‘Ang mga Anak ay Mahalaga, Ngunit ang mga Anak na Lalaki ay Lubhang Kailangan’
‘Ang mga Anak ay Mahalaga, Ngunit ang mga Anak na Lalaki ay Lubhang Kailangan’
Taglay ang populasyon na mahigit na 850 milyon at bilang ng ipinanganganak na 31 sa bawat 1,000, nararanasan ng India ang mga 26 na milyong bagong mga sanggol na isinisilang sa bawat taon, katumbas ng populasyon ng Canada. Hindi kataka-taka na isa sa pinakaimportanteng proyekto ng gobyerno ay supilin ang mabilis na pagdami ng populasyon nito. Gaano katagumpay ito? Ano ang ilan sa mga hadlang na nakakaharap nito?
“BAGO 20, Hindi! Pagkaraan ng 30, Tiyak na Hindi! Dalawang Anak Lamang—Mabuti!” ang payo na ibinigay ng isa sa makulay na mga poster na nakahanay sa pasilyo patungo sa punong tanggapan ng pagpaplano ng pamilya sa Bombay, India. Ang isa pa ay naglalarawan sa isang balisang ina na napaliligiran ng limang anak. Ito’y nagbababala: “Huwag Magsisi sa Dakong Huli!” Ang mensahe ay mariin: Ang dalawang anak sa bawat pamilya ay sapat na. Subalit upang ito’y tanggapin ng mga tao at kumilos ayon sa rekomendasyon ng gobyerno na dalawang-anak-sa-bawat-pamilya ay hindi madali.
“Itinuturing ng mga Hindu ang isang lalaki na maligaya depende sa dami ng mga anak niya. Oo, sa mga Hindu, ang mga anak ay itinuturing na pagpapala sa bahay. Gaano man karami ang pamilya ng isang lalaki, hindi siya kailanman humihinto na mag-alay ng mga panalangin para sa pagdami nito,” sabi ng aklat na Hindu Manners, Customs and Ceremonies. Gayunman, mula sa relihiyosong pangmalas, ang batang lalaki ang mas mahalaga sa ama ng sambahayan. “Wala nang kasawiang hihigit pa sa hindi pagkakaroon ng isang anak na lalaki o isang apong lalaki na magsasagawa ng huling mga tungkulin may kaugnayan sa kaniyang libing,” paliwanag ng aklat. “Ang gayong pagkakait ay itinuturing na hadlang sa lahat ng daan patungo sa Dako ng walang kahulilip na Kaligayahan pagkamatay.”
Kailangan din ang mga anak na lalaki upang ipagpatuloy ang ritwal ng pagsamba sa mga ninuno, o sraddha. “Kahit paano ang isang anak na lalaki ay lubhang kailangan,” sulat ni A. L. Basham sa The Wonder That Was India. “Ang matinding damdamin ng pamilyang Hindu India ay pinasisidhi ang pagnanasa para sa mga anak na lalaki, na kung wala ito ay maglalaho ang angkan.”
Kasama ng relihiyosong mga paniwala, isang kultural na salik na nakaiimpluwensiya sa pagnanais para sa mga anak na lalaki ay ang tradisyunal na hugpong ng India, o ang karugtong na kaayusan ng pamilya, kung saan ang may-asawang mga anak na lalaki ay patuloy na nakikipisan sa kanilang mga magulang. “Ang mga anak na babae ay nag-aasawa at nakikipisan sa tahanan ng kanilang mga biyenan, subalit ang mga anak na lalaki ay nananatili sa bahay na kasama ng kanilang mga magulang; at inaasahan ng mga magulang na ang kanilang mga anak na lalaki ang aaruga sa kanila sa kanilang pagtanda,” paliwanag ni Dr. Lalita S. Chopra ng Bombay Municipal Corporation Health and Family Welfare Division. “Ito ang kanilang seguridad. Ang mga magulang ay nakadarama ng katiwasayan kung mayroon siyang dalawang anak na lalaki. Makatuwiran kung gayon, kung naabot na ng mag-asawa ang iminungkahing dalawang-anak na takda at ang dalawang anak ay mga babae, may posibilidad na magsisikap silang magkaroon ng anak na lalaki.”
Bagaman sa teoriya ang lahat ng mga anak ay minamalas bilang bigay-Diyos, ang mga katotohanan sa araw-araw na buhay ay iba naman ang sinasabi. “Ang medikal na pagpapabaya sa mga batang babae ay nakikita,” ulat ng Indian Express. “Ang kaligtasan nila ay hindi itinuturing na talagang mahalaga sa kaligtasan ng pamilya.” Sinisipi ng report ang isang surbey sa Bombay na nagsisiwalat na sa 8,000 di pa ipinanganganak na sanggol na inilaglag kasunod ng mga pagsubok upang alamin ang sekso ng ipinagbubuntis, 7,999 ay mga babae.
Isang Mahirap na Pagpupunyagi
“Sa isang pamilya, ang lalaki ang karaniwang nagpapasiya kung gaano karami ang magiging anak at kung gaano kalaki ang pamilya,” paliwanag ni Dr. S. S. Sabnis, ehekutibong opisyal ng kalusugan sa Bombay Municipal Corporation, sa isang panayam. Kahit na kung nais takdaan ng babae ang kaniyang pamilya, siya’y ginigipit ng kaniyang asawa na maaaring laban dito. “Ito ang dahilan kung bakit kami’y nagpapadala ng lalaki-babaing mga pangkat sa bawat tahanan sa mga slum sa pag-asang makakausap ng lalaking manggagawa sa kalusugan ang ama ng tahanan at himukin siyang takdaan ang laki ng pamilya, tinutulungan siyang makita na maibibigay niya ang mas mabuting pangangalaga sa mas kaunting mga anak.” Subalit gaya ng nakikita namin, marami ang mga hadlang.
“Sa mas mahihirap na tao, ang dami ng batang namamatay ay mataas dahil sa mahirap na mga kalagayan sa buhay,” sabi ni Dr. Sabnis. “Kaya nariyan tiyak ang pagnanais na magkaroon ng maraming anak, palibhasa’y nalalaman nila na ang iba ay mamamatay.” Subalit kaunti lamang ang ginagawa upang pangalagaan ang mga bata. Ang mga bata’y pagala-gala na hindi binabantayan, nagpapalimos o marahil ay namumulot ng pagkain sa basura. At ang mga magulang? “Hindi nila nalalaman kung saan naroon ang kanilang mga anak,” panangis ni Dr. Sabnis.
Ang mga anunsiyo sa India ay kadalasang naglalarawan ng isang maligaya, mukhang-matagumpay na mag-asawa na nasisiyahan sa buhay kasama ng kanilang dalawang anak, karaniwang isang lalaki at isang babae, na maliwanag na alagang-alaga. Dito sa bahaging ito ng lipunan—ang kalagitnang klase—na ang ideya ng dalawang-anak ay karaniwang tinatanggap. Subalit ang ideyang dalawang-anak ay malayo sa isip ng mahihirap, na nangangatuwiran, ‘Kung ang aming mga magulang o mga ninuno ay nagkaroon ng 10 o 12 anak, bakit kami ay hindi puwede? Bakit kailangang takdaan kami sa dalawa?’ Dito sa mga dukha ng India mahirap ang laban tungkol sa pagsupil sa populasyon. “Ang populasyon ay bata ngayon at nasa edad ng pag-aanak,” sabi ni Dr. Chopra. “Waring ang kalalabasan ay hindi kaaya-aya. Pagkalaki-laki ng gawaing nasa unahan natin.”