Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong Para sa Nag-aagaw-Buhay sa Ating Modernong Panahon

Tulong Para sa Nag-aagaw-Buhay sa Ating Modernong Panahon

Tulong Para sa Nag-aagaw-Buhay sa Ating Modernong Panahon

NARANASAN ng babae, isang doktor mismo, ang pinakamahigpit na pagsubok. Pinagmasdan niya ang kaniyang 94-anyos na lolang namatay sa intensive-care unit ng ospital pagkatapos operahin sa kanser na “ayaw na ayaw ng lola.”

“Ang aking mga luha sa libing ay hindi dahilan sa siya’y namatay, sapagkat ang aking lola ay nabuhay nang mahaba, ganap na buhay,” sulat ng doktor. “Naiyak ako sa kirot na tiniis niya, at ang hindi pagtupad sa kaniyang mga kagustuhan. Naiyak ako sa aking ina at sa kaniyang mga kapatid, sa kanilang kawalan at kabiguan.”

Gayunman, maaaring itanong mo ang tungkol sa posibilidad ng pagtulong sa gayong taong malalâ na ang sakit. Ang doktor na ito ay nagpapatuloy:

“Higit sa lahat, naiyak ako sa aking sarili: nakonsensiya ako dahil sa hindi ko siya nailigtas sa kirot at kawalang-dangal, at nakadama ako ng kakulangan bilang isang manggagamot, walang-kayang magpagaling, walang-kayang magpaginhawa ng paghihirap. Sapagkat sa aking pagsasanay ay hindi ako tinuruang tanggapin ang kamatayan o ang pag-aagaw-buhay. Ang sakit ay kaaway​—na kailangang patuloy na labanan, sa bawat posibleng paraan. Ang kamatayan ay isang pagkatalo, isang kabiguan; ang talamak na sakit ay isang tagapagpaalaala sa tuwina sa kawalang-kaya ng manggagamot. Ang larawan ng aking lola na nakatitig sa akin na may natatakot na mga mata samantalang nasa aparato sa paghinga sa isang ICU ay laging sumasagi sa aking isip hanggang sa araw na ito.”

Nabuo ng maibiging apo na ito ang isang masalimuot na etikal, medicolegal na isyu na ngayo’y pinagtatalunan sa mga hukuman at sa mga ospital sa buong daigdig: Ano ang pinakamabuti para sa mga wala nang lunas ang sakit sa ating panahon na masulong sa teknolohiya?

Ang ilan ay may palagay na ang lahat ng posibleng paggamot ay dapat gawin sa bawat taong may sakit. Ang pangmalas na ito ay ipinahayag ng Association of American Physicians and Surgeons: “Ang obligasyon ng manggagamot sa pasyenteng comatose, parang gulay, o nasalanta ay hindi depende sa pag-asang gumaling. Ang manggagamot ay dapat na laging kumilos alang-alang sa kapakanan ng pasyente.” Ito’y nangangahulugan ng pagbibigay ng lahat ng panggagamot o medikal na tulong na maaaring gawin. Inaakala mo bang ito ang laging pinakamabuti para sa isang tao na malalâ ang sakit?

Sa maraming tao ang landasing iyon ay tiyak na kapuri-puri. Gayunman, sa nakalipas na ilang dekada, ang karanasan sa masulong na teknolohiya sa medisina ay nagbangon ng isang bago at kakaibang pangmalas. Sa isang dokumento noong 1984 na pinamagatang “The Physician’s Responsibility Toward Hopelessly Ill Patients,” isang pangkat ng sampung may karanasang mga manggagamot ang naghinuha: “Ang pag-unti ng agresibong paggamot sa pasyenteng wala nang lunas ay ipinapayo kapag patatagalin lamang ng gayong paggamot ang mahirap at hindi maginhawang proseso ng pagkamatay.” Pagkalipas ng limang taon ang mga doktor ding iyon ay naglathala ng isang artikulo na may gayunding pamagat na ang istilo’y “Isang Ikalawang Pangmalas.” Isinasaalang-alang ang problema ring iyon, sila’y gumawa ng mas payak pang pananalita: “Maraming manggagamot at mga dalubhasa sa etika . . . ay naghinuha, samakatuwid, na naaayon sa etika na alisin ang pagkain at mga likido mula sa ilang pasyenteng nag-aagaw-buhay, walang lunas ang sakit, o permanenteng walang malay.”

Hindi natin masasabing ang gayong mga komento ay basta mga teoriya o isang debate lamang na walang epekto sa atin. Maraming Kristiyano ang napaharap sa napakahirap na mga pagpapasiya sa bagay na ito. Ang isa bang mahal sa buhay na may sakit na wala nang lunas ay dapat panatilihing buháy sa isang aparato sa paghinga? Ang suwero ba o iba pang artipisyal na paraan ng pagpapakain ay dapat ikapit sa isang pasyente na may taning na ang buhay? Kapag ang kalagayan ay wala nang pag-asa, dapat bang gamitin ang lahat ng kayamanan ng isang kamag-anak, o ng buong pamilya, upang ibayad para sa paggamot, marahil sa transportasyon sa isang malayong sentro ng medisina upang tumanggap ng pinakabagong paggamot?

Walang alinlangan na kinikilala mong ang mga tanong na iyon ay hindi madaling sagutin. Bagaman nais mong tulungan ang isang kaibigan o mahal sa buhay na may sakit, kung kailangan mong harapin ang mga tanong na ito ay baka maitanong mo: ‘Ano ang patnubay ng isang Kristiyano? Ano ang makukuhang tulong? Mas mahalaga, ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa paksang ito?’