkatapos ay dinadala ko ang aking mga sanggol na tumira sa isang radyoaktibong ulap.”

Ang mataas na antas ng radyasyon ay nasumpungan din sa mga lugar sa Denmark, Pransiya, Alemanya Gresya, Italya, Netherlands, Sweden, at United Kingdom. Maraming minero ng uranyum na nalantad sa radon ay namatay dahil sa kanser sa bagà. Sa katunayan, isang manunulat para sa The New York Times ay nagsasabi: “Walang sinuman ang nag-aalinlangan sa kakayahan [ng radon] na magpangyari ng kanser sa bagà, isang sakit na pumapatay ng kalahati ng mga minero ng uranyum, na nakalanghap ng maraming produkto ng radon sa bawat araw ng trabaho.”

Gaano Kalaki ang Panganib?

Yamang ang karamihan ng radon na nilalanghap sa bagà ay inilalabas bago ito mabulok, ito mismo ay hindi naghaharap ng malaking problema sa kalusugan. Gayunman, ang “mga anak”​—ang radyoaktibong mga produkto kapag nabulok ang radon—​ay maaaring maging mapanganib. Ang mga produktong ito ay kemikal na aktibo at kumakapit sa mga alabok na maaaring manatili sa mga bagà. Kaya, ang mga himaymay ng bagà ay maaaring maapektuhan ng radyasyon. Gaya ng paliwanag ni Dr. Anthony Nero, Jr., nakatataas na siyentipiko sa Lawrence Berkeley Laboratory ng University of California: “Dahil ang mga ito [ang radyoaktibong mga produkto kung saan nabubulok ang radon] ay may maiikling kalahating-buhay, minsang magtipon sa bagà, malamang na ito ay mabulok [doon].”

Ang panganib mula sa pagkalantad sa radon sa mga tahanan ay inimbestigahan kamakailan lamang, at wala talagang nakaaalam kung ano ang ligtas na antas ng pagkalantad. Maaga sa taóng ito binawasan ng EPA ang tantiya nito ng panganib. “Dati’y tinataya namin ang hanggang 21,000 kamatayan dahil sa kanser sa bawat taon dahil sa radon at ang bilang na iyan ay marahil 16,000 ngayon,” sabi ni Dr. Richard J. Guimond, isang opisyal ng EPA. Gayumpaman, sabi niya: “Ang radon ay isa pa rin sa malaking panganib sa kalusugan na nakakaharap ng mga tao.” Gayunman, walang sinuman ang tiyakang makapagtuturo sa anumang kaso ng kanser dahil sa pagkalantad sa radon sa tahanan.

Sa katunayan, ang ilan ay naniniwala na ang pagkabahala sa radon ay isang pagpapakalabis. Si William Mills, dating hepe ng EPA, ay nagsasabi na ang bilang ng mga kamatayan dahil sa kanser na dala ng radon ay marami sapagkat ang marami sa mga kamatayang ito ay dapat na isisi sa paninigarilyo. “Ang palagay ko,” sabi niya, “ay na ang tunay na panganib mula sa radon ay sa pagitan ng sero at ilang bilang malapit sa sero.” Gayundin ang opinyon ni Roger Eaton, hepe ng isang pangkat sa kagawaran ng kalusugan at kapakanan ng gobyerno ng Canada may kaugnayan sa radon. “Ang karanasan namin,” sabi niya, “ay na ang kanser sa bagà ay isang pambihirang sakit kung walang paninigarilyong nasasangkot.”

Lalo pang pinararami ng paninigarilyo ang panganib ng radon sa mga nalalantad dito. Ang magasing Science ay nagsasabi na hindi kukulanging sampung ulit na mas marami ang panganib sa kanser sa bagà sa mga maninigarilyong nalantad sa radon. Hindi alam kung bakit mas apektado ng radon ang mga maninigarilyo kaysa hindi maninigarilyo, subalit inaakala ng ilang dalubhasa na maaaring siluin ng mga bagà na napinsala-ng-sigarilyo ang radyoaktibong mga produkto ng pagkabulok ng radon.

Ang ilang mga dako ay kilala na may matinding antas ng radon. Sa Clinton, New Jersey, sa Estados Unidos, nasumpungang ang lahat ng tahanang sinubok sa isang pamayanan ay may mataas na antas ng radyasyon ng radon. Limang tahanan ang napakataas ng antas ng radon anupa’t tinatayang ang paninirahan doon sa buong buhay nila ay magbibigay sa mga naninirahan doon ng katulad na panganib ng kanser sa bagà na gaya ng paninigarilyo ng 20 kahang sigarilyo sa isang araw!

Si Dr. Nero ay nagpapaliwanag: “Maraming tao sa mga dakong ito ang nakatira sa mga tahanang ang antas ng radon ay mahigit na 20 picocuries, mga antas na mas mataas kaysa takdang antas para sa mga minero.” Ganito ang tantiya ni Nero: “May halos 100,000 gayong mga sambahayan, at ang mga taong ito ay talagang nangangailangan ng tulong.”

Ang EPA ay nagbabala na walong milyong tirahang Amerikano ang may mga antas ng radon na marahil ay higit kaysa pederal na panuntunan na apat na picocuries sa bawat litro ng hangin. Gayunman, naniniwala ang ilang dalubhasa na sobra naman ang tantiya ng EPA sa mga tirahan na nanganganib. Kinukuwestiyon din nila ang antas ng panganib na kinakatawan ng mababang antas ng radon. Si Dr. Bernard L. Cohen, propesor ng physics at kalusugan sa radyasyon sa University of Pittsburgh, ay nagsabi: “Ang interpretasyon ko sa impormasyon ay na ang mababang-antas ng pagkalantad ay lubhang hindi mapanganib; walang epekto sa napakababang antas, gaya ng masusumpungan sa karamihan ng mga tahanan.”

Kumusta Naman ang Inyong Tahanan?

Ang panganib na inihaharap ng radon sa iyo ay pangunahin nang depende sa dami ng uranyum sa lupa na tinitirhan mo. Ang isa pang mahalagang salik ay ang uri ng lupa sa ilalim ng inyong tahanan; mas maraming radon ang pumapasok sa buhaghag na lupa kahit na kung ang nilalamang radyum sa lupa ay kakaunti.

Ang isa pang salik sa panganib ay ang paraan ng pagkakatayo ng inyong bahay. Halimbawa, maraming modernong tahanan ay itinatayo na lubhang hindi pinapasok ng hangin upang makapagtipid ng enerhiya. Kaya, ang radon na tumatagas dito ay hindi agad makaalpas. Gaya ng paliwanag ng isang opisyal ng EPA: “Mientras hindi makapasok o makalabas ang hangin sa bahay, mas mataas ang antas ng tagapagparumi.” Kaya, malamang na mas ligtas ang mas lumang mga tahanan kung saan lagus-lagusan ang hangin mula sa potensiyal na panganib ng radon.

Ang kilalang lugar sa Estados Unidos na may mataas na antas ng uranyum ay mula sa silangang Pennsylvania paibayo sa hilaga sa New Jersey at hanggang sa New York. Ang isa pa ay ang libis ng Red River sa pagitan ng Minnesota at North Dakota. Kung ikaw ay nakatira sa gayong kilalang mapanganib ng dako, makabubuting ipasuri ang hangin sa loob ng inyong bahay upang matiyak ang antas ng radon nito.

Gayunman, saanman naroon ang inyong tahanan, ang mga resulta ng pagsubok ay hindi mahulaan. Isang tahanan sa Pennsylvania ay may antas ng radon na 2,694 picocuries, subalit ang kasunod na bahay ay may antas na 3.6 lamang! Minsan pa, ang mataas na antas ng radon sa loob ng bahay ay maaaring lumabas sa mga lugar na hindi kilala na may matinding uranyum. Dahil sa pagiging di-mahulaan nito, isang direktor ng EPA ay nagsasabi: “Ang hinihiling lamang namin sa mga tao ay gumugol ng $10 hanggang $20 para sa pagsubok upang malaman kung sila ay may problema.”

Kung nagpasiya kang ipasubok ang inyong tahanan, maraming paraan ng paggawa nito. Baka gusto mong kumuha ng impormasyon buhat sa lokal na mga ahensiya tungkol sa pagkontrol sa kapaligiran. “Ang panuntunan ay para sa katamtamang pagkalantad sa mga silid na inyong tinitirhan,” sabi ni Dr. Nero. “Subalit karamihan ng pagsala ng EPA,” sabi niya, “ay ginagawa sa pamamagitan ng mga detektor na inilalagay sa mga silong ng bahay.” Idiniin din niya: “Ang pagsubaybay ay dapat tumagal ng mga buwan, at hanggang maaari’y sa loob ng isang taon.”

Makabubuting mag-ingat sa pagpili ng kompaniya na gagawa ng pagsubok, yamang ang ilan ay mas marangal kaysa iba. Mabibili rin ang mga radon detektor. Subalit ipinakikita ng mga report na may sarisaring kawastuan sa iba’t ibang modelo.

Kung pagkatapos masubok ay masumpungan mong ang inyong tahanan ay may mataas na antas ng radyasyon, ang problema ay maaaring lutasin. Marahil ang pagpapasak sa mga bitak sa mga dingding at sahig sa silong ng bahay at ang paggamit ng mga bentilador upang pagbutihin ang bentilasyon ay sapat na. Sa Clinton, New Jersey, ang pamayanang binanggit kanina kung saan ang lahat ng tahanan ay may mataas na antas ng radyasyon, ang unang sampung tahanang sinuri ay naibaba ang antas ng radyasyon sa ligtas na antas sa loob ng anim na buwan. Ang gawain na pagwawasto sa problema ay nagkahalaga ng hindi hihigit sa $1,500​—at karaniwang mas mababa pa.

Sa pambihirang mga kalagayan, gaya niyaong sa inhinyero sa plantang-nuklear, baka kailanganin ang malaking trabaho. Ang kongkretong sahig sa silong ng bahay at ang maraming lupa sa ilalim ay kailangang alisin. Ang mga pundasyon ng bahay ay tinakpan ng pantanging plastik na panghadlang sa radon, at lahat ng bitak sa kongkreto ay pinasakan ng silikon. Sa wakas, isang pantanging bentilasyon ang ikinabit. Ang pagsisikap na bawasan ang radon sa ligtas na antas ay napatunayang matagumpay, bagaman nagkahalaga ng $32,600.

Nakatutuwa naman, tila ipinakikita ng katibayan na ang banta ng radon sa mga tahanan ay hindi malawak na gaya na ikinatatakot. Subalit kung nag-aalinlangan ka tungkol sa inyong tahanan, baka nais mong ipasuri ito upang matahimik ang iyong isipan.

[Talababa]

a Ang apat na picocuries sa bawat litro ng hangin ay ipinalalagay na mapanganib-sa-kanser na katumbas ng paninigarilyo ng kalahating kahang sigarilyo isang araw.

[Mga larawan sa pahina 13]

Mga usok mula sa balon ng tubig

Mga bitak sa sahig at dingding

Maluwag na mga tubo ng paagusan ng tubig

Kung paano maaaring pumasok ang radon sa tahanan

Granito

Tubig sa balon

Mga bitak sa sahig

Butas-butas na mga bloke